Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 6/22 p. 12-14
  • Ang Pag-ibig ba ay Gaya ng sa mga Awit ng Pag-ibig?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pag-ibig ba ay Gaya ng sa mga Awit ng Pag-ibig?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Aral sa mga Awit ng Pag-ibig
  • Maliwanag na mga Liriko
  • “Panahon Upang Umibig”
  • Tip sa Pag-aaral
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2023
  • Mga Kantang Naglalapít sa Atin sa Diyos
    Saan Napupunta ang Donasyon Mo?
  • Masayang Purihin si Jehova sa Pamamagitan ng Awit
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2018
  • Umawit kay Jehova!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 6/22 p. 12-14

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Ang Pag-ibig ba ay Gaya ng sa mga Awit ng Pag-ibig?

MGA awit ng pag-ibig​—mga awit na pumupuring maigi sa tunay na pag-ibig, mga awit na nagdadalamhati sa nabigong pag-ibig​—ang pangunahing mga tugtugin sa mga radyo. At anuman ang pagbabalatkayo nito, ito man ay rhythm and blues, soul, pop, o rock, ito ay popular na popular sa mga tin-edyer. Ano ang dahilan nito?

Karamihan ng mga awitin ay basta may malakas na musikal na pang-akit​—magandang himig, makabagbag-damdaming mga liriko, nakapagpapaindak na indayog. Naaapektuhan nito ang mga damdamin at maaaring lumikha ng isang halos pampatulog na romantikong kalagayan. “Kung ako’y nakikipag-usap sa aking kasintahan sa telepono tungkol sa ilang mahirap na kalagayan at para bang wala akong masabi,” wika ng isang kabataang nagngangalang Rusty, “ang isang magandang awit ng pag-ibig na maririnig sa background ay nagpapahinahon sa akin, at mas madaling lumabas ang mga salita.”

Gayunman, ang popularidad ng mga awit ng pag-ibig ay hindi dahilan sa anumang musikal na merito ng himig. Kapag ikaw ay isang tin-edyer, iyong pinag-aaralan kung paano mo pakikitunguhan ang iyong mga damdamin tungkol sa sekso. Palibhasa’y nag-uusyoso tungkol sa mga hiwaga ng pag-ibig at pagmamahalan, baka mas madali mong matutuhan ang tungkol dito sa mga awitin na nagsasabi tungkol sa mga kasiyahan at mga kirot ng pagdi-date at pagkakagalit. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang manunulat, sa pamamagitan ng mga awit ng pag-ibig, “maaaring tikman ng mga tin-edyer kung ano ang nadarama ng umiibig, at sa gayo’y maranasan ang ilang kasiyahan at mga kabiguan ng pag-ibig.”

Palibhasa’y walang karanasan sa pagmamahalan at marahil ay di-tiyak sa kanilang kakayahang magpahayag ng kanilang mga damdamin, ang iba ay bumabaling pa nga sa mga awit ng pag-ibig upang hanapin ang tamang mga salita upang sabihin sa isa na itinatangi. Inaanim ng ibang kabataan na sinisikap nilang akitin ang mga miyembro ng ibang sekso sa pamamagitan ng mga katagang hinango sa popular na mga awit. Subalit sa anong lawak ba talagang tinuturuan ng mga awit ng pag-ibig ang mga kabataan tungkol sa pag-ibig?

Ang mga Aral sa mga Awit ng Pag-ibig

Isaalang-alang, muna, ang isa sa pinakamagandang awit ng pag-ibig na kailanma’y naisulat. Tinatawag na Awit ni Solomon, ito ang ulat ng Bibliya tungkol sa isang magandang babaing Shulamita at ang pag-ibig niya sa isang lalaking pastol. Ang kanilang pag-ibig ay isinasapanganib ni Haring Solomon, na, taglay ang kaniyang nakapanggigilalas na kaluwalhatian, karunungan, at kayamanan, ay binibihag ang puso ng dalaga​—sa kaniyang kabiguan. Ang pag-ibig ng dalaga ay napatunayang hindi salawahan. Sabi ng dalaga: “Ang bukod-tanging debosyon ay hindi madadaig na gaya ng Sheol. Ang mga liyab niyaon ay parang mga liyab ng apoy, ang liyab ni Jah.”​—Awit ni Solomon 8:6.

