Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 3/22 p. 29-30
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagsusuri sa Dugo na May AIDS
  • Sinaunang Lunsod na Natuklasan
  • Marahas na Paggising
  • “Tagapag-ingat ng Aquarium”
  • Kakila-kilabot na Pag-aalis ng Bangkay
  • Malaking mga Pagbabago
  • “Microchips” para sa Paralisadong Paa o Braso
  • Mga Komersiyal at ang mga Bata
  • Proteksiyon Laban sa Atake Serebral
  • Elektronikong Panlaban sa Ingay
  • Subwey sa Cairo
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1988
  • Kung Paano Iiwasan ang AIDS
    Gumising!—1988
  • Sino ang Nasa Panganib?
    Gumising!—1986
  • Ang “Chip”—Saligang Gamit sa Elektronik Ngayon
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 3/22 p. 29-30

Pagmamasid sa Daigdig

Pagsusuri sa Dugo na May AIDS

Sandaling panahon lamang ang nakalipas, inakala ng mga mananaliksik na kumukuha lamang 3 hanggang 12 mga linggo upang magkaroon ng napapansing mga antibody at lumilitaw sa mga pagsusuri sa dugo ng isang taong nahawa sa nakamamatay na virus ng AIDS. Subalit pinahaba ng isang mas bagong pag-aaral sa Finland na isinagawa ng Institute of Biomedical Sciences of Tampere, sa ilalim ng pangangasiwa ng U.S. National Cancer Institute, ang tantiyang panahon na iyan. “Ang yugto ng panahon bago ang paglitaw ng mga antibody ay mas mahaba kaysa inaakala hanggang sa ngayon,” sabi ng isang mananaliksik sa pahayagang Pranses na Le Monde. “Posible pa nga na magkaroon ng negatibong resulta sa di-kukulanging 14 na buwan pagkatapos mahawa sa virus ng AIDS,” sabi pa ng ulat.

Sinaunang Lunsod na Natuklasan

Si Gene Savoy, isang manggagalugad mula sa Hilagang Amerika, ay nagpahayag noong nakaraang Agosto tungkol sa kaniyang natuklasang isang sinaunang lunsod sa Amasonang kagubatan ng Peru. Ang lunsod ay mayroong mahigit na 25,000 mga gusali, ulat ng Folha de S. Paulo. Kung ihahambing, ang kilalang Machu Picchu ng Peru, ang sinaunang kutang lunsod ng mga Incas, ay mayroon lamang halos isang daang mga gusali. Inaakala ni Savoy na ang katutuklas lamang na lunsod ay itinayo ng sibilisasyong Chachapoya, sinaunang mga maninirahan sa hilagang Peru.

Marahas na Paggising

Natuklasan ng isang 66-anyos na lalaki ang sanhi ng kirot sa kaniyang paa​—paghihilik. Gaya ng isinaysay sa New England Journal of Medicine ni Dr. Neil Shear ng Toronto, ang lalaki ay nagtungo sa kaniyang doktor na nagrireklamo tungkol sa kirot sa paa. Bagaman siya ay binigyan ng mga pildoras para mawala ang kirot, pagkaraan ng dalawang gabi siya ay ginising ng isang matinding kirot sa kalamnan ng bintí ng kaniyang kanang paa​—dahil sa pagsipa ng kaniyang asawa. “Huwag mo akong sipain diyan. Diyan nga ang sakit ng paa ko!” sabi ng lalaki sa kaniyang asawa. Ang sagot ng babae: “Naghihilik ka na naman, at diyan kita laging sinisipa upang huminto ito.”

