Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 12—100-476 C.E.—Pagpatay sa Liwanag ng Ebanghelyo
“Natuklasan ng tao na mas maalwan ang pagbabanto sa katotohanan kaysa pagdalisay sa kanilang sarili.”—Charles Caleb Colton, ika-19 na siglong klerong Ingles
PASIMULA noong 33 C.E., nang patayin ng Roma ang Maytatag ng Kristiyanismo, ang ikaanim na kapangyarihang pandaigdig sa kasaysayan ng Bibliya ay lagi nang kaalit ng mga Kristiyano. Ibinilanggo sila at ang ilan ay ipinakain sa leon. Subalit sa kabila ng banta ng pagkamartir bilang mga taong sulo na tatanglaw sa mga hardin ni Nero, ang mga Kristiyanong Romano noong unang siglo ay nagpatuloy na magpasikat ng espirituwal na liwanag. (Mateo 5:14) Datapuwat, nang maglaon ay nagbago ang kalagayan.
“Noong unang bahagi ng ikatlong siglo,” sabi ng aklat na From Christ to Constantine, “ang simbahan ay nagsimulang maging kagalang-galang.” Subalit ang paggalang ay may kapalit, “pagbaba ng pamantayan.” Kaya, “ang pamumuhay Kristiyano ay hindi na naging kahilingan sa Kristiyanong pananampalataya.”
Ang liwanag ng ebanghelyo ay aandap-andap na. At “noong ikaapat na siglo,” sabi ng aklat na Imperial Rome, “inangkin na ng mga manunulat na Kristiyano hindi lamang ang posibilidad ng pagiging kapuwa Kristiyano at Romano, kundi ang mahabang kasaysayan ng Roma ay siyang talagang pasimula ng panahong Kristiyano. . . . Ang gustong ipahiwatig ay na ang Roma ay talagang hinirang ng Diyos.”
Ito rin ang paniwala ng Romanong emperador na si Constantinong Dakila. Noong 313 C.E., ang Kristiyanismo ay ginawa ni Constantino na lehitimong relihiyon. Sa pagsasama ng Simbahan at Estado, na naglagay sa mga pinuno ng relihiyon sa ilalim ng Estado, at sa pagpapahintulot sa Estado na sumupil sa relihiyon, malaking pinsala ang nilikha ni Constantino.
Maaga pa noong ikalawang siglo, ay ipinasok ni Ignatius, obispo ng Antioquia, ang isang bagong paraan ng pamamahala sa kongregasyon. Sa halip na isang grupo ng matatanda, isang pinuno ng simbahan lamang ang inatasan ng episkopado upang mangasiwa ng bawat kongregasyon. Mga isang daang taon pa, pinalawak ni Cyprian, obispo ng Cartago, ang sistemang herarkiyal ng mga klero upang maging monarkiya na binubuo ng pitong-gradong herarkiya, na ang kataas-taasang puwesto ay iniukol sa obispo. Sa ilalim niya ay mga pari, diakono, katulong na diakono, at iba pang grado. Nang maglaon idinagdag ng simbahan sa Kanluran ang ikawalong grado, samantalang pinili ng simbahan sa Silangan ang limang-gradong herarkiya.
Saan umakay ang ganitong pamamahala sa simbahan, na may pagsang-ayon ng Estado? Nagpapaliwanag ang aklat na Imperial Rome: “Mga 80 taon lamang mula noong huling daluyong ng pag-uusig sa mga Kristiyano, ang Simbahan mismo ang nagsimulang magpapatay sa mga erehes, at ang mga klero ay gumamit ng kapangyarihan na halos ay kapantay na ng sa emperador.” Tiyak na hindi ito ang nasa isip ni Kristo nang sabihin niya na ang kaniyang mga alagad ay “hindi bahagi ng sanlibutan” at na ito ay dadaigin nila, hindi sa pamamagitan ng dahas, kundi ng pananampalataya.—Juan 16:33; 17:14; ihambing ang 1 Juan 5:4.
