Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 12/8 p. 20-23
  • Nawala Nang Mahigit 20 Taon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nawala Nang Mahigit 20 Taon
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kalunus-lunos na Buhay na Pinasigla ng Katotohanan ng Bibliya
  • Pagkapasok sa Isang “Nursing Home”
  • Kung Paano Namin Nakita si Jimmy
  • Buháy at Malakas na Pananampalataya
  • Nakasisiyang Pagbabago
  • “Bakit Sila Huminto Roon?”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1989
  • Walang Sinumang Makapaglilingkod sa Dalawang Panginoon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 12/8 p. 20-23

Nawala Nang Mahigit 20 Taon

“Kayo ang aking kapatid na lalaki at aking kapatid na babae. Matagal ko na kayong hinihintay!”

TUWANG-TUWANG binigkas ni Jimmy ang mga salitang ito nang makilala naming mag-asawa siya! Sa mahigit na 20 taon, siya ay nakabukod sa tulad-piitang mga kalagayan. Ngayon, sa aming pagdalaw noong 1977, isang panahon ng ginhawa ay magsisimula na.

Subalit paano at saan maaaring mangyari sa ating panahon ang gayong mga kalagayan na parang noong Edad Medya? Una, balikan natin sa umpisa.

Kalunus-lunos na Buhay na Pinasigla ng Katotohanan ng Bibliya

Si Jimmy Sutera ay ipinanganak noong Hunyo 13, 1913, at pinalaki sa Brooklyn, New York. Ang kaniyang tunay na pangalan ay Vincent, subalit siya ay laging tinatawag na Jimmy. Mula sa pagkasanggol, siya ay malupit na sinalanta ng mininghitis sa gulugod. Nang siya ay bata pa, madalas siyang maospital.

Isang araw pag-uwi ng bahay mula sa simbahan, si Jimmy ay nakaupo sa kaniyang bakuran, umiiyak dahil sa kalungkutan. Isang mabait na babaing nagngangalang Rebecca ay nabagbag ng tanawin at inaliw siya. Ipinaliwanag niya na ang Diyos ay nagmamalasakit sa kaniya at na ang Diyos ay may pangalan, Jehova. Agad naunawaan ni Jimmy ang malinaw na himig ng katotohanan sa mahalagang mensahe ng babae. Ang babae ay isa sa mga Saksi ni Jehova (noo’y kilala bilang Bible Students).

Ang mga magulang ni Jimmy, ang kaniyang mga kapatid na lalaki, at ang kaniyang mga kapatid na babae ay pawang hindi sang-ayon sa kaniyang bagong tuklas na relihiyon. Kaya lihim na itinaguyod ni Jimmy ang kaalaman sa Bibliya. Akala ng mga magulang niya siya ay nagpupunta sa simbahan, subalit sa katunayan siya ay dumadalo sa mga pulong ng mga Bible Student at nakikibahaging kasama nila sa ministeryo sa madla.

Noong 1932, inialay ni Jimmy ang kaniyang buhay sa Diyos at sinagisagan ito ng bautismo sa tubig. Kawili-wili, ang noo’y presidente ng Samahang Watch Tower, si J. F. Rutherford, ang nagpahayag ng pahayag sa bautismo.

Bagaman napakahirap para kay Jimmy na lumakad, nakibahagi siya sa bahay-bahay na pangangaral ng Kaharian na ginagamit ang testimony cards at ang ponograpo. Ang pagpapatugtog ng isinaplakang mga sermon sa mga pintuan ng mga tao ang pangunahing paraan ng pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova noong 1930’s. Bagaman hindi madali para kay Jimmy na magbuhat ng anumang bagay, siya ay yumayaon, dala-dala ang ponograpo sa isang panig at ang isang bag ng mga aklat na punô ng literatura sa Bibliya sa kabilang panig.

Pagkapasok sa Isang “Nursing Home”

Subalit pagkatapos si Jimmy ay nagkasakit ng polio at dumanas ng sunud-sunod na atake serebral, na ang resulta’y ang pagkamatay ng kaliwang bahagi ng kaniyang katawan. Siya rin ay nagkaroon ng sakit na Parkinson’s disease at nakapagsasalita lamang siya nang may kahirapan at pautal-utal. Ang kaniyang mga magulang, na nang panahong iyon ay matatanda na, ay nagpasiya na ipasok siya sa pangangalaga ng isang nursing home na malapit sa Brooklyn, New York. Iyan ay noong 1958.

Kapuri-puri, ang mga membro ng kaniyang pamilya ay nagpakita ng tunay na malasakit sa pamamagitan ng pagdalaw sa kaniya ilang beses sa bawat linggo, bagaman ang ilan sa kanila ay lubhang salansang sa kaniyang relihiyon. Sa kasamaang palad, ang administrasyon ng nursing home ay masyadong matutol. Yamang hindi kaya ng kaniyang katawan kahit na nga ang paggamit ng telepono upang tawagan ang kaniyang espirituwal na mga kapatid, naiwala niya ang lahat ng kaugnayan niya sa bayan ni Jehova. Narito siya, sa isang nursing home na mga ilang milya lamang ang layo sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova subalit siya ay nakakulong na parang isang bilanggo at nakabukod mula sa lahat ng espirituwal na pakikisama!

