Pagmamasid sa Daigdig
GINAWANG LEGAL ANG PAG-AASAWA NG HOMOSEKSUWAL
Ang Denmark ang naging “kauna-unahang bansa sa Pamayanang Europeo na gumawang legal sa pag-aasawa ng mga homoseksuwal,” ulat ng The Times ng London. “Ang nakarehistrong pagsasama” sa pagitan ng mga lalaki o mga babae ay maaari na ngayong magtamasa ng katulad na mga pakinabang na gaya ng pag-aasawang heteroseksuwal (sa pagitan ng lalaki at babae), pati na ang sosyal na mga pakinabang, pagbubuwis, at diborsiyo. Ang panukalang batas, na ipinasa ng Parlamento ng Denmark sa pamamagitan ng botong 71 sa 47, ay nagpapahintulot sa mga seremonyang sibil; at kung handang isagawa ng mga pari ang kinakailangang seremonya, legal na magagawa nila ang gayon. Inaasahan ng mga dalubhasa sa medisina na ang bagong batas ay magpapatatag sa mga kaugnayang homoseksuwal at sa gayo’y makatulong sa pagpigil sa kasalukuyang epidemya ng AIDS.
HULA TUNGKOL SA AIDS
Inihula ng World Health Organization na ang mga kaso ng AIDS sa buong daigdig ay sampung ibayong tataas sa taóng 2000, itinataas ang kabuuang bilang sa 5,000,000 mula sa kasalukuyang 450,000. Ang bilang niyaong nahawaan ng virus na pinagmumulan ng AIDS ay inaasahang darami nang tatlong ulit. Mula sa lima hanggang sampung milyong mga tao ang sinasabing nahawaan na nito ngayon. “Ang mga tantiyang ito ay lubhang nagpapahiwatig na ang kalagayan ng HIV/AIDS sa dekada ng 1990’s ay magiging mas masahol pa kaysa naranasan natin noong mga taon ng 1980’s,” sabi ni Dr. Jonathan Mann, direktor ng ahensiyang may kaugnayan sa programa ng AIDS. Kahit na kung makagawa agad ng isang bakuna, hindi nito matutulungan ang karamihan niyaong magkakaroon ng AIDS ngayon hanggang sa kalagitnaan ng 1990’s, yamang sila ay nahawaan na.
ANG CONCORDE SA GULANG NA 20
Ang Concorde, ang SST (supersonic na sasakyan) na ginawa ng Britaniya at Pransiya, ay 20 taóng gulang na. Ang unang paglipad nito ay noong Marso 2, 1969, at ang paglilingkod nito sa mga pasahero ay nagsimula noong Enero 1976. Ang pahayagang Pranses na La Croix ay nag-uulat: “Naiibigan ito ng iba, ang iba naman ay kinakaladkad ito sa lusak, pinagtatawanan naman ng iba ang pangit na ilong nito.” Gayunman ang “pangit na bibi” na nagdadala ng 128 mga pasahero sa bilis na Mach 2 (doble ng bilis ng tunog) ay nakasisiya sa mga gumagamit nito, ang British Airways at Air France. Ang 13 SST na ginagamit ngayon ay nakagawa na ng kabuuang oras ng paglipad na mahigit na 130,000 oras.
ANG HULING SALITA
Noong taóng 1879, sinimulan ng leksikograpong taga-Scotland na si James Murray ang paggawa sa The Oxford English Dictionary. Kumuha ito ng 49 na taon upang makompleto, sa halip ng inaasahang 10, at pumuno ng 15,500 mga pahina, mga 9,000 higit kaysa isinaplano. Pagkalipas ng isang daang taon, ito ay binago upang isama ang pinakahuling impormasyon sa pamamagitan ng isang Suplemento na binubuo ng apat na tomo. Isinasama ito sa isa pang pagbabago ayon sa pinakahuling impormasyon na may hangganan ng limang-taóng proyekto sa computer na nagkakahalaga ng £10 milyon ($15.5 milyon, U.S.). Ang 20 tomo ay naglalaman ng 600,000 kaugnay na mga reperensiya at 2.5 milyong mga sinipi sa 59 na milyong salita ng teksto. Ang pinakamahabang ipinasok, kasinghaba ng isang maikling nobela, ay ang salitang “set,” na may 430 mga panahunan at subtenses. Kabilang sa bagong mga salita ang glasnost, perestroika, at AIDS. Ang akdang ito ay mabibili ngayon sa halagang £1,500 ($2,300, U.S.).
