Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 10/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • PAMBIHIRANG URI NG VIRUS NG AIDS
  • MgA KRIMEN SA COMPUTER
  • MGA BATANG LANSANGAN
  • ANG BURMA NGAYO’Y PINANGANLANG MYANMAR
  • PAGKASUGAPA SA PAGSUSUGAL NG ESPANYA
  • BIGO ANG EDUKASYON SA SEKSO
  • WALANG TATÚ, WALANG PEKLAT!
  • MGA BUTO BUHAT SA DAGAT
  • ANG TV AY NAUUGNAY SA PAGPATAY
  • LUMALAGONG PAG-ABUSO SA STEROID
  • UMUPA-NG-BISITA
  • BAGONG SKYDOME NG TORONTO
  • Sino ang Nasa Panganib?
    Gumising!—1986
  • AIDS—Isang Krisis sa mga Tinedyer
    Gumising!—1991
  • Mga Tagapagdala ng AIDS—Ilan ang Maaaring Mamatay?
    Gumising!—1988
  • AIDS—Ako ba’y Nanganganib?
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 10/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

PAMBIHIRANG URI NG VIRUS NG AIDS

Isang ikalawang uri ng virus ng AIDS na pangunahing nasusumpungan sa gawing kanluran ng Aprika ay lumitaw sa ilang sampol ng dugo sa New York City. Hindi natuklasan ng pamantayang mga pagsubok sa AIDS na ginagamit sa Estados Unidos ang mga antibodies ng bagong klase ng AIDS, ang HIV-2. Ito’y nagpapangyari ng kawalang-katiyakan sa dalawang grupo ng mga tao: yaong hindi kinakikitaan ng impeksiyon sa pamantayang mga pagsubok sa AIDS at yaong mga nagpapatakbo ng mga bangko ng dugo, yamang hindi nila matiyak na ang ipinagkaloob na dugo ay ligtas. Naniniwala rin ang mga mananaliksik na ang bagong uri ay maaaring manatiling “tahimik” sa katawan sa loob ng mas mahabang panahon bago mapansin ang mga sintomas at maaaring magkaroon ng katulad na epidemikong potensiyal gaya ng unang virus ng AIDS, ang HIV-1. Sang-ayon sa The New York Times, ang HIV-1 “ay tinatayang nakahawa sa isang milyon o mahigit pang mga Amerikano, na may 97,193 mga kaso ng AIDS na iniulat noong Mayo 31, [1989,] kung saan 56,468 ang namatay.”

MgA KRIMEN SA COMPUTER

Mas maraming propesyonal na mga kriminal ang ngayo’y umaasa sa mga computer upang isagawa ang mga krimen na gaya ng paglulustay at panghuhuwad ng mga credit-card. Iniuulat ng mga dalubhasa sa seguridad na sa Estados Unidos mga $555 milyon ang nawawala taun-taon dahil sa mga krimen sa computer. Kahit na ang mga empleado sa tagapagpatupad-ng-batas at mga tauhan sa militar ay kasama sa listahan ng mga maysala. Sang-ayon sa National Center for Computer Crime Data sa Los Angeles, iniuulat na ang mga krimen ay mula sa pagtatangkang magnakaw ng $15 milyon hanggang sa pagnanakaw ng $10. Gayunman, ang pera ay hindi siyang pangunahing target ng krimen sa computer. Sa tulong ng mga computer, ang ilan ay matagumpay na nakapagnakaw ng mga impormasyon at mga paglilingkod ng computer at napakasamang binago ang impormasyon sa computer.

MGA BATANG LANSANGAN

Iniuulat na may mahigit na isang daang milyong mga batang namumuhay sa mga lansangan ng daigdig. Kumikita sila ng sapat lamang upang ikabuhay bilang mga maglalako sa lansangan, mga magnanakaw, at mga pulubi. Sang-ayon kay Peter Tacon, ehekutibong direktor ng isang pangkat na itinatag upang tulungan ang mga batang ito sa buong daigdig, marami sa kanila ay nagiging biktima ng lumalakas na kalakal ng sekso na ginagamit ang mga bata at pinagsasamantalahan ng mga organisasyon na naglilingkod sa mga pedophile. Tinataya ni Tacon na araw-araw, mga 5,000 bagong “mga kandidato sa lansangan” ang isinisilang.

ANG BURMA NGAYO’Y PINANGANLANG MYANMAR

Myanmar ang opisyal na bagong pangalan para sa bansa sa Timog-silangan ng Asia na dating kilala bilang Burma. Karagdagan pa, ang pangalan ng kabisera ng bansa at ang pinakamalaking lungsod ay binago mula sa Rangoon tungo sa Yangon. Ang mga bersiyong ito ngayon ay katugma ng kasalukuyang ginagamit sa wikang Burmese. Ang bagong pangalan ng bansa ay pinagtibay ng United Nations noong Hunyo 22, 1989.

