Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 7/8 p. 16-18
  • Nanganganib ang Buhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nanganganib ang Buhay
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nanganganib ang Coto Doñana
  • ‘Ekolohikal na Krimen’
  • Ang Papel ng Parke sa Pandarayuhan
  • Ang Agilang Imperyal
  • Isang Natatanging Kanlungan ng Buhay-Iláng sa Mediteraneo
    Gumising!—2002
  • Pumapailanlang na May mga Pakpak Tulad ng Agila
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Agila
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Nairobi National Park—Kung Saan Malayang Gumagala-gala ang mga Hayop
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 7/8 p. 16-18

Nanganganib ang Buhay

Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Espanya

ANG pamilyar na palababaan ng eruplano ay wala habang kami ay umiikot upang gawin ang aming nakaiskedyul na paglapag. Ang daanan ng eruplano ay di-maipaliwanag na nasira, at ang mga pasilidad sa paglilingkod sa mga pasahero ay nawasak. Isa lamang pangit, hindi mabuting tumanggap ng panauhin na lupain ang palapit nang palapit. Ang aming mga buhay ay nanganganib!

Gayon ang kalunus-lunos na kalagayan ng maraming nandarayuhang mga ibon sa tubig pagdating nila sa kanilang mga tirahan kung taglamig. Ang mga latian, sa mga dantaon ang kanilang tradisyonal na tirahan, ay walang awang sinisira upang magbigay-daan sa pagpapaunlad sa lunsod o sa pagsasaka. Kadalasang itinuturing na lupang aksaya na walang halaga, ang mga tirahang ito, mahalaga sa libu-libong uri ng buhay, ay mabilis na naglalaho sa ibabaw ng lupa.

Nanganganib ang Coto Doñana

Kamakailan, isa sa pinakamalaking latian sa timog ng Europa ay lubhang nanganib. Ang kaligtasan ng libu-libong mga ibon sa tubig ay nanganganib. Ang nababahalang mga naturalista, nagsusumamo para sa mga pondo upang iligtas ang mahalagang tirahang ito ng maiilap na hayop, ay nagbabala sa isang Danes na samahan sa pangangaso: “Mga ginoo, kung ang mga lawa ng Coto [sa Espanya] ay pahihintulutang maglaho, sa loob ng limang taon mawawalan ng pato sa Denmark.”

Ang Coto na tinutukoy ay ang Coto Doñana na tirahan ng maiilap na hayop, na nasa timog-kanluran sulok ng Espanya. Kasama na ang malawak na mga latian sa Guadalquivir na lunas ng ilog na nasa hangganan nito, ang tirahan na ito ng maiilap na hayop ay kinilala bilang isa sa tatlo o apat na pinakamahalagang pahingahang dako ng Europa para sa nandarayuhang mga ibon. Ito rin ang tirahan ng 125 klase ng mga ibon gayundin ng maraming mamals at reptilya.

Sa isang miting ng World Council of Ornithologists sa New York noong 1962, ang sumusunod na obserbasyon ay ginawa: “Ang mga latian sa Guadalquivir ang kahuli-hulihang kanlungan sa Europa ng mga kulay-rosas na ibong flamingo at ng ilang uri ng tagak; . . . ito ang lugar kung saan nagpaparami ang pambihira at magandang uri na gaya ng pato na puti-ang-ulo, crested coot, purple gallinule at marami pang iba na di-mabilang.”

Dahilan sa kalagayan nito bilang natatanging pangasuhan ng mga hari at ng mga taong mahal, ito ay mahirap pasukin, at hindi maganda ang lupa nito, ang 700 kilometro kuwadradong ito ng latian ay hindi pinakialaman ng tao. Gayunman, ang polusyon, reklamasyon ng lupa, at ang pagpapaunlad sa lunsod ay nagsasapanganib sa pag-iral ng tirahang ito ng maiilap na hayop.

Ang pangangailangan na kumuha ng internasyonal na pinansiyal na suporta upang bilhin ang Coto Doñana ang nag-udyok sa pagtatatag ng World Wildlife Fund noong 1961. Ang unang transaksiyon ng internasyonal na lupon na ito ay bilhin ang isang bahagi ng Coto Doñana sa pakikipagtulungan ng pamahalaan ng Espanya. Ang tirahan ng maiilap na hayop ay binigyan ng palugit.

‘Ekolohikal na Krimen’

Ang mga latian ay nasa pribadong mga kamay pa rin, at mayroong patuloy na banta ng polusyon mula sa kalapit na sakahan. Noong 1973 isang matapang na pamatay-insekto ay inisprey sa kalapit na taniman ng palay na ikinamatay ng 40,000 mga ibon sa tubig. Ito ay inilarawan ng isang naturalista bilang isang sakuna “na walang katulad sa kasaysayan ng ekolohikal na krimen ng sangkatauhan.” Ang medyo basal na mga dalampasigan ay inimbot ng mga tagapagpaunlad ng mga ari-arian, at may balak na magtayo ng isang haywey sa tabi ng aplaya hanggang sa parke. Samantala, ang mga latian ay walang awang inalisan ng tubig upang magbigay-daan sa mga proyekto sa pagsasaka.

Sa katapus-tapusan, noong 1978 ang buong lugar ay idineklara na isang pambansang parke ng pamahalaan ng Espanya. Ang polusyon ay mahigpit na sinawata, ang plano tungkol sa pagtatayo ng haywey ay itinigil, at isang sistema tungkol sa haydrolik ang itinayo upang panatilihin ang likas na antas ng tubig sa mga latian. Ang tirahan ng maiilap na hayop ay maaaring umunlad minsan pa.

