Ang Utak—“Higit Pa sa Isang Computer”
ISA pang kahanga-hangang sangkap ay ang utak ng tao. Ito, kasama ang natitirang bahagi ng sistema nerbiyosa, ay malimit na inihahambing sa gawang-taong mga computer. Siyempre pa, ang mga computer ay ginawa ng mga tao at kumikilos batay sa hakbang-hakbang na mga instruksiyon na patiunang inihanda ng mga taong tagaprograma nito. Gayunman, maraming tao ang naniniwalang walang katalinuhan ang gumawa sa “pagdurugtong-dugtong” at sa “pagprograma” sa utak ng tao.
Bagama’t pagkabilis-bilis, ang mga computer ay maaari lamang humawak ng isang piraso ng impormasyon sa isang panahon, samantalang ang sistema nerbiyosa ng tao ay nagpuproseso ng milyun-milyong piraso ng impormasyon nang sabay-sabay. Halimbawa, sa pamamasyal kung tagsibol, maaari kang masiyahan sa magandang tanawin, makinig sa awit ng mga ibon, at amuyin ang mga bulaklak. Ang lahat ng kaiga-igayang pakiramdam na ito ay sabay-sabay na ipinadadala sa iyong utak. Kasabay niyan, ang mga agos ng impormasyon ay humuhugos mula sa mga tagatanggap na pandama sa iyong mga binti, ipinababatid sa iyong utak sa bawat sandali ang posisyon ng bawat paa at ang kalagayan ng bawat kalamnan. Ang mga balakid sa daraanan sa dakong unahan ay napapansin ng iyong mga mata. Batay sa lahat ng impormasyong ito, tinitiyak ng iyong utak na suwabe ang bawat hakbang.
Samantala, ang ibabang mga bahagi ng iyong utak ay umuugit sa tibok ng iyong puso, sa iyong paghinga, at sa iba pang mahahalagang gawain. Datapuwat mas marami pa ang kayang gawin ng iyong utak. Habang ikaw ay naglalakad, ikaw ay maaaring umawit, magsalita, ihambing ang kasalukuyang tanawin sa nakaraang tanawin, o magplano para sa hinaharap.
“Ang utak,” hinuha ng The Body Book, “ay higit pa sa isang computer. Walang computer ang makapagpapasiya na ito ay nababagot o sinasayang lamang nito ang talino at dapat nang tahakin ang bagong landas ng buhay. Hindi kayang tahasang baguhin ng computer ang kaniyang sariling programa; bago ito magtungo sa panibagong landasin, isang tao na may utak ang dapat na muling magprograma rito. . . . Ang computer ay hindi maaaring magrelaks, o mangarap nang gising, o humalakhak. Hindi ito maaaring maging inspirado o maging mapanlikha. Hindi ito nakararanas ng kamalayan o nakauunawa man ng kahulugan. Hindi ito maaaring umibig.
Ang Pinakakagila-gilalas na Utak sa Lahat
Ang mga hayop na tulad ng elepante at ilang malalaking kinapal sa dagat ay may utak na mas malaki sa utak ng tao, ngunit kung ihahambing sa laki ng katawan, ang utak ng tao ang pinakamalaki sa lahat. “Ang bakulaw,” sabi ni Richard Thompson sa kaniyang aklat na The Brain, “ay mas malaki ang katawan kaysa tao subalit may utak na sangkapat lamang ang laki sa utak ng tao.”
Ang bilang ng sarisaring landas sa pagitan ng mga neuron (mga selula ng nerbiyos) sa utak ng tao ay hindi mabilang. Ito’y dahil sa ang mga neuron ay napakaraming dugtungan; ang isang neuron ay maaaring idugtong sa mahigit na sandaang libong iba pa.” “Ang bilang ng posibleng dugtungan sa ating modernong utak ay halos wala nang takda ang bilang,” ayon kay Anthony Smith sa kaniyang aklat na The Mind. Mas marami pa ito “kaysa kabuuang bilang ng partikulo ng atomo na bumubuo sa kilalang sansinukob,” ang sabi ng siyentipiko sa utak na si Thompson.
