Ang mga Kabataan ay Nagtatanong. . .
Paano Ko Pakikitunguhan ang Pagtatangi ng Lahi?
Ang museo ay mga ilang kilometro lamang ang layo sa kanilang tahanan, at yamang ang dalawang 11-anyos na mga batang lalaki ay may sapat na pera lamang para sa bayad sa pagpasok, pinili nilang maglakad.
Upang marating ang kanilang patutunguhan, kailangang tawirin nila ang isang malaking kalsada na nagsisilbing hangganan ng bayan sa pagitan ng mga itim at mga puti. Habang naglalakad sila sa kabila ng tagahating iyon nang walang insidente, nagsimula silang magrelaks at masiyahan sa init ng tag-araw. Subalit walang anu-ano’y biglang dumating mula sa kung saan ang isang malaking grupo ng mga kabataang puti. Iniaamba ang mga patpat at nag-aaglahi, hinabol sila ng grupo, na sumisigaw, “Hulihin sila! Hulihin sila!”
PAGTATANGI ng lahi. Ipinakikita ng mga balita na ito ay isang suliraning pandaigdig. Sa gayon ang pagtatangi-tangi sa pabahay, trabaho, at medikal na paggamot ay karaniwang mga reklamo.
Sa malao’t madali, gayunman, baka makaharap mo ang pagtatangi ng lahi. Halimbawa, ang ilang kabataan ay mga biktima ng pagkiling sa paaralan—dumaranas ng walang-katapusang pag-aglahi, tinatrato nang mababa ng mga guro. “Lilibakin ako ng aking guro sa klase,” sabi ng isang kabataang Judio. “Uungkatin niya ang dating mga pagtatangi ng lahi at mga paniwala. Ganap rin niya akong hindi papansinin sa klase.” Sabi ng isang tin-edyer na babaing nagngangalang Pamela: “Ang pagtatangi ng lahi sa aming paaralan ay isang epidemya sapagkat sa tuwing mayroon kaming isang programang asamblea ang mga itim ay nauupo sa isang panig at ang mga puti ay nauupo naman sa kabilang panig ng auditoryum.”
Ang kinse-anyos na si Trena, ang anak ng mag-asawang magkaiba ang lahi, ay madalas na naiipit sa pagtatangi ng lahi. Sabi niya: “Kung sumasama ako sa mga itim, inaakala ng mga estudyanteng puti na ayaw kong sumama sa kanila. Gayunman, kung sumasama naman ako sa mga estudyanteng puti, inaakala naman ng mga itim na ipinalalagay kong mas magaling ako kaysa kanila.”
Kung Ano ang Nadarama ng mga Biktima ng Pagtatangi ng Lahi
Marahil ikaw man ay nakaranas nang hindi matanggap sa trabaho, hindi ka pinayagang pumasok sa isang paaralan na nais mong pasukan, ikaw ay may kabastusang pinakitunguhan sa isang tindahan o sa isang restauran, o niligalig ka ng mga kasama. Kung gayon, talos mo na ang pagtatangi ng lahi ay masakit. Sabi ng 17-anyos na si Lucy: “Talagang nakagagalit sa akin ang pagtatangi ng lahi.” Dahil sa pinagmulang Kastila, alam na alam ni Lucy kung anong laking kabiguan ang pagtatangi ng lahi. “Kahit na ginagawa ko ang aking gawain at ako’y nakakakuha ng matataas na marka sa paaralan, kailanman ay hindi ako tumanggap ng pagkilala. Kung isang puting tao ang gumawa ng mahusay, pinupuri siya ng aking guro. Subalit gaano man ang pagpapagal mo, kung hindi ka puti, hindi ito gaanong mabuti.”
Ang reaksiyon ng ibang kabataan sa pagtatangi ng lahi ay tahimik na pagsang-ayon ng kalooban. Sabi ng isang tin-edyer na babae na itim: “Sa paaralan ko, karamihan ay puti, at nakakasundo ko naman ng husto ang mga kabataan. Binabansagan nila ako ng mga pangalan, subalit talagang hindi ko pinapansin dahil sa sanay na ako rito ngayon.”
Gayunman, hinahayaan naman ng iba ang masasakit na mga salita at mapang-aping saloobin ng iba na sirain ang kanilang pagpapahalaga-sa-sarili. Sabi ng isang binata: “Ang aking ina at ama ay dalawang magkaibang lahi. Habang ako ay lumalaki, ako’y hinahamak sa magkabilang panig. Bunga nito, ako ay nagkaroon ng labis na pinsala sa isipan at damdamin. Nagugunita ko kung minsan na ikinahihiya ko ang aking kulay.”
