Ang Kaligtasan sa Tubig ay Hindi Nagkataon Lamang
ANG mga kimiko ay namamangha rito. Ang buhay sa lupa ay depende rito. Ang ating mga katawan ay pangunahin nang binubuo nito. Ano ito? Tubig, siyempre pa. Subalit bukod pa sa kapaki-pakinabang na mga katangian nito, ang tubig ay kabigha-bighani rin. Sinasapatan nito ang ating mga pandamdam at nagbibigay sa atin ng kasiyahan. Angaw-angaw sa buong daigdig ang regular na nagkakalipumpon dito para sa katuwaan at sa paglilibang. Gayunman, kasiya-siya man ito, maaari rin itong maging mapanganib.
Sa Estados Unidos, ang mga bambang ng tubig ay pangalawa lamang sa mga haywey sa mga aksidente. Subalit maaaring takdaan ng kabatiran tungkol sa mga panganib at ng pagkakaroon ng wastong paggalang sa tubig ang mga panganib at panatilihin ang katuwaan. Ano ang ilan sa mga panganib, at paano natin pakikitunguhan ang mga ito?
Mga Salik sa Kaigtingan sa Pamamangka
Isa sa pinakapopular na anyo ng pagkakaroon ng kasiyahan sa tubig ay ang pamamangka. Noong 1986, isinisiwalat ng mga tantiya na halos $14.5 bilyon ang ginugol sa larong ito sa Estados Unidos lamang. Gayunman, ipinakikita rin ng mas nakatatakot na mga estadistika ang mahigit na 25,000 pinsalang nauugnay sa bangka. Karagdagan pa, mahigit na isang libo katao ang namatay. Ano ang magagawa upang panatilihing ligtas ang pamamangka?
Bagaman maraming sanhi sa mga aksidente sa pamamangka, ipinakikita ng pananaliksik kamakailan na isinagawa ng U.S. Coast Guard na ang ilang mga salik sa kaigtingan ay maaaring sisihin. Ipinakikita ng kanilang mga pag-aaral na ang tatlo hanggang apat na oras na pagkalantad sa mga elemento ng pamamangka, gaya ng ingay, hangin, pagyanig, araw, at matinding liwanag, ay maaaring magpangyari ng isang uri ng ‘hipnosis sa namamangka’ o pagod. Iyan ang dahilan kung bakit ang isang araw sa tubig ay maaaring maging nakapapagod kahit na kaunti lamang ang iyong ginawa. Kapuna-puna, gayunman, na ang replekso ng isang tao ay maaaring pabagalin hanggang sa punto na ang kaniyang mga reaksiyon ay gaya niyaong isang taong talagang lasing, bagaman siya ay hindi uminom. At kung nakainom pa ng nakalalasing na inumin, ang epekto ng gayong mga salik sa kaigtingan ay titindi pa. Kaya, idiniriin nito ang pangangailangan na manatiling alisto at magpahinga kung kinakailangan. At yamang ang pag-inom ng nakalalasing na inumin sa tuwina’y dapat na katamtaman lamang, kinakailangan ang higit na pag-iingat sa kapaligirang ito samantalang namamangka.
Kadalasan, ang banayad na saloobin ng tao samantalang nasa tubig ay nadadala sa pagpapatakbo nila ng sasakyan. Ang gayong parang walang anumang saloobin ay nagpapaliwanag kung bakit ang mga banggaan ang pinakakaraniwang iniuulat na uri ng aksidente. Ang karamihan ng mga banggaan ay ipinalalagay na bunga ng kawalang-ingat at hindi pagbibigay-pansin. Ang sumusunod ay isang tipikal na halimbawa. Pinatakbo ng piloto nang matulin ang bapor sa lugar na hindi dapat magpatakbo nang mabilis nang bumangga ang kaniyang bapor sa isa pang sasakyang-dagat, na ikinamatay ng dalawang nakasakay rito. Ang dahilan? Ang pilotong may sala ay may ipinapangkong isa pang tao, na bahagyang nakahadlang sa kaniyang paningin, at hindi niya binibigyan-pansin ang kaniyang kapaligiran.
Tandaan, gaya ng pagmamaneho ng kotse, ang pagpapatakbo ng isang bapor ay nagdadala ng pananagutan.
Pagkahulog sa Tubig at Pagtaob
Ang dalawang pinakamalaking panganib na nakakaharap ng namamangka ay ang pagkahulog sa tubig at pagtaob. Kung pagsasamahin, ito ang dahilan ng halos 65 porsiyento ng mga nasawi sa pamamangka sa Estados Unidos. Sa pangkalahatan, ang karamihan sa mga aksidenteng ito ay kinasasangkutan ng maliliit na bapor (wala pang 5 metro). Subalit ang kabatiran kung bakit nangyayari ito ay makatutulong sa iyo.
