Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 10/22 p. 18-21
  • Pagkaligtas sa Pag-uusig sa Alemanyang Nazi

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkaligtas sa Pag-uusig sa Alemanyang Nazi
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pag-uusig sa Aming Pamilya
  • Pagtakas sa mga Nazi
  • Ang Panahon Pagkatapos ng Digmaan
  • Pinagpapala ni Jehova ang mga Tapat
  • Ibinunyag ang mga Kabuktutan ng Nazismo
    Gumising!—1995
  • Ano ang Igaganti Ko kay Jehova?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Mga Saksi ni Jehova—May Lakas ng Loob sa Harap ng Banta ng Nazi
    Gumising!—1998
  • Nagtitiwala sa Maibiging Pangangalaga ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 10/22 p. 18-21

Pagkaligtas sa Pag-uusig sa Alemanyang Nazi

HAYAAN mong ibalik kita sa Alemanya noong panahon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I kung saan ang entablado ay inihahanda para sa isang madulang yugto ng pag-uusig sa mga Kristiyano.

Noong 1919 ang aking mga magulang ay ikinasal, at nang taon ding iyon inialay nila ang kanilang buhay upang maglingkod kay Jehova. Ako’y ipinanganak noong sumunod na taon, ang aking kapatid na si Johannes noong 1921, si Eva noong 1922, at sa wakas si George noong 1928. Kami lamang ang mga bata sa mga Bible Student, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, sa aming lunsod ng Wittenberge.

Nang ang National Socialists, o mga Nazi, ay naging makapangyarihan noong 1933, maraming guro ang naging mga membro ng partido. Kapag ako’y tumatangging magsabi ng “Heil Hitler!” ako’y laging nililigalig ng mga kaklase kong Hitler Youth. Ang sukdulan ay dumating nang ako’y hindi nakibahagi sa kapistahan ng summer-solstice kung saan noong panahong iyon ang literatura na ipinagbabawal ng mga Nazi, pati na ang Bibliya, ay sinusunog sa publiko.

Halos kasabay nito, sa harapan ng buong klase, ang kapatid kong si Johannes ay sinampal dahil sa pagtangging magsabi ng “Heil Hitler!” Tinutulan ni Inay ang karapatan ng guro na gawin ito, binabanggit ang kalayaan ng pagsamba at pananalita, na, noong maagang yugto ng pamumuno ng Nazi, ay hayagang sinuportahan ni Rudolph Hess at Reichsminister Dr. Frick.

Hindi pinapansin ang sinabi niya, ang guro ay nagsisigaw: “Ang lakas ng loob mong magsalita ng ganiyan! Ang Führer ay nasa kapangyarihan na at ang lahat ay makabubuting sumunod!” Saka siya umangil: “Titiyakin ko na ikaw at ang iyong pamilya ay maghihirap!”

Tinitigan siya sa mata, si Nanay ay sumagot: “Iyan, Herr Sienknecht, ay pagpapasiyahan ni Jehova ang Diyos ng langit at ng lupa, at hindi ikaw!”

Pag-uusig sa Aming Pamilya

Hindi nagtagal si Tatay ay umuwi ng bahay at, walang anumang pambungad, aniya: “Tayo’y nasa yungib ng mga leon ni Daniel!” Siya ay inalis sa kaniyang trabaho nang walang anumang abiso. Ito’y nangangahulugan, kung gayon, na kami’y walang anumang nakikitang paraan ng ikabubuhay. Ano na ang gagawin namin ngayon?

Bueno, mga taong hindi namin inaasahang gagawa ng gayon ang nagdala sa amin ng pagkain, ang ilan ay maingat na pumupunta sa aming bahay sa gabi. Nang maglaon si Tatay ay nagtinda ng mga vacuum cleaner, kasabay nito ay ipinamahagi rin niya ang ngayo’y ipinagbawal na literatura ng Watch Tower.

