Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 1/22 p. 13-15
  • Paano Ko Matalinong Magagamit ang Aking Salapi?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Matalinong Magagamit ang Aking Salapi?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Paano Magiging Maingat sa Paggasta
  • Pagtulong sa mga Gastusin sa Bahay
  • Ang mga Pagpapala ng Pagkamapagbigay
  • Ang Silo ng Inggit
  • Paano Ko Makokontrol ang Aking Paggastos?
    Gumising!—2006
  • Paano Ko Mapamamahalaan ang Aking Salapi?
    Gumising!—1988
  • Paano Ako Matututong Humawak ng Pera?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Kung Paano Magbabadyet ng Pera
    Puwedeng Maging Masaya ang Iyong Pamilya
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 1/22 p. 13-15

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong. . .

Paano Ko Matalinong Magagamit ang Aking Salapi?

“ANG mga kabataan sa bansang ito ngayon ay pinalalaki upang gumastos.” Gayon ang konklusyon ni Lester Rand na nagsagawa ng surbey pagkatapos gawin ang isang pag-aaral tungkol sa paggasta ng mga tin-edyer sa Estados Unidos. Sang-ayon kay Rand, ang mga kabataan sa E.U. ay gumagasta ng halagang $39.1 bilyon sa loob lamang ng isang taon! At saan napupunta ang pera?

Ang mga mananaliksik ng E.U. na si Norman at si Harris ay nag-uulat: “Ang ilang anyo ng paglilibang, lalo na ang musika, ay pangunahin sa lahat halos ng talaan. . . . Ang mga tin-edyer na nagmamaneho ay gumugugol ng pinakamalaking porsiyento ng kanilang pera sa gasolina, pagkumpuni, at panlahat na mantensiyon. Ginugugol ng marami pang iba ang kanilang salapi sa sarisaring basurang pagkain, na ang pizza, soft drinks, at hamburger ang nangunguna sa listahan. Ang mga babae ay waring mas malaki ang ginagasta sa damit kaysa mga lalaki; at mangyari pa, ang mga babaing tin-edyer ay napakahalaga sa industriya ng kosmetiko.”

Ipagpalagay na, ang mga pagkakagastos sa kotse, pagkain, paglilibang​—ang mga ito ay maaaring maging lehitimong pagkakagastos. Subalit ang lahat ba ng paggasta ng mga tin-edyer ay matalinong ginagawa?a At maaari kayang ang pinansiyal na pananagutan ng isang kabataang nagtatrabaho ay higit pa sa pagbili ng mga bagay para sa kaniyang sarili?

Kung Paano Magiging Maingat sa Paggasta

Isaalang-alang natin ang pamimili, halimbawa. Karamihan ng mga kabataan ay nasisiyahan dito, lalo na kung mayroon silang pera sa kanilang mga bulsa upang gastusin. Subalit ito nga ba ang pinakamabuting patakaran na bilhin ang anumang maibigan at makita mo?

Sa isang surbey ng 600 katao na isinagawa sa Inglatera, napansin na 62 porsiyento niyaong tinanong na nasa pagitan ng mga edad na 15 at 19 sa paano man ay paminsan-minsa’y mapusok na mamimili. (Adolescence, Taglagas ng 1982) Ang matalinong mamimili, gayunman, ay patiunang nag-iisip kung ano ang kailangan niya. Kung gayon, bakit hindi gumawa ng listahan ng iyong bibilhin bago ka mamili at takdaan ang iyong mga pagbili sa listahang iyon? Sa kanilang aklat na Options, ang mga may-akda na sina Shaw at Berry ay nagmungkahi pa: “Kapag ikaw ay mamimili, magdala ng sapat lamang na salapi upang bilhin kung ano ang talagang kailangan mo, o kung ano ang balak mong bilhin bago ka umalis patungo sa tindahan.”

Sinabi rin ng babasahing Adolescence na samantalang ang mas nakatatandang mamimili ay nababahala sa kalidad at pagiging praktikal kapag bumibili ng damit, ang mga kabataan ay mas nababahala sa uso. Totoo ba iyan sa iyo? Kung gayon, gumawa ng ilang pagbabago sa iyong mga ugali sa pamimili. Bago gastusin ang iyong pinaghirapang salapi, isipin kung paano magtatagal sa iyo ang isang mahabang damit. Ito ba’y tatagal ng mga ilang taon? O ito ba’y mawawala sa uso sa loob lamang ng ilang buwan?