Ang karamihan ng mga pagtaob ay dahilan sa paglululan ng labis-labis na pasahero o kagamitan sa bapor. Subalit kahit na kung ang isang bapor ay hindi labis ang karga, may panganib kung ang karga ay hindi pantay ang pagkakalatag. Kahit na ang malalaking bapor ay tumataob dahil sa paglilipat ng karga o dahil sa mga pasaherong biglang tumatakbo sa isang panig. Sa maliliit na bapor, gaya ng mga bangka, mahalagang panatilihing mababa ang iyong sentro ng grabidad. Kung ikaw ay kikilos, pinakamabuting manatiling nakayukyok at humawak sa magkabilang tabi sa halip na tumayo.
Kung sakaling ikaw ay mahulog sa tubig o tumaob ang bapor, ano ang dapat mong gawin? (1) Sikapin mong huwag mataranta. (2) Kung hindi ka nakasuot ng life jacket, sunggaban mo ang isa. (3) Yamang ang karamihan ng mga bapor ay may sapat na paglutang upang hindi ito lumubog, pinakamabuting manatili na malapit sa bapor; mas madali kang makikita ng mga tagasagip. (4) Kung malamig ang tubig, ilabas mo ang hangga’t maaari’y mas malaking bahagi ng iyong katawan mula sa tubig at manatiling di-kumikilos upang maiwasan ang hypothermia.
Ang katawan ay 25 beses na mabilis na lumalamig sa tubig kaysa sa hangin, at ang nawawalang init ay halos sangkatlong mas mabilis kung ikaw ay lumalakad sa tubig o lumalangoy kaysa kung ikaw ay hindi kikilos. Marami ang nalulunod kapag sinisikap ng mga indibiduwal na lumangoy patungo sa pampang, yamang ang pampang ay kadalasang mas malayo kaysa inaakala. At mientras mas malamig ang tubig, mas madali kang mapagod.
Kung masumpungan mo ang iyong sarili sa tubig na walang life jacket at walang bapor o ibang bagay na kakapitan, ang damit ay maaaring gamitin sa paglutang. Ang publikasyon ng U.S. Coast Guard na Accidents ay nagpapayo: “Samantalang nakasuot ang iyong kamisadentro, ibutones mo ito sa kuwelyo at hawakan mong mahigpit sa leeg. Iyuko mo ang iyong ulo, hilahin mo ang harapan ng kamisadentro paitaas sa iyong mukha, at hipan mo ng hangin sa pagitan ng ikalawa at ikatlong butones. Hawakan mong mahigpit ang kuwelyo upang huwag lumabas ang hangin. Ang hangin ay mananatili sa loob ng kamisadentro at gagawa ng bula sa iyong likuran.” Sa paano man ikaw ay may pansamantalang life jacket na tutulong sa iyong lumutang at huwag mag-aksaya ng lakas.
Kapuna-puna, sinasabi ng Coast Guard na ang mga nasasawi ay maaaring bawasan ng 75 porsiyento kung ang mga tao ay magsusuot lamang ng life jacket. Gayunman, ang karamihan ng mga tao ay ipinalalagay ito na nakakaasiwa, hindi komportable o hindi magandang isuot. Ang iba ay hindi gumagamit nito, iniisip ang kanilang mga sarili na mahuhusay lumangoy. (Tingnan ang kahon: “Nalulunod Din ang Mahuhusay Lumangoy.”) Yamang hinihiling ng karamihan sa mga batas na magkaroon lamang ng mga life jacket sa bapor at hindi isuot ito, ito ay isang bagay na ayon sa kagustuhan ng isa kung isusuot ito o hindi. Gayunman, walang alinlangan na ikaw ay mas ligtas kung nakasuot ka ng isa nito.
Iba Pang Pag-iingat
Kung paanong maaaring maging kasiya-siya ang ibabaw ng tubig, marami ang natatawag-pansin sa kahanga-hangang daigdig na nasa ilalim nito. Ang snorkeling ay isang hindi magastos at popular na paraan ng pag-aninag sa maganda at misteryosong rehiyon na ito. Subalit minsan pa, kailangan ang pag-iingat.
Ang pagkapagod marahil ang pinakamadalas na problema na nakakaharap ng isang snorkeler alin sa paglalakas-loob na magpunta sa malayo o sa paglaban sa agos. Ang kaunting patiunang pag-iisip at pagpaplano ay makatutulong upang maiwasan ang kalagayang ito. Ang isa pang mas malaking panganib, bagaman hindi naman madalas, ay ang pagsisid nang napakalalim at pagkaubos ng oksiheno bago pa makarating na muli sa ibabaw. Ang pagkawala ng malay at pagkalunod ay maaaring maging bunga. Ang mabilis na pag-ahon na nangangailangang ikaw ay magpunyagi ay mas mabilis na umuubos sa oksiheno na inihahatid sa dugo kaysa mabagal na pag-ahon. Alamin ang iyong mga takda at huwag hintaying ikaw ay halos maubusan ng hininga bago ka umahon. Laging magbigay ng palugit sa kaligtasan.
Ang surfing, na ginagamit ang isang tabla o ang katawan lamang ay isang nakatutuwang paraan na masiyahan sa lakas ng alon. Ang susi sa kaligtasan dito ay huwag maliitin ang lakas na iyon at alamin kung anong mga dako ang iiwasan. Nalalaman ng isang may karanasang surfer na ang anyo ng sahig ng karagatan ay nakakaapekto sa alon. Halimbawa, kung saan matarik ang dalisdis ng dalampasigan, ang alon ay tumatama nang malakas sa ilalim at ang walang ingat na surfer ay maaaring mapinsalang lubha. Ang gayong mga alon ay karaniwang tinatawag na “mga tagabunton.”
