Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 11—2 B.C.E.-100 C.E.—Ang Daan ng Pananampalataya, Pag-asa, at Pag-ibig
“Ang pinakadakilang mga katotohanan ay yaong pinakasimple: at ganoon din ang pinakadakilang mga tao.”—Sina Julius at Augustus Hare, ika-19 na siglong Ingles na mga manunulat
MGA 320 taon pagkamatay ni Alejandrong Dakila, hari ng Macedonia, ay isinilang ang isang mas dakilang mananakop sa daigdig. Mapapaiba siya kay Alejandrong Dakila sa dalawang mahalagang paraan, gaya ng inihula sa Lucas 1:32, 33: ‘Siya’y tatawaging Anak ng Kataas-taasan, at hindi magkakawakas ang kaniyang kaharian.’ Si Jesu-Kristo ang Haring ito, at siya’y nakatakdang mabuhay hindi lamang sa maalikabok na mga pahina ng mga aklat ng kasaysayan.
Si Jesus ay isang simpleng tao na namuhay sa simpleng paraan. Wala siyang malapalasyong tahanan. Hindi niya pinaligiran ang sarili ng mayayaman at makapangyarihan; ni nag-imbak kaya siya ng makalupang mga kayamanan. Si Jesus ay isinilang bandang Oktubre 2 B.C.E., sa isang karaniwang pamilyang Judio sa pinakasimpleng kapaligiran sa munting nayon ng Bethlehem. Ang kaniyang pagkabata ay hindi naging kapansin-pansin. Sinanay siya sa pag-aanluwagi, at “ayon sa sapantaha, ay anak ni Jose.”—Lucas 3:23; Marcos 6:3.
Ang mga tumutuya sa paniwala na si Jesus ay Anak ng Diyos ay hindi makakatutol na ang pagsilang niya ay nagbukas ng isang bagong kapanahunan, ni maitatatwa ng sinuman ang sinabi ng World Christian Encyclopedia na “ang Kristiyanismo ang naging pinakamalawak at pansansinukob na relihiyon sa kasaysayan.”
Hindi Bago Kundi Naiiba
Ang Kristiyanismo ay hindi talaga isang bagong relihiyon. Nag-uugat ito nang malalim sa relihiyon ng mga Israelita, na binigyang-buhay ng nasusulat na Batas ng Diyos na Jehova. Hindi pa man nagiging bansa ang Israel, si Jehova ay sinamba na ng kanilang mga ninunong sina Noe, Abraham, at Moises, at isang pagpapatuloy sa pinakamatandang umiiral na relihiyon, ang tunay na pagsamba sa Maylikha na unang isinagawa sa Eden. Subalit ang kanilang pagsamba ay pinahintulutan ng mga pambansa at relihiyosong pinuno ng Israel na mabantuan ng huwad na relihiyon na may maka-Babilonikong mga impluwensiya anupa’t ito ay nadumhan. Gaya ng sinasabi ng World Bible: “Noong isilang si Jesus ang kongregasyong Judio ay sinalaula ng mga pagpapaimbabaw at pinaging-magulo ng isang pormalismo na nagpalabo sa saligang espirituwal na mga katotohanang binigkas ng dakilang mga propetang Hebreo.”
Kung ihahambing sa masalimuot na mga turo ng tao na inilahok sa pananampalatayang Judio, ang mga turo ni Jesus ay nakilala sa pagiging payak. Ipinakita ito ni Pablo, isa sa masisigasig na misyonero ng unang-siglong Kristiyanismo, nang binabanggit ang pangunahing mga katangian ng Kristiyanismo: “Ngayo’y nananatili ang tatlong ito, pananampalataya, pag-asa, pag-ibig; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.” (1 Corinto 13:13) Ang ibang relihiyon ay nagsasalita rin tungkol sa “pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig,” gayunma’y naiiba ang Kristiyanismo. Papaano?
Pananampalataya Kanino at sa Ano?
Idiniin ni Jesus ang pangangailangang “sumampalataya sa Diyos,” na tinukoy niyang Maylikha. (Juan 14:1; Mateo 19:4; Marcos 13:19) Kaya ang Kristiyanismo ay naiiba sa Jainismo o Budismo, na kapuwa hindi naniniwala sa Maylikha, at nag-aangkin na ang sansinukob ay laging umiiral. At yamang bumanggit si Jesus ng “iisang tunay na Diyos,” tiyak na hindi siya naniwala sa isang kalipunan ng mga diyos at diyosa na gaya ng itinuro ng mga relihiyon ng sinaunang Babilonya, Ehipto, Gresya, at Roma, o gaya ng itinuturo pa rin ngayon ng Hinduismo.—Juan 17:3.
Ang banal na layunin, gaya ng paliwanag ni Jesus, ay ibigay ang ‘kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami,’ upang “iligtas ang nawala,” upang ang “sinumang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Marcos 10:45; Lucas 19:10; Juan 3:16; ihambing ang Roma 5:17-19.) Ang paniwala sa sakripisyong kamatayan na magdudulot ng katubusan sa pagkakasala ay naiiba sa Shintoismo, na hindi kumikilala sa orihinal o minanang kasalanan.
