Pagmamasid sa Daigdig
Grabeng Kakapusan ng Pagkain
Noong nakaraang taon, ang pagbaha at mga tagtuyot sa buong Tsina ay umakay sa halos 20 milyon ng mamamayan ng bansa na makaharap ang grabeng kakapusan ng pagkain, ulat ng China Daily ng Beijing. Sang-ayon sa isang opisyal sa Ministry of Civil Affairs, pinipinsala rin ng di-pangkaraniwang matinding likas na mga sakuna na sumisira sa pangunahing mga ani ang 80 milyong pang mga tao sa mga lalawigan. Tinatayang mga 46 na milyong hektarya ng lupa na ginagamit sa pagsasaka ay napinsala ng mahigit na siyam-na-buwang panahon ng tagtuyot, nagyeyelong mga temperatura, at malawakang pagbaha ng Ilog Yangtze.
Paghina ng Relihiyon
“Halos isa sa lima ng 5.14 bilyong mga tao sa daigdig ay hindi naniniwala sa Diyos—o sa alinmang diyos o mga diyos,” sabi ng magasing Asiaweek. “Alin diyan o ang pananampalataya ng kanilang mga ninuno ay walang bahagi sa kanilang mga buhay.” Tinatayang “halos 840 milyon katao ang hindi nagsasagawa ng relihiyosong mga pagdiriwang at na karagdagang 230 milyon pa ang ipinalalagay ang kanilang mga sarili na hindi mananampalataya.” Ang marami ay kabilang sa relihiyon sa pangalan lamang, at mas marami ngayon ang umiiwas sa organisadong mga relihiyon. “Sang-ayon sa isang Gallup surbey kamakailan, 78 milyong Amerikano ang hindi kabilang sa isang simbahan o sinagoga o dumadalo lamang sa paminsan-minsang pantanging mga okasyon, tumaas mula sa 61 milyong noong 1978,” sabi ng Psychology Today. “Subalit kahit na sa gitna ng regular na mga nagsisimba, binabanggit ng surbey ang lumalagong kawalang-kasiyahan sa mga gawain ng simbahan.” Inaakala ng karamihan na napakaraming panahon ang ginugugol sa mga bagay na gaya ng pangingilak ng salapi. Halos 25 porsiyento ang nagsasabi na sila ay umalis sa simbahan sa paghanap ng “mas malalim na espirituwal na kahulugan.”
Lumalago ang Pag-asa sa Kapayapaan
“Biglang-bigla, isang panahon ng kapayapaan ang waring umiinit sa daigdig,” sabi ng editoryal ng New York Times. Tiyak, ang bago at pambihirang pag-asa para sa kapayapaang pandaigdig ay sumilay nitong nakalipas na taon. Limang mahigpit at matagal na mga digmaang pangrehiyon ang nagsimulang humina at naging mas malapit sa isang mapayapang resolusyon noong 1988. Ang mga digmaan sa Gitnang Silangan, Asia, Aprika, at Sentral Amerika na napakainit noong pasimula ng taon ay lumamig sa pagtatapos ng taon para simulan ang mga proseso sa kapayapaan. Ang Times ay nagkomento: “Bihirang-bihira na ang napakaraming mga digmaang iyon ay waring nalalapit sa isang biglang pagtatapos.”
Kaigtingan Mula sa Kakulangan ng Trabaho
Ang kaigtingan na dala ng pagkabagot at kakulangan ng trabaho ay humahantong sa pagkakasakit, kawalang-kakayahan, at personal na mga problema sabi ng BUPA, isang grupo ng Britanong pribadong seguro sa kalusugan. Ang grupo ay nagsasabi na ang ilang empleadong labis ang trabaho ay tumatangging ipagkatiwala ang trabaho, samantala, kasabay nito, ang kanilang mga empleadong walang gaanong trabaho ay hindi naman humihingi ng higit na trabaho. Ang pagkakasakit at pagliban ang dahilan ng taunang pagkawala ng 360 milyong araw ng trabaho, sabi ng The Times ng London, at ang ilang kompaniya ay maaaring gumugugol ng kasindami ng mula 7 hanggang 10 porsiyento ng kanilang mga suweldo bilang kabayaran sa pagkakasakit.
Mga Dakong May Pinakamagandang Klima
“May iilan lamang dako sa daigdig kung saan ang mga tao ay makaaasang makadama ng kaginhawahan sa buong taon,” sabi ng The Daily Yomiuri, isang pahayagan sa Hapón. Karanihan ay dumaranas ng napakalamig na taglamig o napakainit na mga tag-init, o pareho. Nag-uulat sa isang pambuong daigdig na pag-aaral ng temperatura at kaumiduhan, si Takeshi Kawamura ng Tsukuba University, na siyang nanguna sa pag-aaral, ay nagsabi na ang karamihan ng komportableng dako ay nasa Aprika at Latin Amerika, na ang talampas sa Etiopia, ang Cape of Good Hope sa tuktok ng kontinente ng Aprika, at ang hilagang Bundok ng Andes sa Peru ang lubhang inirirekomenda. Gayundin ang magandang baybayin mula sa Timog Aprika hanggang sa Namibia, ang timog-silangang baybayin ng Australia, at ang talampas na rehiyon ng Mexico. Ang pinakamainit at hindi maginhawang dako, sabi niya, ay sa dako ng Persian Gulf.
