Panahon Para sa Lahat ng Bagay sa Hapón
Ng kabalitaan ng Gumising sa Hapón
ISANG binata buhat sa lalawigan ng Hapón ang lumipat sa Tokyo upang mag-aral sa kolehiyo. Doo’y nakilala niya ang isang maganda, matalinong babae at nagbalak na pakasalan siya. Subalit ang pamilya ng lalaki ay tutol na tutol sa pagliligawan na iyon anupa’t ang binata ay napilitang isuko ang kaniyang pag-ibig. Bakit? Sapagkat ang taon ng kapanganakan ng lalaki at ang taon ng kapanganakan ng babae, sang-ayon sa tradisyonal na kalendaryong Hapónes, ay ipinalalagay na magkasalungat.
Noong Hunyo 13, 1985, nais simulan ng sangay ng Samahang Watch Tower sa Hapón ang paggawa sa kayariang bakal para sa isang bagong gusaling tirahan sa Ebina. Gayunman, ayaw itong gawin ng kompaniya sa konstruksiyon sa iminungkahing araw sapagkat ito ay isang “malas na araw” ayon sa tradisyonal na kalendaryong Hapónes.
Walang alinlangan na ang mga Hapónes ay matatalino, masisipag, at edukadong mga tao. Gayunman, mayroong malalim-ang-pagkakaugat na tradisyon na nagtatakda ng isang angkop na panahon para sa lahat ng gagawin. Sa Hapón may panahon upang gawin o huwag gawin ang lahat ng bagay. Paano nagsimula ang gayon kaistrikto, mapamahiing ideya ng panahon? Sa anong lawak apektado nito ang buhay sa modernong lipunang Hapónes? At paano tayo makikinabang sa pag-unawa sa bagay na ito?
Ang Tradisyunal na Kalendaryong Hapónes
Bagaman ang kalendaryong istilong-Kanluranin ay karaniwang ginagamit sa Hapón, isang sinaunang kalendaryong lunar, sinunod mula sa Tsina noong 604 C.E., ay karaniwang ginagamit na kaagapay ito. Ang sistemang ito ng pagbilang ng panahon ay salig sa isang siklong animnapuin, o isang siklo ng 60, nagawa sa pamamagitan ng pagbabago at kombinasyon ng dalawang set ng mga sagisag o simbolo na tinatawag na 10 makalangit na mga tangkay at 12 makalupang sanga.
Sa bersiyong Hapónes, ang una (ang sampung tangkay) ay batay sa ideyang Hapónes tungkol sa sansinukob, na sinasabing binubuo ng limang mga elemento—kahoy, apoy, lupa, metal, at tubig—at ang bawat elemento ay may dalawang aspekto: ang yang (lalaki, o positibong mga katangian na gaya ng kaningningan, kasiglahan, pagiging tuyo, pagkilos) at ang yin (babae, o ang negatibong mga katangian na gaya ng kadiliman, kalamigan, pagiging basa, walang kibo). Ang 12 makalupang sanga ay kinakatawan ng isang sunud-sunod na 12 hayop—daga, baka, tigre, koneho, dragon, ahas, kabayo, tupa, unggoy, tandang, aso, at baboy-damo.
Ang siklo ay nagsisimula sa kombinasyon ng unang tangkay at unang sanga, yaon ay, ang kahoy-yang daga. Ang susunod ay ang kombinasyon ng ikalawang tangkay at ang ikalawang sanga, o ang kahoy-yin baka. Pagkatapos ang apoy-yang tigre, apoy-yin koneho, at iba pa. Ang kabuuang kombinasyon sa paraang ito ay 60, kaya ang siklong animnapuin. Ang mga araw, mga buwan, at mga taon ay binibilang na lahat sa pamamagitan ng siklo ring iyon ng 60. Ang taóng 604 C.E. ang nagsimula ng unang siklo, at isang bagong siklo ang nagsisimula tuwing 60 taon pagkatapos niyan. Ang kasalukuyang siklo ay nagsimula noong 1984. Kaya, magiging anong siklo ang 1988? Yamang ito ang ikalimang taon sa siklo, ito ay isang taon ng lupa-yang-dragon.
