Gumawa ng Sarili Mong Bahaghari
NAKAGAWA ka na ba ng sarili mong bahaghari? Ikaw ba’y nagwisik ng tubig sa himpapawid sa isang maaraw na araw at walang anu-ano’y natuwa ka sa iyong munting bahaghari? Kung hindi pa, tiyak na ikaw ay natigilan nang may bumulalas, “Tingnan mo! Isang bahaghari!” Ang magandang arkong iyon ng mga kulay ay walang tigil na nagpapahanga sa atin. Subalit ano nga ba ang isang bahaghari? Paano ba ito nag-aanyo?
May tatlong pangunahing kahilingan kung nais mong makakita ng isang bahaghari—ang araw sa likuran mo at hindi tataas pa sa 40 digri sa ibabaw ng abot-tanaw, at ambon o ulan sa unahan mo. Kung ang mga kalagayan ay uliran, aktuwal na makakakita ka ng dalawang bahaghari—isang panloob na bahaghari na may mas matingkad na mga kulay at isang panlabas na bahaghari na para bang kupas ang mga kulay. At ilang kulay ang makikita mo? Sa teknikal na paraan, may pitong kulay—biyoleta, indigo, asul, berde, dilaw, dalandan, at pula—bagaman hindi isinasama ng ilang dalubhasa ang indigo. Nakikita ng karamihang mga tao ang apat o lima lamang dahil sa pagsasama ng ilang kulay.
Subalit ano ba ang gumagawa sa mga kulay? Hinahati ng mga patak ng ulan ang liwanag ng araw tungo sa mga kulay na gaya ng ginagawa ng munting mga prisma at salamin, sa gayo’y inihahatid ang may kulay ng liwanag sa ating mga mata. Ang bawat bahaghari ay pambihira sa bawat nagmamasid. Bakit gayon? Sapagkat ang pagkakaiba sa posisyon ng nagmamasid ay mangangahulugan ng ibang anggulo sa pagitan ng mga patak ng ulan at ng silahis ng araw. Isa pa, ang bawat tao ay tumatanaw sa iba’t ibang set ng mga patak ng ulan. Kaya kapag hinahangaan mo ang kagandahan ng isang bahaghari, nakikita mo ang isang bagay na pambihira—ang iyong partikular na bahaghari.