Ang mga awit ng pag-ibig ba ngayon ay nagtataguyod ng gayunding mataas, gayunma’y makatotohanang, pangmalas tungkol sa romantikong pag-ibig? Ang kabaligtaran ang totoo. Napapansin ng manunulat na si Sally Helgesen na ang mga awit ng pag-ibig “ay ipinagdiriwang ang isang madramang daigdig at pinahihirapan nang labis na pagmamahalan, kung saan ang pag-ibig” ay karaniwang nakasusumpong ng “tamang lunas.” Sa kasamaang palad, ang ‘tamang lunas’ ay iilan at malayung-malayo sa tunay na buhay, at ang isa na naghahangad nito ay nag-aanyaya ng kabiguan. Aba, kahit na nga ang matulaing mga panunuyo ni Haring Solomon ay hindi nagtagumpay sa pag-ibig ng dalagang Shulamita! Susog pa ni Helgesen: “Ang mga awit ay pumupukaw ng walang katangian [malabong] pangarap ng adultong buhay kung saan pinangingibabawan ng matinding silakbo ng damdamin ang lahat ng iba pang damdamin at ang pananagutan ay hindi na nagpapahirap sa sinuman.” Minsan pa, malayung-malayo ito sa tunay na buhay.

Si Sheila Davis, isang propesora sa pagsulat ng liriko sa New York University, ay nagsasabi na ang mga awit ng pag-ibig ay nagbibigay sa mga tao ng ideya na ang panata o pangako (commitment) ng pag-ibig ay “laos na.” At ang isa pang popular na paksa sa mga awit ng pag-ibig ay na ang pag-ibig ay biglaan. Sinasabi ng isang popular na awit na ang pag-ibig ay dumating nang “bigla” pagkatapos ng “unang pagkakakilala” at ng “unang ngiti.” Kaya itinuturo ng mga awit ng pag-ibig na ang pag-ibig ay bulag, kinikilala ang mabubuting katangian subalit tinatanggihang tingnan kahit na ang kitang-kitang mga kahinaan.

Gaano katotoo ang gayong mga aral? Bueno, isaalang-alang: Talaga bang ang unang impresyon ay maaaring maging saligan ng isang nagtatagal na kaugnayan? Hindi. Pansinin kung paano inilalarawan ng Bibliya ang tunay na pag-ibig: “Ang pag-ibig ay matiisin at mabait . . . Ang pag-ibig ay hindi masamang ugali o sakim o magagalitin . . . Ang pag-ibig ay hindi sumusuko; at ang pananampalataya, pag-asa, at pagtitiis nito ay hindi nagkukulang. Ang pag-ibig ay walang-hanggan.”​—1 Corinto 13:4-8, Today’s English Version.

Sa gayon ang tunay na pag-ibig ay hindi isang biglaang pangyayari, ni ito man ay basta nagsasangkot ng mga damdamin at silakbo ng damdamin. Ang maygulang na pag-ibig ay may paningin; nakikita nito ang mga kabutihan at hindi nito winawalang-bahala ang mga kahinaan. Ang tunay na pag-ibig ay nadarama sa isang yugto ng panahon habang nakikilala mo ang pagkatao at mga katangian ng isa​—“ang lihim na pagkatao sa puso.” (1 Pedro 3:4) Ang tunay na pag-ibig ay hindi umuurong sa panata; nananatili ito sa isang kaugnayan at nagsisikap na pasulungin ito kahit na kung ang mga bagay-bagay ay hindi maganda. Anong laki ng pagkakaiba ng tunay na pag-ibig sa pag-ibig na karaniwang inilalarawan sa mga awit!

Maliwanag na mga Liriko

Wari bang itinutumbas ng mga awit ng pag-ibig ang pag-ibig sa sekso​—isang aral na itinuturo ngayon na may nakagigitlang kabastusan. Totoo, ang mga awit ng pag-ibig na minsa’y isinayaw ng inyong mga magulang o ng iyong mga nuno pa nga ay maaaring paminsan-minsa’y may tusong pahiwatig. Subalit marami sa mga awit ngayon ay malayo sa pagiging tuso. Si Sheila Davis, na sinipi kanina, ay nagsasabi: “Ang pagiging maliwanag ay hindi lamang ipinakikita sa tusong paraan, at ang erotikong teritoryo ay lumawak pa upang isali ang masturbasyon at [lisyang] sekso, sinaklaw pa nga ng mga liriko ang dati’y ipinagbabawal na paksa tungkol sa insesto.” Maraming kompaniya ng plaka sa E.U. ang ngayo’y sumasang-ayon na maglagay ng nagbababalang mga etiketa sa mga plakang naglalaman ng maliwanag na mga liriko na may kaugnayan sa sekso at karahasan.

Ang 16-anyos na si Leslie ay nangangatuwiran: “Ang mga liriko ay hindi naman gaanong mahalaga kung maisasayaw mo ito. Sa palagay ko’y hindi naman nito mapasásamâ ang sinuman. Musika lamang ito.” Ang mga eksperto ay tumututol. “Ang pakikinig sa iyo’t iyunding popular na musika nang maraming ulit sa araw-araw ay nagpapangyari na madaling isaulo ang seksuwal na mga mensahe,” sabi ng isang mananaliksik. Gaya ng iba, nasumpungan mo ba ang iyong sarili na inaawit ang nakasásamâ o imoral na mga liriko dahil lamang sa narinig mo ito nang paulit-ulit? (Efeso 4:29) Si Dr. Joseph Stuessy, isang propesor ng musika sa University of Texas sa San Antonio, ay nagbababala: “Ang anumang uri ng musika ay nakakaapekto sa ating kalagayan, damdamin, saloobin at sa ating resultang paggawi.”​—Amin ang italiko.

