Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Anong Karera ang Dapat Kong Piliin?
‘ANO ang gagawin ko ngayon sa aking buhay?’ Sa malao’t madali ay mapapaharap sa iyo ang naghahamong katanungang ito. Ang nakalilitong mga pagpipilian ay nakahanay—medisina, negosyo, sining, edukasyon, computer science, pag-iinhinyero, pangangalakal. At maaaring mag-akala ka rin tulad ng isang kabataan na ganito ang sinabi: “Ang itinuturing kong matagumpay . . . ay ang mapanatili mo ang kaginhawahang kinalakihan mo.” O maaaring mangarap ka na mapabuti mo ang iyong pinansiyal na kalagayan sa buhay.
Subalit may higit pa kaya sa tagumpay kaysa materyal na pakinabang? Makapagdudulot ba sa iyo ng tunay na kaganapan ang anumang sekular na karera?
‘Iyan ay Walang Halaga’
Kaakit-akit, kapana-panabik, kapaki-pakinabang! Ganiyan kadalasang inilalarawan ng mga pelikula, TV, at mga aklat ang sekular na mga karera. Subalit upang matamo ang nasabing tagumpay, ang mga ambisyoso sa karera ay dapat na makipagtunggali sa isa’t isa sa isang buhay-at-kamatayang pagpupunyagi upang makilala. Binabanggit ni Dr. Douglas LaBier kung paanong ang mga kabinataan at kadalagahan, na ang karamihan ay “may mga karerang mabilis ang pag-asenso at teknolohikal, ay nag-uulat ng pagkadama ng kawalan ng kasiyahan, kabalisahan, panlulumo, kahungkagan, labis na paghihinala, kasali na ang lahat ng mga reklamo sa katawan.”
Noon, si Haring Solomon ay nagsiwalat ng kawalang-halaga ng basta makasanlibutang tagumpay lamang. Palibhasa’y nagtataguyod ng walang-takdang kayamanan, si Solomon ay nakagawa ng isang kahanga-hangang talaan ng mga tagumpay sa karera. (Basahin ang Eclesiastes 2:4-10.) Gayunman, hinuha ni Solomon: “Ako, ako mismo, ay tumingin sa lahat ng mga gawa na ginawa ng aking mga kamay at ang gawain na pinagpagalan ko upang matapos, at, narito! lahat ay walang kabuluhan [“Natalos ko na iyan ay walang halaga,” Today’s English Version] at nauuwi sa wala.”—Eclesiastes 2:11.
Ang trabaho ay maaaring magdulot ng kayamanan at pagkilala, ngunit hindi nito masasapatan ang ‘espirituwal na pangangailangan’ ng isa. (Mateo 5:3) Kaya ang kasiyahan ay tumatakas doon sa ang mga buhay ay nakasentro tangi sa sekular na tagumpay.
Isang Karerang Nakasisiya
Nagpapayo si Haring Solomon: “Ang wakas ng bagay, pagkatapos marinig ang lahat, ay: Ikaw ay matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.” (Eclesiastes 12:13) Ang pangunahing obligasyon ng mga Kristiyano ngayon ay ang ipangaral ang mensahe ng Kaharian. (Mateo 24:14) At ang mga kabataang seryoso sa obligasyong ito ay nakadarama na kailangang lubusang makibahagi sa gawaing ito hangga’t maaari—kahit na hindi sila likas na mahilig sa pangangaral. (Ihambing ang 2 Corinto 5:14.) Sa halip na itaguyod ang buong-panahong sekular na trabaho, libu-libo ang pumiling maglingkod bilang pambuong-panahong ebanghelisador (mga payunir). Ang iba ay naglilingkod bilang mga misyonero sa ibang bansa o kaya’y sa mga opisina ng sangay ng Samahang Watch Tower.
Si Emily, na tinalikdan ang karera bilang isang executive secretary upang maging isang payunir, ay nagsasabi: “Natutuhan kong mahalin ang gawaing ito.” Oo, ang pambuong-panahong ministeryo ang pinakakasiya-siya, kapana-panabik na karerang maiisip! At ano pa kayang hihigit na pribilehiyo kaysa ang maging isa sa “mga kamanggagawa ng Diyos”?—1 Corinto 3:9.
Edukasyon sa Unibersidad—Kapaki-pakinabang Ba?
Sinusuportahan ng karamihan sa mga ministrong payunir ang kanilang sarili sa pamamagitan ng part-time na trabaho. Subalit ano kung dumating ang panahong kailangang suportahan mo ang isang pamilya? Tiyak na hindi pagsisisihan ng isa na ginugol niya ang mga taon ng kaniyang kabataan sa paglilingkod sa Diyos! Gayunman, ang ilan ay nagtatanong, Hindi kaya makabubuti sa isang kabataan na kumuha muna ng titulo sa unibersidad at marahil itaguyod ang ministeryo pagkatapos?
