Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 11/8 p. 23-27
  • Moriskong Espanya—Isang Pambihirang Pamana

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Moriskong Espanya—Isang Pambihirang Pamana
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Muslim​—Saan Sila Nanggaling?
  • Ang Ginintuang Panahon ng Córdoba
  • Islam​—‘Tagapamagitan ng Teknolohiya’
  • Ang Paaralan ng mga Tagapagsalin sa Toledo
  • Nananatili ang Pamanang Morisko
  • Ang Alhambra—Islamikong Hiyas ng Granada
    Gumising!—2006
  • Paglaganap ng Salita ng Diyos sa Espanya Noong Edad Medya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Seville—Isang Pintuang-daan Patungo sa mga Lupain sa Amerika
    Gumising!—2003
  • Toledo—Napakagandang Pagsasama ng mga Kultura ng Edad Medya
    Gumising!—2007
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 11/8 p. 23-27

Moriskong Espanya​—Isang Pambihirang Pamana

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Espanya

ESPANYA​—lupain ng flamenco, mga kastilyong Morisko, at maranyang mga kabalyero​—ang maybisita sa taunang pagdagsa ng mahigit na 40 milyong mga turista. Sila’y mula sa lahat ng bahagi ng Europa at sa ibayo pa roon, hindi lamang upang masiyahan sa di-mabilang na maaraw na mga dalampasigan ng peninsula kundi rin naman upang masiyahan sa kulturang Kastila.

Kapag nakikinig sa laging sumasagi sa isipang musika ng flamenco, humahanga sa mga kabayong Andalusian sa lokal na mga kapistahan, o nagmamasid ng mga tanawin mula sa muralla almenadang Morisko, nauunawaan ng may kabatirang mga bisita ang isang bagay na naiiba sa kulturang Kastila. Hindi sila nalinlang ng kanilang sentido. Sila’y nabighani ng mga tanawin at mga tunog ng Moriskong Espanya.

Pinaalis sa Espanya mga 500 taon na ang nakalipas, ang Moors (mga Muslim) ay nag-iwan ng nagtatagal na pamana na nakikita pa rin sa mga gusali, musika, at maging sa mga hayop sa Espanya. Subalit sino bang talaga ang mga Muslim? Paano nila naimpluwensiyahan ang Espanya sa gayon kalaking lawak? Ano ang nangyari sa kanila?

Ang mga Muslim​—Saan Sila Nanggaling?

Ang ikapito at ikawalong siglo ay panahon ng maraming pulitikal at relihiyosong kaguluhan sa Gitnang Silangan at sa rehiyon ng Mediteraneo. Noong sumunod na isang daang taon pagkamatay ng propetang si Muhammad noong 632 C.E., ang kaniyang masugid na mga tagasunod ay gumawa ng isang imperyong Islam na mula sa Ilog Indus sa Silangan hanggang sa Pyrenees sa kanluran. Ang Espanya mismo ay sinalakay noong 711 C.E. at unti-unting nasakop ng mga hukbong Muslim na binubuo ng mga Berber, o tribo sa Hilagang Aprika, at ng mga Arabe na noong dakong huli ay bumuo sa uring namumuno. Ang mga mananalakay ay pangkalahatang tinawag na “Moors,” anumang bansa ang kanilang pinagmulan.a

Ang malawak na imperyong Muslim na ito, katumbas sa lawak ng imperyong Romano, ay relihiyoso at pulitikal. Bagaman karaniwan nang hindi pinalalaganap ng mga mananakop na Muslim ang kanilang relihiyon sa pamamagitan ng dahas, unti-unting nahikayat ng bagong pananampalataya hindi lamang ang mga pagano kundi karamihan ng mga nag-aangking Kristiyano sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika, gayundin ang marami sa Espanya.

Ang Ginintuang Panahon ng Córdoba

Kilala sa Arabiko bilang al-Andalus, na siyang pinagmulan ng “Andalusia,” ang Espanya sa simula ay pinamunuan mula sa Damascus, subalit noong ikasampung siglo ito ay naging malaya nang ipahayag ng emir ng Córdoba ang kaniyang sarili na kalipa, o pinuno ng estado. Noong panahong ito ang kalipato Morisko ay umabot sa sukdulan nito at ang Córdoba, sa gawing timog ng Espanya, ay naging isang maunlad na punong-lunsod, nakikipagpaligsahan sa Damascus bilang sentro ng kulturang Islam.