Noong 1936 ang ating mga kapatid na Kristiyano sa labas ng Alemanya ay nagtibay ng isang resolusyon na nagbababala sa pamahalaan ni Hitler na ihinto nito ang pagmamalupit sa mga Saksi ni Jehova. Ipinamahagi naming mga Saksi sa Alemanya ang resolusyon sa buong bansa noong Disyembre 12, 1936, sa pagitan ng alas–5:00 at alas–7:00 n.g. Noon ako nagsimulang makibahagi sa ministeryo sa larangan.

Noong Disyembre nang taóng iyon ang aking mga magulang ay tumanggap ng isang patawag na humarap sa Sondergericht (Pantanging Hukuman) sa Berlin. Ang paratang: pamamahagi ng literatura ng ipinagbabawal na organisasyon. Pagkaraan ng ilang araw isa pang patawag ang dumating para sa aming lahat na apat na mga bata upang humarap sa lokal na hukuman sa Wittenberge. Bakit? Sinasabing kami ay espirituwal na pinababayaan ng aming mga magulang. Anong laking kahangalan!

Ang mga opisyal sa hukuman ay namangha nang marinig nila kaming mga kabataan, ngayo’y 16, 15, 14, at 8 taóng gulang, na ipinagtatanggol ang aming pananampalataya sa pamamagitan ng paggamit ng Kasulatan. Binanggit namin na ang “Heil Hitler” ay nangangahulugang “Ang kaligtasan ay nagmumula kay Hitler,” at yamang ang kaligtasan ay nagmumula lamang sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ni Kristo Jesus, hindi namin maaaring gamitin ang sawikaing iyon. Gayumpaman, ipinasiya ng hukuman na kami ay kunin sa aming mga magulang at ipadala sa isang repormatoryo sa Strausberg malapit sa Berlin.

Bago pa kaming mga bata ay damputin, kami ay dinala ng aming mga magulang sa istasyon ng tren at ipinadala kami sa Wolfenbuttel sa aming lola. Ginawa nila ito sapagkat ang kanilang kaso sa hukuman ay hindi pa tapos, at ikinatakot nila ang kalalabasan. Sa plataporma ng istasyon ng tren si Nanay, na may mga luha sa kaniyang mata, ay matatag na nagsabi: “Si Jehova ay mas mabuting Tagapagsanggalang kaysa amin.” Niyayapos kami dahil sa akala nila baka ito na ang huling pagkakataon, sinipi ng aming mga magulang ang Isaias 40:11: “Kaniyang papastulin ang kawan na gaya ng pastol. Kaniyang pipisanin ang mga kordero sa kaniyang kamay; at dadalhin sila sa kaniyang sinapupunan.” Kami’y lubhang naaliw.

Sa ganap na pagtataka ng aming mga magulang, ang kaso laban sa kanila ay pinawalang-saysay dahil sa kakulangan ng katibayan.

Pagtakas sa mga Nazi

Hindi nagtagal kaming mga kabataan ay sinundan na naman ng mga Nazi. Isinaayos nila kaagad na makita kami upang tingnan ang aming mga “palagay.” Upang iwasan sila, iniwan namin ang aming lola sa Wolfenbuttel at kami’y naghiwa-hiwalay, ang bawat isa’y tumira sa ibang lugar. Ako’y nagtrabaho bilang isang front-desk clerk sa Duisburger Hof, isang otel sa Rhineland.

Isang araw ang mga nasa otel ay sabik na sabik na naghihintay sa dalaw ng Ministro sa Propaganda na si Joseph Goebbels at ang kaniyang mga tauhan. Pagdating nila ang lahat sa lobby a sumaludo at sumigaw ng kinaugaliang “Heil Hitler!”​—maliban sa akin. Napansin iyon ng isa sa mataas na opisyal, at nang maglaon, sa isang silid sa likuran, sinita niya ako. Naisip ko: “Lagot huli na ako!” Subalit walang anu-ano, siya ay biglang tinawag. Maliwanag na siya ay kailangan ni Dr. Goebbels kaagad. Bigla akong naglaho sa isa sa maraming pasilyo ng pagkalaki-laking otel, hindi ako nagpakita nang buong araw.

