Gaano Katalino ang Isang Elepante?
“Hindi ako naniniwala na ang ‘isang elepante ay hindi nakakalimot,’” sulat ng isang awtoridad, si Jim Williams, sa kaniyang aklat na Elephant Bill. Gayumpaman, taimtim na iginagalang ni Jim ang talino ng mga hayop na ito na ginagamit ng isang kompaniya ng kahoy na teak Burma kung saan siya nagtatrabaho. Natuklasan niya na ang isang elepante ay maaaring turuang tumugon sa 24 na iba’t ibang bibigang utos gayundin ng maraming tahimik na utos na ibinibigay sa pamamagitan ng mga kilos ng katawan ng nakasakay. Ang sumusunod na pangyayari ay tungkol sa isang elepanteng nagngangalang Bandoola at ang isang taga-Burma na sumasakay rito na ang pangalan ay Po Toke:
“Si Po Toke ay tuwang-tuwang ipagmalaki ang galing ni Bandoola . . . Inilagay niya ang sampung bagay sa harapan niya— isang palakol, isang lagare, tatlong iba’t ibang laki na kadena, isang martilyo, atb.
“‘Iabot mo sa akin ang lagare,’ ang sabi niya sa wikang Burmese.
“Si Bandoola ay tumingin sa hanay ng mga gamit at agad na iniabot ang lagare, sa pamamagitan ng kaniyang nguso, kay Po Toke.
“‘Oh sige, ibaba mo ito,’ sabi niya. ‘Ngayon iabot mo sa akin ang martilyo.’ Ito man ay pinulot nang walang anumang pag-aatubili; at ang iba pa sa mga kagamitan ay iniabot nang walang pagkakamali.
“‘Magaling,’ sabi ni Po Toke, at tinanggap ito ni Bandoola bilang isang papuri gaya ng kung ano nga ito.
“Pagkatapos si Po Toke ay bumaba buhat sa ulo ng elepante, kinuha ang dulo ng isang kadena sa kaniyang kamay at sinabi kay Bandoola na ibuhol ito. Ginawa niya ito nang buong sigla, ibinubuhol ito sa pamamagitan ng kaniyang nguso na hindi kayang kalagin ng kamay ng tao. Gayunman, nang si Bandoola ay sabihang kalagin ito, ginawa niya ito na para bang ito’y isa lamang pisi. Si Treve [anak ni Williams] ay tuwang-tuwa.
“‘Oh, higit pa riyan ang magagawa niya,’ may pagmamalaking sabi ni Po Toke. ‘Halikayo at tingnan ninyo kung ano ang magagawa niya sa isang punungkahoy.’
“Siya ay sumakay rito ng mga ilang hakbang tungo sa lugar kung saan lumalaki ang ilang batang mga punungkahoy. Ngayon ang lahat ng utos ay isinagawa nang walang isa mang salita—walang upuan, walang pamalo—kundi diin lamang ng hita sa leeg ng hayop at kalabit ng hinlalaki sa paa sa tainga ng elepante.
“Sa tuwina, ipinakikita sa amin ni Po Toke kung ano ang ipagagawa niya kay Bandoola, pagkatapos ay tahimik na ipinahahatid niya sa hayop ang gusto niya, na ang kakayahang unawain ang pagkakaiba ay lubhang kamangha-mangha. Nakita namin siyang tumugon sa sunud-sunod na mga tagubiling hindi binibigkas. Kumaliwa ka—kumanan ka—lumingon ka—ibaba ang kaniyang ulo—hatakin ang sanga—itulak ang punungkahoy pababa—bunutin ang isang batang punungkahoy, o basta ingatan ang isang batang punungkahoy.”—Mula sa The Footprints of Elephant Bill, ni Susan Williams.
Anong mga katangian ang kailangan sa pagsasanay sa isang elepante upang tumugon na gaya niyan? Kalupitan o kabaitan? “Yamang ang pagkamasunurin ng elepante ay bunga ng pagmamahal,” sabi ng awtor na babae, “ang kaniyang pagsasanay ay kailangang gawin na may kahinahunan at kabaitan.”
Ang pagsasanay ay dapat ding magsimula samantalang ang hayop ay bata pa. Ang pagsasanay ni Bandoola ay nagsimula sa kaniyang ikaanim na taon. Sa simula siya ay ginagamit bilang tagapagdala, at tanging pagdating sa gulang na 20 saka lamang siya itinuturing na may sapat na gulang para sa mas mabibigat na trabaho na pagbubuhat ng mga troso. Sulit ba ang gayong matiyagang pagsasanay? Maliwanag na gayon nga. Ang isang adultong elepante ay makahihila ng mabibigat na troso sa loob ng halos 35 taon. Ilang modernong sasakyan ang tumatagal ng gayon?