Maliban sa Constantinople, ang ikasampung-siglong Córdoba, na may 500,000 mamamayan, ang pinakamataong lunsod sa Europa. Bilang ang kabisera ng Islamikong Espanya, ito’y nagtamasa ng napakalaking kita, karaniwang mula sa agrikultura, negosyo, at industriya, na pawang umunlad sa ilalim ng nagpupunong dinastiya ng Umayyad.

Ang pamantasan ang kilalang sentro ng pag-aaral, at ipinagmamalaki ng lunsod ang isang aklatang pampubliko na naglalaman ng 400,000 mga tomo. Dalawampu’t-pitong libreng mga paaralan ang inilaan upang turuan ang mahihirap na bata at may mataas na pamantayan ng karunungang bumasa’t sumulat sa gitna ng mga batang babae at mga lalaki. Ang maharlikang mga binata mula sa mga kahariang feudal sa hilaga ay tumanggap ng kanilang edukasyon sa mga korteng Morisko, at ang mayayamang babae sa Pransiya ay pumipidido ng kanilang pinakaeleganteng kasuotan sa Córdoba.

Ang napakalaking pagpasok ng kayamanan ay mababanaag din sa panlahat na anyo ng lunsod, inilarawan ng isang kapanahong madreng Aleman bilang “ang palamuti ng daigdig.” Ang mga lansangan ay aspaltado at naiilawan. Ang mga hardin, talón, at ornamental na mga lawa ang nagpapaganda sa lunsod, samantalang isang akwedukto ang nagdadala ng saganang sariwang tubig upang tustusan ang mga paunten at paliguang pampubliko, na kasindami ng 700 ayon sa isang mananalaysay na Muslim. Nakakalat sa buong lunsod ang maranyang mga palasyo, ang isa rito, ang Al-Zahra, sa labas ng bayan ng Córdoba, ay kumuha ng 25 taon at pinaghirapan ng 10,000 manggagawa upang matapos. Ang mga kagibaan nito ay nagpapatotoo pa rin sa kadakilaan nito.

Noon ding ikasampung siglo, ang Great Mosque ng Córdoba ay natapos sa wakas. Nagsasabing iniingatan nito ang kamay ni Muhammad, ito ay naging isang mahalagang sentro para sa mga peregrinong Muslim. Sabi ng isang babasahin: “Ikalawa lamang ito sa kabanalan sa Mecca at . . . ang pagdalaw rito ay nagkakalág sa tapat buhat sa obligasyong gumawa ng Arabianong peregrinasyon.” Ang mga dumadalaw ngayon ay namamangha pa rin sa napakagagarang kagubatan ng mga haliging marmol (may mga 850) at maadornong mga arko. Ito ay inilarawan bilang ang “pinakamagandang templong Muslim sa daigdig.”

Gayunman, ang ginintuang panahon ng Córdoba ay panandalian lamang. Maaga noong ikalabing-isang siglo, ang dinastiyang Umayyad ay nagwakas, at nagkaroon ng sunud-sunod na mga asasinasyon, paghihimagsik, at matitinding alitan. Hindi nagtagal ang Moriskong Espanya ay nauwi sa 23 mga estadong-lunsod o taifas, na noong sumunod na mga dantaon ay unti-unting kinuha ng mga kaharian feudal ng Kastilang Sangkakristiyanuhan mula sa hilaga. Ang Granada, ang kahuli-hulihang Moriskong kaharian, ay sinakop noong 1492, at ang mga Muslim ay pinaalis sa peninsula.

Subalit ang epekto ng kulturang Morisko ay nanatili. Kahit na ang wika ng Espanya ay kakikitaan pa rin ng impluwensiyang Morisko; tinatantiya ng mga iskolar na 8 porsiyento ng modernong mga salitang Kastila ay mula sa Arabiko. Maririnig ng mga bisita ang mga Kastila na hindi sinasadyang tumatawag kay Allah, ginagamit ang karaniwang sawikaing “ojalá,” na orihinal na wa-sa Alláh, o “sa iyo Allah.”

Islam​—‘Tagapamagitan ng Teknolohiya’

Ang pananakop ng Morisko sa Espanya ay magkakaroon din ng nagtatagal na resulta sa iba pa sa Europa. Lalo na noong panahon nang ang mga kaharian ng Sangkakristiyanuhan sa gawing hilaga ng Espanya ay unti-unting isinasama ang mga estadong Muslim sa timog, ang Moriskong Espanya ay nagsilbing isang tagapamagitan sa Silangan at Kanluran, ginagawang madali ang pagpapalaganap ng Oryenteng kultura, siyensiya, at teknolohiya sa buong Europa at sa ibayo pa. (Tingnan ang kahon, pahina 27.)