Ang Bibliya, siyempre pa, ay hindi tiyakang nagsasabi kung ilang taon ng pag-aaral ang dapat na kunin ng isang kabataang Kristiyano. Ni hinahatulan man nito ang edukasyon. Pinasisigla ni Jehova, ang “Dakilang Tagapagturo,” ang kaniyang bayan na bumasa nang mahusay at ipahayag ang kanilang sarili nang maliwanag. (Isaias 30:20; Awit 1:2; Hebreo 5:12) Isa pa, ang edukasyon ay makapagpapalawak ng ating pagkaunawa sa mga tao at sa daigdig na kinabubuhayan natin.
Gayumpaman, sulit ba ang isang titulo sa unibersidad sa napakalaking panahon at salapi na kinakailangang gugulin dito?a Bagaman ipinakikita ng estadistika na ang mga nagtapos sa unibersidad ay kumikita nang mas malaking suweldo at bihirang makaranas ng kawalan ng trabaho kaysa sa mga nagtapos sa high school, ang aklat na Planning Your College Education ay nagpapaalaala sa atin na ang mga bilang na ito ay mga pagtantiya lamang. Ang totoo ay kakaunti lamang sa mga nagtapos sa unibersidad ang tumatanggap ng matataas na suweldo; ang iba ay sumusuweldo nang napakababa. Bukod dito, ang matataas na suweldong ibinibigay sa mga nagtapos sa unibersidad ay baka naman dahil sa “di-pangkaraniwang abilidad, pangganyak, dako ng oportunidad sa trabaho, . . . espesyal na talino”—hindi lamang dahil sa taas ng pinag-aralan.
“Ang isang titulo [sa unibersidad] ay hindi na gumagarantiya ng tagumpay sa paghahanap ng trabaho,” sabi ng Kagawaran ng Pagtatrabaho sa E.U. “Ang katumbasan [ng mga nagtapos sa unibersidad] na nagtatrabaho sa propesyonal, teknikal, at pampangasiwaang mga hanapbuhay . . . ay umurong sapagkat ang mga hanapbuhay na ito ay hindi naman sapat na mabilis na lumawak upang tanggapin ang dumaraming mga nagtapos. Bilang resulta, halos 1 sa bawat 5 nagtapos [sa unibersidad] na pumasok sa paghahanapbuhay sa pagitan ng 1970 at 1984 ang kumuha ng trabahong hindi na nangangailangan ng titulo. Ang labis na suplay na ito ng mga nagtapos ay malamang na magpatuloy hanggang sa kalagitnaan ng 1990’s.”
Higit pang mga Katotohanang Kailangang Bulaybulayin
Ang isang titulo sa unibersidad ay maaaring makatulong o hindi sa iyong paghahanap ng trabaho. Subalit isang bagay ang hindi matututulan: “Ang panahong natitira ay pinaikli”! (1 Corinto 7:29) Sa lahat ng inaakalang mga pakinabang nito, ang apat na taon ba o higit pa sa isang unibersidad ang pinakamabuting paggamit ng mga natitirang panahong iyan?—Efeso 5:16.
Aakayin ka ba ng edukasyon sa unibersidad na papalapit o papalayo sa iyong espirituwal na mga tunguhin? Tandaan, ang mataas na suweldo ay hindi siyang pangunahin sa isang Kristiyano. (1 Timoteo 6:7, 8) Gayunman, inilalarawan ng isang surbey ng mga administrador sa unibersidad sa E.U. ang mga estudyante sa ngayon bilang ‘sinanay-sa-karera, interesado sa materyal na tagumpay, nababahala sa sarili.’ Isang grupo ng mga estudyante ay nagsabi: “Wari bang wala na tayong ibang pinag-uusapan kundi salapi.” Paano kaya makaapekto sa iyo ang pagkalubog sa isang kapaligirang punung-puno ng kompetisyon at sakim na materyalismo?
Maaaring ang mga unibersidad ngayon ay hindi na kasinggulo noong mga taóng 1960. Subalit ang pag-unti ng kaguluhan sa unibersidad ay hindi nangangahulugang ang kapaligiran sa paaralan ay mabuti. Ganito ang konklusyon ng isang pag-aaral tungkol sa buhay sa paaralan: “Ang mga estudyante ay mayroon pa ring halos walang-takdang kalayaan sa kanilang personal at sosyal na bagay.” Ang mga droga at alkohol ay walang taros na ginagamit, at ang uso ay ang pagkawalang-delikadesa—hindi ang eksepsiyon. Kung ito’y totoo sa mga unibersidad sa inyong bansa, hindi kaya ang pananatili roon ay makahadlang sa iyong pagsisikap na manatiling malinis sa moral?—1 Corinto 6:18.
Ang isa pang pagkabahala ay ang maliwanag na kaugnayan ng pagkakalantad sa mas mataas na edukasyon at ng pagbaba ng “paninindigan sa pinakabuod ng relihiyosong mga paniwala.” (The Sacred in a Secular Age) Ang panggigipit na mapanatili ang matataas na marka ang naging dahilan anupa’t nakaligtaan ng ilang mga kabataang Kristiyano ang espirituwal na mga gawain at sa gayo’y naging napakahina sa pagsalakay ng sekular na kaisipan na itinataguyod ng mga unibersidad. Ang ilan ay napapariwara kung tungkol sa kanilang pananampalataya.—Colosas 2:8.
