Ang mga Obispong Katoliko at ang “Natutulog na Dambuhala”
DAPAT bang maging mga ebanghelista ang karaniwang mga Katoliko? O ang pangangaral ba ay dapat ipaubaya sa umuunting bilang ng mga pari? Iyan ang isyu na nakaharap ng mga obispong Katoliko sa kanilang pandaigdig na sinodo, o miting, na ginanap sa Roma noong nakaraang taon. Kung ikaw ay isang Katoliko, ano ang palagay mo tungkol sa paggawa ng gawaing pag-eebanghelyo?
Hanggang nitong nakaraang mga dekada lamang, mayroong negatibong ideya tungkol sa mga karaniwang tao. Noong maagang bahagi ng siglong ito, halimbawa, si Papa Pius X ay nagsabi: “Ang Iglesya ay sa kalikasan nito isang walang katulad na lipunan . . . binubuo ng dalawang kategorya ng mga tao: ang mga Pastol at ang Kawan, yaong may katungkulan sa herarkiya, at ang pulutong ng mga tapat. . . . Ang pulutong ay walang ibang tungkulin kundi ang paakay at sumunod.”
Ang gayong paglalarawan ay hindi maaaring tanggapin ngayon. Binabanggit ng isang modernong teolohikal na diksyunaryo na “ang karaniwang tao ay hindi isang walang kibong tao, gaya ng turing sa kaniya sa loob ng mahabang panahon noon,” kundi “isang aktibo at responsableng tao.”
May mahigit na 700 milyong karaniwang taong Katoliko sa daigdig, at sila ay inilarawan ni cardinal O’Fiaich ng Ireland bilang isang “natutulog na dambuhala.” Ano ang ibig niyang sabihin? Sang-ayon sa mga obispo, ang mga karaniwang tao ay kailangang mamuhay ayon sa kanilang pananampalataya sa mas aktibong paraan. Ang layon ng sinodo ay gawing may kabatiran ang mga karaniwang tao tungkol sa kanilang mga pananagutan. Subalit talaga bang nagkaroon ng mga pagbabago sa Iglesya Katolika upang gisingin ang “natutulog na dambuhala”?
Ang Papel ng mga Babae. Maraming Katoliko ay umaasa ng mga pagbabago sa papel ng mga babae sa loob ng iglesya. Isang dokumentong inilathala ng mga babaing Katoliko ay nagmungkahi sa mga obispo: “Ang may pagtatanging mga artikulo ng kautusang kanoniko tungkol sa mga babae, o na salig sa limitadong mga palagay tungkol sa ‘kalikasan’ at ‘papel’ ng mga babae, ay dapat baguhin at iwasto, pati na ang no. 1024 ng kautusang kanoniko ay nagsasabi: “Ang banal na ordinasyon ay may bisang tinatanggap nang natatangi ng bautismadong lalaki.”
Gayunman, ang Katolikong babasahing Rocca ay nagsabi na ang Vaticano ‘ay waring hindi nakikinig sa anumang bagay na maaaring magbago sa tradisyunal na paghadlang nito sa mga babae mula sa pagkapari.’ Isa itong “pinto na isinara sa mukha ng mga babae,” sabi ng isang pari.
Mas Kaunting mga Pari. Kasabay nito, ang Iglesya Katolika ay dumaranas ng matinding krisis sa bokasyon. Ang bilang ng mga pari ay umuunti sa buong daigdig. Itinuturing ito ni Papa John Paul II na “ang pangunahing problema ng Simbahan.” Halimbawa, mayroon “mas kaunting mga pari sa Italya,” sulat ng La Repubblica. At ang La Civiltà Cattolica ay nagsasabi na ang pagbaba sa bilang ng mga pari sa Netherlands ay “grabe.”
“Tinatayang sa tatlong daang libong lokal na pamayanang Katoliko sa buong daigdig na nagtitipon tuwing Linggo sa asambleang liturhiya, mahigit na kalahati ang walang residenteng pari,” sabi ng isang pahayagan.
Nakababahalang Bagay. Ang isyu na tumanggap ng pinakamalaking pansin sa sinodong ito ay ang pag-eebanghelyo. Bago ang sinodong ito, idiniin mismo ng papa na “ang bawat Kristiyano . . . ay isang apostol.”
Gayunman, ang mga Katoliko mismo ay nangangailangang “muling maebanghelisa.” Sang-ayon sa kanila, ito ay kinakailangan dahil sa tinatawag na “hamon sa mga sekta at ang bagong mga grupo ng relihiyon.” Kung sila ay hindi sapat na handa, sabi ng isang obispo mula sa Ecuador, ‘hinahayaan ng mga Katoliko na sila ay madaling madaig ng mga sekta.’
Isa sa panghuling mungkahi na sinang-ayunan ng mga obispo ay nagsasabi: “Ang mga sekta ay lumulusob sa maraming rehiyon ng lupa . . . Ang mga tapat ay dapat na gisingin sa pamamagitan ng katekismo, upang maipangatuwiran nila ang kanilang sariling pananampalataya.” Hinimok ng sinodo ang mga Katoliko na ‘humayo at gumawa ng mga alagad sa lahat ng mga bansa.’ Subalit paano nga makagagawa ng mga alagad ang “natutulog na dambuhala” ng 700 milyong mga Katoliko kung hindi nila alam kung paano gagawa ng pag-eebanghelyo?
Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na ang gawain ng tunay na mga Kristiyano ay hanapin ang karapat-dapat “sa bahay-bahay.” (Gawa 5:42; 20:20; Mateo 10:11) At sino ang makikibahagi rito? Ang lahat ng mga Kristiyano. Tungkol sa paraan ng pamamahagi ng sinaunang mga Kristiyano ng kanilang pananampalataya, ganito ang sabi ng mananalaysay na Pranses na si Gustave Bardy:
“Ang indibiduwal na pagkilos ay masusumpungan sa pasimula ng iglesya, at malamang na sa ganitong paraan na, noong unang dalawang siglo, . . . nasakop ng Kristiyanismo ang malaking bahagi ng mga tapat nito. Ang bawat mananampalataya ay isang apostol. . . . Itinatalaga ng lahat ang kanilang sarili sa apostoladang ito, kahit na ang pinakamahirap, ang pinakawalang-alam, ang pinakahamak.”
Oo, lahat ng tunay na mga Kristiyano ay mga ministro ng Salita ng Diyos. Sa gitna nila, walang pagkakaiba sa pagitan ng klero at karaniwang tao. Ang gayong pagkakaiba ay dumating pagkatapos ng pagtaliwakas buhat sa orihinal na Kristiyanismo. (Gawa 20:29, 30) Kinikilala ng ilang publikasyong Katoliko na ang pagkakaiba sa pagitan ng klero-karaniwang tao sa Iglesya Katolika “walang teolohikal na saligan.” Sang-ayon sa tagamasid sa Vaticano na si Giancarlo Zizola, ang sinaunang mga Kristiyano “ay walang mga pari, ang kanilang mga ministro ay mga presbitero, yaon ay, mga matatanda . . . Walang herarkiya sa gitna nila.”
Ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon ay gising at aktibung-aktibo sa kanilang gawaing Kristiyano, masigasig na ipinangangaral ang “mabuting balita” ng Kaharian ng Diyos. Malamang, iniwan nila ang magasing ito sa inyo.—Mateo 24:14; 25:13; 1 Corinto 15:58.