Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 3/8 p. 9-10
  • Mga Himala at Aparisyon—Kung Bakit Hindi Kailangan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Himala at Aparisyon—Kung Bakit Hindi Kailangan
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Layunin ng mga Himala
  • Isang Paraan ng Pagkakakilanlan
  • Hindi Kailangan ang mga Aparisyon
  • Ang Tunay na Simulain
  • Mga Himala—Totoo ba o Kathang-Isip Lamang?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Ang mga Himala ni Jesus—Ano ang Iyong Matututuhan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Bakit Tayo Dapat Maging Interesado sa Himala?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Mapaniniwalaan Mo ba ang mga Himalang Nakaulat sa Bibliya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 3/8 p. 9-10

Mga Himala at Aparisyon​—Kung Bakit Hindi Kailangan

NANG nasa lupa, si Jesus ay gumawa ng maraming himala. Ginawa niyang alak ang tubig, pinakain niya ang pulu-pulutong na mga tao, pinagaling niya ang mga maysakit, at pinalabas niya ang mga demonyo. Ang pagtuturo ni Jesus at ang bagay na tinupad niya ang mga hula ng Bibliya may kinalaman sa Mesiyas ay kumumbinsi sa marami sa kaniyang mga kapanahon. Ganito ang katuwiran ng iba: “Pagparito ng Kristo, hindi na siya gagawa ng lalong maraming tanda kaysa mga ginawa ng taong [si Jesus] ito, di ba?”​—Juan 7:31.

Ang Layunin ng mga Himala

Ano ang layunin ng mga himala na ginawa ni Jesus? Ipinaliliwanag ng Bibliya na si Jesus ay magiging ‘isang propeta na gaya ni Moises.’ (Deuteronomio 18:15, 18) Binigyan ng Diyos na Jehova si Moises ng kapangyarihan upang gawin ang ilang himala upang patunayan na siya ang piniling lider upang palayain ang mga Israelita mula sa pagkabihag sa Ehipto. (Exodo 4:1-9, 30, 31) Kaya ‘gaya ni Moises,’ si Jesus ay gumawa ng mga himala upang ipakilala ang kaniyang sarili bilang ang Mesiyas, bilang ang ipinangakong Tagapagpalaya ng mga Judio.​—Gawa 3:22.

At pinatunayan din ng mga himala ni Jesus na siya ay tumanggap ng pantanging kapangyarihan buhat sa Diyos. Kapag ang Kaharian ng Diyos ay magpupuno na sa lupa nang walang pagsalansang, gagamitin ni Jesus sa sukdulan ang kapangyarihan na ipinakita niya sa maliit na lawak samantalang nasa lupa. Upang ilarawan, isaalang-alang natin ang himala ng mga tinapay at mga isda. (Lucas 9:12-17) Sa bagong sanlibutan ng Diyos, titiyakin ni Jesus na ang lahat ng sangkatauhan ay magkakaroon ng sapat na pagkain. (Awit 72:16) Pagagalingin din niya ang lahat ng karamdaman at sakit, sa gayon ang masunuring sangkatauhan ay maaaring mabuhay magpakailanman. (Apocalipsis 21:4) Sa pagsasagawa ng tatlong nakaulat na mga pagkabuhay-muli, pinatunayan niya ang kaniyang kakayahan na buhayin-muli ang angaw-angaw mula sa kamatayan.​—Lucas 7:11-17; 8:40-56; Juan 5:28, 29; 11:11-44.

Isang Paraan ng Pagkakakilanlan

Ang isa pang dahilan kung bakit ginawa ni Jehova ang mga himala alang-alang sa Israel ay upang walang kaduda-dudang patunayan na sila ang kaniyang piniling bayan. (Deuteronomio 4:32-34) Ang nakinabang ay ang buong bayan, hindi lamang ang ilang may pagsang-ayong indibiduwal.

Gayundin naman, ang unang-siglong mga himala ay isa sa mga patotoo na inilipat na ni Jehova ang kaniyang pagsang-ayon mula sa likas na Israel tungo sa unang kongregasyong Kristiyano. (Mateo 21:43; 27:51; Roma 9:6; 11:7) Ang maraming himala na ginawa ng mga apostol ay katibayan ng pagsang-ayon ng Diyos sa kongregasyon sa ilalim ng pangunguna ng Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo.​—Gawa 2:22, 43; 4:29, 30; Hebreo 2:3, 4.

