Panahon Na ba Upang Magpaalam?
SANG pambihirang digmaan ang tumitindi sa Aprika. Hindi ito isang pagtatalo tungkol sa teritoryo, pulitikal na mga mithiin, o relihiyosong mga paniniwala. Ang nasawing buhay ng tao, bagaman kalunus-lunos, ay kakaunti kung ihahambing sa karamihan ng mga digmaan. Gayunman ang digmaang ito ay nakatawag-pansin sa mga bansa sa paligid. Ito ang digmaan may kaugnayan sa mga elepante.
Ang nagbabaka sa digmaan ay ang mga tanod sa parke at bantay-hayop sa gubat laban sa mga nangangaso nang walang pahintulot. Ang mga tanod at mga bantay-hayop ay itinataguyod ng batas, ng kanilang gobyerno, at mga tagapangalaga ng kalikasan. Ang mga mangangaso nang walang pahintulot ay tinutulungan ng makabagong sandata at inuudyukan ng pangangailangan at kasakiman—ang mga pangil ng elepante ay nangangahulugan ng salapi, karaniwan nang kayamanang hindi napapangarap sa mas mahihirap na bansa. Ang magkabilang panig ay bumabaril upang pumatay. Bakit ang gayon na lamang pagkabahala sa mga elepante? Ang banta ba laban sa mga ito ay talagang gayon kagrabe?
Ang Nakapipinsalang Halaga ng Pangangaso Nang Walang Pahintulot
Bueno, isaalang-alang: Noong mga 1930 may mga sampung milyong elepante sa Aprika. Noong 1979 may 1.3 milyon. Ngayon, pagkalipas ng sampung taon, ang bilang na iyan ay kalahati na lamang. Tinataya na ang bilang ng mga elepante ngayon sa Aprika ay 625,000. Bakit ang lubhang pagbaba ng bilang? Ang pangangaso nang walang pahintulot ang malawakang sinisisi. Ito’y isang sinaunang krimen na nagsulputan sa modernong panahon, dahil sa teknolohiya.
Noon, ang mga nangangaso sa Aprika nang walang pahintulot ay mga lalaking kabilang sa isang tribo na nasasandatahan ng mga busog at pana o mga sibat, agad na tatakbo pagkakita sa isang walang armas na bantay-hayop. Ngayon, kapuwa ang mga bantay-hayop at mga mangangaso nang walang pahintulot ay armado, subalit mas malamang na armado ang mangangaso. Mga taon ng kaguluhang sibil sa Aprika ay nag-iwan sa kanila ng maraming sobrang baril, madaling makuha ng mga masamang-loob. Ang mga mangangaso nang walang pahintulot ay lumalakad nang pangkatan at nangangaso ng mga elepante na may malalakas na automatikong sandata. Sa loob lamang ng mga ilang minuto matatamaan nila ang ilang elepante, kunin ang mga pangil sa pagputol sa ulo na ginagamit ang chain saw (isang uri ng lagare), at patuloy na nangangaso. Palibhasa’y lubhang tumataas ang presyo ng garing (ivory) sa buong daigdig, ang mga nangangaso nang walang pahintulot ay maaaring kumita ng libu-libong dolyar sa isang araw; kahit na ang kanilang mga kargador ay kumikita ng daan-daang dolyar. Gaya ng pagkakasabi rito ng U.S.News & World Report: “Hindi sila lokal na mga lalaking kabilang sa tribo kundi sanay sa kamunduhan, walang awang mga propesyonal na nagpapatakbo ng malalaking-puhunan na mga negosyo.”
