Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 3/22 p. 3-5
  • Ano ang Nangyayari sa mga Pamantayan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Nangyayari sa mga Pamantayan?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kabiguan ng mga Tahanan, Paaralan, Simbahan
  • 7 Pamantayan
    Gumising!—2018
  • Kailangan ang mga Pamantayang Moral
    Gumising!—2019
  • Pamantayang Moral Para sa Maligayang Buhay
    Gumising!—2013
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 3/22 p. 3-5

Ano ang Nangyayari sa mga Pamantayan?

Sa isang talumpati noong Araw ng Armistisyo ng 1948, si Heneral Omar N. Bradley ay nagsabi: “Napakarami nating mga tao ng siyensiya, napakakaunting tao ng Diyos. Naunawaan natin ang hiwaga ng atomo at tinanggihan natin ang Sermon sa Bundok. . . . Ang ating daigdig ay isang daigdig ng nuklear na mga dambuhala at mga sanggol sa kaasalan. Mas marami tayong nalalaman tungkol sa digmaan kaysa nalalaman natin tungkol sa kapayapaan, higit ang nalalaman natin tungkol sa pagpatay kaysa nalalaman natin tungkol sa pamumuhay.” “Ang sangkatauhan,” sabi niya, “ay nanganganib na masilo sa daigdig na ito ng mga adolesente sa moral.”

DATI-RATI’Y may tradisyunal na mga pamantayan na salig sa Bibliya. Subalit ngayon ay wala na. Ngayon ang mga ito ay isinasaisang-tabi bilang hindi na uso. Bagong mga istilo-ng-buhay ang nauuso. Ang “katotohanan” ay depende. Wala nang tama o mali. Hindi na kailangan pang maging mapaghusga. Ang bawat isa’y may kaniyang sariling mga pamantayan, nagpapasiya kung ano ang tama sa kaniya, ginagawa ang magustuhan niya. Hindi-masama ang pakikiapid. Hindi-masama ang pangangalunya. Hindi-masama ang diborsiyo. Hindi-masama ang pagpapabayà sa anak. At walang dapat sisihin sa anumang mga resulta​—ang dumaraming pagbubuntis ng mga tin-edyer, ang angaw-angaw na mga aborsiyon, ang napahamak na buhay ng mga bata. At yamang walang masama at walang dapat sisihin, walang pagkadama ng kasalanan. Sa ganitong paraan itinatapon ng daigdig ang tunay na mga pamantayan sa basurahan.

Ang unang mag-asawang tao ay nagpasiyang alamin sa kanilang mga sarili kung ano ang tama at kung ano ang mali. (Genesis 2:17; 3:5) Ngayon, angaw-angaw ang nagpasiyang walang tama at walang mali. Inuudyukan ng pagnanasang gawin ang balang maibigan, isinasaisang-tabi nila ang tradisyunal na mga pamantayan at humihiyaw: “Malaya na sa wakas! Kahit ano puwede!” Nawawala ang mga pagpipigil​—saka dumarating ang mga kasawian!

Isang ulo ng balita sa isang kilalang magasin ay nagtatanong, “Isang Bansa ng mga Sinungaling?” at sinusundan ito ng pahiwatig: “Ang mga opisyal ng gobyerno ay nagkukunwari. Pinapalsipika ng mga siyentipiko ang pananaliksik. Binabago ng mga manggagawa ang mga kredensiyal sa karera upang makakuha ng trabaho. Ano ang nangyayari rito? Ang sagot, na ikinatatakot ng isang lumalagong bilang ng mga kritikong panlipunan, ay ang nakatatakot na paghina ng katapatan.”

Isa pang pangunahing magasin ay naglabas ng isang serye ng mga artikulo tungkol sa kaasalan, winisikan ito ng mga balita na gaya ng: Nadungisan-iskandalo na mga kasunduan sa negosyo, ipinagkanulo ang pagtitiwala ng publiko, mga pagkakasala dahil sa sarisaring kamalian ng tao. Ang mga pagkakamali ay inaamin, subalit hindi ang masasamang pagkakamali, at walang lubhang kapaha-pahamak na mga kasalanan.