Sa pagtatapos ng 1943 sumidhi ang mga pagsalakay ng Allied sa himpapawid sa mga lunsod, at sa kauna-unahang pagkakataon ang mga bilanggo sa piitang kampo ay ginamit upang tumulong sa gawaing paglilinis at pagkukumpuni pagkatapos ng mga pagbomba. Ang otel ay nangangailangan ng pagkukumpuni sa ilang mga bintana at mga pinto, kaya ang mga bilanggo ay inatasan na gawin ang gawaing ito. Tuwang-tuwa ako nang makita ko ang mga tatsulok na lila sa kanilang guhitang mga diyaket, ipinakikilala sila bilang mga Saksi ni Jehova! Sa kasamaang palad, nang sikapin kong makipag-usap sa kanila, itinaas ng mga guwardiyang SS ang kanilang riple, tinutukan ako, at sumigaw: “Sulong!” Gayon na lamang ang paninimdim ko.

Ang kakila-kilabot na mga kalagayan sa daigdig nang panahong iyon ay nagpangyari sa marami sa amin na makadama na ito ay pawang magwawakas sa Armagedon. Subalit kumalat ang balita na ang mga hukbong Allied ay papunta na sa Alemanya. Nagsimula kaming magalak sapagkat alam namin na ang kalupitan ng Nazi ay malapit nang matapos.

Ang Panahon Pagkatapos ng Digmaan

Nang matapos na ang pananakop ng hukbong Allied, ang mga kapatid ay sabik na sabik na nakibahagi sa muling pag-oorganisa sa gawaing pangangaral sa madla. Sa ngayon ang aming pamilya ay muling nagkasama-sama​—pagkatapos mahiwalay sa loob sampung mahabang mga taon​—at kami’y nakatira sa Hannover sa gawing hilaga ng Alemanya. Noong unang taon na iyon pagkatapos ng digmaan, 1946, idinaos namin ang pagdiriwang ng Memoryal sa aming tahanan, na sapat lamang ang laki para sa mga 50 kapatid sa Hannover. Anong di-malilimot na pagdiriwang, kasama ng mga kapatid na kalalabas lamang mula sa mga kampong piitan at makita ang mga pinahiran na nakikibahagi sa mga emblema! Ito’y nag-iwan ng di-malilimutang impresyon sa akin.

Noong 1946 idinaos din namin ang aming unang malaking kombensiyon pagkatapos ng digmaan sa gawing hilaga ng Alemanya. Maraming luha ng kagalakan ang iniluha. Kahit na ang mga tagapagsalita ay kailangang huminto paminsan-minsan sa panahon ng kanilang pahayag upang bigyan-daan ang kanilang damdamin. Hindi nila mapigil ang kanilang luha na makita ang napakarami sa kanilang mahal na mga kapatid na mapayapang nakaupo at nasisiyahan sa instruksiyon na walang alambreng may tinik na nakapaligid sa kanila! Pagkatapos nito ay pumasok sa ranggo ng mga payunir at ako’y naatasan sa kalapit na lunsod na Lehrte.

Mula roon ako ay tinawag na maglingkod sa tanggapang sangay sa Alemanya sa Wiesbaden. Nang dumating ako noong 1947 ang bilang ng nasa pamilyang Bethel ay wala pang 20. Pansamantalang nagtrabaho kami sa isang malaking villa, at ang lugar ay limitado. Mula sa Bethel ako ay tinawag noong 1952 upang dumalo sa Watchtower Bible School of Gilead at nagtapos ako sa ika-19 na klase. Pagkatapos ako ay muling inatasan sa Wiesbaden upang ipagpatuloy ang gawain bilang isang tagapagsalin.