Mga “Santo” at mga Griegong Diyos
Matagal pa bago kay Constantino, ang Kristiyanismo ay nabantuan na ng mga paganong paniwala. Ang Kristiyanong relihiyon ay naimpluwensiyahan na rin ng maalamat na mga diyos ng Gresya na unang nagkaroon ng malakas na impluwensiya sa relihiyon ng Roma. “Nang ang Roma ay maging imperyal na kapangyarihan,” sabi ng aklat na Roman Mythology, “si Jupiter ay napaugnay sa Griegong si Zeus . . . Nang maglaon si Jupiter ay sinamba bilang Optimus Maximus, ang Pinakamahusay at Pinakadakila, isang pamagat na napalakip sa Kristiyanismo at lumitaw sa maraming inskripsiyon sa mga bantayog.” Sabi pa ng The New Encylopædia Britannica: “Sa ilalim ng Kristiyanismo, ang mga Griegong bayani at diyos ay naging mga santo.”
Ipinaliwanag ng manunulat na si M. A. Smith na ito ay nangangahulugan na “nagkalahuk-lahok ang iba’t ibang pulutong ng mga diyos, at lumabo ang kanilang pagkakaiba ng lahi. . . . Naniwala ang mga tao na ang iba’t ibang diyos ay iba’t ibang pangalan lamang ng iisang dakilang kapangyarihan. . . . Si Isis ng mga Ehipsiyo, si Artemis ng Efeso at si Astarte ng Sirya ay itinuring na iisa. Ang Griegong si Zeus, ang Romanong si Jupiter, si Amon-Re ng mga Ehipsiyo at maging ang Judiong Yahweh ay mga pangalan na maaari nang tawagan bilang ang iisang dakilang Kapangyarihan.”
Samantalang isinasama sa Griego at Romanong kaisipan sa Roma, ang Kristiyanismo ay sumailalim din ng pagbabago sa ibang dako. Ang Alexandria, Antioquia, Cartago, at Edessa, pawang mga sentro ng gawain sa teolohiya, ay bumuo ng kani-kaniyang relihiyosong paniwala. Halimbawa, sinabi ni Herbert Waddams, dating Anglikanong Kanon ng Canterbury, na ang paniwalang Alexandrino ay “partikular na naimpluwensiyahan ni Plato,” na nagsasabing karamihan ng mga pananalita sa “Matandang Tipan” ay pawang talinghaga lamang. Ang paaralan sa Antioquia ay bumuo ng mas literal, mas mapunahing saloobin sa Bibliya.
Ang distansiya, kakulangan ng komunikasyon, at ang pagkakaiba-iba ng wika ay lalo pang nagpalaki sa hidwaan. Subalit, ang may pangunahing pananagutan sa kalagayan ay ang malasariling espiritu at sakim na ambisyon ng mga pinuno ng relihiyon na handang magbanto sa katotohanan alang-alang sa personal na pakinabang, sukat nang ikamatay ng liwanag ng ebanghelyo.
“Maling Tawag na ‘Kaalaman’”
Kasing-aga pa ng unang siglo, ang Kristiyanismo ay naimpluwensiyahan na ng huwad na mga turong relihiyoso, kaya nagbabala si Pablo kay Timoteo na lumayo sa “mga salungatan ng maling tawag na ‘kaalaman.’” (1 Timoteo 6:20, 21) Maaaring ang tinutukoy niya’y ang kilusan ng Gnostisismo na napatanyag maaga pa noong ikalawang siglo subalit maliwanag na nagsimula noon pang unang siglo, malamang mula sa isang nagngangalang Simon Magus. Ayon sa ilang autoridad baka ito ang Simon na binabanggit ng Bibliya sa Gawa 8:9.
Ang Gnostisismo ay mula sa salitang Griego na gnoʹsis, nangangahulugang “kaalaman.” Ayon sa mga grupong Gnostiko ang kaligtasan ay salig sa pantanging mahiwagang kaalaman sa malalalim na bagay na hindi naaarok ng karaniwang Kristiyano. Inakala nila na dahil sa kaalamang ito sila ay nasangkapan upang magturo ng “lihim na katotohanan na inihayag ni Jesus,” gaya ng pagkakasabi ng The Encyclopedia of Religion.