Mabahala rin, naman, sa kalidad. Ang isang mumurahing bagay na mahina ang kalidad ay maaaring maging mahal sa kalaunan dahil sa mga pagkumpuni o paghahalili. Kaya tumingin sa iba pang tindahan. Kung ito’y pananamit, suriin ang tela. Gaano kadalas kakailanganin ng damit ang paglilinis? Maaari ba itong labhan? Ito ang mga salik na dapat isaalang-alang bago bumili.

Isang kabataang nagngangalang Lyshondra ay natuto ng mahalagang kasanayan sa pamimili buhat sa kaniyang mga magulang. Sabi niya: “Karaniwang ako’y namimili na kasama ng aking nanay, at tinuruan niya akong tumingin sa mga baratilyo upang ako’y makatipid.” Ang isa pang taktika ay iantala ang pagbili hanggang sa katapusan ng isang panahon kung kailan maraming baratilyo. Susog pa ni Phyllis, isang dalagita na isa nang may karanasang tagahanap ng baratilyo: “Hindi ko matandaan ang pagbili ng anumang bagay sa regular na presyo. Hinahanap ko ang mga baratilyo, at gusto kong mamili sa mga tindahan ng segunda mano. Akala ng mga tao na ang aking mga damit ay bago!”

Pagtulong sa mga Gastusin sa Bahay

Mayroon ka bang trabaho pagkatapos-ng-klase o part-time na trabaho? Kung gayon, ginagasta mo ba ang lahat ng pera mo sa iyong sarili, ikinakatuwiran na tungkulin ng iyong mga magulang na maglaan para sa iyo? Totoo, gayunman, kailan ang huling panahon na ginugol ng iyong mga magulang ang pera para lamang sa kanilang sarili? Hindi ba ang karamihan ng kanilang mga kayamanan ay ibinabahagi nila sa pamilya? Hindi ba makatuwiran, kung gayon, na tumulong ka rin sa gastusin ng sambahayan?

“Tumutulong ako,” sagot ng kabataang si Stephanie nang tanungin siya niyan. Siya at tatlo pang ibang miyembro ng pamilya ay mga Saksi ni Jehova at naglilingkod bilang buong-panahong mga ebanghelisador. “Kailangan ito,” sabi ni Stephanie, “at ito’y nagsisilbi rin bilang pagsasanay, sapagkat walang dako kung saan ang isang tao ay maaaring mabuhay nang hindi tumutulong sa mga pagkakagastos.” Sabi pa ng kabataang nagngangalang Albert: “Bahagi lamang ito ng aking pananagutan. Kung ako’y hindi nakatira sa amin, gagawin ko rin iyon. Kaya inaakala kong dapat akong magbigay nang kusa.”

Oo, maaaring hindi inaasahan ng iyong mga magulang ang anuman mula sa iyo. Subalit isang kabataang nagngangalang Tommy ay bumanggit ng isang mabuting punto nang kaniyang sabihin: “Sa palagay ko nararapat lamang ito. Dinala nila ako sa daigdig at inalagaan ako hanggang sa ngayon, kaya dapat mayroon akong gawin upang bayaran sila.”

Ang mga Pagpapala ng Pagkamapagbigay

“Ang taong mapagbigay ay tataba at sasagana, at siya na nagpapaginhawa sa iba ay giginhawa.” Gayon ang sabi ng Bibliya sa Kawikaan 11:25. (The New English Bible) Kapag ikaw ay nagsuweldo, baka nakatutuksong isipin ang lahat ng bagay na mabibili mo para sa iyong sarili. Gayunman, si Jesus ay nagpapaalaala sa atin: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap.”​—Gawa 20:35.

Ipagpalagay na, may pangangailangan para sa pagkakatimbang sa bagay na ito. Ang pagkabukas-palad ay hindi nangangahulugan ng paggastos ng isa hanggang sa maghirap. “Ginugol ko ang maraming pera sa mga regalo at ang aking pera ay talaga namang mabilis maubos na parang lumilipad sa pinto,” panangis ng isang kabataan. “Sa palagay ko’y diyan napupunta ang otsenta’y singko porsiyento ng aking pera.” Gayunman, huwag kaligtaan na nalalaman ng Diyos ang mga gawa ng kabutihan na may mabuting motibo. Oo, ang Kawikaan 19:17 ay nagsasabi: “Ang nagpapakita ng pabor sa dukha ay nagpapautang kay Jehova, at ang kaniyang pakikitungo ay babayaran Niya sa kaniya.”