Ngayon pa lang, napapansin na ang mga pakinabang: Eksotikong mga ibon, na gaya ng mga flamingo, ay dumarami, samantalang ang iba pang nanganganib na ibon ay naiingatan na higit pang umunti. Maaaring masdan ng mga dumadalaw sa parke ang maraming uri ng hayop sa kanilang likas na tirahan mula sa mga obserbatoryo na hindi gumagambala sa maiilap na hayop, samantalang ang isinaayos na mga ekskursiyon ay nagpapahintulot sa publiko na makita ang mga kawan ng usa at mga baboy-damo na nanginginain sa kulungan nito. Subalit masdan natin nang malapitan ang ilan sa pambihirang mga tampok ng parke.

Ang Papel ng Parke sa Pandarayuhan

Mula sa Unyong Sobyet at sa Scandinavia ay dumarating ang 40,000 mga gansâ at kasindami ng 200,000 mga pato. Di-mabilang ang mga lumalakad-lakad sa tubig mula sa dulong hilaga ng taglamig na Arctic Circle sa tahimik na dalampasigan o naghahanap ng pagkain sa mababaw na mga tubig malayo sa aplaya. Sa tagsibol umaalis ang mga bisita kung taglamig, at mula sa Aprika ay dumarating ang spoonbills, mga tagak, lawin, at maraming iba pang ibon na naglalahi rito sa mga buwan ng tag-init.

Maraming iba pang uri ang tumitigil upang magpahinga at kumain sa parke samantalang nandarayuhan patungo sa malalayong lupain. Kung Agosto daan-daang mga ibong stork ang nagtitipun-tipon bago tumawid sa Strait of Gibraltar patungo sa Aprika. Totoo rin ito sa maraming ibon na hindi makapaglakbay ng malalayong distansiya sa ibabaw ng dagat dahil sa walang thermals, tumataas na daloy ng mainit na hangin, na nagpapangyari sa kanila na manatiling nasa himpapawid na gumagamit ng kaunting pagsisikap.

Gayunman, mayroong isang permanenteng maninirahan na pumupukaw ng interes at paghanga sa lahat ng mga dumadalaw sa parke​—ang agilang imperyal.

Ang Agilang Imperyal

Sa siglong ito, lubhang umunti ang bilang ng mga agilang imperyal sa buong tirahang dako nito. Walang awang pinagnanakawan ng mga kolektor ng itlog ang mga pugad, samantalang ang iba naman ay nangangaso ng adultong mga ibon upang gawing mga tropeo sa museo o sa maling akala na inuubos ng mga agila ang maiilap na ibon at pato na pinakananasa ng mga mangangaso. Ang uring Kastila, naiiba sa ilang paraan mula silangang agilang imperyal, ay halos malipol. Noong 1970’s 30 pares na lamang ang nabubuhay sa Espanya, at waring hindi maiiwasan na isa na namang uri ng ibon ang maglalaho sa talaan ng mga ibon dahil sa kawalang-habag ng tao.

Gayumpaman, ang masigasig na mga pagsisikap ng mga naturalista ng parke alang-alang sa agilang ito ay nagpapakita na ng positibong mga resulta. Mayroon na ngayong 14 na pares na namumugad sa parke, ang pinakamaraming bilang na maaari nitong sustinihan dahil sa malaking teritoryo na 50 kilometro kuwadrado na kailangan ng bawat pares. Ang bawat pugad ay maingat na sinusubaybayan. Kung tatlong itlog ay masusumpungan sa isang pugad at isa lamang itlog sa isang pugad, ang isang itlog ay maingat na ililipat, upang ang bawat pugad ay magkaroon ng dalawang itlog. Ang mga agilang imperyal ay hindi kayang mag-alaga ng mahigit sa dalawang inakay na agila nang matagumpay sa isang panahon.

Ang mamasdan ang mga agila at ang mga lawin na sumasalimbay sa kalangitan, ang libu-libong mga flamingo na magandang lalakad-lakad sa bughaw na tubig ng mga lawa ng Doñana, ang makita ng iyong mga mata ang mga baboy-damo na magilas na naglalakad sa ilalim ng mga punong pino, ay ang pag-unawa sa pambihirang pagkasarisari at kagandahan ng mga nilikha ni Jehova. Sa mataong Europa, ang gayong mga lugar ay pambihira nga at nangangailangan ng higit na pagbabantay alang-alang sa kanilang kaligtasan.

Ngayon, pagdating ng mga gansâ at mga pato sa taglagas, mga stork sa Enero, mga spoonbill at mga tagak at mga lawin sa tagsibol, naghihintay sa kanila ang isang protektadong tirahan kung saan sila maaaring magpahinga, magpalipas ng taglamig, o magparami. Dito, sagana ang sarisaring buhay. Walang alinlangan na ang 300,000 taunang mga bisita ay nagpapasalamat na, kahit paano sa likas na paraisong ito, ang buhay, na dati’y nanganganib, ay pinahintulutang lumago.

[Larawan sa pahina 16]

Red-crested pochard

[Credit Line]

J. L. González/INCAFO, S. A.

[Larawan sa pahina 17]

Spoonbills

[Credit Line]

A. Camoyán/INCAFO, S. A.

Purple gallinule

[Credit Line]

A. Camoyán/INCAFO, S. A.

[Larawan sa pahina 18]

Iniingatan ng agilang imperyal ang mga inakay nito mula sa mainit na araw

[Credit Line]

J. A. Fernández/INCAFO, S. A.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share