Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 4/8 p. 19-20
  • Babalik ba ang mga Namatay sa Holocaust?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Babalik ba ang mga Namatay sa Holocaust?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kaluluwa ng Tao ay Namamatay
  • Pag-asa Para sa mga Biktima ng Holocaust
  • Ang Misteryo ay Nalutas!
    Gumising!—1988
  • Buhay Pagkatapos ng Kamatayan—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Kabilang Buhay—Paano, Saan, Kailan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Gaano Katibay ang Inyong Paniniwala sa Pagkabuhay-Muli?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 4/8 p. 19-20

Babalik ba ang mga Namatay sa Holocaust?

MAYROON bang pag-asa para sa angaw-angaw na mga biktimang namatay sa Holocaust? Maaasahan bang ang Diyos ay maaaring magsagawa ng sukdulang makatarungang pagkilos alang-alang sa mga biktimang ito ng Nazismo?

Ang Hebreong Kasulatan ay nagbibigay ng pag-asa na nagbigay-lakas sa tapat na mga propeta at lingkod ng Diyos libu-libong taon na ang nakalipas. Ito ba’y salig sa sinaunang ideyang Griego tungkol sa isang kaluluwang walang kamatayan na humihiwalay sa tao pagkamatay? Hindi, yamang ang mga kasulatan at mga turong Hebreo ay nauna ng mga dantaon sa pilosopyang Griego.

Ang Kaluluwa ng Tao ay Namamatay

Ang Hebreong ulat sa Genesis ay nagsasabi sa atin tungkol sa paglalang sa unang tao: “At nilalang ng Panginoong Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa. Hiningahan niya ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang nabubuhay na kinapál [Hebreo, leneʹphesh].” (Genesis 2:7, Tanakh) Ang salin ng Jewish Publication Society ng 1917 ay bumabanggit ng “kaluluwa” para sa leneʹphesh. Kaya, ang kaluluwa, o neʹphesh, ay isang kinapál, isang nilikha, ito man ay hayop o tao.

Wala tayong makikita saanman sa Hebreong Kasulatan na ang neʹphesh kailanman ay ipinalalagay na walang kamatayan. Sa katunayan, ang salitang “walang kamatayan” ay hindi man lamang lumilitaw sa Hebreong Kasulatan. Sa kabaligtaran, ipinakikita ng Bibliyang Hebreo na ang neʹphesh ay ang tao, ang nabubuhay na kaluluwa. (Ezekiel 18:4, 20) Samakatuwid, ang kamatayan ang wakas, sa paano man ay pansamantalang wakas, ng tao bilang isang nabubuhay na kaluluwa. Ito ang kalagayan ng ganap na pagkawalang gawain, katulad ng mahimbing na pagtulog, gaya ng pagkakasabi rito ng salmistang si David: “Masdan mo ako, sagutin mo ako, Oh Panginoon, Diyos ko! Ibalik mo ang ningning sa aking mga mata, baka ako’y matulog ng tulog na kamatayan.”​—Awit 13:4, Tanakh.

Kasuwato ng payak na pangangatuwirang iyon, ang Hebreong Kasulatan ay nagsasabi sa atin: “Ang mga patay ay walang nalalamang anumang bagay; ni mayroon pa man silang kagantihan, sapagkat maging ang alaala sa kanila ay pumanaw. Anumang masumpungang gawain ng iyong kamay, gawin mo nang iyong buong kapangyarihan. Sapagkat walang gawa, ni pangangatuwiran man, ni kaalaman man, ni karunungan man sa Sheol [karaniwang libingan ng tao], na iyong paroroonan.” (Eclesiastes 9:5, 10, Tanakh) Kasuwato ito ng damdamin ni Job sa gitna ng kaniyang paghihirap: “Bakit hindi pa ako namatay sa pagsilang? . . . Sapagkat ngayon ay nahihiga sana ako sa katahimikan, natutulog at nagpapahinga.” (Job 3:11, 13, Tanakh) Tiyak, hindi iniisip ni Job ang pagiging “maliwanag na buháy” bilang isang walang kamatayang kaluluwa pagkamatay niya, gaya ng sinasabi ng “Statement of Principles of Conservative Judaism.”