“Tagapag-ingat ng Aquarium”

Noong dalaw niya nang nakaraang Setyembre sa kabisera ng Australia, ang Canberra, tinukoy ni Dr. Roy Pointer, direktor sa pagsasanay ng simbahan sa Britano at Dayuhang Samahan sa Bibliya, ang pundamental na kahinaan sa karaniwang mga relihiyon ngayon. Siya ay sumang-ayon sa isang nakakatawang pangungusap na “ang karamihan ng mga ministro sa Inglatera ay sinanay na maging tagapag-ingat ng aquarium sa halip na maging mangingisda ng mga tao,” ulat ng The Canberra Times. Naniniwala siya na ang karaniwang ministro ay kinakailangang “mag-isip sa mga terminong misyonero” at na ang “pagkatok sa mga pinto ang siya pa ring pinakamagaling na paraan” upang maparami ng simbahan ang mga membro nito. Kapuna-puna, ginamit niya ang mga Saksi ni Jehova bilang isang halimbawa ng paglago “dahilan sa pagkatok sa pinto.”

Kakila-kilabot na Pag-aalis ng Bangkay

Pinagpipitaganan ng mga Hindu bilang sagradong ilog, ang Ganges ay pinaliliguan ng angaw-angaw na mga maninirahan sa India taun-taon. Gayunman, nitong nakalipas na mga taon, ito rin ang naging tapunan ng mga bangkay. Ang mga kamag-anak na napakahirap upang bayaran ang mataas na halaga ng pagsunog sa patay (cremation) ay gumagamit sa Ganges bilang tapunan ng bangkay ng kanilang mga mahal sa buhay, sa gayo’y dinudumhan ang “sagradong” mga tubig nito. Sang-ayon sa New Zealand Herald, upang sugpuin ang nabubulok na mga bangkay na nagpaparumi sa ilog ang pamahalaan ng India ay nagpaplanong maglagay ng mga buwaya sa Ganges bilang isang mabisang paraan ng pag-aalis sa mga bangkay.

Malaking mga Pagbabago

Ang mga kabataang Haponés ay bumibili ng kanilang sariling mga libingan at mga lapida. Bakit ang paggastos na ito sa isang lupain kung saan ang mga tao ay tradisyunal na inililibing sa isang libingan ng pamilya? Ang pangunahing dahilan, sang-ayon sa mga bumibili mismo, ay na pagkamatay nila nais nilang maging malaya sa pamilya, lalo na sa mga ninuno na hindi man lamang nila nakikilala. Ang bagong kausuhang ito ay nakasisiya sa mga opisyal ng sementeryo, na nasusumpungan ang kanilang mga sarili na nagbibili ng mas maraming loteng libingan. Ang mga gumagawa ng mga lapida ay nakisama sa kausuhan at gumagawa ng makabagong mga lapida na yari sa di-kinakalawang na bakal, ceramics, o anumang materyales na mabili. Sa Osaka ang katamtamang halaga ng libingan at lapida ay umaabot ng 3.5 milyon yen ($28,000, U.S.). Ang Buddhist Information Center ng Tokyo, isang paglilingkod na nagpapayo, ay nagdadalamhati: “Sa aming mga konsultasyon, damang-dama namin ang panghihina ng mga kaugnayang pampamilya, kahit na sa pagitan ng mga asawang lalaki at babae, ng mga magulang at mga anak.”

“Microchips” para sa Paralisadong Paa o Braso

Sa susunod na dekada, inaasahan ng mga mananaliksik sa Stanford University sa California na makapaglalagay ng elektronikong mga chip sa mga nerbiyos ng paralisadong mga paa o braso upang isauli ang pakiramdam at komunikasyon sa utak. Ang ideya ay na ang isang maliit na elektronikong chip ay kikilos na “gaya ng isang switchboard sa telepono, iniiba ang daan ng mga hudyat sa utak na lampas sa nadurog o naputol na nerbiyos,” ulat ng magasing Equinox. Dahil sa naipakita nila na ang napakaliit na mga himaymay ng nerbiyos (mga axon) “ay indibiduwal na tumutubong-muli sa mga butas ng isang angkop ang laki na inilagay na isang-milimetro-kuwadradong chip ng silicon” ito ay nagbigay ng pag-asa.