Binabanggit ng Kawikaan 3:9, 10 ang isa pang dako kung saan maaari kang magpakita ng pagkamapagbigay: “Parangalan mo si Jehova ng iyong tinatangkilik at ng mga unang bunga ng lahat mong ani. Sa gayo’y mapupuno ang iyong mga kamalig nang sagana; at ang iyong mga alilisan ay aapawan ng bagong alak.” Noong panahon ng Bibliya, ang mga mananamba kay Jehova sa Israel ay kailangang boluntaryong magbigay ng mga unang bunga ng kanilang mga ani. Ito’y tumutulong upang mapanatili ang mga saserdoteng Levita na naglilingkod sa templo sa Jerusalem. Bagaman ang mga Saksi ni Jehova ngayon ay hindi sumasamba sa isang materyal na templo, batid nila na kinakailangan din ng mga pondo upang mapanatili ang kanilang mga dako ng pagsamba (tinatawag na mga Kingdom Hall). Sabi ng 18-anyos na nagngangalang Albert: “Ginagawa kong tunguhin na mag-abuloy tuwing ako’y nagtutungo sa Kingdom Hall.”

Ang Silo ng Inggit

Sabihin pa, hindi lahat ng mga kabataan ay may pinagmumulan ng pera upang ipamili at gastusin na gaya ng ibinabalangkas dito. At kung wala ka ng mga bagay na taglay ng iba, madaling makadama ng pagkainggit. Ang kabataang si Darnell, halimbawa, ay nagsasabi: “May hilig akong tingnan kung ano ang taglay ng iba, at sinasabi ko: ‘Wow! Ang ganda niyon.’” Subalit sa halip na palaging pag-isipan iyon, sinisikap niyang kontrahin ang mga damdaming iyon.

Hindi, hindi masama ang basta pagnanais ng magagandang bagay. Subalit hinahayaan mo ba ang iyong sarili na malungkot kung hindi mo kayang bilhin ang isang bagay na nais mo? Nagkakaroon ka ba ng sama ng loob doon sa nagkataong nagtataglay ng higit kaysa taglay mo? Kung gayon, tandaan ang payong ibinigay ni Jesu-Kristo sa Lucas 12:15: “Mag-ingat kayo laban sa lahat ng uri ng kasakiman, sapagkat kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nanggagaling sa mga bagay na pag-aari niya.”

Tunay, laging magkakaroon ng mga taong nagtataglay ng higit kaysa taglay mo. At ang pagsisikap na makipantay sa iba ay aakay lamang sa sama ng loob at maraming kirot. Si apostol Pablo ay nagpapagunita sa atin: “Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong mailalabas na anuman. Kaya, kung tayo’y may pagkain at pananamit na, masiyahan na tayo sa mga bagay na ito.”​—1 Timoteo 6:7, 8.

Ang salapi ay maaaring maging kapaki-pakinabang na lingkod kung ito ay mamalasin nang wasto. Matutong mag-impok. Matutong gastusin ito nang matalino, maingat. Ang salapi ay tiyak na nakatutulong sa buhay at maaari itong gawing mas maginhawa. Subalit gaya ng pagkakasabi rito ng kabataang nagngangalang Matthew: “Ang salapi ay may kaniyang dako, subalit hindi ito ang lahat ng bagay. Hindi ito ang mahalagang bagay. Kailangan natin ang salapi upang mabuhay, subalit hindi ito dapat ilagay na una sa pamilya o kay Jehova.”

[Talababa]

a Tinalakay ng labas ng Gumising! ng Disyembre 22, 1988, ang katalinuhan ng pagbabadyet at pag-iimpok ng salapi.

[Blurb sa pahina 13]

Ang mga kabataan sa E.U. ay gumagasta ng halagang $39.1 bilyon sa loob lamang ng isang taon!

[Larawan sa pahina 15]

Kung mayroon kang trabaho, ikaw ba ay kusang tumutulong sa pagkakagastos ng pamilya?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share