Ang negosyo ay pawang napakahusay. Mula noong 1973 ang bilang ng mga elepante ay umunti ng 85 porsiyento sa Kenya, 53 porsiyento sa Tanzania, at 89 porsiyento sa Uganda. Sa katunayan, taun-taon mga 70,000 elepante sa Aprika ang pinapatay dahil sa kanilang garing. Kamakailan inautorisa na ng Zimbabwe at ng Kenya ang mga bantay-hayop sa parke na barilin ang sinumang makikitang mangangaso nang walang pahintulot. Ang problema nga lang, ang mga mangangaso nang walang pahintulot ay gumaganti rin—at gamit ang mas malakas na mga baril. Sadyang pinatay nila kapuwa ang mga tanod at mga sibilyan. Noong taglagas ng 1988, isang pangkat ng mga mangangaso nang walang pahintulot ang sumalakay sa punong tanggapan ng bantay-hayop sa gubat, iginapos at binugbog ang mga tanod, at saka pinatay ang limang puting rhinoceros sa parke, ang kahuli-hulihang uri nito sa alinman sa mga parke sa Kenya. Mangyari pa, kinuha lamang ng mga mangangaso nang walang pahintulot ang mga sungay. Iniwan nilang mabulok ang pagkalalaking mga bangkay ng pambihirang hayop.
Bakit Kailangang Iligtas ang mga Elepante?
Ang mga tanod ay namamatay sa kanilang pagsisikap na ingatan ang mga elepante. Samantala, isang internasyonal na pangangalaga ang sinisikap na isinasagawa upang hadlangan ang pagkalipol na maaaring mangyari sa mga elepante bago matapos ang dantaon. Subalit marami ang maaaring magtanong, ‘Bakit ang lahat ng pagkabahalang ito sa mga elepante?’ Tutal, ang pagkalipol ay hindi bago sa planetang ito. Ang mga dinosauro ay isang kilalang kaso nito. Kaya bakit ka mababahala kung malipol man ang mga elepante?
Para sa marami ang kasagutan ay nasasalalay sa kadakilaan ng nilikha mismo. Ito ay isang obra maestra ng disenyo. Walang alinlangan na sinumang nakamasid sa isang kawan ng mga elepante sa ilang ay makadarama ng kalungkutan sa kanilang pagkalipol. Ang paraan ng pagsasanay at pagsasanggalang nila sa kanilang mga anak, ang kahanga-hangang kahusayan ng kanilang mga nguso, kahit na ang kanilang nakasisindak na laki—pawang matibay na mga ebidensiya ng isang walang kaparis na matalinong Disenyador.
Subalit mayroon pang higit na dahilan. Ang mga elepante ay gumaganap din ng mahalagang bahagi sa sistema ng ekolohiya ng kinabubuhayan nila. Higit sa anumang nilikha maliban sa tao, binabago at hinuhubog ng mga elepante ang kanilang kapaligiran. Gayunman, di-tulad ng tao ginagawa ng mga elepante ang kapaligiran na mas kaaya-ayang tirahan para sa kapuwa ng nilikha. Papaano? Ang susi ay nasasalalay sa kanilang napakalakas na gana sa pagkain. Ang isang elepante ay kumakain ng mga 140 kilong pananim sa isang araw!
Sa masukal na kagubatan, hinihila ng mga elepante ang mga sanga at maliliit na punungkahoy, hinahayaang makatagos ang higit na liwanag sa masukal na kulandong ng mga dahon. Pinasisigla ng liwanag ang paglago ng pananim sa lupa, sa gayo’y naglalaan ng pagkain para sa mas maliit na mga hayop, mula sa mga kalabaw at gorilya hanggang sa mga baboy damo. Sa malawak na mga kapatagan sa Aprika, o mga savanna, ang mga elepante ay nagsasagawa ng kahawig na paglilingkod: Ang kanilang paghanap ng pagkain ay nagpapaunlad ng damuhan at kakahuyan, na sumusustini sa mas maraming pagkasarisari ng mga nilikhang kumakain ng halaman, mula sa mga giraffe at zebra hanggang sa mga gazelle at wildebeest, na hindi sana mabubuhay roon.
Gayunman, ang masalimuot na kawing na ito ng pagkaumaasa sa isa’t isa ay mahina. Maaari itong masira kapag ang isang lugar ay nawalan ng napakaraming elepante o kapag napakarami sa kanila ang nagsisiksikan sa isang lugar. Ginagawa ito kapuwa ng tao—pinapatay ang maraming elepante sa labas ng mga parke at isinisiksik ang mga ito sa loob ng mga parke. Kaya, inilalarawan ng problema sa mga elepante kung ano ang kaibhan ng paglipol na pinangyayari ng tao: Ito ay hindi bahagi ng isang dakilang layunin o disenyo. Bagkus, ito ay dahil sa kasakiman, na hindi iniintindi ang kahihinatnan. Ipinakikita pa nito na ang di-sakdal at mapag-imbot na tao ay hindi bagay mamahala sa planetang ito.
