Ang Pangmalas ng Bibliya
Ang Pagsamba ba sa Ninuno ay Para sa mga Kristiyano?
NALALAMAN ng karamihan na ang pagsamba sa mga ninuno ay gumaganap ng isang mahalagang bahagi sa buhay ng angaw-angaw na mga tao, lalo na sa mga Confucianista, Budista, at Shintoista. Subalit nalalaman mo ba na ang pagsamba sa ninuno ay nakapasok din sa pamumuhay sa Aprika? Sa katunayan, ang mga hibla ng pagsamba sa ninuno ay makikita sa lahat halos ng mga relihiyon, marahil kahit na sa relihiyon mo. Ito ay “isang pansansinukob na palatandaan,” sabi ng isang propesor ng mga pag-aaral sa relihiyon na taga-Nigeria.
Ano ba ang pagsamba sa ninuno? Marahil ang pagkaunawa mo rito ay kasuwato ng kahulugang ito: “Mga ritwal upang payapain at hingin ang tulong ng patay na kamag-anak, salig sa paniwala na ang mga espiritu [ng mga patay] ay may impluwensiya sa kapalaran ng nabubuhay.”—The Concise Columbia Encyclopedia.
Kaya, sa tahanan ng isang deboto sa pagsamba sa ninuno—isang Budistang nakatira sa Timog-silangang Asia, halimbawa—maaaring makita mo ang isang maliit na altar kung saan makikita ang isang larawan ng yumaong kamag-anak. Maaaring maamoy mo rin dito ang nasusunog na insenso o marinig ang pagbigkas ng mga panalangin at ang pagpalakpak ng mga kamay. Kadalasan, ang deboto ay naglalagay ng pagkain o bulaklak sa altar para sa pakinabang ng kanilang namatay na kamag-anak.
Lumipat ka sa ibang kontinente, at makikita mo na maraming Aprikano ang “namumuhay na kasama ng kanilang mga patay.” Sa sub-Saharang Aprika ang panlahat na paniwala ay na ang komunyon at pakikipagtalastasan ay posible sa pagitan ng mga nabubuhay at ng mga patay. “Inaakala naming mga Aprikano na ang aming namatay na mga magulang at iba pang mga ninuno ay malapit sa amin,” sabi ng isang kilalang Aprikanong teologo ng relihiyong Protestante.
Sa karamihan sa Aprika, ang patay na mga ninuno ay itinuturing pa rin na mga ulo ng pamilya o ng pamayanan na kinaaaniban nila samantalang sila’y nabubuhay. Sila’y nananatiling “espirituwal na mga tagapamahala sa mga gawain ng pamilya,” sabi ni Propesor E. Bọlaji Idowu, sa kaniyang aklat na African Traditional Religion—A Definition. Halos lahat ng bagay ay maaari mong hilingin sa isang espiritu ng ninuno na ipagkaloob o iwasan. Kaya, ang mga ninuno ay itinuturing bilang “mga salik ng pagkakaisa sa lipunang Aprikano,” at sang-ayon sa The New Encyclopædia Britannica, ang pagsamba sa kanila ay nagtataguyod ng “pagkakaisa ng pamilya.”
Sa Kanluraning mga bansa—gaya ng Pransiya o Canada—ang mga simbahan, mga kapilya, o mga dambana ay iniaalay sa mga santo, na maaaring tawaging mga ninunong-bayani. Ang mga panalangin mula sa labi ng mga debotado ay binibigkas sa harapan ng mga istatuwa. O nakaluhod at nakaunat ang mga kamay, ang mga deboto ay nagbibigay ng mga regalo sa tubog sa gintong mga poon. Totoo, maaaring waling-bahala ng mga tagasunod ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang ideya na ang pagpapakita nila ng debosyon ay pagsamba sa ninuno; subalit ang Budista, ang Shintoista, o debotadong Aprikano ay nangingiti. Nalalaman niya na ang pagsambang ipinakikita ng “mga Kristiyanong” ito ay walang pinagkaiba sa kaniyang sariling mga gawa ng pagsamba.
Saan ba Nasasalig ang Pagsamba sa Ninuno?
Ang pinakabuod ng pagsamba sa ninuno ay ang paniwala sa patuloy na pag-iral ng mga patay sa pamamagitan ng isang nabubuhay na elemento ng tao. Ito ang “paniwala sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa,” ayon sa Katolikong manunulat na taga-Uganda na si Damian Lwasa. Gaano katatag ang saligan sa paniwalang iyon? Ang teologong taga-Sierra Leone na si Harry Sawyerr ay nagsasabi na ang mga Aprikanong nag-aankin “na ang kanilang mga ninuno ay nabubuhay sa espiritu ay ginagawa iyon nang walang anumang matibay na ebidensiya.”
