Pagmamasid sa Daigdig
MGA PAGPAPATIWAKAL SA TSINA
Naging pangunahing sanhi ng abnormal na kamatayan sa Tsina ang pagpapatiwakal, at nababahala ang mga autoridad na Intsik. Sang-ayon sa China Daily, “140,000 katao ang nagpapatiwakal” bawat taon, humigit-kumulang 98,000 ng bilang na yaon ay binubuo ng mga babae. Bakit napakaraming mga babae ang nagpapatiwakal? Isang pangunahing salik na binanggit ay ang pagkabigo ng mga asawang-lalaki na ibigay ang “sikolohikal at emosyonal na mga pangangailangan” ng kanilang mga asawang-babae. Ang mananaliksik na si Shan Guangnai ay nagsabi: “Ipinakikita ng mga estadistika na kalahati ng mga babaeng nagpatiwakal ay namatay dahil sa mga alitang pampamilya at mga kabiguan sa pag-aasawa.” Isa pang salik na binanggit ay ang industriyalisasyon, na, taglay ang mas mabilis na galaw ng buhay, ay nagdulot “ng pagsasalungatan ng luma at bagong mga pagpapahalagang panlipunan at moral na mga pamantayan.” Ipinapayo ni Guangnai ang isang mainit, maibiging buhay pampamilya lakip ang isang magandang ugnayan bilang tulong sa pagpigil sa pagpapatiwakal.
TAGUMPAY SA TUNEL
Ang katatapos na Mount Macdonald railway tunel sa Canadian Rockies, 14.6 kilometro ang haba, ay ang pinakamahabang tunel sa Hilagang Amerika. Inabot ang dalawang koponan ng 500 manggagawa ng 54 na buwan upang mabuo ito. Ayon kay Ron Tanaka, ang punong inhinyero ng pagtatayo ng daang-bakal, ang mga koponan ng mga manggagawa ay nagsimula sa bawat gilid ng bundok at nagtagpo sa gitna, 0.3 metro lamang ang layo sa target. Ang tunel ay bahagi ng $500-milyong proyekto na naglalakip rin ng isang 1.8-kilometrong tunel sa ilalim ng Mount Shaughnessy, limang pangunahing mga tulay, at isang 1,229-metrong viaduct. Ang proyekto ay dinisenyo upang bawasan ang grado ng Beaver Valley mula 2.2 porsiyento hanggang 1 porsiyento, at sa gayo’y hindi na mangangailangan ng mga pusher locomotives ang mga pangkargadang tren na patungong kanluran. Noong mga nakaraan kinailangan ng anim na tig-3,000 horsepower locomotives upang itulak ang mga pangkargadang tren paitaas sa Rogers Pass tungo sa Beaver Valley.
WALANG-SUNGAY NA RHINO
Bilang huling pagsisikap na pahintuin ang mga ilegal na mangangaso, ang mga pinuno ng wildlife ng Namibia ay nagsimulang lagariin ang mga sungay ng rhino upang mawalan ito ng halaga sa mga ilegal na mangangaso. Inaangkin ng mga conservationists na ito’y hindi masakit at tulad lamang ng paggupit ng kuko ng isa, dahilan sa ang mga sungay ay mga tubo lamang ng siniksik na mga buhok at walang mga nerbiyos. Samantalang ang walang-sungay na rhino ay walang laban sa mga maninila at ibang mga rhino, ang dagliang pagkilos ay lumilitaw na kinakailangan upang pahintuin ang pagpatay sa black rhino ng Aprika, isang nanganganib na uri. Wala pang isang dekada, ang black rhino ng Aprika ay umurong ang bilang mula 15,000 hanggang 3,500, ayon sa ulat ng magasinang African Wildlife. At sa Namibia, kung saan 100 rhino na lamang ang inaakalang nananatili, halos 16 ang napasakamay ng mga ilegal na mangangaso sa nakalipas na unang limang buwan ng taóng ito. Ang mga sungay ng black rhino, minamahalaga ayon umano sa mga katangian nito sa panggagamot, at kasalukuyang ipinagbibili sa internasyonal na black market sa halagang sing-mahal ng $50,000 ang isang pares.