Mga Panghalili sa Edukasyon sa Unibersidad
Tungkol sa mga bagay na ito, maraming mga kabataang Kristiyano ang nagpasiyang huwag nang mag-aral sa unibersidad. Ang marami ay nakasumpong na ang pagsasanay na ibinibigay sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova—ang lingguhang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro lalung-lalo na—ay nagbigay sa kanila ng tunay na kalamangan sa paghahanap ng mapapasukan. Bagaman hindi nagtataglay ng isang titulo sa unibersidad, ang mga kabataang ito ay natututong maging matatag, mahusay sa pagpapahayag ng sarili, at may kakayahan din namang humawak ng responsibilidad. Bukod doon, samantalang nasa paaralang sekondaryo, ang ilan ay kumukuha ng mga kurso sa pagmamakinilya, computer programming, pagmimekaniko ng kotse, gawain sa machine-shop, at iba pa. Ang gayong mga kasanayan ay madali para sa part-time na mapapasukan at madalas na may malaking pangangailangan. At bagaman hinahamak ng maraming kabataan ang ‘gawa ng kanilang mga kamay,’ ang Bibliya naman ay dumadakila sa paggawa ng “mabibigat na gawain.” (Efeso 4:28) Aba, si Jesu-Kristo mismo ay natuto ng isang gawain nang gayon na lamang kahusay kung kaya’t tinawag siyang “ang anluwagi”!—Marcos 6:3.
Totoo, sa ibang mga bansa ay humuhugos ang mga nagtapos sa unibersidad sa paghahanap ng mapapasukan kung kaya’t naging mahirap ang paghanap kahit na ng karaniwang trabaho lamang kung wala kang karagdagang pagsasanay. Subalit madalas ay may mga programa para sa pagsasanay sa mga baguhan, mga paaralang bokasyonal o teknikal, at maigsing mga kurso sa unibersidad na nagtuturo ng mga kailangang kasanayan na may kaunting puhunan lamang ng panahon at salapi. At, may isa pang salik na hindi isinaalang-alang ng mga estadistika sa paghahanapbuhay: Ang pangako ng Diyos na paglaanan yaong ang inuuna ay espirituwal na mga kapakanan.—Mateo 6:33.
Ang mga pagkakataon sa paghahanapbuhay at mga sistema sa edukasyon ay nagbabago sa iba’t ibang lugar. Ang mga kabataan ay may iba’t ibang kakayahan at mga hilig. At samantalang ang isang kurso sa Kristiyanong ministeryo ay inirerekomenda bilang kapaki-pakinabang, ito ay isa pa ring personal na disisyon. Kailangang maingat na timbangin mo at ng iyong mga magulang ang lahat ng mga salik na nasasangkot sa pagpapasiya kung gaanong edukasyon ang nararapat sa iyo. ‘Ang bawat tao ay magpapasan ng kaniyang sariling pasan’ sa paggawa ng gayong mga desisyon.—Galacia 6:5.
Kung, halimbawa, ipilit ng iyong mga magulang na mag-aral ka sa unibersidad, wala kang magagawa kundi ang sumunod sa kanila hangga’t ikaw ay nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa.b (Efeso 6:1-3) Marahil makapananatili ka sa inyong tahanan at makaiwas na masilo ng mga kalagayan sa paaralan. Maging mapamili sa iyong pagpili ng mga kurso, halimbawa, ang pagtutuon ng pansin sa pagkatuto ng mga kasanayan sa trabaho sa halip na sa mga makasanlibutang mga pilosopya. Bantayan ang iyong pakikisama. (1 Corinto 15:33) Panatilihin ang sariling malakas sa espirituwal sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pulong, paglilingkod sa larangan, at personal na pag-aaral. Ang ilang mga kabataan na napilitang mag-aral sa unibersidad ay nakapagpayunir pa nga sa pamamagitan ng pagpili ng iskedyul ng mga kurso na magpapahintulot doon.
Maingat at may kalakip na panalanging piliin mo ang iyong karera, upang ito’y hindi lamang magdulot ng personal na kaligayahan kundi magpapangyari sa iyong ‘makapagtipon ng kayamanan sa langit.’—Mateo 6:20.
[Mga talababa]
a Sa Estados Unidos, ang gastos sa unibersidad ay tinatantiyang mahigit sa $10,000 isang taon! Kadalasan nang kumukuha ng mga taon bago mabayaran ng mga estudyante ang kanilang pagkakautang.
b Baka naman hindi na kailangang magkaroon ka ng isang apat-na-taóng kurso upang mabigyang-kasiyahan ang iyong mga magulang. Sa Estados Unidos, ang isang kaugnay na titulo, halimbawa, ay tinatanggap ng mga maypatrabaho sa maraming propesyonal at may kaugnayan sa pagseserbisyong mga larangan at maaaring matapos sa loob lamang ng dalawang taon.
[Blurb sa pahina 13]
‘Ang isang titulo [sa unibersidad] ay hindi na gumagarantiya ng tagumpay sa paghahanap ng trabaho.’—Kagawaran ng Pagtatrabaho sa E.U.