Mga Komersiyal at ang mga Bata

Ang mga bata ay hindi maingat o madaling maniwala sa mga komersiyal sa telebisyon di-gaya ng mga adulto. Ang mga bata ay mahilig maniwala sa sinasabi at mga pang-akit ng produkto na totoo at kapani-paniwala. Sa kadahilanang ito, si Dale L. Kunkel, isang lektyurer ng communication studies sa University of California, Santa Barbara, ay nagsabi sa isang komiteng pangkongreso kamakailan na dapat higpitan ng U.S. Federal Communications Commission ang dami ng mga komersiyal na pinupuntirya ang mga bata. Sinabi ni Kunkel na ang mga tuklas ng pananaliksik ay naghaharap ng malakas na katibayan na ang mga batang wala pang limang taóng gulang ay “wala pang kakayahang umunawa upang makilala ang materyal na programa sa nilalaman ng pag-aanunsiyo.”

Proteksiyon Laban sa Atake Serebral

“Nakakakuha kayo ng malaking proteksiyon laban sa mga atake serebral sa pamamagitan ng pagkain ng higit na mga prutas at mga gulay,” sabi ni Dr. Louis Tobian ng University of Minnesota. Ang dahilan ay na ang karamihan ng mga prutas at mga gulay ay mayaman sa potassium, na, bagaman hindi pinabababa ang presyon ng dugo, ay hinahadlangan ang presyon na sirain ang mga arterya. Nagsasalita sa taunang miting ng American Heart Association tungkol sa mataas na presyon ng dugo, sinabi ni Tobian na ipinakikita ng mga pag-aaral sa mga hayop na ang pagkain ng karagdagang mga prutas at mga gulay araw-araw ay makababawas sa panganib ng atake serebral ng hanggang 40 porsiyento sa loob ng isang yugto ng panahon. Kabilang sa pinakamabuting pinagmumulan ng potassium ay ang saging, patatas, strawberries, at suha at katas ng dalandan.

Elektronikong Panlaban sa Ingay

Paano mo inaalis ang labis na ingay? Ang double-glazed na mga bintana, mga mapler, at mga materyales na gamit sa insulasyon ang karaniwang mga paraan. Subalit ngayon dalawang siyentipikong Britano, mga lektyurer tungkol sa acoustics sa Southampton University, ay nakatuklas ng isang pambihirang paraan​—isang panlaban sa ingay. Paano ito gumagana? Ang padron ng tunog ng isang kinayayamutang ingay ay sinusuri at isang kahawig na tunog ay elektronikong ginagawa anupa’t kapag nagtagpo ang dalawang tunog, kinakansela nila ang isa’t isa. Ang paggamit ng bagong teknolohiyang ito ay nilalayon sa mga makina ng eruplano, lalo na sa ingay ng propulsiyon ng propeler na mababa ang frequency, ulat ng The Sunday Times ng London. Ang pamamaraan ay ginagamit na upang bawasan ang “boom,” o ugong, na naririnig sa ilang mga kotse na tumatakbo nang mabilis.

Subwey sa Cairo

Noong Setyembre 27, 1987, ang unang subwey sa Aprika ay pinasinayanan sa Cairo, Ehipto. Ang pagbutas sa 4.5 kilometro-ang-haba na subwey ay kumuha ng lima at kalahating taon. Sang-ayon sa pahayagang Pranses na Le Monde, “ang mga kompaniyang [nagtatayo] ay may kabulagang sumusulong dahil sa kakulangan ng mga mapa sa ilalim ng lupa. Kinailangang salatin at ilihis ang kilu-kilometrong mga tubo at mga kable bago simulan ang pagbutas.” Kapag naabot nito ang sukdulang kapasidad nito, ang subwey sa Cairo ay makapaghahatid ng mahigit 50,000 mga pasahero sa isang oras. Ang mga maninirahan sa Cairo ay umaasang ang malupit na pagtatayong ito ay makababawas ng trapiko sa kanilang lunsod.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share