Kapag ang mga Pangangailangan ay Nasapatan na
MARAMING taon na ang lumipas ay inihula: “Madidilat ang mga mata ng bulag, at ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan.”
‘Ngunit imposible iyan,’ masasabi mo. Kung inaakala mong imposible iyan, malamang na magugulat kang malaman na hindi na ito ipinalalagay na imposible ng mga biotechnician sa ika-20 siglo. Bakit?
Paningin Para sa Bulag?
Kung tatanungin ka kung sa pamamagitan ng anong sangkap nakikita mo ang mga bagay-bagay, malamang na ikaw ay sasagot na: ‘Sa pamamagitan ng aking mga mata.’ Gayunman, ang biotechnician ay malamang na sasagot ng: ‘Sa pamamagitan ng aking utak.’ At mas tama siya. Sapagkat bagaman ang mata ang sangkap ng katawan na bumibihag sa liwanag at ginagawa itong elektrikal na mga impulso, ang likurang bahagi ng ating utak ang nagbibigay sa atin ng larawang nakikita.
Binuod kamakailan ng babasahing Pranses na Science et Vie ang pananaliksik na ginawa upang tulungan ang mga bulag na makakita sa artipisyal na paraan. Nakalagay sa sentro ng paningin ng utak, ang mumunting mga electrode na nakakabit sa isang video camera ay nakapagpapadala ng mga hudyat mula sa camera nang diretso sa utak. Isang pagkadama ng liwanag ang nagagawa, gaya kung paano tayo maaaring “makakita ng mga bituin” kapag tayo pinukpok sa ulo. Sa paggawa ng angkop na mga koneksiyon, babasahin ng utak ang mga kislap ng liwanag kung paanong binabasa natin ang mga paunawa na binubuo ng maraming indibiduwal na mga bumbilya. Bagaman ang mga taong ang mata’y nabulag ay maaaring matulungang makakita, ang mga taong napinsala ang mga sentro ng paningin sa utak ay hindi makikinabang sa paraang ito.
Pakinig para sa Bingi?
“Para sa tainga, ito ay hindi gaanong problema na gaya ng sa mata,” sabi ni Dr. Jean-Michel Bader. Nagkaroon ng mga pagsulong sa paggawa ng cochlear implants upang isauli sa ilang antas ang pakinig ng mga taong may pinsala sa pakinig. Subalit kumusta naman ang mga taong ang pagkabingi ay dahil sa mga suliranin sa paghahatid ng mga alon ng tunog tungo sa elektrikal na mga impulso upang dalhin sa utak?
Para sa pakinabang ng mga ito, sumusulong ang paggawa ng isang elektronikong panloob na tainga. Sa pamamagitan ng isang aparato na may pambulsang mikropono na binabago ang tunog tungo sa elektrikal na mga impulso, ang mga hudyat ay inihahatid sa isang kawad tungo sa isang maliit na transmitter na nakakabit sa balat na malapit sa tainga. Isang maliit na tagatanggap ang inilalagay sa ilalim ng balat at nakakabit nang tuwiran sa auditory nerve ang nagpapasa ng mensahe hanggang sa utak, hindi dinaraanan ang normal na ruta.
Pangangailangan Para sa Higit Pang Maaasahang Tulong
Sa kabila ng mga pag-asa na waring ibinibigay ng gayong pananaliksik, makatotohanang kinikilala ng mga siyentipiko na ang mga pagsisikap na ituwid ang mga depekto ng katawan ay kadalasang nabibigo sapagkat hindi nauunawaan ng siyensiya ang kasalimuutan ng pagkilos ng mga sangkap at mga pandamdam ng ating katawan. Maliwanag, may paligsahan ngayon na gumawa ng mas kompletong larawan ng pagkilos ng mga proseso ng ating katawan.
Bagaman maaaring ilagak ng marami ang kanilang pag-asa sa siyensiya para maisauli ang paningin sa bulag at ang pakinig sa bingi, may higit na maaasahang saligan ng pag-asa. Ito ang pangako ng Maylikha ng mga pandamdam ng tao, ang Diyos na Jehova. Siya ang malaon nang humula: “Sa panahong iyon madidilat ang mga mata ng bulag, at ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan.” (Isaias 35:5) Subalit paano tayo makatitiyak na magkakatotoo ang mga salitang iyon? Ano ang “panahong iyon” kung kailan mangyayari ang ipinangako?
Silahis ng Hinaharap
Kung isang bagay ang nangyari na noon, hindi ba’t magbibigay ito sa iyo ng tiwala na maaari itong mangyaring muli, lalo na kung ang nagpangyari nito ang siyang may sabing mangyayari ito? Bueno, noong unang siglo ng ating Karaniwang Panahon, isinauli ni Jesu-Kristo ang pandamdam niyaong mga nawalan nito, gaya ng iniulat niya noong minsan: “Ang mga bulag ay nangakakakita, ang mga pilay ay nagsisilakad, ang mga ketongin ay nangalilinis at ang mga bingi ay nangakaririnig.” (Lucas 7:22) Ang mga pagpapagaling na ito ay hindi depende sa modernong teknolohiya.
Minsan pinagaling pa nga ni Jesus ang isang taong isinilang na bulag. Kinilala ng maraming kapitbahay at mga kakilala ang himala. Ang taong pinagsaulian ng paningin ay nagsabi: “Mula noong una ay hindi narinig kailanman na napadilat ng sinuman ang mga mata ng isang taong ipinanganak na bulag. Kung ang taong ito’y hindi galing sa Diyos, ay hindi siya makagagawa ng anuman.” Oo, isinauli ni Jesus ang paningin ng taong iyon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos!—Juan 9:32, 33.
Ano ang pinatutunayan nito? Aba, na taglay ang kapangyarihan ng Diyos, lahat ng napinsala ang mga pandamdam ay maaaring gumaling! Kaya, isinagawa ni Jesu-Kristo ang mga himalang ito upang ipakita sa maliit na lawak kung ano ang magaganap sa buong lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. Ito ang “sa panahong iyon,” sa panahon ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, na magkakaroon ng isang dakilang literal na katuparan ang hula ng Bibliya na: “Madidilat ang mga mata ng bulag, at ang pakinig ng mga bingi ay mabubuksan.”—Isaias 35:5.
Palibhasa’y nalalaman ang pangako ng Diyos sa hinaharap gayundin ang pagkakaroon ng isang personal na kaugnayan sa kaniya ay gumagawa sa isang taong may kapansanan na makadama na ang isang kapansanan ay hindi naman totoong malaking bagay. Pinangyayari nitong siya ay magkaroon ng isang mas maligaya, mas ganap na buhay ngayon. Oo, anong kamangha-manghang panahon nga iyon kapag yaong mga dating may pinsalang mga pandamdam ay magsásayá at magagalak at kapag ang lahat ng dalamhati at paghihinagpis ay maglalaho na!—Isaias 35:10.
[Larawan sa pahina 10]
Anong kamangha-manghang panahon nga iyon kapag yaong mga dating may pinsalang mga pandamdam ay magsásayá at magagalak!