ISANG BAGONG SOS
Ginagamit sapol ng mga panimulang araw ng telekomunikasyon, ang Morse code SOS signal ay nasa panganib na tuluyang mawala—iyan ay kung mga barko ang pag-uusapan. Simula sa 1993, ang mga barko ay lalagyan ng isang radio distress beacon na “nagpapadala ng senyal ng panganib [via satellite] sa pagkalabit ng isang buton,” ayon sa ulat ng International Herald Tribune. Nakatakdang gamiting sapilitan sa buong daigdig matapos ang 1999, ang bagong sistemang ito ay magpapahintulot sa mga coast guards na basahin sa mga terminal ng kanilang kompyuter ang pangalan ng barkong nasa panganib at ang eksaktong kinalalagyan nito. Gayumpaman, may paggamitan pa rin ang Morse code. “Nang ang lindol sa Lunsod ng Mexico noong 1985 ay maging sanhi ng pagkawala ng koryente sa maraming lugar,” sabi ng diyaryo, “ginamit ng mga amatyur na radio operators ang telegrapiya ng Morse code upang humingi ng tulong. Nakakalusot ang mga senyales ng Morse code dahil nangangailangan ang mga ito ng mas kakaunting broadcasting power upang ipahatid kaysa mga mensaheng boses, at higit na madaling linawin kung napilipit sa pagpapahatid.”
BAYAD PARA SA MGA PANALANGIN
Isang pangunahing ikinababahala ng maraming matatandang Hapones na may kakaunti o walang mga kamag-anak ay na pagkamatay nila, walang mananalangin para sa kanila o mangangalaga ng kanilang mga puntod. Ang mga templong Budista, gayumpaman, ay nagsisimulang tumugon—na may halagang kalakip. Isang templo sa Tokyo ang nag-aalok, na hanggang sa ang templo ay nakatayo, na ilalabas nito ang mga labi ng namatay sa lahat ng mga pangunahing kapistahan at aalayan ng mga panalangin ang taong namatay. Ang bayad ay ¥500,000 ($3,500, U.S.). Ang isang libingan sa kalapit na Saitama Prefecture ay gumagarantiya ng mga panalangin at pag-aalaga sa pantiyon sa loob ng 50 taon sa halagang ¥700,000 ($4,800, U.S.). Ang mga aplikasyon ay natatanggap na mula sa mga indibiduwal na nagnanais ng serbisyo ng ‘bayad para sa mga panalangin’.
KUNG IINOM O HINDI
Ang isang “normal” na pagpasok ba ng alkohol sa katawan ay naglalagay ng isang banta sa kalusugan? Oo, pag-angkin ni H. H. Kornhuber ng Hospital for Neurology ng Ulm University, Pederal na Republika ng Alemanya. Ang araw-araw na paggamit ng alkohol ay pumipinsala sa paggawa ng taba ng atay at humahantong sa labis na pagtaba. Ang iba pang mga side effects ay isang pinataas na antas ng kolesterol. Ipinakikita ng mga pagsisiyasat na “malinaw na ang hangganan—kung saan ang banta sa kalusugan ay nagsisimula—ay hindi sa pagitan ng mga kumukunsumo ng kaunting alkohol at yaong kumukunsumo ng marami kundi sa pagitan ng mga taong may katamtamang kunsumo ng alkohol at yaong mga wala,” sabi ng diyaryong Aleman na Frankfurter Allgemeine Zeitung.
MGA SULIRANING BUNGA NG CHERNOBYL
Ang pagsabog ng plantang nukleyar ng Chernobyl noong Abril 1986 ay naglabas ng mga radioactive particles sa malaking bahagi ng balat ng lupa. Ang mga henetikong pagbabago ay nagsisimula na ngayong lumitaw sa mga halaman at hayop sa sonang nadumhan sa palibot ng planta, ayon sa ulat ng International Herald Tribune. Ayon sa Tribune, ang diyaryong Sobyet na Leninskoye Znamya ay nagsasabi na di-pangkaraniwan ang laking mga puno ng pino ang tumutubo sa dakong iyon, maging ang mga poplar trees na may mga dahong 18 sentimetro ang lapad, halos tatlong beses ng kanilang karaniwang laki. Bilang karagdagan sa higit pang mga kaso ng mga kanser na dulot ng radiation sa mga tao, ikinatatakot ngayon ng mga siyentipiko na dahil sa mahabang half-life (hanggang 33 taon) ng ilang mga isotopes na lumabas sa aksidente, isang pagtaas ng mga sakit henetiko, malpormasyon, pagkalaglag, at premature na mga pagsisilang ang mararanasan sa mga darating na salinlahi.
