Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 22—1900 patuloy—Huwad na Relihiyon—Nililigalig ng Kaniyang Kahapon!
“Ang susi sa kinabukasan ng isang bansa ay ang kaniyang kahapon.”—Arthur Bryant, ika-20 siglong mananalaysay na Ingles
BABILONYANG DAKILA ang tawag ng Bibliya sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, itinutulad ito sa sinaunang bansa ng Babilonya. (Apocalipsis 18:2) Kung ano ang nangyari sa imperyong iyon noong unang panahon ay nagpapahiwatig ng hindi mabuti sa modernong-panahong kapangalan nito. Sa isang gabi noong 539 B.C.E., ang Babilonya ay bumagsak sa mga taga-Medo at taga-Persia sa ilalim ni Cirong Dakila. Pagkaraang ilihis ang tubig ng Ilog Eufrates, na dumadaloy sa lungsod, ang sumasalakay ng hukbo ay nakakilos nang hindi napapansin sa bambang ng ilog.
Ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, isang hari na mas dakila kaysa kay Ciro, ay magtatamo ng katulad na tagumpay sa di-tapat na Babilonyang Dakila. Inilalarawan siya ng Bibliya bilang isang dakilang patutot na nakaupo sa maraming tubig, ipinahihiwatig ang suportang tinatanggap niya buhat sa “mga bayan at mga karamihan at mga bansa at mga wika.” Subalit bago ang pagkawasak, ang suportang ito, gaya ng “malaking ilog Eufrates,” ay dapat “matuyo, upang maihanda ang daraanan ng mga haring mula sa sikatan ng araw.”—Apocalipsis 16:12; 17:1, 15.
Ang katibayan na ang gayong pagkatuyo ng tubig ay nangyayari na ngayon ay mahalaga upang makilala ang huwad na relihiyon. Mayroon bang anumang katibayan?
Isang Maliwanag na Hinaharap ay Dumidilim
Sa pagsisimula ng ika-20 siglo, ang bawat ikatlong tao sa lupa ay nag-aangking Kristiyano. Ang hinaharap ng Sangkakristiyanuhan ay maliwanag. Noong 1900, ang ebanghelista at nagwagi ng gantimpalang Nobel na si John R. Mott ay nagpabanaag ng pag-asa, inilalathala ang aklat na pinamagatang The Evangelization of the World in This Generation.
Subalit “ang ika-20 siglo,” sabi ng World Christian Encyclopedia, “ay napatunayang lubhang kakaiba sa mga inaasahan dito.” Ipinaliliwanag na “walang sinuman noong 1900 ang umaasa ng lansakang pagtalikod sa Kristiyanismo na sa dakong huli’y naganap sa Kanlurang Europa dahil sa sekularismo, sa Russia at nang maglaon ay sa Silangang Europa dahil sa Komunismo, at sa Amerikas dahil sa materyalismo,” sabi nito na ang mga ito at ang iba pang “huwad na mga relihiyon” ay naglitawan “mula sa napakaliit na presensiya noong 1900, 0.2% lamang ng globo, . . . tungo sa 20.8% ng globo noong 1980.”
Ang “lansakang pagtalikod” na ito ay nag-iwan sa mga simbahan sa Kanlurang Europa na halos walang laman. Mula noong 1970 ang Iglesya Lutherano sa Pederal na Republika ng Alemanya ay nawalan ng mahigit na 12 porsiyento ng mga miyembro nito. Mahigit na sangkatlo ng mga simbahan sa Netherlands ay isinara, ang ilan ay ginawang mga bodega, restauran, apartment, at mga disco pa nga. At sa Britaniya halos bawat ikawalong simbahang Anglicano na umiiral 30 taon na ang nakalipas ay hindi na ginagamit. Hindi kataka-taka isang klerigo na nagsasalita sa isang komperensiya ng Protestanteng mga teologo at klerigo sa Europa noong nakaraang taon ay nagreklamo na “ang dating ‘Kristiyanong Kanluran’ ay hindi na matatawag ang sarili nito na Kristiyano. . . . Ang Europa ay naging isang larangan ng misyonero.”
Gayunman, ang problema ay higit pa sa Sangkakristiyanuhan at lampas pa sa Europa. Halimbawa, tinataya na sa buong daigdig, ang Budismo ay nawawalan ng 900,000 katao sa isang taon sa agnostisismo.
Kakulangan ng mga Tauhan
“Upang pukawin ang isang nayon kailangang pukawin mo muna ang mga pari nito,” payo ng isang kawikaang Hapones. Subalit anong mga pari? Sa dekada bago ang 1983, ang bilang ng mga paring Katoliko sa buong daigdig ay bumaba ng 7 porsiyento. At sa loob ng 15 taon, ang bilang ng mga madre ay bumaba ng 33 porsiyento. Samantala, ang hinaharap para sa mga kahalili ay madilim. Wala pang 20 taon, ang bilang ng nagpatala sa mga seminaryong Katoliko sa Estados Unidos ay bumaba mula sa 48,992 tungo sa 11,262.