Datapuwat mayroon pang isang bagay na lubhang kahanga-hanga. Ito ay ang paraan kung paanong ang malawak na kaayusang ito ng neuron ay napagdurugtung-dugtong na nagpapangyaring ang mga tao’y mag-isip, magsalita, makarinig, bumasa, at sumulat. At ang mga bagay na ito ay maaaring gawin sa dalawa o higit pang mga wika. “Ang wika ang mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng mga tao at ng mga hayop,” ang banggit ni Karl Sabbagh sa kaniyang aklat na The Living Body. Ang pakikipagtalastasan ng mga hayop ay payak lamang kung ihahambing. Ang pagkakaiba, inaamin ng ebolusyunistang si Sabbagh, “ay hindi lamang ang kaunting pagsulong sa kakayahan ng mga hayop na gumawa ng ingay—iyan ang pangunahing katangian na nagpapangyaring ang mga tao’y maging tao, at mababanaag ito sa malaking pagkakaiba sa kayarian ng utak.”
Ang kagila-gilalas na kayarian ng utak ng tao ay nagpakilos sa marami na gamitin ng higit ang potensiyal nito sa pamamagitan ng pagiging bihasa sa ilang trabaho, pagkatuto na tumugtog ng ilang instrumento sa musika, pagkadalubhasa sa ibang wika, o pagpapaunlad ng anumang galing na nagdaragdag ng kaligayahan sa buhay. “Kung ikaw ay natututo ng isang bagong kasanayan,” sulat nina Drs. R. at B. Bruun sa kanilang aklat na The Human Body, “sinasanay mo ang iyong mga neuron na dumugtong sa panibagong paraan. . .. Mientras ginagamit mo ang utak mo, lalo naman itong humuhusay.”
Ginawa Nino?
Mayroon kayang anuman na organisadung-organisado at maayos tulad ng kamay, ng mata, at ng utak na nagkataon lamang? Kung ang tao ay pinapupurihan sa pag-iimbento ng mga kagamitan, ng mga computer, at potograpikong pilm, tiyak naman na mayroong dapat na papurihan sa paggawa ng mas maraming-gamit na kamay, mata, at utak. “Oh Jehova,” sabi ng salmista ng Bibliya, “Pupurihin kita sapagkat kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa, gaya ng nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.”—Awit 139:1, 14.
Maraming kahanga-hangang gawain ang katawan ng tao na nagaganap nang hindi man lamang nating pinag-iisipan. Tatalakayin ng labas ng magasing ito sa hinaharap ang ilan sa kahanga-hangang mekanismong ito, at gayundin kung baga ang pagtanda, sakit, at kamatayan ay madadaig, upang tayo ay makapagtamasa ng buhay magpakailanman!
[Kahon sa pahina 10]
Ang Iyong Kagila-gilalas na mga Neuron
ANG neuron ay isang selula sa nerbiyos kasama na ang lahat nitong mga proseso. Ang iyong sistema nerbiyosa ay naglalaman ng maraming uri ng neuron, na maaaring umabot ng mga 500 bilyon. Ang mga ilan ay mga tagatanggap na pandama na naghahatid ng impormasyon mula sa iba’t ibang bahagi ng katawan tungo sa iyong utak. Ang mga neuron sa itaas na bahagi ng iyong utak ay kumikilos na gaya ng isang video recorder. Permanenteng makapag-iimbak ito ng impormasyon na nanggagaling sa iyong mga mata at tainga. Pagkalipas ng ilang taon maaari mong “muling alalahanin” ang mga tanawin at mga tunog na ito, kasali na ang mga kaisipan at iba pang pakiramdam na hindi kayang irekord ng gawang-taong makina.