Ang Kalendaryo na “Nagtatakda ng mga Panahon”
Dahil sa maliwanag na mga kaugnayan sa astrolohiya, ang mga simbolo sa siklo ay kaagad nagkaroon ng mapamahiing kahulugan. Ang sarisaring mapamahiing ideya at mga pagtupad ay sa wakas inimprenta sa isang taunang kalendaryo. Kahit na ngayon, marami pa ring Haponés ang kumukunsulta sa kalendaryo upang alamin ang suwerte o malas, tagumpay o kabiguan, sa lahat ng uri ng mga gawain sa pang-araw-araw na buhay.
Halimbawa, maraming tao sa Hapón ang naniniwala pa rin na ang isang taong ipinanganak sa isang taon ay tinataglay ang mga katangian ng hayop na kinakatawan sa kombinasyon para sa taóng iyon. Yaong mga ipinanganak sa ilalim ng tanda ng daga, halimbawa, ay sinasabing balisa at kuripot; yaon namang ipinanganak sa taon ng baka ay matiisin at mabagal; ang tigre, magaspang at malupit; ang ahas, mapaghinala at hindi marunong makisama sa iba. ‘Oh, siya ay ipinanganak sa taon ahas—iyan ang dahilan kung bakit siya ganiyan!’ Ang mga ekspresyong gaya niyan ay karaniwan pa ring naririnig sa Hapón.
Sang-ayon sa kalendaryo, ang mga babaing ipinanganak sa taon ng apoy-yang-kabayo (ika-43 sa siklo) ay sinasabing matigas ang ulo, na may hilig na patayin ang kani-kanilang asawa. Samakatuwid, ang mga tao, lalo na yaong nasa mga lalawigan sa Hapón ay iniiwasan na magkaanak sa taóng iyon, na nagbunga ng lubhang pagbaba sa laki ng mga klase sa paaralan. Kaya, noong Oktubre 1985 ang pahayagang Asahi Shimbun, sa ilalim ng paulong-balita na “Dumarami ang mga Pagkabangkarote ng Siksikang mga Paaralan,” ay nagsabi na noong 1966 (taon ng apoy-yang-kabayo), ang mga pagsilang sa Hapón ay lubhang bumaba kaysa normal, at ang mga anak na isinilang nang taóng iyon ay normal na tatangkilik sa mga paaralan sa 1984 at 1985.
Ang ilang mga araw sa siklo ay itinuturing na angkop o masuwerte, at ang iba naman ay ang kabaligtaran. Kabilang sa huling banggit ang Gomunichi, o limang araw ng mga libingan, kung saan ang lupa ay hindi dapat gambalain o kilusin. Maingat na iniiwasan ng maraming tao ang paglilibing sa gayong mga araw, sapagkat walang sinuman ang may nais na magwakas na may limang libingan, yaon, limang taong patay. Upang makatiyak, bago ang anumang malaking gawain, dapat sangguniin ng isa ang kalendaryo.
Ang kalendaryo at ang almanake ay gumaganap ng isang partikular na mahalagang papel sa mga pag-aasawa. Bagaman anim sa sampung mga mag-asawa ngayon ang nagsasabi na ang kanilang pag-aasawa ay “pag-aasawa dahil sa pag-ibig,” ang isinaayos na pag-aasawa ay karaniwan pa rin sa Hapón, at ang pagsasabi ng pagiging magkatugma ng lalaki’t babae ay isang paksa na lubhang kawili-wili. Ang almanake ay nagpapayo hindi lamang tungkol sa angkop na panahon upang mag-asawa kundi sinasabi rin nito kung sino ang magkabagay. Halimbawa, ang isang taong ipinanganak sa taon ng daga (1948, 1960, 1972) ay lalong nababagay sa isa na ipinanganak sa taon ng dragon (1952, 1964, 1976), ng unggoy (1956, 1968, 1980), o ng baka (1949, 1961, 1973). Kahit na sa “mga pag-aasawa dahil sa pag-ibig,” ang panggigipit ay kadalasan nang ginagawa ng mga kamag-anak sa isang tao na mag-asawa lamang sa isa na may “katugmang” taon ng kapanganakan.
