Maliit Ngunit Mahahalagang Himaton
DEOXYRIBONUCLEIC ACID. Iilan ang nakabibigkas nito, lalo na ang nakatatanda nito. Nakikilala ito ng marami sa pamamagitan ng acronym nito: DNA. Ang molekulang DNA ay napakaliit anupa’t hindi nakita ng mga siyentipiko taglay ang lahat nilang malalakas na mikroskopyo ang isa nito hanggang kamakailan lamang. Gayunman ang mga molekulang iyon ay naglalaman ng napakaraming impormasyon na nakakaapekto sa buhay nating lahat. Ang iyong taas, habi ng buhok, kulay ng mata at balat—lahat ng ito ay patiunang natiyak na, nairekord sa iyong DNA.
Ngunit ang kemikal na ito na tagagawa-ng-pasiya ay ginagamit ngayon upang tumulong sa paggawa ng naiibang uri ng pasiya: kung baga ang mga tao ay makalalaya o mabibilanggo, mabubuhay o mamamatay. Ang pagiging natatangi ng DNA ng bawat indibiduwal ay nagbukas ng daan sa isang bagong paraan ng pagkilala sa mga indibiduwal, na tinatawag na DNA fingerprinting.
Yamang ang DNA ay masusumpungan sa halos lahat ng selula ng katawan at sa karamihan ng mga likido ng katawan, ang mga kriminal ay maaaring ibilanggo dahil sa pag-iiwan ng ilang buhok o kapirasong balat, kahit na ng isang maliit na bilo ng chewing gum. Ang bagong pamamaraan ay mabisa lalo na sa mga nanghahalay. Ang mga manggagahasa na matatag na ikinakaila ang kanilang kasalanan ay naibilanggo na dahil sa kanila mismong DNA. Isang mamamatay-tao ang nasilya elektrika dahil sa lakas ng gayong patotoo.
Ginagawa ng DNA fingerprints na walang kalaban-laban ang mga abugado ng nasasakdal. Sinipi ng The National Law Journal ng Estados Unidos ang isang abugado na nagsasabi: “Nakasisira ito. Pagka pumasok ang isang eksperto at sasabihing may isa lamang sa 700 milyong tsansa na ang taong ipinagtatanggol mo ay hindi siya [ang gumawa ng krimen]—talo ka na.” Sa kabilang dako, maaaring pawalang-sala ng DNA fingerprinting ang isa na maling naparatangan kaya’t maaaring bawasan nito ang panganib ng pagpiit o pagbitay sa walang kasalanan.
Gayumpaman, walang siyentipikong paraan, gaano man kasalimuot, ang makalulutas sa pangglobong trahedya ng krimen. Isa pa, karamihan ng mararahas na krimen ay hindi nag-iiwan ng anumang DNA na katibayan. Wala, tanging kapag nilipol na ang mga balakyot mula sa lupa saka lamang makikita ang wakas ng krimen.—Awit 37:10, 11.