Ang memorya ng tao ay isa pang misteryo. May kinalaman ito sa kung paanong nagdurugtong ang mga neuron. “Ang karaniwang selula sa utak,” sabi ni Karl Sabbagh sa kaniyang aklat na The Living Body, “ay umuugnay sa halos 60,000 iba pa; oo ang ibang selula ay umuugnay sa hanggang sangkapat ng isang milyong iba pa. . .. Ang utak ng tao ay makapag-iimbak ng 1000 ulit na dami ng impormasyon sa mga daanang nagdurugtong sa mga selula ng nerbiyos kung ihahambing sa nilalaman ng pinakamalaking ensayklopedia—sabihin na nating mga 20 o 30 malalaking tomo.”
Datapuwat paano naghahatid ng impormasyon ang isang neuron sa isa’t isa? Ang mga nilalang na may simpleng sistema nerbiyosa ay may maraming selula ng nerbiyos na magkakarugtong. Sa gayong kaso, ang isang elektrikal na impulso ay tumatawid mula sa isang neuron tungo sa susunod na neuron. Ang pagtawid ay tinatawag na sugpungang (synapse) elektrikal. Ito ay mabilis at simple.
Nakapagtataka man, karamihan sa mga neuron sa katawan ng tao ay nagpapasa ng mensahe sa pamamagitan ng sugpungang kemikal. Ang mas mabagal, mas masalimuot na paraang ito ay maaaring ipaghalimbawa sa isang tren na nakarating sa isang ilog na walang tulay at kailangang itawid sa ibayo. Kung ang isang elektrikal na impulso ay nakarating sa isang sugpungang kemikal, kailangang tumigil ito dahil sa pagitan na naghihiwalay sa dalawang neuron. Dito ang hudyat ay “itinatawid” sa ibayo sa paglilipat ng mga kemikal. Bakit ang ganitong masalimuot na elektro-kemikal na paraan ng paghahatid ng mga impulso ng nerbiyos?
Maraming nakikitang bentaha ang mga siyentipiko sa sugpungang kemikal. Tinitiyak nito na ang mga mensahe ay dumaraan sa isahang-daan. Gayundin, ito ay inilalarawan bilang plastik sapagkat ang gawain o kayarian nito ay madaling baguhin. Sa madalas na paggamit, ang ilang mga sugpungang kemikal ay lumalakas samantalang ang iba naman ay nawawala dahil sa hindi ginagamit. “Ang pagkatuto at memorya ay hindi maaaring umunlad sa isang sistema nerbiyosa na mayroon lamang sugpungang elektrikal,” sabi ni Richard Thompson sa kaniyang aklat na The Brain.
Ang manunulat sa siyensiya na si Smith ay nagpapaliwanag sa kaniyang aklat na The Mind: “Ang mga neuron ay hindi lamang basta bumubuga nang bumubuga . . . kailangan na maghatid ito ng mas maraming matalinong impormasyon kaysa oo o hindi. Ang mga ito’y hindi basta mga martilyo na pumupukpok sa pako, nang mas malimit man o mas madalang. Ang mga ito, upang makompleto ang paghahambing na ito, ay isang kahon ng kagamitan ng karpintero, na may distornilyador, plais, pansipit, maso—at martilyo. . .. Bawat impulso ng neuron ay nababago habang daan, at hindi saanman kundi sa mga sugpungan.”
Ang sugpungang kemikal ay mayroon pang bentaha. Kaunting espasyo ang kailangan nito kaysa sa isang sugpungang elektrikal, na siyang nagpapaliwanag kung bakit napakaraming sugpungan ang utak ng tao. Ang lathalaing Science ay nagbibigay ng bilang na 100,000,000,000,000—katumbas ng bilang ng mga bituin sa daan-daang galaksing Milky Way. “Tayo nga ay kung ano tayo,” ang susog pa ng siyentipiko sa utak na si Thompson, “sapagkat ang ating utak ay pangunahin nang kemikal na mga makina sa halip na elektrikal na mga makina.”