Itinuro ni Jesus na iisa ang tunay na pananampalataya. Ipinayo niya: “Kayo’y magsipasok sa makipot na pintuan; sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo’y nagsisipasok; samantalang makipot ang pintuan at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nakakasumpong noon.” (Mateo 7:13, 14) Sinasabi ng aklat na Imperial Rome: “Iginiit ng [sinaunang] mga Kristiyano na sila lamang ang nagtataglay ng katotohanan, at na lahat ng ibang relihiyon . . . ay huwad.” Maliwanag na naiiba ito sa saloobing Hindu-Budista, na naniniwalang lahat ng relihiyon ay mabuti.
Anong Uri ng Pag-asa?
Ang pag-asang Kristiyano ay nakapalibot sa pangako ng Maylikha na lulutasin ng kaniyang pamahalaan ang mga suliranin ng daigdig. Kaya sa simula pa ng ministeryo ni Jesus noong 29 C.E., hinimok na niya ang mga tao na “magsisampalataya sa mabuting balita” na “ang kaharian ng Diyos ay malapit na.” (Marcos 1:15) Di-gaya ng mga relihiyong Silanganin, katulad ng Ch’ŏndogyo, hindi idiniin ni Jesus ang nasyonalismo bilang paraan ng pagkakamit ng pag-asang Kristiyano. Sa katunayan, tinanggihan ni Jesus ang lahat ng mungkahi na siya ay pumasok sa pulitika. (Mateo 4:8-10; Juan 6:15) Maliwanag, hindi niya ipinasiya, gaya ng ginagawa ng ilang pinunong Judio, na ang “mga tao ay dapat na aktibong makipagtulungan sa Diyos sa pagpaparating ng Mesiyas.”
Kalakip sa Kristiyanong pag-asa ang pagtatamasa ng buhay na walang-hanggan sa lupa sa ilalim ng matuwid na mga kalagayan. (Ihambing ang Mateo 5:5; Apocalipsis 21:1-4.) Hindi ba simple lamang ito at madaling unawain? Hindi kung para sa marami na ang isipa’y pinalabo ng Budistang paniwala sa Nirvana, na ayon sa The Faiths of Mankind ay isang “paghinto” gayunma’y “hindi ang pagkalipol.” Sinasabi sa aklat na ito na, sa totoo, ang Nirvana ay “hindi posibleng ilarawan.”
Pag-ibig—Ukol Kanino at Anong Uri?
Sinabi ni Jesus na ang pinakadakilang utos ay: “Iibigin mo si Jehovang iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong isip mo at nang buong lakas mo.” (Marcos 12:30) Napakalayo nito sa mga relihiyon na nag-uukol ng pangunahing dako sa kaligtasan ng tao, samantalang minamaliit ang banal na mga kapakanan. “Kaya nga, lahat ng bagay na ibig ninyong sa inyo’y gawin ng tao,” ipinayo niya, “gawin naman ninyo ang gayon sa kanila.” (Mateo 7:12; 22:37-39) Pansinin kung papaano ito naiiba sa negatibong turo ni Confucio: “Ang ayaw mong gawin sa iyo, ay huwag mong gagawin sa iba.” Aling pag-ibig ang sa palagay ninyo’y nakahihigit, yaong humahadlang sa mga tao na gumawa ng makasasama o yaong nag-uudyok sa kanila na gumawa ng mabuti?
“Ang unang pagsubok sa isang tunay na dakilang tao ay ang kaniyang kapakumbabaan,” sabi ng ika-19 na siglong manunulat na Ingles na si John Ruskin. Sa buong-pagpapakumbabang paghahandog ng kaniyang buhay alang-alang sa pangalan at reputasyon ng kaniyang Ama at, pangalawa, alang-alang sa tao, ipinakita ni Jesus ang pag-ibig kapuwa sa Diyos at sa tao. Ibang-iba ito sa nakasentro-sa-sariling hangarin ni Alejandrong Dakila sa pagiging isang diyos, na hinggil dito’y sinabi ng Collier’s Encyclopedia: “Sa buong buhay niya, na paulit-ulit niyang isinapanganib, walang ebidensiya na kailanma’y inisip niya kung ano ang mangyayari sa kaniyang mga tauhan pagkamatay niya.”
Bilang larawan din ng pag-ibig niya sa Diyos at sa tao, si Jesus ay hindi naniwala sa isang nagtatanging caste system, di-gaya ng kaniyang mga kontemporaryong Hindu sa India. At di-gaya ng mga Judio na nag-udyok sa kanilang mga kaanib na magtaas ng sandata laban sa di-tanyag na mga pinuno, nagbabala si Jesus sa kaniyang mga alagad na “lahat ng nabubuhay sa tabak ay sa tabak mamamatay.”—Mateo 26:52.