Ipinaliliwanag ang prosesong ito, ang Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Ang halaga ng Islam ay nasasalalay sa pagtanggap ng Arabe sa siyentipiko at teknolohikal na mga nagawa ng Hellenikong sibilisasyon, na doon ito’y gumawa ng mahalagang karagdagan, at ang kabuuan ay maaaring magamit ng Kanluran sa pamamagitan ng mga Muslim sa Espanya.

“Ang Islam ay nagsilbi ring tagapamagitan para sa ilang teknolohiya ng sinaunang mga sibilisasyon ng Silangan at Timog Asia, lalo na yaong sa India at Tsina.”

Ang di-mumunting epekto ng kulturang Morisko sa Kanluraning Europa ay agad makikita sa maraming salitang Ingles sa iba’t ibang larangan (at sa iba pang wikang Europeo) na mula sa wikang Arabiko: algebra, zero, alcohol, alkali, lemon, orange, sugar, adobe, alcove, tariff, magazine, jar, mattress, sofa.

Literal na sinunod ng mga iskolar na Islam ang payo ng kanilang propeta, “Hanapin mo ang karunungan, bagaman ito ay masusumpungan sa Tsina.” Ang ilan sa bagong teknolohiya ay nanggaling nga sa Tsina.

Ang Paaralan ng mga Tagapagsalin sa Toledo

Sa simula ang lahat ng kaalamang ito ay lumaganap sa Arabiko, isang wika na hindi kilala ng karamihan ng mga iskolar na taga-Europa. Subalit hindi nagtagal ang hadlang na ito sa wika ay napagtagumpayan. Ang pagkabawi sa Toledo sa mga Muslim ng Katolikong si Haring Alfonso VI ng León noong 1085 ay napakahalaga sa bagay na ito.

Nang sumunod na siglo isang paaralan ng mga tagasalin ang itinatag sa Toledo, at unti-unti ang karamihan ng mga akdang Islamiko ay isinalin sa Latin at nang maglaon ay sa iba pang mga wikang Europeo. Dahil sa pagpapagal ng mga tagapagsaling ito, ang mga akdang Arabiko na gaya ng Canon of Medicine ni Avicenna ay naging pamantayang aklat-aralin, sa loob ng mga dantaon, sa maraming pamantasan sa Europa.

Nananatili ang Pamanang Morisko

Ang pamanang Morisko ay makikita pa rin sa modernong Espanya. Ipinapasa sa bawat susunod na salinlahi, ang Moriskong arkitektura, siyensiya, at teknolohiya ay nakaimpluwensiya sa mga Kastilang tagapagtayo, mga magsasaka, at sa mga siyentipiko rin naman. Ang musikang Morisko ay isinama nang dakong huli sa flamenco, nanatili rin ang Moriskong kahusayan sa paggawa at maaaring makita agad sa maraming subenir na nakaaakit sa modernong-panahong turista. Samantala, marami sa kahanga-hangang mga kastilyo nito ay nakatayo pa rin bilang piping saksi sa naglahong kadakilaan.

Gayon nga ito, saanman maaaring gumala ang turista, ang mga tanawin at mga tunog ng modernong Espanya ay maaaring ang mga alingawngaw ng dating sibilisasyong ito na ang kaluwalhatian ay lumipas na subalit ang pamana sa Espanya at, oo, sa daigdig ay pambihira.

[Talababa]

a Ang katagang “Moor” ay galing sa salitang Latin na Maurus, na tumutukoy sa mga tao na naninirahan sa hilagang-kanlurang Aprika.

[Kahon sa pahina 27]

Ang mga Arabe​—Isang Tulay sa Pagitan ng Silangan at ng Kanluran

Seda at Papel. Nang sakupin ng mga Arabe ang malaking bahagi ng Asia Minor, nasumpungan nila na ang proseso ng paggawa-ng-seda ay nagawa na roon sa limitadong lawak dahil sa dating pakikitungo sa Tsina. Pagkatapos ito ay lumaganap sa buong daigdig Islamiko, noong ikasiyam na siglo marahil ito ay dumating sa Espanya, at naging kauna-unahan sa bansang Europeo na gumawa ng seda.

Lalo pang mahalaga ang pagkatuklas sa kung paano gagawa ng papel. Gaya ng iniulat, isang bilanggong Intsik na nabihag ng mga Arabe ang nagturo sa kanila ng sining ng paggawa ng papel mula sa mga basahan. Ginawa sa Damascus sa pagtatapos ng ikawalong siglo, mabilis na hinalinhan nito ang papiro sa buong imperyong Islam. Hindi nagtagal, ito ay ginagawa na sa Espanya, at dahil sa bagong pamamaraang ito, nagkaroon ng malaking pagdami sa produksiyon ng aklat sa Córdoba at sa iba pang lunsod sa Espanya.