PAGKASUGAPA SA PAGSUSUGAL NG ESPANYA

Ang mga opisyal na Kastila ay nababahala. Bagaman ang 22 pasugalan ng bansa ay itinayo upang maglingkod sa mga dayuhan, nasumpungan ng mga opisyal na 10 porsiyento lamang ng isinusugal na pera sa mga pasugalan ay mula sa mga turista. Ang natitirang 90 porsiyento ngayon ay nanggagaling sa lokal na mamamayan, na, sang-ayon sa tagapagsalita ng Gamblers Anonymous, ay maaaring kinabibilangan ng 600,000 pusakal na mga sugarol. Ang kabuuang halaga ng malakas na negosyo ng Espanya ay mga $24,000,000,000 taun-taon, limang beses na mas malaki kaysa ginugugol ng bansa sa edukasyon, ulat ng The Financial Times ng London. Ang teknikal na kalihim sa Gaming Commission ng Espanya, si Santiago Mendioroz, ay nagsabi: “May mga tao pa na hindi nakababatid na ang sugarol ay laging talo.”

BIGO ANG EDUKASYON SA SEKSO

Ang mga programa ba sa klase tungkol sa edukasyon sa sekso ay nagtagumpay sa pagbabawas ng seksuwal na gawain ng mga tin-dyer at ng mga problemang bunga nito? Upang malaman, limang mga pag-aaral ang isinagawa mula noong 1980 hanggang 1987 tungkol sa gayong mga programa sa mga tin-edyer na nasa high school mula sa iba’t ibang dako at pinagmulan. “Ang mga programa sa edukasyon sa sekso ay walang masusukat na epekto sa dami ng pagdadalang-tao, walang gaanong epekto sa paggamit ng mga pamamaraan sa birth-control at walang gaanong impluwensiya sa mga pasiya ng mga tin-edyer sa kung kailan nila gagawin ang kanilang unang seksuwal na pakikipagtalik,” ulat ng The New Jersey Herald. Sang-ayon sa mga mananaliksik, “ang umiiral na mga impormasyon ay nagpapahiwatig na hindi maaasahan ang basta isang kurso sa klase upang baguhin ang seksuwal na paggawi sa direksiyon na kakaiba sa seksuwal na daigdig ng mga tin-edyer yamang ito ay hinuhubog ng telebisyon, mga pelikula, musika at ng mga industriya ng pag-aanunsiyo, gayundin ng huwarang mga kabarkada at mga adulto.”

WALANG TATÚ, WALANG PEKLAT!

Sa loob ng mga dantaon, ang teknolohiya para sa kasiya-siyang pag-aalis ng mga tatú ay mailap sa mga mananaliksik. Sa pagsisikap na alisin ang isang nakahihiyang tatú, sinubok ng ilan ang pagliliha, pagyeyelo, pagsusunog, at pagkukuskos pa nga ng asin sa tatú upang maalis ang tatú sa balat. Ngayon iniuulat ng The New York Times ang tungkol sa isang bagong paggamot sa pamamagitan ng laser upang alisin ang mga tatú nang walang iniiwang peklat. Ang paggamot ay gumagamit ng matingkad na pulang laser pulses na tumatagal ng 40,000 bahagi ng isang milyon ng isang segundo na may lakas na 100 milyong watts. Sa karamihan ng mga kaso ang pamamaraan ay isinasagawa nang hindi ginagamitan ng lokal na anestisya. Sinasabi ng mga pasyente na ang mga kislap ng laser ay katulad lang ng pitik ng isang lastiko.

MGA BUTO BUHAT SA DAGAT

Ang pagpalit sa nawawala, napinsala, o may sakit na mga buto sa mukha ay kadalasang nagsasangkot ng paggamit ng mga hugpong mula sa iba pang buto sa katawan. Ang pamamaraan ay nangangailangan ng masalimuot na operasyon, at kailangang tiisin ng mga pasyente ang labis na kirot at matagal na panahon ng paggaling. Isa pa, ang tagumpay ng paraang ito sa matagal na panahon ay kadalasang nakasisiphayo. Gayunman, maliwanag na nalutas na ni Harvey Rosen, hepe ng plastic surgery sa Pennsylvania Hospital, ang problema sa paggamit ng korales sa dagat sa halip ng mga hugpong na buto. Ang laman na mineral ng korales na ginamot sa kemikal na paraan ay halos katulad ng buto ng tao. Iniuulat ng magasin sa Canada na Equinox na ang biopsies na kinuha pagkatapos ng isang taon ng operasyon ay nagpapakita na ang buto ng tao at ang mga daluyan ng dugo ay aktuwal na nabubuhay sa loob ng mga butas-butas ng korales, ginagawa ang inilagay na mga korales na lumalaban sa impeksiyon.