Naghihirap din ang mga ordeng Katoliko. Noong minsan, ang Society of Jesus, na itinatag sa Paris noong 1534 ni Ignatius ng Loyola, ang siya halos may hawak ng edukasyon sa maraming bansa. Ang mga miyembro nito, kilala sa tawag na mga Jesuita, ang nanguna sa gawaing misyonero. Subalit sapol noong 1965, ang mga miyembro nito ay bumaba ng mahigit na sangkapat.
Masamang balita na nga ang umuunting tauhan nito; mas masama pa na ang marami sa kanila ay hindi na mapagkakatiwalaan. Ang bilang ng mga pari at mga madre na tumututol sa opisyal na patakaran ng simbahan tungkol sa hindi pag-aasawa dahil sa panata, birth control, at sa relihiyosong papel ng mga babae ay dumarami. Ito ay ipinakita noong Enero 1989 nang 163 mga teologong Katoliko sa Europa ang naglabas ng isang pangungusap sa publiko—noong Mayo 1 ito ay nilagdaan ng mahigit na 500 pa—pinararatangan ang Vaticano ng autoritarianismo at maling paggamit ng kapangyarihan.
Angaw-angaw sa Sangkakristiyanuhan ang naging espirituwal na patay, mga biktima ng espirituwal na malnutrisyon. Gayon nga ang sinabi ng isang klerigo sa E.U. nang siya’y magreklamo: “Ang simbahan [ay naging] isang superpalengke na namamahagi ng espirituwal na mga basurang pagkain sa mga dumaraan. Ang sermon ng pastor ay wala kundi ‘espesyal ng linggo,’ na iniaalok sa mga parokyano na may diskuwento ng pangako.”
Mula noong 1965, ang mga miyembro sa limang pangunahing denominasyong Protestante sa Estados Unidos ay bumaba ng mga 20 porsiyento at ang bilang ng nakalista sa Sunday school ay bumaba ng mahigit na 50 porsiyento. “Hindi lamang ang tradisyonal na mga denominasyon ang hindi naihahatid ang kanilang mga mensahe,” sulat ng magasing Time, kundi “ang mga ito ay higit at higit na hindi nakatitiyak kung ano nga ang mensaheng iyon.” Hindi kataka-taka, dahil sa gayong espirituwal na gutom, maraming babasahin ng simbahan ay inihinto ang publikasyon. Noong kalagitnaan ng mga 1970, isa sa kanila ang nanangis: “Lumipas na . . . ang panahon ng panlahat na magasin ng simbahan.”
Isang Walang Interes at Walang Pagtugon na Kawan
Noong ika-18 siglo, natanto ng estadistang Ingles na si Edmund Burke na “walang bagay na lubhang nakamamatay sa relihiyon na gaya ng kawalang interes.” Kung nabubuhay ngayon, masusumpungan niya ang napakaraming walang interes na mga relihiyonista.
Halimbawa, nang kapanayamin mga ilang taon na ang nakalipas, 44 porsiyento ng mga Lutherano sa Estados Unidos ang nagsabi na hindi nila ipakikipag-usap ang kanilang pananampalataya sa mga pamilyang hindi kabilang sa simbahan kung hihilingin sila ng kanilang pastor na gawin iyon. Ipinakikita ng isang surbey kamakailan na mahigit sa tatlong-kapat ng mga Katoliko sa E.U. ang may akala na ang di pagsang-ayon sa papa, kahit na sa moral na mga isyu, ay hindi nag-aalis sa kanila ng karapatan sa pagiging mabuting mga Katoliko.
Sa Hapón, 79 porsiyento ng populasyon ay nagsasabi na mahalaga ang pagiging relihiyoso. Subalit mula noon, sang-ayon sa Religions of Modern Man, sangkatlo lamang ang aktuwal na kabilang sa isang relihiyon, maliwanag na marami ang totoong walang interes na magpatuloy.
Ang mga adultong walang interes sa relihiyon ay karaniwan nang walang masigasig at tumutugong mga anak. Isang surbey ng 11-hanggang 16-anyos na isinagawa ng direktor ng Institute of Psychology sa University of Bonn, Alemanya, ay nagsisiwalat na higit kailanman, ang mga kabataan ay tumitingin sa mga personalidad na matutularan sa huwarang paggawi. Subalit nang tanungin kung sino ang kanilang mga huwaran, hindi nabanggit ng mga kabataan kahit minsan ang mga lider ng relihiyon.
