Pagmamasid sa Daigdig
Dugo at AIDS
Inilagay ng isang report kamakailan ng The Journal of the American Medical Association ang pagsasalin ng dugo bilang ikalawang pinagmumulan ng pagkahawa ng AIDS sa rehiyon ng Sentral Aprika. Tinataya ni Dr. Thomas Quinn, isang mananaliksik na kaugnay sa U.S. National Institutes of Health, na halos isang libong mga bata ang maaaring mahawaan ng virus ng AIDS sa bawat taon sa pamamagitan ng isinaling dugo. Sinasabing ang mga batang tumatanggap ng mga pagsasalin ng dugo bilang isang anyo ng emergency na paggagamot sa anemia na nauugnay-sa-malaria ay higit na nanganganib. Nagkukomento tungkol sa problema, si Dr. Quinn ay nagsabi: “Sa rehiyon, ang mga pagsasalin ng dugo ay naging ang pangalawang pinakapangkaraniwang paraan ng paghahatid, sunod lamang sa heteroseksuwal na sekso.”
Sumulong na Kaalaman Tungkol sa Buto
Isang mabisang sintetikong materyal na buto ang nagawa na sa University of Texas, ulat ng The Medical Post, ng Canada. Sinasabi ng mga siyentipiko sa pananaliksik na ang materyal, isang sintetikong hydroxyapatite na punô ng maliliit na butas, ay “talagang katulad ng natural na buto.” Ang nabubuhay na buto ay 65 porsiyentong hydroxyapatite, isang mineral na sangkap na nagbibigay ng lakas at tigas at kumikilos bilang isang molde na punô ng maliliit na butas kung saan nakabaon ang mga daluyan ng dugo, ang utak ng buto, at ang bone-synthesizing na mga selula. Naniniwala ang mga mananaliksik na ang bagong sintetikong butong ito na ihahalili sa tunay na buto ay maaaring ang tanging materyal na makakatulad sa likas na paraan ng paghahalili ng buto ng katawan. Kapag nailagay sa katawan, sabi ng Post, ang materyal ay “unti-unting uuriin ng pantanging mga selula at saka hahalinhan ng natural na buto.”
Kampeong Tandang
Si Theodor von Wolkenstein, isang Alemang tandang, ay nagtagumpay sa isang paligsahan ng pagtilaok. Sa loob ng 20-minutong panahon, ang kampeon ay tumilaok nang “di-matatalong” 45 beses, ulat ng magasing Aleman na Das Tier. Ang kaniyang pinakamalapit na kalaban ay tumilaok lamang ng 28 beses.
Problemang Tumatayong-Buhok
Isang tatlong-buwang-gulang na sanggol mula sa Chile ang nagbigay ng takot sa kaniyang mga magulang nang ang kaniyang buhok ay nagtayuan sa lahat ng direksiyon. Sang-ayon kay Iván Roa, isang patologo sa Universidad de la Frontera na sumusubaybay sa kaso, ang bata ay mayroong pambihirang sakit na tinatawag na “sintomas ng di-masuklay na buhok.” Unang nakilala noong 1973, may ilang dokumentadong kaso sa buong daigdig. Ang mga batang mayroon ng karamdamang ito ay may mga buhok na para bang “nakuryente,” sabi ng espesyalista sa buhok at balat na si Robert Crounse. “Susuklayin mo ang buhok upang dumapa, subalit ito’y muling tatayo.” Ito’y dahilan sa ang mga buhok ay humahaba nang patayo sa halip na dapa o kulot, sinasabi ni Crounse na nakakalakhan ito ng ibang mga bata sa kanilang pagbibinata o pagdadalaga.
Sumasaklolong mga Dolphin
“Isang grupo ng mga dolphin ang umakay sa tatlong lalaki sa ligtas na dako kahapon pagkatapos na tumaob ang kanilang yate,” ulat ng Star ng Johannesburg. Dalawa sa mga lalaki ang humagis sa dagat nang biglang nalagot ang tiller arm, at ang ikatlong lalaki ay nangunyapit sa batel. Nagkukumayod sa maalong dagat na halos isang kilometro ang layo sa pampang ng dagat, iniulat ng isang lalaki na “pinaligiran ako at ang aking mga kaibigan ng mga dolphin habang sinisikap kong ayusin ang batel at ugitan pabalik sa pampang. . . . Nang kaming lahat ay ligtas na sa pampang, naglaho na sila.”
“Mga kuwento tungkol sa mga dolphin at mga pawikan na sumasaklolo sa nalulunod na mga tao ay noon pang sinaunang mga panahon,” sabi ng aklat na The Fascinating Secrets of Oceans & Islands. Ano ang nagpapangyari sa kanila na gawin ito? “Wari bang mayroon silang katutubong simbuyo na itulak ang mga bagay na nasusumpungan nilang lumulutang sa dagat.”
Nagbabagong Pagpapahalaga
Ang mga kabataan sa Tokyo na nasa kanilang maagang pagkatin-edyer ay hiniling na isulat kung ano ang pinakamahalagang bagay sa buhay para sa kanila. Ang sampol na mga kasagutan na inilathala sa Asahi Evening News ay nagtala ng mga sagot na gaya ng ginto, pera, at mga deposito sa bangko. Sang-ayon sa Management and Coordination Agency ng Hapón, ang pangkat ng mananaliksik na siyang nagsagawa ng surbey, ang mga kabataang Hapónes ay naghahangad ng isang istilo-ng-buhay na “katugma ng kanilang personal na mga panlasa . . . , hindi humihiling ng pagpapagal,” at nagpapabanaag ng isang hangarin na “kumita ng maraming-maraming pera.”