Ang teknolohiya ay kumalat sa Espanya hanggang sa iba pang bahagi ng Europa, at ang paggamit ng papel ay nagpadali sa paggawa ng imprentahan noong ika-15 siglo.

Ang iba pang pagbabagong Oryental na gaya ng windmill at ang paggamit ng pulbura ay nakarating din sa Europa, maliwanag sa pamamagitan ng Islamikong “tagapamagitan” na ito.

Agrikultura. Ang mahusay na Moriskong sistema ng patubigang mga kanal ay ginagamit pa rin sa maraming bahagi ng Espanya, tinutubigan ang taniman ng mga dalandan at lemon na unang itinanim ng mga hortikulturistang Arabe. Sa ilalim ng pangangasiwa ng mga Muslim, sila’y nagtanim ng palay, tubó, granada, bulak, saging, dalandan, lemon, dates, at igos. Ang marami sa mga tanim na ito ay nang malaunan dinala sa Amerika ng mga dayuhang Kastila at Portuges.

Ang mabagal na baka ay pinalitan ng mola, ng asno, at ng kabayo. Ang mga kabayo mula sa Hilagang Aprika ay nilahian ng mga kabayong Iberian upang magkaroon ng tinatawag na pinakamatandang nauulat na lahi sa daigdig, ang napakagandang Andalusian.

Medisina. Ang ospital sa Córdoba ay isang kilalang paaralan sa medisina, ang kauna-unahang uri nito sa Europa, at tinatamasa ng mga seruhano nito ang internasyonal na pangalan. Ang mga kagamitan sa pagtitistis ay kataka-takang kahawig ng mga ginagamit sa ngayon. Ang alak, hashish, at iba pang droga at sinasabing ginagamit bilang anestisya.

Labis na pagdiriin ang ibinibigay sa medisina sa paggamot ng mga sakit at sa paggamit ng damong-ugat na lunas. Sa Canon of Medicine ni Avicenna, isang medikal na ensayklopedia noong ika-11 isang siglo, nasumpungan namin ang sumusunod na mahusay na payo: “Ipinakikita ng karanasan na ang pagsuso sa ina ay isang mahalagang pananggalang na salik laban sa mga sakit.”

Astronomiya, Heograpiya, at Matematika. Isang mahalagang heograpikal at astronomikal na akda, isinulat ni al-Idrisi na nag-aral sa Córdoba, ay lumitaw noong ika-12 siglo. Pinamagatang “Roger’s Book,” hinati nito ang kilalang daigdig sa klimatikong mga sona at inilakip ang mga 70 detalyadong mga mapa na tinaguriang “ang pinakamahalagang nagawa ng cartograpiya noong Edad Medya.” Gaya ng karamihang mga iskolar na Islam, ipinalagay ni al-Idrisi na ang lupa ay bilog.

Isa pang Muslim, isang mamamayan ng Toledo, ay naglathala ng astronomical table at nag-imbento ng tinatawag na universal astrolabe (isang aparato para alamin ang latitud), ang nauna sa sextant. Ang mga pagsulong na ito, pati na ang paggamit ng layag na tatsulok na ginamit sa loob ng maraming salinlahi ng mga Arabeng dhow (bangka), ay naging mahalagang kontribusyon sa malaking paglalayag ng pagtuklas noong ika-15 siglo.

Ang ating sistema sa pagbilang ay malaki rin ang pagpapasalamat sa mga matematikong Islam na, noong ikawalong siglo, ay gumagamit ng tinatawag natin ngayon na mga pamilang Arabiko, kasali na ang sero at decimal point, na pawang isang malaking pagsulong sa dating Romanong sistema ng pamilang na gumagamit ng letra (I=1, V=5, X=10, L=50, C=100, M=1,000). Bilang halimbawa, ihambing ang MCMLXXXVIII sa sistemang batay sa Arabiko​—1988!

[Larawan sa pahina 23]

Patio de los Leones, ang palasyo sa Alhambra, Granada

[Larawan sa pahina 24]

Masalimuot na Moriskong palamuti sa palasyo sa Alhambra, Granada

[Mga larawan sa pahina 25]

Isang nagagayakang kisame ng bobida sa Mosque (Mezquita) ng Córdoba

Ilan sa mahigit na 800 haliging marmol sa Mosque ng Córdoba

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share