Pasko—Ito Ba’y Maka-Kristiyano?
ANG Pasko ay malawakang tinatanggap bilang isang Kristiyanong pagdiriwang ng mga relihiyon sa buong daigdig. Ito ay ipinagdiriwang ng daan-daang angaw na mga tao.
Gayunman, ito ba ay tunay na maka-Kristiyano? Ito ba ay mula sa Diyos? Itinatag ba ni Jesu-Kristo o ng kaniyang mga alagad ang pagdiriwang? Disyembre 25 ba ang petsa ng kapanganakan ni Jesus? At mahalaga ba kung ipinagdiriwang ito o hindi ng isang tao?
Ang Pasko ba ay Mula sa Diyos?
Tungkol sa pinagmulan ng Pasko at ang araw ng kapanganakan ni Kristo, pansinin ang sumusunod na mga komento mula sa relihiyoso at makasaysayang mga pinagmulan:
“Ang Pasko ay hindi kabilang sa pinakamaagang mga kapistahan ng Simbahan.”—The Catholic Encyclopedia.
“Ang unang pagbanggit sa pagdiriwang ng Pasko ay nangyari noong A.D. 336 sa isang maagang kalendaryong Romano.”—The World Book Encyclopedia.
“Ang pagdiriwang ng Pasko ay hindi mula sa Diyos, ni ito man ay nagmula sa B[agong] T[ipan]. Ang araw ng kapanganakan ni Kristo ay hindi matiyak sa B. T., o, kaya, mula sa alinmang iba pang pinagmulan. Ang mga pari noong unang tatlong siglo ay hindi bumabanggit tungkol sa anumang pantanging pagdiriwang ng kapanganakan ni Jesus.”—Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature, ni McClintock and Strong.
“Bagaman para bang mahiwaga, ang petsa ng kapanganakan ni Kristo ay hindi alam. Hindi ipinahihiwatig ng Ebanghelyo ang araw o ang buwan.”—New Catholic Encyclopedia.
Kung ang Pasko ay mahalaga sa mga Kristiyano, maaari bang hindi ito banggitin ni Jesus o ng kaniyang mga alagad? Isa pa, sinasabi sa atin ng Bibliya: “Lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan . . . upang ang tao ng Diyos ay maging ganap ang kakayahan, lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Kung ang Pasko ay mula sa Diyos, hindi kaya kakasihan ng Diyos ang mga manunulat ng Bibliya upang magsabi ng ilang bagay tungkol dito upang ang mga Kristiyano ay “lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa”?
Hindi binabanggit ng Bibliya ang Pasko sapagkat ito ay hindi maka-Kristiyanong doktrina o gawain. Hindi ito mula sa Diyos. Gaya ng sabi ng Daily News ng Sri Lanka: “Kapuna-puna na saanman sa Bagong Tipan ay walang binabanggit na isang pantanging araw na tinatawag na Pasko na ibinukod upang ipagdiwang ang kapanganakan ni Kristo. . . . Ang Pasko ay nagmula sa tao. Ang Pasko ay hindi bahagi ng Bibliya.”
Si Jesus ay Hindi Ipinanganak ng Disyembre 25
Tungkol sa petsang Disyembre 25 na ibinigay na kapanganakan ni Jesus, walang katibayan na nagpapahiwatig na ito ay tama. Ang katibayan ay iba ang ipinakikita.
Sa aklat na Celebrations, ni Robert J. Myers, ating mababasa: “Ang ulat ng Bibliya tungkol sa kapanganakan ni Jesus ay hindi naglalaman ng petsa kung kailan naganap ang pangyayari. Gayunman, ang ulat ni Lucas [Lucas 2:8] na ang mga pastol ay ‘nasa parang, na binabantayan sa gabi ang kanilang kawan’ ay nagpapahiwatig na si Jesus ay maaaring ipinanganak sa tag-araw o sa maagang taglagas. Yamang ang Disyembre sa Judea ay malamig at maulan, malamang na isinilong ng mga pastol ang kanilang kawan sa gabi.”