Noong 1954, sa gulang na 34 anyos, ako ay nagpasiyang mag-asawa. Si Edith ay isang payunir subalit hindi pa niya tapos ang kontrata niya bilang isang mang-aawit sa opera. Gayunman, sa paglipas ng panahon kami ay sinugo bilang mga espesyal payunir sa Lohr, isang bayan na istilong Edad Medya.

Hindi nagtagal kami ay muling nagkaroon ng isa pang pagbabago sa atas. Si Edith ay nagdalang-tao sa aming anak na si Markus, kaya’t kinailangang iwan namin ang buong-panahong paglilingkod. Nang dakong huli kami ay lumipat sa Canada. Doon isa pang anak na lalaki, si Reuben, ay isinilang. Ang mga anak na ito ngayon ay 34 at 30 anyos. Ang isa ay naglilingkod bilang isang hinirang na matanda at ang isa naman ay bilang isang ministeryal na lingkod sa Kongregasyon ng Thornhill, Ontario, hilaga ng Toronto, kung saan ako ay naglilingkod bilang punong tagapangasiwa.

Pinagpapala ni Jehova ang mga Tapat

Sa tulong ni Jehova naligtasan ng kaniyang bayan ang mga kakilabutan ng rehimeng Nazi at sila’y muling inorganisa para sa higit pang teokratikong paglilingkod. Sa kabaligtaran, pansinin kung ano ang nangyari sa mga Nazi. Ipinagdiwang nila ang kanilang maagang tagumpay noong maagang mga taon bago ang digmaan sa Zeppelinwiese sa Nuremberg. Subalit ngayon nakuha namin ang dakong iyon mismo para sa isang hindi malilimot na kombensiyon noong Setyembre 1946. Ang pinakatugatog ay dumating noong Lunes, Setyembre 30. Ang mga opisina, tindahan, at mga restauran sa lunsod ay pawang nakasara nang araw na iyon.

Subalit bakit nakasara ang mga negosyo noong partikular na araw na iyon ng Lunes? Sapagkat ang hatol na kamatayan sa mga kriminal ng digmaan na Nazi ay iginawad sa Nuremberg. Sa orihinal, ang paggawad ng mga hatol ay dapat sanang ginawa noong Setyembre 23, subalit ito ay ipinagpaliban sa Setyembre 30. Sa gayon, noong mismong panahon nang ang ating dating mga mang-uusig ay nasa bilangguan at pinakikinggan ang hatol, oo, noong araw ding iyon, sa mismong lugar na dati’y pinagpaparadahan ng mga Nazi, dito kaming mga pinag-usig noon ay maligayang nagdiriwang sa harap ng aming Diyos!

Ginugunita ang nakaraan, buong pagtitiwalang masasabi ko na hindi tayo dapat mabahala sa wari’y “pagkaantala” ng inihulang nalalapit na pagkawasak ng hindi matuwid at malupit na sistemang ito. “Ito’y walang pagsalang darating,” gaya ng ipinangako ng Diyos. “Hindi ito magbubulaan.” Si Jehova ay matapat. Kontrolado niyang lubos ang panahon. Kaya, ang “itinakdang panahon” ay darating kapag kaniyang “walang pagsalang” lilipulin ang kaniyang mga kaaway, sa kaniya mismong kaluwalhatian at sa kaligtasan niyaong mga sumasamba sa kaniya. “Hindi magluluwat”! (Habacuc 2:3)​—Gaya ng inilahad ni Konstantin Weigand.

[Larawan sa pahina 18]

Si Konstantin Weigand, makikita mo rito kasama ng kaniyang pamilya, ay nakaligtas sa pag-uusig ng Alemanyang Nazi sa mga Saksi ni Jehova

[Larawan sa pahina 21]

Mga Nazi na sumasaludo kay Hitler noong 1937. Noong 1946, ginamit ng mga Saksi ni Jehova ang istadyum na ito ng Nuremberg para sa isang kombensiyon habang ang mga lider na Nazi ay hinahatulan

[Credit Line]

U.S. National Archives

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share