Ang malalakas na agos at mga pasalungat na agos sa ilalim ng tubig ay isa pang panganib sa surfer. Ang ikaw ay matangay ng alon sa dagat ay isang nakatatakot na karanasan. Subalit ang kabatiran na ang agos ay nawawalan ng lakas nito mga ilang yarda mula sa pampang ay tutulong sa isa na huwag mataranta. Karaniwan na, ang isa ay ligtas na makararating sa pampang sa pamamagitan ng paglangoy nang pahilis, hindi diretso, pasalungat sa agos. Gayunman, idiniriin nito ang pangangailangan ng pagiging isang mahusay na manlalangoy. Ang pagsama sa isa na pamilyar sa dakong iyon o ang pagpunta sa isang dalampasigan na may lifeguard o bantay na makapagbibigay sa iyo ng impormasyon tungkol sa anumang panganib ay makatitiyak ng isang ligtas, kasiya-siyang panahon sa lahat.
Gaya ng sa lahat ng anyo ng gawain sa tubig, ang tamang saloobin at paggalang sa tubig, sa iyong kapaligiran, at sa iba pang bagay ay makapag-aalis ng maraming mapanganib na mga kalagayan.
Tamang Saloobin
Kung minsan ang taong may pananagutan sa isang sakuna ay tutugon sa pagsasabi: “Hindi ko ito sinasadya—ito’y isang aksidente. Hindi ko iniisip na may anumang mangyayari.” Oo, ang ‘hindi pag-iisip’ ang kadalasang dahilan. Ang mga aksidente ay hindi kailanman sinasadya, gayunman taglay ang kaunting patiunang pag-iisip at paggalang sa iba na nakapalibot sa atin, ito ay kadalasan nang maiiwasan.
Ang pagkuha ng di-kinakailangang panganib alang-alang lamang sa katuwaan ay nagpapakita ng hindi paggalang sa buhay. Isang kasawian sa pamamangka ay nangyari bunga ng walang-ingat na karerahan sa water-ski ng dalawang pangkat. Ang nangungunang skier ay natumba at nasagasaan ng ikalawang bangka. Marami pang pinsala ang nangyari sa mga banggaan sa gabi kung hindi gumagamit ng ilaw o kung winawalang-bahala ang mga palatandaan sa nabigasyon at pagsadsad ng bapor.
Ang gayong mga ulat ay malungkot, gayunman ay nakapagpapahinahon. Sa kabutihang palad, marami tayong magagawa upang mabawasan ang mga tsansa na mangyari sa atin ang gayong bagay. Papaano? Sa pamamagitan ng pagpapakita ng wastong paggalang sa buhay at ari-arian, sa pamamagitan ng mabuting pagpaplano, sa pamamagitan ng pagkilala sa posibleng mga panganib, at sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin. Kung gayon may pagtitiwalang matatamasa natin ang kamangha-manghang nilikhang ito—ang tubig.—Isinulat.
[Kahon sa pahina 18]
Nalulunod Din ang Mahuhusay Lumangoy
Kadalasang ipinagtataka ng mga awtoridad ang mga kaso kung saan ang isang mahusay na manlalangoy ay nahulog sa tubig nang walang anumang pinsala at basta nawawala. Gayunman, sang-ayon sa impormasyong makukuha sa American Red Cross, ang reaksiyon ng katawan sa malamig natubig ay maaaring magbigay ng ilan sa mga kasagutan. Ang Caloric labyrinthitis ay maaaring mangyari bunga ng biglang pagpasok ng malamig na tubig sa mga kanal ng tainga. Ito ay maaaring pagmulan ng pagkahilo kung saan ang biktima ay maaaring lumangoy pababa sa halip na paitaas, sa wakas ay nauubusan ng hangin. Ang isa pang posibilidad ay ang hyperventilation reflex. Ang biglang pagkalantad sa malamig na tubig ay maaaring maging dahilan ng di-mapigil na mabilis na paghinga. Kapag mangyari ito na ang ulo ay nakalubog sa tubig, ang tao ay maaaring malunod. Ang kirot ay maaaring maging isa pang salik. Ang biglang pagkalantad sa malamig na tubig ay maaaring maging napakasakit anupa’t ang biktima ay nasisindak o nagkakaroon ng atake sa puso. Ang leksiyon? Tratuhin na may paggalang ang tubig. Tratuhin nang may karagdagang paggalang ang malamig na tubig.
[Mga larawan sa mga pahina 16, 17]
Bapor ng patrolya sa tubig na sinasagip ang mga namamangka
[Credit Line]
Kuha ni Tim Smalley, Minnesota Dept. of Natural Resources
Ang mga life jacket ay nagliligtas buhay—kaya bakit hindi isuot ito?
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Kuha ni Tim Smalley, Minnesota Dept. of Natural Resources