Sa Daily Life in the Time of Jesus, ni Henri Daniel-Rops, gayundin ang sinasabi sa atin: “Ang mga kawan . . . ay nagpapalipas ng taglamig sa kamalig; at mula lamang dito makikita natin na ang tradisyunal na petsa para sa Pasko, sa taglamig, ay hindi tama, yamang sinasabi ng Ebanghelyo na ang mga pastol ay nasa parang.”
Ganito ang sinasabi ng The Encyclopedia Americana tungkol sa Disyembre 25: “Ang petsang ito ay hindi itinakda sa Kanluran hanggang noong kalagitnaan ng ika-4 na siglo at sa Silangan hanggang noong pagkalipas ng isang siglo.” Kaya, si Jesus ay hindi ipinanganak sa petsang iyon. At hindi niya inautorisa ang pagdiriwang ng Pasko; ni inautorisa man ito ng kaniyang mga alagad o ng mga manunulat ng Bibliya.
Saan Ito Nagmula?
Saan, kung gayon, nagmula ang Pasko? Tungkol dito, mayroong pangkalahatang kasunduan. Ang U.S. Catholic ay nagsasabi: “Imposibleng ihiwalay ang Pasko mula sa paganong pinagmulan nito.” Susog pa nito: “Ang paboritong kapistahan ng mga Romano ay ang Saturnalia, na nagsisimula sa Disyembre 17 at nagtatapos sa ‘kapanganakan ng di-mabihag na araw’ (Natalis solis invicti) sa Disyembre 25. Noong ikalawang kuwarto ng ikaapat na siglo, ang nakaaalam na mga opisyal ng simbahan ng Roma ay nagpasiya na ang Disyembre 25 ay magiging isang magandang araw upang ipagdiwang ang kapanganakan ng ‘araw ng katuwiran.’ Ang Pasko ay isinilang.”
Ang paganong pagdiriwang ng Saturnalia ay naganap noong winter solstice. Ang salitang “solstice” ay mula sa dalawang salitang Latin: sol (ang pangalan ng diyos ng araw) at sistere (huminto). Ang winter solstice ang panahon kapag ang oras ng liwanag ng araw ay humihinto sa pag-ikli at sa halip ay nagsisimulang humaba. Sang-ayon sa sinaunang kalendaryong Julian, ang araw ng winter solstice ay Disyembre 25.
Kaya, ang The World Book Encyclopedia ay nagsasabi: “Ang pagdiriwang na ito [ng Pasko] ay malamang na naimpluwensiyahan ng mga kapistahang pagano (di-Kristiyano) na idinaraos noong panahong iyon. Ang sinaunang mga Romano ay nagdaraos ng pagdiriwang sa pagtatapos ng taon upang parangalan si Saturn, ang kanilang diyos ng pag-aani; at si Mithras [ang diyos ng araw].” Ang New Catholic Encyclopedia ay nagsasabi: “Noong Dis. 25, 274, ipinahayag ng [Romanong emperador] na si Aurelian na ang diyos ng araw [si Mithras] ang pangunahing patron ng imperyo . . . Ang Pasko ay nagsimula sa isang panahon nang ang pagsamba sa araw ay totoong masidhi sa Roma.” Ang aklat na Celebrations ay nagsasabi: “Sa wakas dinala ng klero ang . . . daigdig ni Saturnalia sa Simbahan mismo.” At binabanggit ng Encyclopædia Britannica na ang Disyembre 25 ay itinuturing “na ang petsa ng kapanganakan ng . . . diyos [ng araw] na si Mithra.”
Karamihan ng mga kaugaliang nauugnay sa Pasko—ang yule log, mistletoe, krismas tri, Santa Klaus, sobra-sobrang pagbibigay ng regalo, labis na pagsasaya—ay nag-uugat din sa paganismo. Wala itong kaugnayan kay Kristo. Gaya ng binabanggit ni James Hastings sa Encyclopædia of Religion and Ethics: “Karamihan ng mga kaugalian kung Pasko na umiiral ngayon . . . ay hindi tunay na mga kaugaliang Kristiyano, kundi mga kaugaliang pagano na kinuha o tinanggap ng Simbahan. . . . Ang Saturnalia sa Roma ay nagbigay ng modelo para sa karamihan ng mga kaugalian ng pagsasaya kung Kapaskuhan. Ang dating kapistahang Romano na ito ay ipinagdiwang noong 17-24 ng Disyembre.”