Pakikitungo sa Pagtatangi ng Lahi
Mauunawaan, kung gayon, ang pagtatangi ng lahi ay maaaring pumukaw ng mga damdamin ng galit, pagnanais na gumanti, maghimagsik! “Tunay na nagpapamangmang sa pantas ang pang-aapi,” sabi ng Eclesiastes 7:7. Subalit bagaman maaaring itawag-pansin ng marahas na mga kilusan sa paghihimagsik ang kawalang-katarungan—sa ilang kaso ay nagbibigay pa nga ng kaunting ginhawa—ipinakikita ng kasaysayan na ang bunga ng gayong mga kilusan ay, sa pinakamabuti, pansamantala. Isa pa, “ang poot ay humihila ng kaalitan.” (Kawikaan 10:12) Kaya ang pagtugon ng poot sa poot ay tiyak na magpapalala lamang sa masamang kalagayan!
Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang baluktot ay hindi maitutuwid.” (Eclesiastes 1:15) Ang pamumuno ng tao ay wala nang pag-asang maitutuwid pa. (Jeremias 10:23) Hindi maaaring burahin ng pinakamalawak na repormang pampamahalaan ang pangunahing sanhi ng pagtatangi ng lahi: kasakiman, kaimbutan, at ang pagnanais para sa pagdakila-sa-sarili. (Ihambing ang Santiago 3:13-16; 4:1-3.) Gaya ng pagkakasabi rito ng isang kawikaan: “Bagaman iyong bayuhin ang mangmang . . . , gayunma’y hindi hihiwalay ang kaniyang kamangmangan sa kaniya.” (Kawikaan 27:22) Kaya ang pag-alsa laban sa tatag na kaayusan ay kaunti lamang ang nagagawang pagbabago.
Gayunman, ano ang dapat na maging reaksiyon ng isang kabataan kapag nakaharap niya ang pagtatangi ng lahi? Narito ang ilang mungkahi:
Iwasan ang labis na reaksiyon. Apektado ng nakaraang mga karanasan, natural na baka maapektuhan ka ng anumang bagay na kakikitaan ng pagtatangi. Gayunman, ang Bibliya ay nagbababala: “Huwag kang madaling magalit, sapagkat ang galit ay nagpapahinga sa sinapupunan ng mga mangmang.” (Eclesiastes 7:9) Kaya paniwalaan mong walang sala ang iba kung hindi ka nakatitiyak. Marahil ang lahi ay hindi naman talaga ang siyang pinag-uusapan.
Unawain ang kalikasan ng pagtatangi ng lahi. Sabi ng Kawikaan 19:11: “Ang unawa ng isang tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit.” Sikaping unawain na ang pagtatangi ng lahi ay pinalalaki sa ilang tao mula pa sa pagkabata. (Tingnan ang “Paano Ko Madadaig ang mga Damdamin ng Pagtatangi ng Lahi?” sa Nobyembre 8, 1988 na labas ng Gumising!) Maaaring makatulong din na ipakipag-usap ang mga bagay na ito sa isang maunawaing adulto, marahil sa iyong mga magulang.
Tandaan din, na “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot” at na “binulag [ni Satanas] ang mga isip ng mga di-sumasampalataya” upang hati-hatiin ang sangkatauhan. (1 Juan 5:19; 2 Corinto 4:4) Nalalamang ang mga isipan ng tao ay napaalipin, maaari ka pa ngang makadama ng awa roon sa mga kumikilos dala ng kawalang-alam.
Huwag “gumanti ng masama sa masama.” Ang pagiging biktima ng pag-aglahi o ang makaranas ng walang saysay na “katatawanang” panlahi ay maaaring pumukaw ng matinding damdamin. Gunita ng isang 16-anyos na babaing nagngangalang Tara: “Pumapasok ako sa isang paaralang halos ay mga puti ang nag-aaral. Ang mga bata ay nagbubulungan sa isa’t isa—subalit may sapat na lakas upang marinig ko—ang lahat ng uri ng pag-aglahi.” Nakatutuksong gumanti. Subalit tandaan: Yaong nagsasalita ng nakasasakit na mga komento ay karaniwang nagnanais na ikaw ay magalit at gumanti, nagbibigay ng dahilan upang saktan ka sa pisikal o higit ka pang abusuhin sa berbal na paraan. Mahusay ang pagkakasabi ng Kawikaan 14:17: “Siyang nagagalit na madali ay gagawang may kamangmangan.”