Ang seryeng iyon ng mga artikulo ay naghihinuha: “Kung nais ng mga Amerikano na tamaan ang mas totoong pagkakatimbang ng kaasalan, baka kailanganin nilang suriin-muli ang mga pamantayan na kaakit-akit na ipinaparada ng lipunan sa harap nila: isang mahusay na trabaho, kapangyarihan sa pulitika, seksuwal na gayuma, isang penthouse o tahanan sa harap ng isang lawa, bigla at malaking tubo sa kalakal. Ang tunay na hamon kung gayon ay magiging isang muling pagpapakahulugan ng mga kagustuhan upang paglingkuran nito ang lipunan gayundin ang sarili, ang pagpapakahulugan sa isang kaasalan na umuugit sa paraan samantalang natatamo rin nito ang matuwid na mga layunin.”

Ang sumusunod na ulo ng balita ay lumitaw sa The New York Times: “Tinanggap ng mga Opisyal ng Bayan sa Buong Estado ang 105 sa 106 na Inalok na Suhol, Sabi ng F.B.I.” Ang ika-106 ba ay inialok sa isang taong tapat? Hindi, “inaakala niyang hindi sapat ang halaga.”

Si Matthew Troy, dating konsehal ng lungsod at isang lider demokratiko mula sa Queens, New York City, na nagsasalita tungkol sa paksang “Kabulukan at Integridad sa Gobyerno” ay nagsabi sa isang klase sa unibersidad na ang mga suhol ay pangkaraniwan. Ang mga boto sa Asambleang Pang-estado ay ipinagpapalit para sa pagkahukom. “Ang karaniwang halaga para sa isang pagkahukom sa Korte Suprema ng Estado ay $75,000, at ang posisyon sa mas mababang hukuman ay sa halagang $35,000.”

Itinatampok ng nobelistang si James A. Michener ang gayong kahina-hinalang mga gawain bilang: pagluwalhati sa pinansiyal na mga abenturero na nagkakamal ng daan-daang milyong pera ng ibang tao, mga iskandalo sa negosyo, mapandayang pagkuha sa negosyo ng iba pagkatapos ay ipagbibili ito sa isa sa mataas na halaga, iskandalosong mga relihiyon na naghuhurumentado sa salapi, ang AIDS na nananakot sa mga tao, mga teroristang sumisira sa lipunan, mga pulitikong dinadaluhong ang mga parkeng pambansa at ipinahihintulot ang pagkasira ng ekolohiya, isang administrasyon na nagbibili ng sandata sa isang kaaway at pagkatapos ay ilegal na ibinibigay ang mga pakinabang sa isang rebolusyon sa Sentral Amerika.

Ang panlahat na konklusyon ni Michener: “Ang 1980’s ay aalalahanin bilang Ang Pangit na Dekada, dahil sa napakaraming masasamang bagay na naglitawan.” At ang lahat ng ito ay dahil sa isang payak na pangyayari: Ang tunay na mga pamantayan ay itinapon sa basurahan.

Binatikos ni William J. Bennett, noo’y Kalihim ng Edukasyon ng E.U., ang hindi pagtuturo ng mga pamantayang moral sa paaralan at inilista ang mga suliranin ng mga tin-edyer na bunga ng hindi pagtuturong ito:

“Paksa: Mga kuwarenta porsiyento ng mga 14-anyos ngayon ay magdadalang-tao nang minsan bago dumating sa gulang na beinte, at mahigit na kalahati ng mga isisilang na iyon ay mga anak sa pagkadalaga.

“Paksa: Ang pagpapatiwakal ng mga tin-edyer ay isang napakataas na rekord, at ikalawang pangunahing sanhi ng mga kamatayan ng mga tin-edyer.

“Paksa: Ang Estados Unidos ang nangunguna sa industrialisadong daigdig sa porsiyento ng mga kabataang gumagamit ng droga.

“Maaari bang ‘lutasin’ ng ating mga paaralan ang mga problemang ito? Hindi. Maaari ba silang tumulong? Oo. Ginagawa ba nila ang lahat ng kanilang magagawa upang tumulong? Hindi.

“Bakit hindi? Sa bahagi, sapagkat sila ay bantulot na magsalita sa isa sa pangunahing tunguhin ng edukasyon: ang edukasyong pangmoral. Isaalang-alang, halimbawa, ang isang artikulo kamakailan na sumisipi sa ilang mga guro sa lugar ng New York na nagsasabing ‘sadyang iniiwasan nilang sabihin sa kanilang mga estudyante kung ano ang tama at maling kaasalan.’