Humihina ang Impluwensiya sa Pulitika
Ang organisadong relihiyon ay wala ng malakas na impluwensiya sa pulitika na gaya noong dati. Halimbawa, hindi nga nahadlangan ng Vaticano, kahit na sa pangunahing mga bansang Katoliko, ang pagpapasa ng batas tungkol sa aborsiyon, diborsiyo, at kalayaan sa pagsamba na hindi nito naiibigan. Gayundin naman, dahil sa mga kalagayan ang Vaticano ay napilitang sumang-ayon sa isang kasunduan noong 1984 na nag-aalis sa Katolisismo ng katayuan nito bilang ang tatag na relihiyon ng Italya!
Kung ano ang dating natamo ng huwad na relihiyon sa pamamagitan ng tusong panggigipit sa pulitika ay sinisikap niya ngayong gawin sa pamamagitan ng mga kilusang pagprotesta ng madla na pinangungunahan ng kilalang mga klerigo nito, gaya ng arsobispong Anglicano na si Desmond Tutu ng Timog Aprika.
Sama-sama Tayo’y Mananatili, Baha-bahagi Tayo’y Babagsak
Ang komperensiya noong 1910 ng Protestanteng mga samahang pagmimisyonero sa Edinburgh, Scotland, ang pinagmulan ng modernong kilusang ekumenikal. Ang kilusang ito ay pinasidhi pa kamakailan sa pagsisikap na paunlarin ang pagtutulungan at pagkakaunawaan ng mga relihiyon, pinahihintulutan “ang relihiyong Kristiyano” na magsalita ng isang tinig.
Ang kilusang ekumenikal ay maraming anyo. Isang mahalagang hakbang ang isinagawa noong 1948 sa Amsterdam nang itatag ang World Council of Churches. Orihinal na binubuo ng halos 150 mga simbahang Protestante, Anglicano, at Orthodoxo, ipinagmamalaki ngayon ng konseho ang doble ng bilang na iyan.
Bagaman hindi isang miyembro ng World Council of Churches, ang Iglesya Katolika Romana ay waring patungo sa direksiyong iyon. Noong 1984 sa punong tanggapan ng konseho sa Switzerland, si Papa John Paul ay nakisama sa hahalinhang panlahat na kalihim ng konseho sa pangunguna sa isang ekumenikal na panalangin. At noong Mayo 1989, ang mga Katoliko ay kabilang sa mahigit na 700 Europeong klerigo na nagtipon sa Basel, Switzerland, sa kung ano ang tinawag ng isang pahayagan na ang “pinakamalaking ekumenikal na pangyayari sapol noong Repormasyon.”
Mula noong kalagitnaan ng mga 1930, ang pagkukusang ito na makipagkompromiso ay tumindi dahil sa lumalagong pagtanggap sa ideya na ang lahat ng mga relihiyong “Kristiyano” ay may likas na bigay-Diyos na pagkakaisa. Bilang “katibayan” ng likas na pagkakaisa, idiniriin ng World Council of Churches na tanggapin ng lahat ng mga miyembro nito ang doktrina ng Trinidad, itinuturing si “Jesu-Kristo bilang Diyos at Tagapagligtas.”
Ang Sangkakristiyanuhan ay nagtaguyod din ng pakikipag-usap sa mga relihiyong di-Kristiyano. Sang-ayon sa The Encyclopedia of Religion, ito ay upang makasumpong ng isang maisasagawang kompromiso “sa pagitan ng isang saloobin ng teolohikal na imperialismo, na nagpapahiwatig na kung ang isang pananampalataya ay totoo wala nang iba pang pananampalataya ang may karapatang umiral, at ng pagsasama ng iba’t ibang uri ng pananampalataya, na nagpapahiwatig na walang sapat na mga pagkakaiba sa pagitan ng mga pananampalataya upang magkaroon ng isang isyu at na ang pagsasama-sama ng lahat ng ito ay lilikha ng isang bagong pananampalataya sa hinaharap.”
Sa katunayan, ang huwad na relihiyon ay gaya ng isang panali na binubuo ng maraming hibla, na pawang naghihilahan sa magkakaibang direksiyon. Ito ay isang pasimula tungo sa kapahamakan, sapagkat ang mga salita ni Jesus ay kailangan pang pasinungalingan: “Ang bawat kahariang nagkakabaha-bahagi laban sa kaniyang sarili ay mawawasak, at ang bawat bayan o bahay na nagkakabaha-bahagi laban sa kaniyang sarili ay hindi mananatili.”—Mateo 12:25.
Tanggapin ang Totoo, Tanggihan ang Huwad!