[Kahon sa pahina 12]
Kung Bakit Kailangan ng Iyong Utak ang Napakaraming Dugo
BAGO sumisid sa isang swimming pool, marahil ay itinutubog mo ang mga daliri ng iyong paa sa tubig. Kung malamig ang tubig, ang maliliit na tagatanggap na pandama sa lamig na nasa iyong balat ay kaagad na tumutugon. Wala pang isang segundo, itinatala ng iyong utak ang temperatura. Ang mga tagatanggap na pandama sa kirot ay nakapaghahatid ng impormasyon nang mas mabilis pa. Ang ilang impulso ng nerbiyos ay umaabot sa bilis na 360 kilometro bawat oras—katumbas ng pagtakbo sa kahabaan ng isang football field sa loob ng isang segundo.
Gayunman, paano nalalaman ng utak ang tindi ng isang pakiramdam? Ang isang paraan ay sa dalas ng pagbuga ng neuron; may ilan na bumubuga ng isang libo o higit pa bawat segundo. Ang matinding gawain na nagaganap sa gitna ng mga neuron sa utak ay magiging imposible kung hindi dahil sa gawain ng mga bomba at mga planta ng enerhiya.
Tuwing bubuga ang isang neuron, ang mga atomo na may kargang kuryente ay humuhugos sa selula. Kung ang mga ions ng sodium, gaya ng pagkatawag dito, ay hinayaang maipon, unti-unting nawawalan ng kakayahang bumuga ang neuron. Paano nalulutas ang suliraning ito? “Bawat neuron,” paliwanag ng manunulat ng siyensiya na si Anthony Smith sa kaniyang aklat na The Mind, “ay naglalaman ng halos isang milyong bomba—bawat isa’y bahagyang pagbunggo sa lamad ng selula—at bawat bomba ay makapagpapaliit ng 200 ion ng sodium sa 130 ion ng potassium sa bawat segundo.” Kahit na nagpapahinga ang neuron, patuloy pa rin sa paggawa ang bomba. Bakit? Upang daigin ang epekto ng ion ng sodium na tumatagas sa selula at ng potassium na tumatagas palabas.
Ang gawain ng mga bomba ay humihiling ng patuluyang suplay ng enerhiya. Ang enerhiya ay nanggagaling sa maliliit na mitochondria, o “planta ng enerhiya,” na nakakalat sa loob ng bawat selula. Upang makagawa ng enerhiya, ang bawat planta ng enerhiya ay nangangailangan ng oksiheno at asukal (glucose) na dala ng dugo. Hindi kataka-takang ang iyong utak ay nangangailangan ng napakaraming dugo. “Bagama’t ito’y halos 2 porsiyento lamang ng kabuuang timbang ng katawan,” paliwanag ni Richard Thompson sa kaniyang aklat na The Brain, ito ay “tumatanggap ng 16 na porsiyento ng suplay na dugo . . . Ang mga himaymay ng utak ay tumatanggap ng 10 ulit na higit na dami ng dugo kaysa himaymay ng kalamnan.”
Sa susunod na alamin mo ang temperatura ng tubig, maging mapagpasalamat sa trilyun-trilyong bomba at planta ng enerhiya sa iyong utak. At tandaan din, lahat ng mga gawaing ito ay posible dahil sa oksiheno at asukal na inihahatid ng iyong dugo.
[Larawan sa pahina 9]
Pinuproseso ng utak ng tao ang milyun-milyong piraso ng impormasyon nang sabay-sabay. Habang ikaw ay kumikilos, ipinababatid sa iyong utak ng mga tagatanggap na pandama na nasa iyong bisig ang posisyon sa bawat sandali ng bawat kamay at ang kalagayan ng bawat kalamnan
[Larawan sa pahina 11]
Ang utak ay higit na masalimuot at mas marami ang gamit kaysa isang computer