Ang Pakikipagbaka Upang Iligtas ang mga Ito
May mga nakikipagbaka upang sugpuin ang kasalukuyang pagpatay. Mga organisasyon sa pangangalaga at maraming gobyerno ang naglulunsad ng huling-depensang pagsisikap upang pangalagaan ang mga elepante. Subalit hindi sila nagkakaisa sa kung paano gagawin ito. Ipinasiya ng isang grupo na huwag ipagbawal ang internasyonal na kalakalan ng garing, ipinalalagay na ang gayong pagbabawal ay lalo lamang magpapalakas sa palihim na kalakalan at gawin pa itong lalong mahirap sawatain. Sa paano man, ang pagbabawal sa pangangalakal ng sungay ng rhinoceros ay walang nagawa upang pabagalin ang pagkalipol ng rhino. Gayumpaman, noong Hunyo 1989 ilang pangkat sa pangangalaga ang nanawagan para ihinto ang pangangalakal ng garing. Pagkalipas ng tatlong araw, ipinagbawal ng presidente ng E.U. na si George Bush ang pag-aangkat ng garing. Waring nalalapit na ang pangglobong pagbabawal sa pangangalakal ng garing.
Inaasahan ng isang pangkat na nangangalaga na ingatan lamang ang 200,000 o 300,000 elepante, inaasinta ang ilang mga lugar para sa pangangalaga nito. Inaasahan nitong sugpuin ang pangangalakal ng garing sa pamamagitan ng pagsamo sa sariling-interes ng tao, kinukumbinsi ang lokal na mga mamamayan na ang mga elepante ay makapagdadala ng higit na salapi sa isang lugar kung masusugpo ang walang pahintulot na pangangaso. Ang programa ay nagpapakita ng ilang palatandaan ng tagumpay.
Datapuwat kung ang kaligtasan ng mga elepante ay depende sa sariling-interes ng tao, gaano nga ba sila kaligtas? Hindi ba’t ang sariling-interes ng tao ang nagsasapanganib sa kanila? Sa paano man, ang pangangalakal ng garing ay patuloy na sumasagana, isinasakripisyo ang dambuhalang mga nilikhang ito upang tustusan ang daigdig ng mga tatak, mumurahing hiyas, at mga abubot—tinatayang 80 porsiyento nito ay yari sa garing na ilegal na nakuha. Kinailangang suspendihin o alisin sa trabaho ng pamahalaan ng Kenya ang mga apat na dosenang tanod-parke at mga bantay-hayop sa gubat na sinasabing hindi makatanggi sa pang-akit ng lahat ng salaping iyon at lihim na nakipagtulungan sa mga mangangaso nang walang pahintulot. Sino ang magkakaila na nakita na ng salinlahing ito na narating ng tao ang bagong kahulugan ng sariling-interes? Habang ang tao ay higit at higit na nahuhumaling sa sarili, ang daigdig ay higit at higit na nawawalan ng katiwasayan.
Mabuti na lamang, ang Bibliya ay nagbibigay ng mas magandang pag-asa para sa ating planeta at sa maiilap na buhay-halaman at buhay-hayop nito. Sinasabi nito sa atin na malapit nang isauli ng Maylikha ang lupa sa kalagayan na dati niyang nilayon para rito—isang pangglobong paraiso, kung saan iiral ang kapayapaan. Ang pakikipagbaka ng tao may kaugnayan sa mga elepante, at sa lahat ng kababalaghan sa kapaligiran, ay nagwawakas na sa wakas.—Isaias 11:6-9.
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Sa kagandahang-loob ni Clive Kihn
Taun-taon mga 70,000 ng kasindak-sindak na mga nilikhang ito ay pinapatay upang paglaanan ang daigdig ng mga tatak, mumurahing hiyas, at mga abubot