“Binabanggit ng artikulo ang isang aktuwal na sesyon sa pagpapayo na kinasasangkutan ng mga mag-aaral na nasa ikatlo at ikaapat na taon sa high school. Sa panahon ng sesyon ang mga estudyante ay naghinuha na ang isang kapuwa estudyante ay tanga sa pagsasauli ng $1,000 na nasumpungan niya sa isang pitakang napulot niya sa paaralan.” Ang tagapayo ay hindi nagbigay ng hatol tungkol sa kanilang konklusyon, na ang sabi: “Kung sasabihin ko sa kanila kung ano ang tama at kung ano ang mali, kung gayon hindi ako ang kanilang tagapayo.”

Si Bennett ay nagkomento: “Dati-rati, ang tagapayo ay nagpapayo. Pinapayuhan niya ang mga estudyante tungkol sa maraming bagay​—at kabilang dito, ang tungkol sa tama at mali.”

Kabiguan ng mga Tahanan, Paaralan, Simbahan

Ang tahanan ay mabilis na nagiging isang disyerto kung ang pag-uusapan ay ang pagtuturo ng mga pamantayan. Ang pagguho ng mga pamilya ay gumagawa sa tahanan na isang mahinang silid-aralan​—ang ama’t ina ay nagtatrabaho, mga diborsiyo, mga pamilya ng nagsosolong-magulang na ang magulang ay nagtatrabaho, ang mga batang iniiwan sa mga yaya o sa mga paaralang day-care o nag-iisa sa bahay na ang pinaka-kasama ay ang TV na ipinakikita ang sekso bilang katuwaan at itinuturo ang karahasan bilang ang lunas sa mga problema. Ang kolumnista sa mga pahayagan na si Norman Podhoretz ay nagkukomento tungkol sa mga resulta: “Kabilang sa mga epektong ito ang pagdami ng kriminal na paggawi; pagdami sa paggamit ng droga at alkohol; pagdami ng pagdadalang-tao, aborsiyon at sakit benereo ng mga tin-edyer, at ang pagdami ng namamatay na mga adolesente dahil sa mararahas na sanhi (homisidyo, mga aksidente sa sasakyan, pagpapatiwakal). Ang bagay lamang na waring bumaba ay ang akademikong tagumpay.”

Si Podhoretz ay nagpapatuloy: “Dalawang sosyologo ay nakasumpong ng matibay na estadistikal na katibayan sa kung ano ang nalalaman natin sa basta pagtingin sa paligid. Nasumpungan nila na parami nang paraming mga tao na ang inuuna’y ang ‘katuparan-sa-sarili’ sa lahat ng iba pang mga pamantayan. Nasumpungan nila na pakaunti nang pakaunting mga tao ang naniniwala sa pagsasakripisyo ng kanilang mga sarili, o kahit na ng kanilang mga kaalwanan mismo, sa mga pangangailangan at mga kahilingan ng kanilang mga anak. Nakagugulat na dalawang-katlo ng lahat ng mga magulang sa Amerika ay nag-aakala na ‘ang mga magulang ay dapat na maging malaya na mamuhay ng kanilang sariling buhay kahit na kung ito ay nangangahulugan ng paggugol ng kaunting panahon na kasama ng kanilang mga anak.’”

Si John D. Garwood, nang siya’y dekano ng instruksiyon sa Fort Hays State University, sa Kansas, ay nagkomento tungkol sa kawalan ng tunay na mga pamantayan: “Ang kabiguan ng ating mga tahanan, paaralan at simbahan na maghatid ng matatag, nagtatagal na sistema ng mga pamantayan doon sa mga naiimpluwensiyahan nito, ang nagdala ng marami sa ating mga problema ngayon. Nakikita ng dakilang Britanong mananalaysay na si Arnold Toynbee sa Kanluraning Daigdig ngayon ang paghina ng katapatan, kakulangan ng pambansang layunin at isang kapaha-pahamak na pagdiriin sa materyalismo, isang paghina sa dangal ng paggawa, ang pagtutuon ng pansin sa pagkuha ng mamahaling mga bagay upang bigyan-kasiyahan ang sarili. Nakikita niya sa istilo-ng-buhay ng ating bansa ang maraming elemento na umakay sa pagbagsak ng imperyo ng Roma.”

Ang pagbabasura ng tunay na mga pamantayan ay nag-iwan sa daigdig na ito na walang iniintindi kundi ang paghahangad ng higit mula sa lahat ng bagay. Mayaman sa mga bagay subalit salat sa espiritu, ang tao ay naiiwang nangangapa at walang patutunguhan. Ang pagkaligtas niya ay nasa pagbabalik sa pinagmumulan ng tunay na mga pamantayan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share