NAKAMAMATAY NA MGA TOOTHPICK
Sa bawat taon sa Estados Unidos, isang katamtaman ng 8,176 na pinsalang dulot ng toothpick ang iniulat, sabi ng The New York Post. Bilang halimbawa, binanggit ng diyaryo ang kaso ng isang 28-anyos na lalaki na napatay ng isa. Siya ay sumangguni ng paggamot para sa lagnat, paggiginaw, at pagdurugo. Nagsagawa ng biglaang operasyon ang mga doktor at natuklasan na binutas ng isang toothpick ang isang ugat sa tiyan. Nalunok ng pasyente ang toothpick anim na buwan na ang nakararaan at nakalimutan ito. Ang mga nalunok na toothpick ay naging sanhi ng mga kamatayan dulot ng pagpigil ng hininga at pagkabutas ng mga bituka ng pasyente, o kolon. Idinidiin ng mga doktor “ang pangangailangan ng sapat at madaliang paggamot sa harap ng gayong mga pagkalunok.”
MGA DUMI SA KALAWAKAN
Mula nang ang unang satelayt na Sobyet, ang Sputnik, ay ipadala sa kalawakan noong Oktubre 4, 1957, isang kabuuan na 19,287 mga gawang-taong mga bagay ang nasubaybayan sa mga orbita, pangunahin na’y sa palibot ng planetang lupa. Ang NASA (National Aeronautics and Space Administration) ay nag-ulat na hanggang noong Hunyo 30, 1988, mayroon pang 7,184 na natitira. Ang karamihan sa mga bagay na ito ay mga dumi mula sa sumabog na mga rocket. Gayumpaman, ang magasing Britanong Spaceflight News ay nag-uulat na samantalang mayroong 1,777 mga payloads na lumiligid sa kalawakan, 5 porsiyento lamang sa mga ito ang patuloy na gumagana.
HUMIHINANG IMPLUWENSIYA
Nang ang isang kamakailang Gallup poll ay nag-surbey sa mga estudyante sa kolehiyo sa E.U., halos 80 porsiyento ang nagsabi na ang relihiyon ay gumaganap ng isang mahalagang bahagi sa kanilang buhay, subalit 69 na porsiyento ang nagsasabing hindi masama ang pagtatalik bago ang kasal. Ayon sa The Atlantic Journal and Consitution, isang patnugot ng Christian Broadcasting Network, na nag-utos ng surbey, ang nagsabi: “Kami’y nasiraan ng loob na malamang bagama’t naniniwala sila sa Diyos, ang kanilang pananampalataya ay tila walang gaanong epekto sa kanilang personal na mga buhay at ugali, sa kanilang mga pangmalas at paggawi sa sekso.”
BENTA NG MGA ARMAS
Ang Estados Unidos at ang Unyong Sobyet ay magkatunggali: Sino ang makapagbibili ng pinakaramaming armas sa umuunlad na mga bansa? Ang mga benta ng Amerika ay tumaas ng 66 porsiyento noong 1988 tungo sa $9.2 libong milyon—halos kapantay ng antas ng Sobyet na $9.9 libong milyon—isang 47-porsiyentong pagbaba mula sa parehong yugto. Magkasama, sila ang nakagawa ng halos dalawang-katlo ng lahat ng benta ng mga armas sa umuunlad na mga bansa. Sumusunod ang Pransiya at Tsina, kapuwa naghahatid ng halos $3.1 libong milyong halaga ng mga armas sa umuunlad na mga bansa noong nakaraang taon. Ang Gitnang Silangan ay ang pinakamalaking mamimili. Dalawang-katlo ng lahat na mga sandatang ipinagbili sa nakaraang huling apat na taon ay inihatid doon.