Iba-iba ang pinagmulan ng kaisipang Gnostiko. Mula sa Babilonya, hinalaw nila ang pagbibigay ng lihim na kahulugan sa mga bilang sa Bibliya, na nagsisiwalat daw ng lihim na katotohanan. Itinuro rin ng mga Gnostiko na bagaman ang espiritu ay mabuti, lahat ng materya ay likas na masama. “Ito rin ang kawing-kawing na pangangatuwiran,” sabi ng Alemang manunulat na si Karl Frick, “na natuklasan sa dualismo ng Persia at sa Malayong Silangan sa ‘yin (babae, kadiliman)’ at ‘yang (lalaki, liwanag)’ ng Tsina.” Ang “Kristiyanismo” na inihaharap ng mga sulat Gnostiko ay tiyak na nasasalig sa di-Kristiyanong mga pinagmulan. Kaya papaano ito magiging “lihim na katotohanan na inihayag ni Jesus”?
Ang Gnostisismo ay tinawag ng iskolar na si R. E. O. White na kombinasyon ng “pilosopikong panghihinuha, pamahiin, mga ritwal ng salamangka, at kung minsan ay isang panatiko at bastos na kulto.” Sinabi ni Andrew M. Greeley ng University of Arizona: “Ang Jesus ng mga Gnostiko ay malimit na hindi maliwanag, hindi maunawaan, at medyo nakakatakot.”
Pagpilipit sa Katotohanan Hinggil kay Kristo
Hindi lamang mga Gnostiko ang pumilipit sa katotohanan hinggil kay Kristo. Itinuro ni Nestorius, ika-5 siglong patriarka sa Constantinople, na si Kristo ay dalawang persona sa isa, ang taong si Jesus at ang banal na Anak ng Diyos. Nang isilang niya si Kristo, si Maria ay nagsilang sa tao subalit hindi sa banal na Anak. Ang paniwalang ito ay hindi kasuwato ng Monopisitismo (“iisang kalikasan”), na nagsabing hindi maaaring paghiwalayin ang pagkakaisa ng Diyos at ng Anak, at bagaman may dalawang kalikasan, si Jesus ay iisa, Diyos na totoo at taong totoo. Salig dito, tiyak na Diyos ang isinilang ni Maria, hindi lamang ang taong si Jesus.
Ang dalawang teoriyang ito ay bunga ng alitan na bumangon noong naunang siglo. Nangatuwiran si Arius, isang paring Alexandrino, na si Kristo ay mas mababa sa Ama. Kaya tumanggi siya sa paggamit ng katagang homoousios (iisang sangkap) na lumarawan sa relasyon ni Kristo sa Diyos. Noong 325 C.E. tinanggihan ng Konsilyo sa Nicea ang paniwala niya, nagpasiya na si Jesus ay tunay na ‘kaisang sangkap ng Ama.’ Noong 451 C.E. ipinahayag ng Konsilyo sa Calcedonia na si Kristo ay Diyos na nagkatawang-tao. Ang paniwalang Babiloniko-Ehipsiyo-Griego hinggil sa tatlo-sa-isang Diyos ay pumalit sa turo ni Jesus na siya at ang Ama ay dalawang magkahiwalay na indibiduwal, na kailanma’y hindi magkapantay.—Marcos 13:32; Juan 14:28.
Ang totoo, si Tertullian (c. 160-c. 230 C.E.), na kasapi sa simbahan sa Hilagang Aprika, ang nagpakilala sa salitang “trinitas,” na nakaugaliang gamitin ng mga Kristiyano noong hindi pa isinisilang si Arius. Si Tertullian, ang unang teologo na sumulat nang malawakan sa Latin sa halip na sa Griego, ay tumulong sa paglalagay ng saligan sa teolohiya ng Kanluran. At ganito rin ang ginawa ni “San” Agustin, isa pang teologo mula sa Hilagang Aprika pagkaraan ng dalawang siglo. “Kilala si [Agustin] bilang pinakadakilang guro ng sinaunang Kristiyanismo,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica. Subalit ang kasunod na mga salita nito ay dapat ikabahala ng bawat taimtim na Katoliko o Protestante: “Ang kaniyang isipan ang naging timplahan na kung saan ang relihiyon ng Bagong Tipan ay lubusang isinama sa Platonikong tradisyon ng pilosopyang Griego; at sa pamamagitan din nito ang produkto ng pagsasamang ito ay pinalaganap sa Sangkakristiyanuhan ng Romano Katolisismo noong edad medya at ng Protestantismo noong Renacimiento.”