Maaaring piliin ng ilang tao na waling-bahala ang katibayan. Subalit ang walang-katibayang pag-asa ay mapanganib. “Ang mga simbahan ay namuhay sa loob ng mahigit na isang salinlahi taglay ang pag-asa na ang mga bagay-bagay ay bubuti sa paano man sa ganang sarili,” sabi ng The Times ng London noong Oktubre 1988. Sabi pa nito: “Sa kabila ng mahabang panahong unti-unting pagbaba ng bilang ng mga miyembro ng simbahan sa Britaniya, kaunti lamang ang patuloy na pagsisikap sa loob ng mga simbahan upang ipaliwanag o baligtarin ito, o gumawa ng naaayong mga patakaran.” Saka ito makatuwirang naghinuha: “Anumang organisasyon sa negosyo na nasusumpungang patuloy na bumababa ang benta nito ay alin sa ihahanda ang sarili nito para sa sukdulang pagkalugi o kukuha ng mga hakbang upang pasulungin ang produkto nito at ang pagbebenta nito.”
Walang anumang pahiwatig na ang huwad na relihiyon “ay kukuha ng mga hakbang upang pasulungin ang produkto nito at ang pagbebenta nito.” Ang tanging saligan sa pag-asa para sa mga taong may takot sa Diyos ay nasa pagbaling sa iisang tunay na relihiyon, na ang umaagos na mga batis ng espirituwal na tubig ay walang panganib na matuyuan. Kung tungkol sa huwad na relihiyon, “Ang Panahon ng Pagtutuos Ay Malapit Na.” Alamin ang higit pa tungkol dito kapag lumitaw ang artikulong iyan sa aming susunod na labas.
[Kahon sa pahina 20]
Mga Saksi ni Jehova: Ang Kanilang Tubig Ay Hindi Natutuyuan
“Habang ang tradisyunal na mga relihiyon ay dahan-dahang umuunti, ang kanilang mga simbahan at mga templo sa tuwina’y nawawalan ng laman, parami nang parami naman ang mga miyembro ng mga Saksi ni Jehova at kinukuha pa nga nila ang dating mga gusaling simbahan at iba pang bagong mga pasilidad upang doon tipunin ang kanilang bagong mga miyembro.”—Le Petit Journal, pahayagan sa Canada.
“Mayroong halos 45 libo sa Italya . . . Ngayon ang sekta ay may tunay na mga magasin, na maganda at kawili-wili pa nga (ang mga ito ay sagana sa balita at mga artikulo buhat sa buong daigdig), naglilimbag ng maliliit na aklat na sunod-sa-panahon at sinasagot din ang karamihan sa Katolikong mga iskolar sa Bibliya, namamahagi ng mga Bibliya na tuwirang isinalin buhat sa Hebreo . . . Sa pamamagitan ng mga pamamaraang ito, ang mga Saksi ay nagkaroon ng higit na tagumpay.”—Famiglia Mese, magasing Katoliko sa Italya (isinulat noong 1975; noong Abril 1989, ang bilang ng mga Saksi ni Jehova sa Italya ay sumulong tungo sa 169,646.)
“Ang [mga Saksi ni Jehova] ay nagbabautismo ng daan-daan samantalang tayo ay nagbabautismo ng mga dalawa o tatlo.”—The Evangelist, opisyal na babasahin ng Evangelical Tract Distributors. (Ang mga Saksi ni Jehova ay nagbautismo ng 69,649 katao noong 1962 nang ang pangungusap na ito ay gawin; noong 1988 ang bilang ng bagong bautismong mga Saksi ay 239,268.)
“Noong 1962 natapos ko ang isang pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova taglay ang obserbasyong ito: ‘Na hindi kapani-paniwalang ang Bagong Sanlibutang Lipunan ay biglang mauubusan ng lakas.’ . . . Mahigit na doble ang dami ng mga Saksi ngayon [1979] kaysa dati. Lahat ng palatandaan ay nagpapahiwatig na ang Samahang Watchtower ay malamang na dumoble pa ang laki sa susunod na dekada.”—William J. Whalen sa U.S. Catholic. (Ang 989,192 mga Saksi noong 1962 ay lumaki tungo sa 3,592,654 noong 1988.)
Simula noong 1970 ang bilang ng mga Saksi ni Jehova sa Pederal na Republika ng Alemanya (at Kanlurang Berlin) ay dumami ng 38 porsiyento. Sa nakalipas na 30 taon, ang bilang ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Netherlands ay dumami mula sa 161 tungo sa 317, at sa Britaniya mula sa 825 tungo sa 1,257, na nangailangan ng pagtatayo ng maraming bagong mga Kingdom Hall sa kapuwa mga bansa.—Ihambing ang parapo 3 sa ilalim ng subtitulong “Isang Maliwanag na Hinaharap ay Dumidilim.”
[Larawan sa pahina 21]
Ang relihiyon ay lubhang winawalang-bahala sa nagmamadali’t abalang daigdig ngayon