Makabubuti bang pakinggan o awitin ang mga salitang nagbabadya o nagtataguyod ng imoralidad sa sekso? Hindi kaya ang paggawa ng gayon ay magpasama sa iyong pangmalas sa wastong bahagi ng sekso sa pag-aasawa?​—1 Corinto 7:3-5.

“Panahon Upang Umibig”

Ang isa pang mapanganib na maling ideya na itinuturo sa popular na musika ay na ang mga tin-edyer ay handa na para sa pakikipagtalik sa hindi kasekso. Oo, may “panahon upang umibig”​—subalit hindi tinutukoy rito ng Bibliya ang erotikong pag-ibig. Kung tungkol sa pag-ibig ng mag-asawa, talaga bang ngayon na ang panahon para riyan? Hindi kaya baka mga ilang taon pa mula ngayon, kung ikaw ay may sapat nang gulang? (Eclesiastes 3:8) Kung ang huling banggit ay totoo, makatuwiran bang pukawin ang matinding mga pagnanasa sa isang bagay na hindi mo pa puwedeng angkinin?

Palibhasa’y wala silang mapaglabasan ng kanilang napukaw na romantikong damdamin, ang ilang kabataan ay nasasangkot sa romantikong daigdig ng panaginip. Ang ilan ay “umiibig” sa kanilang paboritong mga mang-aawit, ginuguniguni na ang bawat magiliw na salitang inaawit ay ibinubulong sa kanila mismong tainga. Tinitipon nila ang bawat album, larawan, at poster ng artistang hindi nila maangkin at pinapangarap nilang mapangasawa ang isang iyon. Subalit ang tanging resulta ay malamang na ang gayong pantasiya ay mauwi sa kabiguan at kirot.

Ang Awit ni Solomon sa gayon ay nagtuturo ng isa pang mahalagang aral. Palibhasa’y nagnanais na manatiling matapat sa kaniyang kasintahang pastol, mahigpit na inirekomenda ng babaing Shulamita sa kaniyang mga kasamang babae na ‘huwag gisingin o pukawin ang pag-ibig niya’ para kay Haring Solomon, na naghahangad sa kaniyang pagmamahal. (Awit ni Solomon 2:7) Palibhasa’y nalalaman ang potensiyal na lakas nito, basta ayaw niyang pakinggan ang pahayag na maaaring lubhang makaapekto sa kaniyang mga damdamin. Ang gayunding landasin ay mapatutunayang pantas para sa iyo sa iyong pagpili ng musika. Bakit hindi basta iwasan ang musika na pumupukaw ng matinding romantikong mga damdamin sa iyo o gumagawa sa iyong malungkot at nangungulila?

Tandaan: Ang musika ay kaloob buhat sa Diyos. At makatitiyak ka na siya ay hindi nalulugod sa musika na nagpapababa o sumisira-moral, na pumipilipit sa mga pamantayang Kristiyano o humihikayat ng mahalay na moral. Ang mga kabataang Kristiyano ay dapat na maging mapamili sa kanilang pagpili ng musika. Ang 19-anyos na si Scott ay nagsasabi: “Bago ako bumili ng isang plaka o cassette, sinusuri ko ang pabalat at nakukuha ko ang ideya ng mga liriko. Kung ang mga ito ay mapagpahiwatig, hindi ko ito binibili.”

Ang pag-ibig ay hindi nga gaya ng kung ano ito sa mga awit ng pag-ibig. Malalaman mo ang bagay na ito kung minsan mula sa masakit na mga karanasan sa buhay. Tandaan din, na ang magagandang awit ay hindi maihahalili sa tunay na mga kaibigan. Sa halip na ibukod ang iyong sarili sa isang guniguning daigdig ng musika, gumugol ng panahon na kasama ng mga tao​—ng iyong mga magulang, natatakot-sa-Diyos na mga kabataan, at maygulang na mga Kristiyano. (Kawikaan 18:1) Ang gayong pakikisama ay magpapangyaring madama mo na ikaw ay minamahal sa isang maka-Diyos na paraan​—isang damdamin na nakahihigit pa sa mga guniguni ng mga awit ng pag-ibig.

[Blurb sa pahina 14]

“Anumang uri ng musika ay nakakaapekto sa ating kalagayan, damdamin, saloobin at sa ating resultang paggawi”

[Larawan sa pahina 12]

Inilalarawan ba ng lahat ng mga awit ng pag-ibig ang tunay na buhay?

[Larawan sa pahina 13]

Maging mapamili sa kung ano ang pinakikinggan mo!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share