Sa katunayan, sang-ayon sa Bibliya, walang espiritung bahagi ng isang tao ang nabubuhay pagkamatay ng katawan. Ang Maylikha mismo ay nagsasabi: “Narito! Lahat ng kaluluwa—sila’y sa akin. Kung paano ang kaluluwa ng ama ganoon din ang kaluluwa ng anak—sila’y sa akin. Ang kaluluwang nagkakasala—ito mismo ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4) Ang mga siyentipiko at mga tauhan ng medisina ay walang nasumpungang katibayan ng anumang may malay, nabubuhay na bahagi ng mga tao na nabubuhay pagkamatay ng katawan.
Matagal nang panahon bago pa si Confucius o si Buddha, isang matalinong tao bago ang panahong Kristiyano ay sumulat: “Nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit hindi nalalaman ng mga patay ang anuman.” (Eclesiastes 9:5) Maaga rito, sinabi ni Job: “Ang makalupang tao ay namamatay, at nasaan siya? Ang kaniyang mga anak ay nagtataglay ng karangalan, at hindi niya nalalaman.” (Job 14:10, 21) Kaya, ang mga patay ay hindi makapaglilingkod bilang ‘espirituwal na mga tagapamahala sa mga gawain ng pamilya.’ Sa kamatayan ang isa “ay walang dadalhing anumang bagay.”—Awit 49:10, 17-19.
Pag-isipan ito: Kinakain ba ng patay na mga ninuno ang masarap na pagkain na iniaalay sa kanila? Hindi ba ang bagay na ang pagkain ay walang bawas ay nagpapakita na ang mga patay ay walang kapangyarihan? Isa pa, ang patay na mga ninuno ay walang malay tungkol sa pagsamba o sa mga sakripisyo na ginagawa ng nabubuhay na mga inapo. Palibhasa’y hindi umiiral, hindi sila maaaring maging interesado sa kanilang dating pamilya o makialam man sa mga gawain nito. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Wala silang bahagi magpakailanman sa anuman na kailangang gawin sa ilalim ng araw.”—Eclesiastes 9:6.
Anong Pag-asa Para sa Patay na mga Ninuno?
Nangangahulugan ba ito, kung gayon, na walang pag-asa na makasamang muli ang namatay na mga mahal sa buhay? Hindi naman! Ang mga taong malaon nang napahiwalay sa kamatayan ay muling makakasama kapag sila ay bubuhayin sa pagkabuhay-muli. “Dumarating ang oras,” pangako ni Jesus sa Bibliya, “na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas.”—Juan 5:28, 29.
Ang pag-asang ito sa isang pagkabuhay-muli ay nakatulong na hubugin-muli ang buhay ng isang babaing taga-Okinawa na sumamba sa kaniyang mga ninuno. Sabi niya: ‘Ang pangmalas ko sa buhay ay nagbago. Ang pagiging tagasunod ni Jesu-Kristo ay nakatulong sa akin na maging mas maibigin sa aking nabubuhay na mga kamag-anak at sa iba.’ Hindi ba’t mas makatuwiran ang pag-ibig sa nabubuhay na mga magulang kaysa pagsamba sa patay na mga ninuno? (Efeso 6:2, 3) Sabi pa niya: ‘Kapag nakikita ko ang kalungkutan ng may edad nang mga magulang at mga nuno ngayon, ako’y labis na nagpapasalamat na natutuhan kong magpakita ng pag-ibig at paggalang sa aking mga magulang samantalang sila’y nabubuhay pa.’
Karagdagan pa, para sa mga Kristiyano ang masidhing pagtanggi sa pagsamba sa mga ninuno ay na ito’y kumakatawan sa isang landasin ng paghihimagsik laban sa maliwanag na utos ng Diyos: “Huwag kang magkakaroon ng ibang Diyos sa harap ko . . . sapagkat akong si Jehova na iyong Diyos ay isang Diyos na humihingi ng bukod-tanging debosyon.” (Exodo 20:3, 5) Kaya sa halip na sambahin ang patay na mga kamag-anak, sundin ang payo ng Bibliya na sambahin si Jehova, ang Isa na siya lamang makagagawang posible sa maligayang muling pagsasama sa namatay na mga kamag-anak.—Apocalipsis 20:12, 13.
[Blurb sa pahina 18]
“Kung tungkol sa mga patay, wala silang nalalamang anumang bagay.”—Eclesiastes 9:5