Ang mga kalagayan sa nursing home ay sumamâ, at sa wakas, noong kalagitnaan ng 1970’s, ipinagbawal ng estado na gamitin ang pasilidad. Gayunman, dahil sa kakulangan ng mga nursing home sa New York City, walang lugar na masumpungan upang doon ilipat ang mga pasyente. Ang mga ipis ay naglipana sa sahig at sa dingding. Kung minsan pinapalo pa nga ng ilang kawani si Jimmy. Siya ay nagtiis, nakabukod sa kahabag-habag na lugar na iyon nang mahigit na 20 taon. Gayunman ang kaniyang Soberanong Panginoong Jehova ay hindi malayo sa kaniya at pinanatiling buháy at malakas ang kaniyang pananampalataya​—isang bagay na mapatutunayan naming mag-asawa. Subalit paano namin siya nakita?

Kung Paano Namin Nakita si Jimmy

Maaga noong 1970’s ang aking maybahay, si Barbara, at ako ay naging mga Saksi ni Jehova rin. Nang maglaon, kami ay lumipat mula sa gawing hilaga ng New York tungo sa Queens, New York City. Nang binabalak naming lumipat, naalaala ng tatay ko na ang kaniyang tiyo sa lunsod na iyon ay baka isa sa mga Saksi ni Jehova. Sa katunayan, natatandaan niya na ang kaniyang tiyo Jimmy ang nagkukuwento sa kaniya ng kamangha-manghang mga kuwento tungkol sa mumunting bata na nakikipaglaro sa mga leon sa Paraiso.

Mga isang taon na kami sa New York City nang malaman namin mula sa kapatid na babae ni Tiyo Jimmy, ang aking lola sa tiya, na si Tiyo Jimmy nga ay isa sa mga Saksi ni Jehova, “isa sa inyo,” gaya ng sabi niya. Ibinigay niya sa amin ang direksiyon, at sa loob ng isang oras kami ay nasa nursing home. Sinita kami ng nars sa pinto, yamang hindi oras ng bisita. Ipinaliwanag ko na kami ay naroon upang makita ang aking lolo sa tiyo at na ako ay isang ministro, isa sa mga Saksi ni Jehova.

“Hindi naman sa ako’y nagtatangi, subalit hindi namin pinapayagan dito ang mga Saksi ni Jehova,” ang tugon niya na maliwanag na nagtatangi. “Pinapayagan namin dito ang paring Katoliko, ang ministrong Protestante, at ang paring Episcopal, subalit hindi namin pinapayagan ang sinuman sa mga Saksi ni Jehova.”

Sinisikap na manatiling mahinahon, binigyan ko siya ng dalawang mapagpipilian: (1) Maaari niya kaming papasukin kaagad at nang mapayapa o (2) maaari siyang makitungo sa pulisya. Gumawa siya ng mabilis, mapayapang pagpili.

Hindi ko natatandaang nakita si Jimmy, yamang apat na taon lamang ako nang siya ay pumasok sa nursing home. Pumasok kami sa kaniyang silid at sinabi sa kaniya ang aming pangalan. Bumabangon sa kama, siya’y bumulalas, “Kapatid ko!”

“Hindi po, palagay ko po’y hindi ninyo kami nakikilala,” sabi ko, inuulit ang aming pangalan.

“Kayo ang aking kapatid na lalaki,” minsan pang sinabi niya, “at aking kapatid na babae. Matagal ko na kayong hinihintay!” Mangyari pa, ang ibig niyang sabihin, na kami ang kaniyang espirituwal na mga kapatid.

Nalaman namin na ang kaniyang kapatid na babae, na masyadong salansang sa aming relihiyon, ang nagbalita sa kaniya tungkol sa amin. “Sina Al at Barbara ay nakisama sa iyong relihiyon,” sabi niya. Kaya sa loob ng ilang taon hinintay niya ang pagdalaw namin sa kaniya, upang ibahagi ang pananampalataya na taglay namin.

Buháy at Malakas na Pananampalataya

Habang kami ay nag-uusap, naging maliwanag na ang taong ito ay nagtataglay ng isang pagkalaki-laking puso na punô ng espiritu at pananampalataya. Habang ginagalugad namin ang kaniyang alaala, sinipi niya ang maraming talata ng Kasulatan, tinalakay niya sa amin ang malalim na hula ng Bibliya, at inawit pa nga niya ang isang awit na kinatha niya na nagpapahayag ng kaniyang taus-pusong pagpapasalamat kay Jehova. Ang mukha ni Tiyo Jimmy ay nagniningning; ang kaniyang buong pagkatao ay nagbabadya ng kagalakan at sigla na natatangi sa isa na maliwanag na inalalayan ng Diyos. Ito ay parang isang himala sa amin. Ito ay para bang, bueno, para bang isang pagkabuhay-muli.