Krisis ng Katolisismo
Sa dulo ng ikaapat na siglo, tinapos ni Emperador Teodosius I ang sinimulan ni Constantino nang ang Katolisismo ay gawin niyang relihiyon ng Estado. Hindi nagtagal, gaya ng pangamba ni Constantino, ay nabahagi ang Imperyong Romano. Noong 410 C.E., ang Roma ay nabihag ng mga Visgoth, isang lahing Aleman na matagal nang nanliligalig sa Imperyo, at noong 476 C.E., ang emperador sa Kanluran ay pinatalsik ng Alemang heneral na si Odoacer at inihayag nito ang sarili bilang hari, kaya nagwakas ang Imperyong Romano sa Kanluran.
Sa ilalim ng bagong mga kalagayang ito, ano kaya ang magiging kahihinatnan ng Katolisismo? Noong 500 C.E., 22 porsiyento ng populasyon ng daigdig ay inangkin nitong miyembro. Ngunit karamihan sa tinatayang 43 milyon kataong ito ay pinagsamantalahan ng mga pinuno ng relihiyon na nakatuklas na mas kombinyente ang pagbabanto sa katotohanan kaysa pagdalisay sa kanilang sarili. Pinatay ang liwanag ng ebanghelyo ng tunay na Kristiyanismo. Subalit “Mula sa Kadiliman, Isang Bagay na ‘Banal’” ang nakatakdang isilang, gaya ng tatalakayin sa susunod na labas.
[Kahon sa pahina 26]
Mga Halimbawa ng Paniwalang Gnostiko
Si Marcion (ikalawang siglo) ang nagsabi na nagkakaiba ang di-sakdal na Diyos ng “Matandang Tipan” na mas mababa kay Jesus at ang Ama ni Jesus, ang di-kilalang Diyos ng pag-ibig sa “Bagong Tipan.” Ang paniwala sa “di-kilalang Diyos ay saligang tema ng gnostisismo,” ayon sa The Encyclopedia of Religion. Ang di-kilalang diyos na ito ay ipinakikilala bilang “kataas-taasang Kaisipan, na hindi maarok ng kaisipan ng tao.” Sa kabilang dako, ang maylikha ng materyal na daigdig ay mas mababa at hindi lubusang matalino at siya ay kilala bilang ang Demiurge (Tagagawa sa kapakanan ng tao).
Si Montano (ikalawang siglo) ay nangaral ng napipintong pagbabalik ni Kristo at ng pagtatatag ng Bagong Jerusalem sa dako na ngayo’y sakop ng Turkey. Higit na nababahala sa paggawi kaysa sa doktrina, sinikap niyang isauli ang orihinal na mga prinsipyo ng Kristiyanismo, subalit dala ng pagmamalabis, ang kilusan ay nahulog din nang maglaon sa patibong ng kaluwagan na unang hinatulan nito.
Si Valentino (ikalawang siglo), isang makatang Griego at pinakatanyag na Gnostiko sa kasaysayan, ay nag-angkin na bagaman ang makalangit na katawan ni Jesus ay dumaan kay Maria, hindi niya ito aktuwal na isinilang. Ang dahilan ay sapagkat itinuturing ng mga Gnostiko na lahat ng materya ay masama. Kaya, hindi maaaring magkaroon si Jesus ng materyal na katawan sapagkat ito’y magiging masama. Itinuro ng mga Gnostikong Docetist na lahat ng nauukol sa pagiging-tao ni Jesus ay paningin lamang o malikmata. Kasama na rito ang kaniyang kamatayan at pagkabuhay-na-muli.
Si Manes (ikatlong siglo) ay tinaguriang al-Bābilīyu, Arabe para sa “taga-Babilonya,” pagkat tinawag niya ang sarili na “sugo ng Diyos na dumating sa Babilonya.” Sinikap niyang bumuo ng pansansinukob na relihiyon na naglalahok sa mga elemento ng Kristiyanismo, Budismo, at Zoroastrianismo.
[Larawan sa pahina 25]
Tumulong si Constantino sa pagpatay sa liwanag ng ebanghelyo nang isama niya ang paganong pagsamba sa Kristiyanismo