Ang Kamay—‘Ang Pinakamagarang Bihasang Sangkap’
ITO ay isang emergency. Isang batang babae ang nakahiga sa may pasukan ng isang ospital, ang pangunahing ugat sa kaniyang kanang binti ay naputol dahil sa aksidente sa motorsiklo. Walang kagamitan sa pagtistis ang magagamit upang pigilin ang pag-agos ng dugo mula sa ugat. Ano ang magagawa ng doktor?
“Ginamit ko ang aking kamay bilang pang-ipit,” naalaala pa ni Propesor Napier sa kaniyang aklat na Hands, “iniipit ang ugat sa pamamagitan ng hinlalaki at hintuturo nang buong higpit. Sa wakas, nakakuha ako ng isang pirasong pisi, ang tanging makukuha noon, pinaikutan ko nito ang ugat at tinalian ito. Ang dugo ay tumigil sa pag-agos. . .. Wala nang maaaring makitungo sa gayong kaselan na kalagayan nang napakabilis at epektibo maliban sa kamay. Iilang pasyente . . . ang nakatatalos na, sa panahon ng operasyon, ang isang daliri na angkop ang pagkakalagay ang nagligtas sa kanilang buhay.”
Ang mga pagkilos na gaya nito ay imposible kung hindi dahil sa kasu-kasuan ng hinlalaki. (Tingnan ang ilustrasyon.) Ang disenyo nito ay nagpapahintulot ng pagkilos na gaya ng kasu-kasuan ng balikat, ngunit di-gaya ng sa balikat, ang kasu-kasuan ng hinlalaki ay hindi nangangailangan ng suporta mula sa nakapaligid na kulumpon ng kalamnan. Ang hinlalaki, kung gayon, ay makagagawa ng maselan na mga pagkilos habang ito at ang mga dulo ng daliri ay nagsasalubong.
Subukin mong dumampot ng isang maliit na bagay o maging ang pagbuklat sa mga pahina ng magasing ito nang hindi ginagamit ang iyong hinlalaki. Sinabi ng isang doktor sa Timog Aprika: “Marami nang nabaling hinlalaki ang nilagyan ko ng balangkas (splint), at kapag nagbabalik ang mga pasyente, madalas nilang sabihin sa akin na hindi nila natanto kung gaano kahalaga ang kanilang hinlalaki.”
Ang kamay ng tao na may kasalungat na hinlalaki nito ay isang kahanga-hangang maraming-gamit na kagamitan. Kung walang kamay, paano ka makasusulat ng liham, makakukuha ng larawan, makapupukpok ng pako, makatatawag sa telepono, o makapagsusuot ng sinulid sa karayom? Dahil sa kamay, ang mga piyanista ay nakatutugtog ng magagandang piyesa, ang mga pintor ay nakapipinta ng magagandang larawan, at ang mga seruhano ay nakapagsasagawa ng maseselan na operasyon. “Ang mga bakulaw, na mayroong maiiksing hinlalaki at mahahabang daliri, ay may balakid kung tungkol sa maselan na kahusayan ng kamay,” ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica.
Mayroon pang isang mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng kamay ng tao at niyaong sa bakulaw. Humigit-kumulang sangkapat na bahagi ng cortex ng utak ng tao para sa pagkilos ay laan para sa mga kalamnan ng iyong mga kamay. Ang cortex ng tao para sa pagkilos, sa pagpapaliwanag ng Textbook of Medical Physiology, ni Propesor Guyton, “ay ibang-iba sa mga nakabababang mga hayop” at ginagawang posible “ang isang katangi-tanging kakayahan na gamitin ang kamay, mga daliri, ang hinlalaki para magsagawa ng dalubhasang pagkilos ng kamay.”
Karagdagan pa, ang mga seruhano sa utak ay nakatuklas ng isang dako sa utak ng tao na tinatawag nilang “isang dako para sa mga kasanayan ng kamay.” Ang bihasang mga kamay ay nangangailangan ng mga tagatanggap na pandama (sense receptor). Ang maliliit na dulong ito ng nerbiyos sa kamay ng tao ay sagana, lalo a sa hinlalaki. Isang doktor na kinapanayam ng Gumising! ay nagsabi: “Kapag naiwala ng tao ang kahit maliit na bahagi ng pandama sa dulo ng kanilang hinlalaki, nasusumpungan nilang mahirap iposisyon ang maliliit na bagay tulad ng turnilyo.” Ang iyong kamay ay mayroong iba pang uri ng mga tagatanggap na pandama na nagpapangyari na maigalaw mo ang iyong kamay sa tamang lugar sa kabila ng pusikit na kadiliman. Sa gayon, kahit nakahiga ka sa kama sa gabi, nakakamot mo ang iyong ilong na hindi mo nasusuntok ang iyong mukha.
Maging isang simpleng kilos tulad ng pag-abot ng isang baso ng tubig ay isang bagay na pagtatakhan. Kung napakahina ang paghawak o, maaari mong mabitawan ang baso. Kung napakalakas naman ang paghawak mo, baka mabasag ang baso, at masusugatan ang iyong mga daliri. Paano mo nahahawakan ito nang may tamang diin? Ang mga tagatanggap na pandama para sa diin sa iyong kamay ay nagpapadala ng mensahe sa iyong utak, na siya namang naghahatid pabalik ng kaukulang utos sa mga kalamnan sa iyong nakaunat na braso at kamay.
Hindi magtatagal, hindi mo man tingnan, ang baso ay marahan na dumadampi sa iyong mga labi. Samantala, ang iyong pansin ay maaaring nakapako sa isang programa sa telebisyon o sa pakikipag-usap sa mga kaibigan. “Ang bagay na ang baso ay naitataas sa labi nang hindi sumasalpok sa mukha,” sabi ni Dr. Miller sa kaniyang aklat na The Body in Question, “ay isang katunayan sa bihasang kakayahang tumimbang ng nakaunat na braso. At ang bagay na ang baso ay nananatili sa iyong bibig bagaman nababawasan ang bigat habang ito ay nawawalan ng laman ang nagpapakita kung gaano kabilis binabago ang impormasyon.”
Hindi kataka-taka na maraming palaisip na tao ang humanga sa kamay ng tao! “Sa kawalan ng iba pang katibayan,” isinulat ng bantog na siyentipikong si Sir Isaac Newton, “ang hinlalaki lamang ay makakukumbinsi na sa akin na umiiral ang Diyos.” “Makapagpapalapag tayo ng tao sa buwan,” sabi ni Propesor Napier, “subalit, sa kabila ng lahat ng mekanikal at elektronikong kahusayan natin, hindi tayo makagawa ng isang artipisyal na hintuturo na makadarama at maibabaluktot.” Ang kamay ng tao, sabi ng The New Encyclopædia Britannica, ay malamang “ang pinakamagarang bihasang biyolohikal na sangkap” at isa na “nagtatangi sa kaniya sa lahat ng iba pang nabubuhay na primates.”
[Mga larawan sa pahina 6]
Ang kamay ng tao na may kasalungat na hinlalaki nito ay isang kahanga-hangang maraming-gamit na kagamitan
[Larawan sa pahina 6]
Ang mga tagatanggap na pandama sa iyong kamay at braso ay nagpapangyari na pagtugma-tugmain ng iyong utak ang masalimuot na mga pagkilos