Kaya kung minsan kapag naririnig natin ang mga tao na nagsasabi: ‘Balikan natin ang tunay na kahulugan ng Pasko’ o, ‘Ibalik natin si Kristo sa Pasko,’ isaisip na ang orihinal na kahulugan ng Pasko ay isang paganong pagdiriwang, at na si Kristo kailanman ay wala sa Pasko. At kapag binabatikos ng iba ang pangungomersiyo kung Pasko, isaisip na ang paghahanda at pagbibigay ng regalo sa pagdiriwang ng Saturnalia ay nangahulugan ng negosyo para sa mga negosyante. Kaya sa loob ng libu-libong taon, ang winter solstice ay ikinomersiyo.
Noong 1643, ipinagbawal pa nga ng Parlamento ng Inglatera ang Pasko dahil sa paganong pinagmulan nito, subalit nang dakong huli ito ay isinauli. Noong 1659, ipinagbawal din ito sa Massachusetts, subalit doon man ito ay isinauli nang dakong huli. At ang U.S. Catholic ay nag-uulat: “Sapagkat iniuugnay ng mga Kristiyano sa E.U. . . . ang Pasko sa paganong mga kaugalian, hindi nila ipinagdiwang ang Pasko sa malaking paraan hanggang noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo.”
Hindi Nagpaparangal sa Diyos at kay Kristo
Samakatuwid, yaong mga nagdiriwang ng Pasko ay hindi nagpaparangal sa Diyos o kay Kristo, kundi pinararangalan ang paganong mga pagdiriwang at ang paganong mga diyos. At sa pagpapaunlad sa mga alamat na gaya ng Santa Klaus, itinataguyod nila ang kasinungalingan. Iyan ay hindi nagpaparangal kay Jesus, na nagturo na ang Diyos ay dapat sambahin sa katotohanan. (Juan 4:23, 24) Sabi ni Jesus: “Kung kayo’y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo ay aking mga alagad, at inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”—Juan 8:31, 32.
Binabanggit din ng Salita ng Diyos: “Anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa kalikuan? O anong pakikibahagi mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? Isa pa, anong pakikipagkasundo mayroon si Kristo kay Belial [si Satanas]? O anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa di-sumasampalataya?” Ang sagot sa mga tanong na iyon ay na ang tapat na mga Kristiyano ay walang bahagi sa mga bagay na iyon; kung hindi mawawala nila ang pagsang-ayon ng Diyos. Kaya nga, ang Salita ng Diyos ay nagpapayo: “‘Magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at huwag nang humipo ng maruming bagay’; ‘at kayo’y aking tatanggapin.’ . . . ‘At kayo’y magiging aking mga anak na lalaki at babae.’”—2 Corinto 6:14-18.
Ang tunay na pag-ibig sa Diyos ay nakatulong sa mga tao na makaalpas mula sa hindi maka-Diyos na mga gawain na gaya ng pagdiriwang ng Pasko kahit na ito ay nakaaakit sa damdamin. Hindi nila ipinalalagay na sila ay pinagkakaitan sa pamamagitan ng pagtanggi sa gawain na hindi nagpaparangal sa Diyos at kay Kristo, na sa katunayan ay nagpaparangal sa huwad na mga diyos. Kinikilala nila ang Pasko kung ano nga ito—isang paganong kapistahan na nagkukunwang Kristiyano—at iniiwasan nila ito.
[Larawan sa pahina 18]
Ang bagay na ang mga pastol ay nasa labas sa buong magdamag na kasama ng kanilang kawan ay nagpapatunay na si Kristo ay hindi maaaring ipinanganak sa Disyembre