SEGURIDAD SA ERUPLANO
“May ilang depensa laban sa modernong mga terorista na determinadong maglagay ng bomba sa isang eruplano,” sabi ng isang artikulo sa The Wall Street Journal. “Masahol pa, kahit na ang umiiral na mga pamamaraan ay maaaring mabigo dahil sa mga pagkukulang ng tao, kapag ang nagmamadaling mga manggagawa sa paliparan ay matabunan ng maraming pasahero at gabundok na mga bagahe.” Karamihan ng mga sistema sa seguridad sa mga paliparan ay idinisenyo upang tiktikan ang mga baril o mga patalim lamang na maaaring dala ng mga hijacker—hindi mga bomba. Bagaman ang mga makina upang tiktikan ang plastik na mga paputok ay idinisenyo na kamakailan, karamihan ng mga paliparan ay hindi magkakaroon nito sa isang taon o higit pa, at mas maraming bagahe na sinusuri sa buong daigdig ngayon ay sinusuri alin sa pamamagitan ng X-ray o hinahalughog. “Gayunman, lahat ng makinang X-ray ay dumidepende sa mga interpretasyon ng mga nagpapatakbo nito, ang ilan sa kanila ay hindi gaanong nasanay o mahina ang pangganyak,” sabi ng Journal. At kung minsan, sa pagmamasid sa dumaraang mga maleta, ang isang nagpapatakbo nito ay napapagod at nagiging pabaya.
BAGONG TAKOT SA PAGPAPASALIN
“Isang parasito na karaniwang masusumpungan sa Timog at Sentral Amerika, kung saan ito ay isang pangunahing sanhi ng sakit sa puso, ay natuklasan pagkatapos ng mga pagsasalin ng dugo sa Estados Unidos,” ulat ng The New York Times. “Ang impeksiyon, ang sakit na Chagas, ay narikonosi sa dalawang pasyente sa loob ng tatlong taon, at isa sa kanila ang namatay.” Gayunman, ikinatatakot na ang karagdagang mga kaso ay maaaring hindi natuklasan, yamang ang sakit ay hindi pamilyar sa mga manggagamot na Amerikano, na maaaring walang kabatiran na ito ay maaaring ikalat sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo. Wala pang nasumpungang mabisang gamot para sa sakit, na sa grabeng kalagayan ay nakakaapekto sa mga kulani, atay, at sa lapay, samantalang ang talamak na anyo ay pumipinsala sa puso at sa bituka at maaaring makamatay. Isa pa, walang kamalay-malay ang marami sa mga may parasitong ito na sila ay nahawaan, yamang ang mga sintomas ay maaaring banayad at hindi pansin, o maaaring kumuha ng mga taon bago gawin ng parasito ang pinsala nito.
TAHASANG TINANGGIHAN ANG PAPA
Ang pagdalaw kamakailan ni Papa John Paul II sa Scandinavia ang kauna-unahang pagdalaw ng papa sa rehiyong iyon, kung saan ang mga Katoliko ay bumubuo ng wala pang 1 porsiyento ng populasyon. Ang pagdalaw ay umakit ng maliit na pulutong at kaunting sigla kung ihahambing sa karamihan ng 41 iba pang mga paglalakbay niya sa ibang bansa. Idiniriin ang pagnanais para sa mas malapit na kaugnayan sa nangingibabaw na Iglesyang Lutherano, binanggit ng papa ang kaniyang pag-asa “na ang pagkakaisa ay maibabalik balang araw sa mga tagasunod ni Kristo.” Gayunman, ang obispong Lutheranong si Andreas Aarflot ng Oslo ay nagpahayag ng kalungkutan sa katayuang ito, na ang sabi: “Kami’y tumatanaw sa araw kapag maliwanag at malinaw na kilalanin ng Inyong Kabanalan ang katangiang pansimbahan ng Lutherano at ng iba pang mga simbahang Protestante.” Pinili ng marami sa mga obispong Lutherano na iboykoteo ang ekumenikal na mga miting na kasama ng papa.