Isa pa, noong mga panahong iyon, pinahihiga ng mga tao ang mga maysakit sa mga lugar kung saan ang anino man lamang ni Pedro ay lumilim sa kanila, at sinasabi ng Bibliya na yaong mga dinala sa kaniya “ay pawang pinagaling.” (Gawa 5:15, 16) Bakit, kung gayon, ang lahat niyaong may pananampalatayang nagtutungo sa mga dambana ay hindi gumagaling?

Hindi Kailangan ang mga Aparisyon

Ang pangunahing dahilan ay na ang mga tanda at mga himala ay hindi na kailangan upang patunayan na inilipat na ng Diyos ang kaniyang pagsang-ayon mula sa likas na Israel tungo sa tunay na kongregasyong Kristiyano. Sa isang liham sa kaniyang mga kasamang Kristiyano, maliwanag na sinabi ni Pablo na ang makahimalang mga kaloob ay lilipas din sa wakas. Darating ang panahon na hindi na ito ang paraan ng pagkakakilanlan sa tunay na mga Kristiyano.​—1 Corinto 13:8-13.

Kahit na ang pagtawag sa pangalan ni Jesus ay hindi magpapatunay na ang isang tao ay isang tunay na Kristiyano. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, inihula ni Jesus na tatanggihan niya ang ilan na nagsasabing: “Panginoon, Panginoon, hindi baga kami . . . nagsigawa ng maraming himala sa iyong pangalan?” Sa anong dahilan tatanggihan ni Jesus ang mga manggagawang ito ng himala? Siya’y sumagot: “Kailanma’y hindi ko kayo nakikilala; magsilayo kayo sa akin, kayong mga taong balakyot!” Maliwanag, ang ilan ay gagawa ng himala sa pangalan ni Kristo, subalit sa katotohanan sila ay magiging mga impostor.​—Mateo 7:22, 23, The Jerusalem Bible.

Ang Tunay na Simulain

Dahil sa nabanggit na, paano makikilala ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon? Si Jesus ay nagbigay ng isang simulain nang sabihin niya: “Ang mabuting punungkahoy ay hindi maaaring magbunga ng masama . . . Kaya nga, sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo ang mga taong iyon.” Bago ang kaniyang kamatayan, pinaalalahanan ni Jesus ang kaniyang mga apostol: “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” Samakatuwid ang paggawa ng mga himala ay hindi siyang tuntunin magpakailanman. Kundi kailangang patunayan ng lahat ang kanilang sarili na mga alagad ni Kristo sa pamamagitan ng kanilang tunay na pag-ibig.​—Mateo 7:18-20; Juan 13:34, 35.

Kaya ang iyo bang pananampalataya ay dapat na nakasalig, kahit na bahagya, sa “mga himala” na ginagawa ngayon sa pangalan ni Kristo? O dapat kayang ito ay nakasalig nang lubusan sa katotohanang masusumpungan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya? Mahalaga na suriin sa liwanag ng Salita ng Diyos ang ugali niyaong nag-aangking mga lingkod ng Diyos.

Sa buong daigdig ngayon, sino ang naghahayag ng Salita ng Diyos at sino ang nagsisikap na mamuhay na kasuwato nito? Sino ang kilala sa buong daigdig sa kanilang pagkakaisa? Sino ang walang pambansa, pulitikal, panlahi, o relihiyosong mga hadlang sa gitna nila? Sino ang masigasig na nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos? Kung bilang isang taimtim na tao ikaw ay may higit pang mga katanungan, ang mga Saksi ni Jehova ay magagalak na bigyan ka ng mga katotohanan na kailangan mo upang ikaw mismo ang humatol. Malayang makipagkita sa mga Saksi sa inyong pook o sa kanilang lokal na Kingdom Hall. Tutulungan ka nilang ilagak ang iyong tiwala kay Jehova at kay Jesu-Kristo, ang kaniyang Anak, sapagkat “sa kanino mang iba ay walang kaligtasan.”​—Gawa 4:12.

[Larawan sa pahina 10]

Ang mga himala ng pagpapagaling ay hindi na kailangan upang makilala ang tunay na kongregasyong Kristiyano

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share