Mula sa Aming mga Mambabasa
Agwat sa Kultura
Maraming salamat sa artikulong “Maaari bang Alisin ang Agwat sa Kultura?” (Agosto 22, 1988) Tatlo at kalahating taon ang nakalipas ako’y nandayuhan mula sa isang bansa sa Kanluran tungo sa Dulong Silangan, yamang gusto ng mister ko na bumalik sa kaniyang lupang tinubuan. Masasabi ko mula sa karanasan na ang bawat salita sa artikulong iyon ay totoo. Nagulat ako sa ekselenteng pagtalakay sa mga problema na bumabangon sa pagitan ng magkaibang mga kultura. Ang payo na ibinigay ay praktikal at mabisa. Tinuruan ako ng artikulo na iwasan ang paghahambing sa aking dating paraan ng pamumuhay.
A. D., Indonesia
Pribadong Buhay
Ako’y 17 anyos at isang regular na mambabasa ng mga serye ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ,” na hanggang ngayon ay nasusumpungang kong talagang nabibigay ng mabubuting payo. Subalit ang artikulong pinamagatang “Paano Ako Magkakaroon ng Higit na Pribadong Buhay?” (Oktubre 22, 1988) ay isang malaking kabiguan. Binanggit ninyo na kung ang aking mga magulang ay gumawa ng di-inaasahang pagdalaw sa aking kuwarto o sumilip sa aking talaarawan, ginagawa nila iyon sapagkat mahal nila ako. Hindi gayon ang palagay ko. Dapat magtiwala sa akin ang aking mga magulang nang hindi na nila kailangang manubok sa akin. Kung susulyapan nila ang aking talaarawan, hinding-hindi ko sila mapatatawad. Hindi ko na sila mapagkakatiwalaan pa o masasabi pa kaya sa kanila ang mga bagay-bagay. Isinusulat ko sa aking talaarawan ang aking personal na mga problema at mga damdamin. Anuman ang kailangang malaman ng aking mga magulang, sinasabi ko sa kanila, at sila’y nasisiyahan.
S. F., Pederal na Republika ng Alemanya
Hindi kinukunsinti o inirirekomenda ng artikulo ang gawaing iyon (kung saan walang gaanong magagawa sa paano man ang isang kabataan) kundi tinutulungan lamang nito ang mga kabataan na maunawaan kung bakit ginagawa ito ng ilang mga magulang—na ito ay hindi basta pakikialam.—ED.
Ako po’y isang 12-anyos. Bago po lumabas ang artikulo tungkol sa pribadong buhay, nasumpungan ng aking nanay ang ilang sulat na ginawa ko, at binasa niya ito. Nang panahong iyon ay hindi ko po maunawaan kung bakit, subalit tinulungan po ako ng artikulo!
A. B., Estados Unidos
Nasumpungan ko pong nakapagtuturo ang artikulo, taglay ang napakaraming mahuhusay na payo. Ngunit nagtaka ako nang mabasa ko ang halimbawa ng isang dalagita na ang nanay ay sumisigaw na iwang bukas ang pinto sa kaniyang kuwarto kung may bisita siyang lalaki. Ano’t naroon ang binata sa kuwarto ng dalaga, na karaniwan nang isang silid-tulugan? Hindi nga dapat! Tiyak na hindi ito ipahihintulot ng nanay ko. Ang salas, ang silid ng pamilya, o ang kusina, kung saan may tao, ang mas matalinong landasin para sa mga tin-edyer na ito na mag-istima ng bisita o mag-aral. Ang ilang tin-edyer na makababasa ng bahaging iyon ng artikulo ay baka mailigaw!
J. J., Estados Unidos
Ang pagkabahala at mga mungkahi ni J. J. ay malugod na tinatanggap. Ang serye ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” ay isinulat para sa lahat. Ipinakikita lamang ng artikulo kung paano minamalas kahit na ng mga taong hindi namumuhay sa mga pamantayan ng Bibliya ang mga bagay-bagay. Sa kanila, ang pag-iiwang bukas ng pinto ay isang pananggalang.—ED.
Nais ko po lamang pasalamatan kayo sa artikulong “Bakit Hindi Ako Magkaroon ng Higit na Pribadong Buhay?” (Hulyo 8, 1988) Ako po’y 13 anyos. Hindi pa natatagalan naitanong ko po ang mismong katanungang iyan tungkol sa pribadong buhay. Ang aking mga magulang at ako ay nagtalo tungkol sa pagkakaroon ng isang TV sa aking kuwarto gaya ng ginawa ni Keith at ng kaniyang mga magulang. Bagaman hindi ako nagkaroon ng TV sa kuwarto, naunawaan ko kung bakit nababahala ang aking mga magulang sa kung ano ang aking pinanonood.
S. H., Estados Unidos