ANG TV AY NAUUGNAY SA PAGPATAY

Ang panonood ba ng telebisyon ay nakaragdag sa karahasan sa lipunan? Sinuri ng isang pag-aaral na inilathala sa American Journal of Epidemiology ang tatlong bansa at naghinuha na ito nga ay nakaragdag sa karahasan. Binabanggit ng pag-aaral na 10 o 15 taon pagkaraang ipakilala ang telebisyon sa bawat isa sa mga bansang ito, dumami ang mga pagpatay. Kung saan ang telebisyon ay huling ipinakilala, ang karahasan ay dumami rin nang dakong huli. “Bagaman ang telebisyon ay maliwanag na hindi siyang tanging dahilan ng karahasan sa ating lipunan,” napansin ng autor ng pag-aaral kung tungkol sa Estados Unidos, “na kung walang telebisyon, mas kaunti pa sa 10,000 pagpatay sa kapuwa ang mangyayari sa isang taon.”

LUMALAGONG PAG-ABUSO SA STEROID

Ang pag-alis sa isang manlalaro ng kaniyang medalyang ginto sa Olympic ay waring kakaunti lamang ang nagawa upang hadlangan ang pag-abuso sa paggamit ng anabolic steroid sa isports. Sa katunayan, ang pag-abuso sa steroid ay “lubhang dumami,” sang-ayon kay Gert Potgeiter ng Sport Research Institute sa University of Pretoria, Timog Aprika. Palibhasa’y isa ring manlalaro at isang nagmamay-ari ng gym, nakikita niya ang palaging paggamit ng mga steroid ng mga manlalaro na umaasang pagbutihin ang kanilang hitsura o paglalaro. Kadalasang ang mga suplay ay ibinibigay nang wala man lamang pagtutol ng mga doktor at mga parmasiyutiko, sabi niya. “Ang isport ay hindi na isang pisikal na tagumpay,” hinuha ni Potgeiter. “Ito ay naging isang kemikal na tagumpay.”

UMUPA-NG-BISITA

Karagdagan sa propesyonal na paglilinis ng bahay at paghahatid na mga paglilingkod, isang kompaniya sa Hapón ang naglalaan ng mga bisita sa isang kabayaran. Iniulat ng The Wall Street Journal na ang mga inuupahang-bisita ay maaaring tumayo bilang kahalili para sa anumang bagay mula sa mga kasalan hanggang sa mga libing. Sa mga kasalan, sila ay maaaring tumayong kaklase ng nobya o ng nobyo, isang manedyer sa kanilang trabaho, isang kamag-anak buhat sa malayo, o isa pa nga sa mga magulang. Iniulat na, ang pinakamalaking trabaho ng kompaniya ay ang isang kasalan kung saan ito ay naglaan ng 60 sa 80 mga bisita ng nobya. Ang paglilingkod na ito ay nagkahalaga sa pagitan ng 15,000 at 25,000 yen sa bawat tao (sa pagitan ng $110 at $180, U.S.).

BAGONG SKYDOME NG TORONTO

“Isang napakalaking kababalaghan ng inhinyerya!” ang ginamit na paglalarawan sa bagong 500-milyong-dolyar, air-conditioned na istadyum na pinanganlang SkyDome ang binuksan kamakailan sa kabayanan ng Toronto, Canada. Ito ay makapagpapaupo ng 60,000 katao para sa mga laro sa isports, konsiyerto, at mga kombensiyon. Isang naiuurong, apat-na-bahaging bubong, na 94 metro sa ibabaw ng palaruan, ang pinakahuling kababalaghan ng modernong teknolohiya. Ang pinakamalaking bahagi ng bubong ay tumitimbang ng 1,906 tonelada, gayunman ang pagkalaki-laking bubong ay maaaring magbukas at magsara sa isang sukat na 3.2 ektarya sa loob lamang ng halos 20 minuto. Ipinagmamalaki ng SkyDome ang pinakamalaking video-display scoreboard sa daigdig, na ang iskrin ng telebisyon ay 11 metro ang taas at 35 metro ang haba. Ang proyekto ay kinapalooban ng mga 5,000 manggagawa at nakompleto sa loob ng 32 buwan. Ang SkyDome ay nasa tabi ng CN Tower, ang pinakamataas na freestanding structure sa daigdig.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share