Ang Wakas ng mga Sandatang Nuklear—Paano?
ANG ating panahon ay isang panahon ng kabalisahan. Ang pagsama ng siyensiya sa digmaan ay gumawa ng libu-libong sandata na di-maisip ang lakas na magwasak, walang pinipiling salarin na may potensiyal na lipulin ang sangkatauhan.
Na ang tao ay handang paslangin ang kaniyang kapuwa ay nakababalisa. Gayunman, ang hilig ng tao na pumatay ay nahayag halos sa pasimula. Ang Bibliya ay nag-uulat: “At nangyari na nang sila’y nasa parang ay sinalakay ni Cain si Abel na kaniyang kapatid at siya’y kaniyang pinatay.” (Genesis 4:8) Pinapatay ng tao ang tao mula noon. At bagaman totoo na mula noong 1945 pinigil ng tao ang kaniyang kamay sa paggamit ng mga sandatang nuklear sa digmaan, ang ating panahon ay nananatiling ang pinakamapamuksang siglo sa kasaysayan. Maliwanag, ang problema ay hindi ang mga sandata mismo.
Mga Sanhi at Lunas
Inaakala ng ibang mga iskolar na yamang ang mga tao ang nagdidigma, ang mga sanhi ay dapat masumpungan sa kalikasan ng tao mismo. Sang-ayon sa palagay na ito, ang mga tao ay nakikipagdigma dahil sa kasakiman, kahangalan, at silakbo ng agresibong maling pamamatnubay. Ang mga lunas ay sarisari, subalit inaakala ng marami na ang kapayapaan ay darating lamang sa pamamagitan ng pagbago sa pangmalas at paggawi ng tao mismo.
Sinasabi naman ng iba na yamang ang mga digmaan ay ipinakikipagbaka sa pagitan ng mga bansa, ang mga sanhi ng digmaan ay nasasalalay sa kayarian ng pandaigdig na sistema ng pulitika. Sapagkat ang bawat soberanong estado ay kumikilos ayon sa sarili nitong mga ambisyon at mga hangarin, ang mga labanan ay karaniwan nang nangyayari. Yamang walang permanente, mapagkakatiwalaang paraan upang papagkasunduin ang mga pagkakaiba, sumisiklab ang digmaan.
Sa kaniyang maingat na pagsusuri sa mga sanhi ng digmaan, ang iskolar na si Kenneth Waltz ay nagsabi na “isang pandaigdig na pamahalaan ang lunas sa digmaang pandaigdig.” Subalit sabi pa niya: “Ang lunas, bagaman ito ay maaaring hindi pag-alinlanganan sa katuwiran, ay hindi maaaring isagawa.” Ang iba ay sumasang-ayon. Ang awtor na si Ben Bova ay nagsabi sa magasing Omni: “Ang mga bansa ay kailangang magkaisa sa isang pamahalaan na maaaring sumupil sa mga armamento at humadlang sa digmaan.” Gayunman, sabi pa niya: “Inaakala ng karamihan ng mga tao na ang gayong pandaigdig na pamahalaan ay imposibleng maabot, isang pangarap ng guni-guning-siyensiya na hindi maaaring magkatotoo.” Ang kabiguan ng United Nations ay nagbibigay-diin sa malungkot na konklusyong ito. Ayaw isuko ng mga bansa ang kanilang pagkasoberano sa organisasyong iyon o sa alinmang iba pang organisasyon!
Pandaigdig na Pamahalaan—Isang Katotohanan!
Gayunman, tinitiyak sa atin ng Bibliya na layunin mismo ng Diyos ang isang tunay na pandaigdig na pamahalaan. Walang malay na idinadalangin ng angaw-angaw ang pamahalaang ito kapag binibigkas nila ang Panalangin ng Panginoon: “Dumating nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa.” (Mateo 6:10) Ang Pinuno ng pamahalaan ng Kahariang iyon ay ang Prinsipe ng Kapayapaan, si Jesu-Kristo. Ang Bibliya ay nangangako tungkol sa pamahalaang iyon: “Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito,” o ang mga pamahalaan ng tao.—Daniel 2:44.
Ang pandaigdig na pamahalaang ito ang magdadala ng tunay na kapayapaan at katiwasayan, hindi sa pamamagitan ng nuklear na deterrence ni sa pamamagitan man ng masalimuot na sistema ng adelantado sa teknolohiyang mga sandata sa depensa o ng mabuway na mga kasunduan sa pulitika. Inihuhula ng Awit 46:9 na “pinatitigil [ng Diyos na Jehova] ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Kaniyang binabali ang busog at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karo ay kaniyang sinusunog sa apoy.” Nangangahulugan ito ng pagwasak sa lahat ng mga sandata, pati na ang mga aparatong nuklear.
Subalit kumusta naman ang tungkol sa palahamok na kalikasan mismo ng tao? Sa ilalim ng makalangit na pamahalaan ng Diyos, ang mga maninirahan sa lupa ay “papandayin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” (Isaias 2:4) Tatlong milyong mga tao ang namumuhay na alinsunod sa tekstong ito sa Bibliya. Sila ang mga Saksi ni Jehova.
Ang mga Saksing ito ay namumuhay sa mahigit 200 mga lupain at buhat sa maraming etnikong grupo. Bago naging tunay na mga Kristiyano, ang iba sa kanila ay palahamok, marahil ay masama pa nga. Subalit dahil sa pagkuha ng kaalaman buhat sa Diyos, sila ngayon ay tumatangging makipagdigma laban sa isa’t isa o sa sinuman. Ang kanilang neutralidad sa harap ng mga labanan sa pulitika ay isang makasaysayang rekord. Ang mapayapang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova ay nagpapatunay sa buong daigdig sa katotohanan na posible ang isang daigdig na malaya sa digmaan at mga sandatang nuklear.
Angaw-angaw na mga taong nabubuhay ngayon ay isinilang sa panahong nuklear at umaasang mamamatay sa panahong ito—kung hindi man sila mamatay dahil dito. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikibahagi sa malungkot na pangmalas na iyon. Ang kanilang tiwala ay inilalagak nila sa Kaharian at sa kanilang Diyos, si Jehova, na sa kaniya “walang sinalita na di matutupad.”—Lucas 1:37.
[Larawan sa pahina 9]
Inihuhula ng Bibliya na ang Diyos ang magwawakas sa mga sandata ng digmaan
[Larawan sa pahina 10]
Sa ilalim ng makalangit na pamahalaan ng Diyos, ang lupa ay magiging malaya na sa digmaan at sa mapamuksang mga sandata