Hindi nagtagal, nalalapit na ang 1977 na pandistritong kombensiyon. Kami’y nagtanong kung maaari naming isama si Jimmy. Hindi ito ipinahintulot ng administrador. Noong minsang dumalaw kami tinanong namin ang nars kung puwede ba naming ipasyal si Tiyo Jimmy sa paligid ng bloke sa kaniyang silyang de gulong. Bagaman hindi nila ugali na ilabas man lamang si Jimmy, inakala ng nars na ito ay isang mabuting ideya. Kaya nagpatuloy kami. Gayunman, hindi pa nga kami nakalalayo nang habulin kami ng administrador, nagsisisigaw at sinabi sa amin na huwag na huwag na naming ilalabas siyang muli.

Mula sa aming unang dalaw, iniwanan namin ng literatura si Jimmy. Nang kami’y magbalik, wala na ito. “Nasaan po ang inyong literatura?” tanong namin.

“Ipinamahagi ko ito,” sabi niya.

“Nasaan po ang Bibliya ninyo?”

“Ipinamahagi ko ito.”

Ang aklat-awitan, Yearbook, lahat ng iwan namin sa kaniya ay ipinamamahagi niya sa mga interesadong tao. Gayon na lamang kaalab ang pagnanais niyang purihin ang pangalan ni Jehova. Alam din niya na sisirain ng administrasyon ang anumang literaturang masusumpungan nila.

Minsan, nang nag-uusap tungkol sa mga pangyayari sa daigdig at sa hula, ang sabi ko: “Tiyo Jimmy, hindi po ba kamangha-mangha? Hindi na magtatagal ay darating na ang katapusan ng sistemang ito na binanggit ni Jesus. Hindi na magtatagal at kayo po ay luluwalhatiin bilang hari at saserdote sa langit, at matatapos na ang lahat ng inyong paghihirap.”

Walang bahagya mang pag-aatubili, mariin niyang sinabi: “Hindi iyan ang mahalagang bagay.” At taglay ang pambihirang pagdiriin, sinabi niya: “Ang pangalan ni Jehova ay maipagbabangong-puri!” Naiyak kami sa kaniyang maka-Diyos na pananaw. Labis-labis ang hirap na dinanas niya sa buong buhay niya, gayunman ang kaniyang pinakadakilang hangarin ay makitang maipagbangong-puri ang pangalan ni Jehova sa halip na magkaroon ng personal na kaginhawahan.

Nakasisiyang Pagbabago

Noong 1978 ang mga empleado ng nursing home sa New York City ay nagwelga, sapilitang inililipat ang mga pasyente sa mga ospital. Hindi na pinayagan ng estado na muling magbukas ang dating nursing home. Kaya si Jimmy ngayon ay nasa mas mabuting tirahan sa isang bahagi ng lunsod na malapit sa karagatan. Mahal siya ng lahat ng mga nars at inaalagaan siyang mabuti. Kumusta naman ang tungkol sa kaniyang espirituwal na mga pangangailangan?

Isinasama ngayon ng mga membro ng lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova si Tiyo Jimmy sa mga pulong at mga asamblea. Siya ay namamahagi ng mahigit na isang daang magasin isang buwan, karamihan sa nursing home. At, isinasama rin siya ng mga Saksi sa bahay-bahay na ministeryo sakay ng kaniyang silyang de gulong. Ilang beses siyang isinama ng kaniyang espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae upang dalawin kami ni Barbara sa Watchtower Farms sa gawing hilaga ng New York, kung saan kami ay nakatira sa nakalipas na sampung taon.

Sabi ni Tiyo Jimmy ang kongregasyon ay “kahanga-hanga, mahal ako ng lahat.” Totoo ito. Talagang minamahal at inaalagaan nila siya. Ang punong tagapangasiwa, si Joseph Bowers, ay nagsasabi: “Wala akong naririnig na reklamo sa mga kapatid tungkol sa pag-aalaga sa kaniya.” Pagkatapos, taglay ang tunay na damdamin sa kaniyang tinig, sinabi pa niya: “Ang aking buhay ay pinagyaman nang makilala ko siya.”

Bagaman sa ilang pamantayan si Jimmy ay walang gaanong pinag-aralan, malinaw sa kaniyang isipan ang pangunahing isyu​—ang pagbabangong-puri kay Jehova bilang ang Kataas-taasang Soberano ng Sansinukob. Ito ang pangunahin sa kaniyang isipan. Naliligayahang maging buháy, siya ay masayang naglilingkod kay Jehova, lubusang natatalos na sa pamamagitan ng kaniyang matapat na landasin ng buhay kaniyang pinatutunayang si Satanas ay isang sinungaling at siya ay nakikibahagi sa kung ano ang nalalaman niyang pinakamahalagang gawain sa lahat, ang ministeryo ng Kaharian.​—Gaya ng inilahad ni Albert Caccarile.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share