Pananampalatayang Pinatutunayan ng mga Gawa
Ang pagpapahalaga ng sinaunang Kristiyanismo sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig ay nahayag sa paggawi. Pinayuhan ang mga Kristiyano na “hubarin ang dating pagkatao” na likas sa makasalanang sangkatauhan at “isuot ang bagong pagkatao na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran.” (Efeso 4:22-24) Ginawa nila ito. Kapansin-pansin ang sinabi ng yumaong Harold J. Laski, makapulitikang siyentipikong Ingles: “Tiyak na ang pagsubok sa isang pananampalataya ay hindi ang kakayahan ng mga kaanib na ipahayag ang kanilang paniwala; ang pagsubok ay nasa kakayahan nito na baguhin ang kanilang paggawi sa araw-araw na buhay.”—(Amin ang italiko.) Ihambing ang 1 Corinto 6:11.
Puspos ng di-matitinag na pananampalataya at ng matatag na pag-asa at udyok ng tunay na pag-ibig, pinaghandaang sundin ng sinaunang mga Kristiyano ang pahimakas na utos ni Jesus bago siya umakyat sa langit: “Magsiyaon nga kayo at gawing alagad ang mga tao sa lahat ng bansa, na binabautismuhan sila . . . , na ituro sa kanila na sundin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”—Mateo 28:19, 20.
Noong Pentecostes 33 C.E., ang espiritu ng Diyos ay ibinuhos sa 120 Kristiyanong alagad na nagkakatipon sa isang silid sa Jerusalem. Isinilang na ang kongregasyong Kristiyano!a Nang araw na yaon ang mga kaanib nito ay pinagkalooban ng kakayahang magsalita sa banyagang mga wika, kung kaya’t nakausap nila ang mga Judio at proselita mula sa ibang bansa na naroroon sa Jerusalem upang dumalo sa isang kapistahan. (Gawa 2:5, 6, 41) Napakalaking resulta! Sa loob lamang ng isang araw, ang bilang ng mga Kristiyano ay lumundag mula sa 120 hanggang mahigit na 3,000!
Ang kalakhan ng pangangaral ni Jesus ay tanging ukol sa mga Judio. Ngunit di nagtagal pagkaraan ng Pentecostes, ginamit ang Kristiyanong apostol na si Pedro upang buksan “Ang Daan” para sa mga Samaritano, na tumutupad sa unang limang aklat ng Bibliya, at nang maglaon, noong 36 C.E., sa lahat ng di-Judio. Si Pablo ay naging “apostol sa mga bansa” at gumawa ng tatlong misyonerong paglalakbay. (Roma 11:13) Kaya ang mga kongregasyon ay naitatag at dumami. “Ang sigasig nila sa pagpapalaganap ng pananampalataya ay walang hangganan,” sabi ng aklat na From Christ to Constantine, at idinagdag pa: “Ang Kristiyanong pagpapatotoo ay napakalawak at napakabisa.” Bumalandra ang ginawang pag-uusig sa mga Kristiyano, at lalo pang lumaganap ang mensahe, gaya ng apoy na hinipan ng hangin. Ang kapana-panabik na kasaysayan ng di-masugpong gawaing Kristiyano noong kamusmusan nito ay isinasalaysay sa aklat ng Bibliya na Mga Gawa.
‘Hindi Iyan ang Kristiyanismong Kilala Ko!’
Ito ba ang reaksiyon ninyo sa pagkarinig ng paglalarawan sa pasimula ng Kristiyanismo? Natuklasan ba ninyo na sa halip na magkaroon ng matibay na pananampalataya, maraming nag-aangking Kristiyano ngayon ang nag-aalinlangan, di nakatitiyak kung ano ang paniniwalaan? Natuklasan ba ninyo na sa halip na pag-asa, marami ang ginigiyagis ng takot, nangangamba sa hinaharap? At natuklasan ba ninyo, gaya ng pagkakahayag ni Jonathan Swift, isang ika-18 siglong Ingles na manunulat na satiriko na, “may relihiyon tayo na sapat upang tayo ay mapoot, subali’t hindi sapat upang mag-ibigan sa isa’t isa”?
Inihula ni Pablo ang negatibong pagsulong na ito. “Ang mga lobong maninila”—mga pinuno na Kristiyano lamang sa pangalan—“ay magsisilitaw at mangagsasalita ng mga bagay na baluktot upang umakit ng mga alagad sa likuran nila.” (Gawa 20:29, 30) Gaano kalayo ang maaabot nito? Ipaliliwanag ito sa susunod na labas.
[Talababa]
a Sa mga tagalabas ang Kristiyanismo ay tinawag na “Ang Daan.” “Sa Antioquia [pagkaraan marahil ng 10 hanggang 20 taon] unang tinawag na Kristiyano ang mga alagad ayon sa kalooban ng Diyos.”—Gawa 9:2; 11:26.
[Larawan sa pahina 24]
Ang Kristiyano ay may pananampalataya sa Diyos na buháy
[Larawan sa pahina 25]
Ang Kristiyanong pag-asa ay tumatanaw sa isinauling paraiso sa lupa
[Larawan sa pahina 25]
Ang Kristiyanong pag-ibig ay walang pagtatanging tumutulong sa iba na maglingkod sa Diyos