Mga Pagpapatiwakal sa Alemanya
Ang dami ng pagpapatiwakal ay lubhang dumami sa Pederal na Republika ng Alemanya. Ang alkoholismo, droga, at kawalan-ng-trabaho ang pangunahing mga sanhi na binanggit ng German Society for Suicide Prevention sa taunang miting nito sa Regensburg. Gayunman, nasumpungan din ng mga dalubhasa ang malubhang pahiwatig na nagpapakita na ang hilig na magpatiwakal ay namamana, ulat ng pahayagang Aleman na Schweinfurter Tagblatt. Ang bansa ay iniulat na may 13,000 mga pagpapatiwakal at kalahating milyong pagtatangkang magpatiwakal taun-taon.
Pinakamalaking Takot ng mga Bata
Bagaman ang pinakamalaking takot ng mga bata ay ang pagkamatay ng kanilang mga magulang, ang ikalawa ay ang takot sa digmaang nuklear, sabi ni Dr. Bohdan Wasilewski, propesor ng psychosomatic medicine sa Warsaw University sa Poland. Nagsasalita noong panahon ng pagdalaw niya sa Australia, sinabi niya na nakakita na siya ng mga bata na kasimbata ng anim na taon na natatakot sa pagkakaroon ng digmaang nuklear. “Kapag ang mga kabataan ay may problema na hindi nila malutas, gaya ng banta ng digmaan, sinisikap nilang takasan ang buhay sa pamamagitan ng pag-inom ng alak at mga droga at pinag-iisipan pa nga ang pagpapatiwakal,” sabi niya. Ang ilan pa sa karaniwang sintomas ay kinabibilangan ng dumaraming problemang pangkaisipan at kakulangan ng interes sa hinaharap at sa edukasyon.
Seda ng Gagamba
Ikaw ba ang namangha na kung paanong ang isang sapot ng gagamba ay nababatak nang hindi napuputol kapag tumama rito nang napakabilis ang isang langaw? Malaon nang kinainggitan ng mga inhinyero na humahanap ng materyales na kapuwa magaan at matibay ang seda ng gagamba. Gayunman, ngayon ang Britanong mga bioteknologo ay nakagawa ng isang paraan ng pagbubukod sa pagkakasunud-sunod ng gene na siyang may pananagutan sa pambihirang mga katangian ng seda. At sa pagpapasok ng mga tagubiling ito sa isang pantanging bacterium, sinasabi nilang sila’y makagagawa ng sedang mapipidido, ulat ng The Times ng London. Sinasabi nilang ang materyal ay may potensiyal na magamit sa paggawa ng mga dyaket na di tinatamaan ng bala para sa mga pulis at nasa hukbong sandatahan, gayundin para sa komersiyal na gamit.
Mga Sundalong Bata
“Kabilang sa mga sundalo ng daigdig ang halos 200,000 mga kabataan, ang ilan ay kasimbata ng mga 12 anyos,” sabi ng The New York Times. Ang mga tuklas na ito ay nasa isang report mula sa subkomisyon ng UN Human Rights Commission. Ang ilang mga kabataan ay sapilitang tinawag sa pagsusundalo ng kanilang pamahalaan, samantalang ang iba pa ay hinimok ng kanilang mga magulang na magpalista upang magkaroon ng trabaho at pagkain, at upang ang pamilya ay tumanggap ng bayad sakaling mamatay ang bata sa digmaan. Sa gayon, maraming bansa ang lumabag sa internasyonal na batas na nagtatakda na 15 anyos ang pinakamababang edad para makalap sa hukbong sandatahan.
Lumalaki ang Tsansa ng Nuklear na Digmaan?
Habang parami nang paraming bansa ang gumagawa ng mga sandatang nuklear, ang tsansa na ito ay gamitin sa labanang pangrehiyon ay lumalaki. “Ang monopolya ng malaking-kapangyarihan [E.U., U.S.S.R., Pransiya, Britaniya, Tsina] sa mga sandatang nuklear ay nagwawakas,” ulat ng Newsweek. “Apat pang bansa [India, Israel, Pakistan, at Timog Aprika] ay iniulat na nakagawa ng atomikong mga warhead—at nakagawa ng paraan upang ihatid ang mga ito—at ang iba ay hindi nahuhuli.” Sabi ng isang opisyal ng gobyerno: “Wala akong nalalamang panahon kung kailan mas maraming bansa ang naghahangad ng opsiyon sa mga sandatang-nuklear.” At sabi pa ng isa: “Ang panganib ng digmaang nuklear ay lumalaki . . . dahil sa ginagawa ng mas maliit o hindi gaanong industrialisadong mga bansa.”
Pinakamagubat
“Ano ang pinakamagubat na bansa sa daigdig?” tanong ng Asiaweek. “Canada? Norway? Brazil? Hindi, ito’y ang Hapón.” “Sa katumbasan ng kagubatan sa kabuuang laki ng lupa, walang ibang malaki o kainamang bansa ang nakakapantay nito.” Isang kabuuang 67 porsiyento ng Hapón—377,727 kilometro kuwadrado—ay natatakpan ng kagubatan, karamihan ay mga evergreen na tumutubo sa mga dalisdis ng bundok. Ang mga tahanan at mga apartment para sa 38.9 milyong mga sambahayan ay sumasakop lamang ng 2.5 porsiyento ng lupain, at ang mga pabrika at iba pang dakong pang-industriya ay 0.4 porsiyento lamang.