INALIS ANG KURTINANG ALAMBRENG MAY TINIK
Ang buong 240-kilometrong bakod na alambreng may tinik sa pagitan ng Hungary at Austria ay inalis. “Ginagawa nito ang mga Hungariano na makadama nang mas mabuti ngayong wala nang gayong makalumang hangganan sa Kanluran,” sabi ng pangulo ng mga bantay sa hangganan ng Hungary. Ang Hungary ay umaasang magkakaroon ng ganap na pag-alis sa bakod sa pagtatapos ng susunod na taon.
PAGBABAGO SA MAPA
Maaaring hindi mo napapansin, subalit ang daigdig ay nagbago ng hugis. Iyan ay dahilan sa ang National Geographic Society, na ang mga mapa ay malawakang ginagamit, ay lumihis sa tradisyunal na projection na nagpapakita sa Unyong Sobyet na 223 porsiyentong mas malaki kaysa kung ano ito, ang Canada ay 258 porsiyentong mas malaki, at ang Greenland ay 554 porsiyentong mas malaki. Sa bagong projection ni Propesor Arthur Robinson, ang Unyong Sobyet ay 18 porsiyento lamang na mas malaki kaysa kung ano ito, ang Greenland ay 60 porsiyentong mas malaki, at ang Estados Unidos ay 3 porsiyentong mas maliit. Ang problema ay nanggagaling sa pagsisikap na gawing patag ang globo sa isang pahina. Sa karamihan ng mga projection, mientras mas malayo ang isang bansa mula sa ekuador, mas maliit ito. Gayunman, ang pangunahing tagagawa ng mapa ng Britaniya ay hindi sumusunod sa uso. Inilalagay ng kanilang mapa ang Britaniya na malapit sa gitna, samantalang ang projection na ginagamit sa Unyong Sobyet ay inilalagay naman ang mga Sobyet sa gitna ng daigdig.
PAGKATUTO SA MGA SAKSI
Ang pamahalaan ng E.U. ay naghahanda para sa bagong sensus na isasagawa simula sa Abril 1, 1990. “Sampung taon ang nakalipas, nang ang huling sensus ay kunin, ang mga gang ay hindi gaanong panganib sa nagsasagawa ng sensus,” sabi ng The Orange County Register ng Santa Ana, California. “Nagbago na ang panahon.” Ngayon sila ay umupa ng isang espesyalista sa mga gang upang payuhan ang mga kumukuha ng sensus kung paano kikilos sa mapanganib na mga dako. Isa pa, iniuulat ng pahayagan, “sinusuri ng mga opisyal sa sensus kung paano isinasagawa ng mga tagapaghatid ng koreo at ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga atas nang hindi sinasaktan sa gayong mga dako.”
KRIMEN SA SOBYET
Ang krimen ay mabilis na lumalaganap sa Unyong Sobyet. Sang-ayon sa ulat tungkol sa ekonomiya ng pamahalaan sa unang ikaapat na hati ng 1989, ang krimen ay dumami ng 31 porsiyento kung ihahambing sa gayunding yugto ng panahon noong nakaraang taon. Ang grabeng mga krimen ay tumaas ng 40 porsiyento, at ang pagnanakaw at panloloob ay tumaas ng 69 na porsiyento. Tumaas din ang krimen na isinasagawa ng mga tin-edyer, yaong mga krimen na isinagawa ng tin-edyer na mga babae ay dumami ng 44 na porsiyento. Ang takot ay naghahari sa ilang mga lungsod, yamang maraming kriminal ang ngayo’y nasasandatahan ng nakaw na mga sandata at habang nagsasagawa ng panloloob ay hindi nila iniintindi kung ang mga tao ay nasa bahay o wala. “Ang paggawa ng batas ay nahuhuli sa mga katotohanan ng ating panahon,” sabi ng isang artikulo sa Pravda. “Ang masasamang loob ay nakikibagay sa kasalukuyang mga kalagayan at mga batas, at mas mabilis na muling nagpapangkat kaysa mga ahensiya na nagpapatupad ng batas.”