Kaya sikaping manatiling mahinahon. Isaisip ang mga salita ng isang sinaunang matalinong tagapayo: “Huwag kang makinig sa lahat ng sinasalita ng mga tao.” (Eclesiastes 7:21, Today’s English Version) “Kung ako’y talagang nakinig sa kanila,” gunita ni Tara, “guguluhin nila ang isip ko. Subalit hindi ko ito hinayaang makaapekto sa akin.” Kaya sikilin ang simbuyo ng damdamin na “gumanti ng masama sa masama.” (Roma 12:17) “Huwag mong sagutin ang sinumang mangmang ng ayon sa kaniyang kamangmangan, upang ikaw ay huwag maging gaya niya,” payo ng Bibliya. (Kawikaan 26:4) ‘Ang paghaharap ng kabilang pisngi’ sa pamamagitan ng hindi pag-intindi sa pagmamalabis ay hindi karuwagan kundi ito, sa kalaunan, ang pinakapraktikal na bagay na dapat gawin. (Mateo 5:39) Hindi magtatagal ang iyong mga tagapagpahirap ay maaaring magsawa sa kanilang larong bata. At “kung saan walang gatong ay namamatay ang apoy.”—Kawikaan 26:20.
Alamin kung kailan ka dapat magsalita. Hindi lahat ng kawalang-katarungan ay dapat na tiisin nang tahimik. May “panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” (Eclesiastes 3:7) At baka matalino para sa iyo na kumuha ng mga hakbang upang pangalagaan ang iyong sarili. Kaya ipinaalam ni Tara sa kaniyang mga magulang ang pagmamalabis na tinatanggap niya. Pagkatapos siya ay nakapasok sa ibang paaralan. Ang isa pang kalagayan ay maaaring may kaugnayan sa isa na madalas nang-iinis sa iyo sa pamamagitan ng pangit na mga pagtatangkang magpatawa may kaugnayan sa lahi. Marahil talagang hindi nalalaman ng isa kung gaano kasuya-suya ang gayong pananalita. Ang pakikipag-usap nito sa nagkasala sa isang mabait at mahinahong paraan ay maaari pa ngang magtuwid sa kaniya.
Huwag kang mawalan ng pagpapahalaga-sa-sarili. Kung mababa ang pagtingin sa iyo ng iba, huwag mong kaligtaan na ‘binibilang [ng Diyos] ang mismong buhok ng iyong ulo’ at na ikaw ay itinuturing niyang mahalaga sa kaniyang mga paningin. (Mateo 10:30) Itayo mo ang iyong pagpapahalaga-sa-sarili, hindi sa opinyon ng mga kabataang walang-Diyos, kundi sa pagkakaroon ng matatag na pakikipagkaibigan sa Diyos. (Ihambing ang 1 Corinto 1:31.) Ang iyong mga katangiang panlahi, na maaaring siyang tudlaan ng pagtuya ng iyong mga kasama, ay isang kapahayagan ng napakaraming mga nilikha ng Diyos na “ginawa niya sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao.”—Gawa 17:26.
Mangyari pa, tanging ang Diyos na Jehova lamang ang makapagpapangyari ng isang lipunan na hindi tumitingin sa kulay, na malapit na niyang gawin sa pamamagitan ng kaniyang makalangit ng pamahalaan. (Daniel 2:44) Samantala, hangga’t maaari ikapit ang mga simulain ng Bibliya at sikaping pakitunguhan ang kalagayan. Masiyahan sa pakikisama sa mga kongregasyong ng mga Saksi ni Jehova, kung saan makakasama mo ang mga indibiduwal na nagsisikap na mainam na alisin sa kanilang sarili ang mga pagtatangi ng lahi. Huwag mag-atubiling hingin ang tulong ng iyong makalangit na Ama kapag may problema. Sabi ng kabataang si Lucy: “Kailangan kong manalangin at manalanging mabuti upang pakitunguhan ang pagtatangi ng lahi. At kung kailangang tiisin ko ito, binibigkas ko ang aking panalangin, at alam ko na si Jehova ay sumasa-akin.”
[Larawan sa pahina 14]
Inaakala ng ilang kabataan na sila ay hindi pinapansin sa paaralan dahil sa pagtatangi ng lahi