1914—Isang Natatanging Taon
MGA 75 taon na ang nakalipas sa tag-araw na ito na ang isang putok ng baril ay pumuti sa buhay ni Archduke Ferdinand ng Austria-Hungary. Agad-agad, sinimulan nito ang sunud-sunod na mga pangyayari na nagbunga ng unang pangglobong digmaan sa ating planeta—Hulyo 28, 1914.
Paulit-ulit na itinuturo ng mga manunulat at ng mga mananalaysay ang nakatatakot na taóng iyon (at ang taon na nakakita sa pagsiklab nito) bilang natatangi, taon ng malaking pagbabago, o humahating guhit sa kasaysayan ng tao. Talaga nga bang gayon ang taóng 1914 sa sangkatauhan?
Pansinin kung ano ang sulat ni John Wilson sa The Globe and Mail ng Toronto, Ontario, Canada: “Ang Unang Digmaang Pandaigdig ay tumatayo bilang isang palatandaan sa modernong kasaysayan.” Bagaman ang nalalabi na lamang sa pangglobong malaking sunog na iyon ay mga trintserang tinubuan ng damo, kinalawang na mga bala, mga bantayog, at mga libingan, sinabi ni G. Wilson na walang nagawa ang panahon upang bawasan ang halaga ng 1914 bilang isang natatanging taon.
“Ang ideya noong panahon ni Reyna Victoria tungkol sa isang maayos na pagsulong tungo sa posibleng pinakamabuting daigdig ay gumuho sa kakilabutan ng 10 milyong mga patay,” sabi ni Wilson. “Ang praktikal na paglutas sa mga problema at pang-uuyam ngayon ay mula sa kawalang-saysay at putik ng Vimy at Flanders [sa hilagang Pransiya at Belgium]. Mas madali nating maunawaan ang mga kadalagahan noong 1920’s o ang mga magsasakang nawalan ng ari-arian noong 1930’s kaysa ang mga tagapagtayo ng imperyo o mga moralista bago ang 1914. Ang Dakilang Digmaan ay natatangi, . . . ang kabilang panig nito ay napakahabang kahapon ng kasaysayan.”
Subalit ang nangyari sapol noong 1914 ay nagpapatunay sa katayuan nito bilang isang natatanging taon. Malayo sa pagiging “ang digmaan na magwawakas sa lahat ng digmaan” na nilalayon nito, ipinakilala lamang ng Digmaang Pandaigdig I ang daigdig sa isang bagong uri ng pakikidigma. Mula sa mga baga nito ay sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II—isa pang anibersaryo sa 1989. Limampung taon ang nakalipas, noong Setyembre 1, 1939, sinalakay ng Alemanya ang Poland, at nagsimula na ang ikalawang digmaang pandaigdig. Pumapatay ng kasindami ng 55 milyong mga tao, talagang hinigitan nito ang Digmaang Pandaigdig I at ipinakilala nito ang bago, nakasisindak na takot sa tao; hindi rin nito winakasan ang digmaan. Mula noong 1945 mga 150 digmaan na ang pumatay ng halos 20 milyon katao!
Noong 1914 ang tao ay pumasok sa nakatatakot na panahon. Gaya ng pagkakasabi ng manunulat na si Wilson: “Nakalulungkot alalahanin na, sa lahat ng kakilabutan ng mga trintsera, ang lipunan pagkaraan ng 1918 ay abala sa paglilibing ng mga patay sa maayos na mga hanay at ginagawan sila ng mga bantayog. Tayo ay nabubuhay sa ilalim ng banta ng isang pangglobong pagkawasak na di-maisip ng mga sundalong lumusob sa Vimy Ridge. Kung magkakaroon pa ng isang digmaang pandaigdig, sino pa ang magtatayo ng mga bantayog sa mga patay nito?”
Bago pa ang 1914, itinuturo na ng tapat na mga Bible Student (gaya ng pagkakilala sa mga Saksi ni Jehova noon) ang taóng iyon bilang isang natatanging taon sa kasaysayan ng tao. Sang-ayon sa pinakamapananaligang kronolohiya ng Bibliya, ang buong sistema ng mga bagay ng sanlibutan ay pumasok sa bagong yugto noong 1914, ang sukdulang panahon na binabanggit ng Bibliya bilang “ang mga huling araw.”—2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:1-14.
Gayunman, tinatandaan ng Bibliya ang “mga huling araw” na ito na higit pa kaysa isang panahon ng kaligaligan. Isa rin itong panahon ng pag-asa. Malayong ipahintulot na sirain ng tao ang kaniyang sarili sa isang pangwakas na digmaang pandaigdig, ang Diyos ay nangangakong makikialam at makikipagbaka laban sa lahat ng pumupuno sa lupa ng karahasan. Lahat ng mga sandata ng digmaan ay lilipulin magpakailanman. Mula sa panahong iyon patuloy, lahat ng tao ay mag-aaral ng mga daan ng kapayapaan, hindi ng digmaan. (Isaias 2:2-4; Lucas 21:28; Apocalipsis 16:14) Anong laking pagbabago! Oo, iyan ay magiging katangi-tangi sa buong kasaysayan ng tao.