Pinansiyal na Problema ng Vaticano
Ang Vaticano ay kulang ng salapi, ulat ng magasin sa negosyo na Fortune. Bagaman ang Vaticano ay para bang nalalambungan ng napakaraming kayamanan, ang lumalagong burukrasya nito, dinungisan ng pinansiyal na iskandalo, ay nagbawas ng malaking salapi sa pagkapapa. Noong nakaraang taon ang Vaticano ay tumanggap ng $57.3 milyon (U.S.) subalit gumasta ng $114 milyon (U.S.). “Ito ay isang tunay na krisis,” sabi ni John Cardinal Krol ng Estados Unidos. “Kailanma’t ang iyong pinatatakbong kita ay hindi mapagtakpan ang iyong pagkakagastos, may problema ka.”
Kamatayan sa Daan
Sa buong daigdig mayroong humigit-kumulang 400,000 kamatayan dahil sa trapiko taun-taon—halos 1,100 sa araw-araw—tantiya ng Tanggapang Pederal ng Estadistika sa Wiesbaden, Alemanya. Ang Europa, hindi kasali ang Unyong Sobyet, ay mayroong 66,000 mga kamatayan sa daan sa bawat taon, na ang Estados Unidos, Canada, at Hapón ay nagdaragdag pa ng 57,000 sa malungkot na estadistika. Tinataya ng tanggapan ng estadistika na sa buong daigdig mga 12 milyon mga tao ang napipinsala sa mga aksidenteng nauugnay sa trapiko taun-taon.
Makatuwirang Pahinga?
Sa pamamagitan ng pamamahinga, o pag-idlip ng kalahating-oras, araw-araw, maaaring mabawasan nang tatlong ulit ang sakit sa puso, sabi ng isang pangkat ng Griegong medikal na mananaliksik sa Atenas. Malaon nang sinikap ng mga doktor na ipaliwanag ang mababang insidente ng sakit sa puso sa mga bansa sa Mediteraneo. Ipinakita ng dating mga pag-aaral na ang dahilan ay ang pagkain ng low saturated na taba na ginagamitan ng mantikang galing sa gulay at gatas sa halip na mga taba ng hayop at mas masustansiyang mga produkto ng gatas, ulat ng The Lancet, isang medikal na babasahin. Gayunman, ngayon isang pang dahilan ang maaaring idagdag—ang regular na pamamahinga.
Kinilalang Ministeryo
Isang pagbabago kamakailan sa Newport Beach, California, Municipal Code ang nagbibigay ng wastong pagkilala sa mga Saksi ni Jehova bilang mga ministro. Kinikilala ng aksiyon na apektado ang Non-Commercial Solicitation Ordinance ng lunsod na ang bahay-bahay na ministeryo ng mga Saksi ni Jehova ay wala sa ilalim ng klasipikasyon ng “pangingilak.” Isang kahawig na ordinansa na pinagtibay ng mga opisyal ng lunsod ng Anaheim, California, ang naglatag ng saligan para sa rebisyon ng kodigo sa Newport Beach. Yamang kinikilala ng mga opisyal sa kapuwa mga lunsod ang mga pagkilos ng mga Saksi ni Jehova na labas sa depinisyon ng “pangingilak,” hindi na kinakailangan ang isang pahintulot upang mangaral.
Ang Bibliya sa “Chip”
Ang mga salita ng Bibliya ay inirekord sa mga materyales na kasintanda ng mga balat ng hayop at kasingmoderno ng microfilm. Ano pa ang susunod? “Ang salita ng Diyos ay naging isang chip ng silicon,” pahayag ng Samahan ng Bibliya sa Australia at ipinaliliwanag nito na ang buong teksto ng King James Version, na may konkordansiya at isang diksiyonaryo sa Bibliya, ay nailipat na sa isang chip ng silicon na kasinlaki ng isang thumbnail.
Nalitong mga Ibon
Yamang ang mga ibon ay totoong sensitibo sa magnetic field ng lupa, ginawang teoriya na ito ay ginagamit nila bilang isang tulong sa nabigasyon kapag sila’y nandarayuhan. Upang subukin ang teoriya, pinag-aralan ng siyentipiko na taga-Sweden na si Thomas Almerstam ang lumilipad na mga ibon sa ibabaw ng isang minahan ng iron-ore sa Norberg, Sweden. Sang-ayon sa magasing Pranses na L’Express, ang minahan ng iron-ore, sa loob ng labindalawang kilometrong perimetro, ay mayroong isang magnetikong intensidad na 60 porsiyentong mataas kaysa normal sa mababang altitud. Gaya ng inaasahan, ang nabagong magnetic field ay maliwanag na nakalito sa ilang nandarayuhang ibon na mababa ang lipad. Ang mga ibon ay sinasabing “takot na lumapag at paikut-ikot bago muling lumipad,” sabi ng L’Express.