Epekto ng Gayong “Itinakdang” Sistema
Ang pagkatakot sa di-kilala at ang paghahangad ng suwerte ay nangunguyapit sa paraan ng pamumuhay sa sinaunang lipunang Haponés. Subalit ang mahigpit na kapit ng pamahiin ay bahagyang naalis sa modernong-panahong Hapon sa kabila ng dami ng marunong bumasa’t sumulat nito na halos 100 porsiyento at ang adelantadong teknolohiya nito.
Nasumpungan ng isang surbey noong 1950 na isinagawa ng Ministri ng Edukasyon na sa gitna ng 6,373 mga adulto na tumugon, 33 porsiyento ang nagpalagay na ang mga ideya tungkol sa angkop at di-angkop na mga araw ay “talagang totoo” at 44 porsiyento ang nagsabi ng “malamang ay totoo.” Tungkol sa paghula sa pagiging magkabagay sa pag-aasawa, 23 porsiyento ang sumagot ng “tiyak na totoo,” at 36 porsiyento ang sumagot ng “malamang na totoo.” Sa halip na maging isang bagay ng nakalipas, mula sa kalahati hanggang sa tatlong-ikaapat ng mga taong sinurbey ay nanghahawakan pa rin sa gayong mapamahiing mga ideya. Gaya ng komento ng aklat na Japanese Religion, “Ito ay bahagi ng buhay ng mga tao.”
Subalit paano nakakaapekto ang gayong mga paniwala sa mga tao? Sa isang bagay, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga mapamahiing mga ideya, maaaring maiwala ng isang tao ang kakayahang mag-isip at mangatuwiran sa personal na mga bagay. Ang mga kasabihan, payo, at mga tagubilin mula sa almanake, ito man ay hindi makatuwiran, ay nangingibabaw sa mga pagpili na dapat niyang gawin sa kaniyang buhay. Hindi magtatagal, baka masumpungan niya ang kaniyang sarili na hindi makagawa ng anumang pasiya nang hindi kinukunsulta ang almanake o kalendaryo.
Ang paniniwala sa “itinakdang mga panahon” at suwerte ay nagtataguyod din ng isang patalistikong pangmalas sa buhay. Kapag ang isang gawain ay nabigo o ang isang bagay ay nagkamali, napakadaling isisi ito sa malas o hindi angkop na panahon. Sa halip na hanapin ang tunay na sanhi ng kabiguan, ang isa ay nagpapatuloy, umaasa sa mas mabuting suwerte. Kapag ito ay nagbunga ng higit pang kabiguan, sa panahong iyon maaaring basta italaga na lamang ng isa ang kaniyang sarili sa katotohanan na hindi niya kapalaran ang magtagumpay sa una pa. Ang gayong masamang siklo ay nagsisilbi lamang upang alipinin ang mga tao nang higit sa pamahiin at takot.
Mayroon bang pag-asa? Oo, mayroon. Ngayon pa, nararanasan na ng mahigit na 125,000 mga Saksi ni Jehova sa Hapón ang pangako ng Bibliya: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Kabilang dito ang kalayaan mula sa pagkaalipin sa pamahiin. Ang pag-aaral ng Bibliya ay umakay sa kanila sa malinaw na kakayahang mag-isip, bumuting pagtitiwala-sa-sarili, pag-asa sa isang maligayang kinabukasan, at ang bungang kagalakan.
[Mga larawan sa pahina 10]
Ang mga mapapangasawa at mga araw ng kasal ay kadalasang pinipili sa pamamagitan ng pagkunsulta sa kalendaryo