Kung gayon, ibig bang sabihin niyan na ang kamatayan ay nangangahulugan ng ganap na pagkalimot? Iilang tao ngayon ang nakatatanda sa pangalan ng kanilang mga ninuno mga lima o sampung salinlahi pabalik, subalit kumusta naman ang Diyos? Naaalaala ba niya sila? Aalalahanin kaya niya sila? Aalalahanin kaya niya ang angaw-angaw na mga biktima ng pag-uusig ng Nazi? Ang angaw-angaw na namatay sa walang-saysay na mga digmaan? Ang propetang si Daniel ay naniniwala na maaalaala ng Diyos ang mga patay. Ipinakikita ng kaniyang hula na magkakaroon ng pagkabuhay-muli ng mga patay, sapagkat ang sabi niya: “Marami sa kanila na natutulog sa alabok ng lupa ay magigising, ang iba’y sa walang-hanggang buhay, at ang iba’y sa kahihiyan, sa walang-hanggang pagkapahamak.”​—Daniel 12:2, Tanakh.

Ang pagkabuhay-muli sa hinaharap sa makalupang buhay ang tunay na pag-asa ng tapat ng mga propeta at mga hari ng sinaunang Israel. Wala silang ideya ng lilipad-lipad na di-materyal na kaluluwang walang kamatayan sa kabilang buhay. Kapit pa rin ngayon ang pag-asang iyon ng isang pagkabuhay-muli sa sakdal na buhay sa lupa. Paano natin nalalaman iyan?

Pag-asa Para sa mga Biktima ng Holocaust

Mahigit na 1,900 taon na ang nakalipas, isang gurong Judio ang nagbigay ng pag-asang iyon nang kaniyang sabihin: “Huwag ninyong ipanggilalas ito, sapagkat dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas, ang mga nagsigawa ng mabuti ay sa pagkabuhay-muli sa buhay, ang mga namihasa ng paggawa ng masama ay sa pagkabuhay-muli sa paghatol.” (Juan 5:28, 29) Ang katagang “alaalang libingan” ay nagpapahiwatig na yaong mga naroroon ay nasa alaala ng Diyos hanggang sa araw ng kanilang pagkabuhay-muli at panunumbalik sa buhay sa lupa.

Samakatuwid, sa diwang ito ang “Statement of Principles” na inilabas ng Conservative Judaism sa Estados Unidos ay totoo: “Ang larawan ng olam ha-ba (kabilang buhay) ay maaaring magbigay ng pag-asa na tayo ay hindi kaliligtaan sa libingan, na tayo’y hindi kalilimutan.” Ang kagandahang-loob at katarungan ng Diyos ay nangangahulugan na yaong mga bubuhaying-muli ay magkakaroon ng pagkakataon, sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos, na piliin ang buhay na walang-hanggan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ni Jesu-Kristo, ang Mesiyas.

Kaya paano apektado ng lahat ng ito ang angaw-angaw na mga Judio, Slavo, at iba pang mga biktima ng Holocaust? Sila ay nasa alaala ng Diyos, na naghihintay ng pagkabuhay-muli, kung kailan sila ay papipiliin​—pagsunod sa Diyos taglay ang pag-asa sa buhay o pagsuway sa kaniya na may masamang paghatol. Inaasahan namin na angaw-angaw sa kanila ay gagawa ng tamang pagpili!

Judio man o di-Judio, kung nais mong malaman ang higit pa tungkol sa pag-asang ito para sa mga patay, makipag-alam sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito para sa isang kopya ng 256-pahinang may ilustrasyong aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa (₱21 para sa maliit na edisyon, ₱42 para sa malaking edisyon).

[Larawan sa pahina 20]

Ang Bibliya ay nangangako na magkakaroon ng isang pagkabuhay-muli at na “ang dating mga bagay ay hindi na sasa-isip pa.”​—Isaias 65:17

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share