Ang Maputlang Kabayo ay Kumakaskas
SI propeta Juan ay kinasihan ng Diyos na humula tungkol sa isang panahon na kung saan ang mga epidemya ng mga sakit ay kakalat sa buong lupa tulad ng isang kumakaskas na maputlang kabayong ang nakasakay ay kamatayan. (Apocalipsis 6:8) Ang nakapangingilabot na paglaganap ng AIDS ay patotoong tayo’y namumuhay na sa panahong iyon. Sa katunayan, ang mga opisyal sa kalusugan sa siyudad ng New York ay naglalarawan sa lumalagong pagdami ng AIDS bilang “ang epidemyang darating.”
Sa Thailand, 70 sa 73 mga lalawigan ang ngayo’y mayroon nang AIDS virus. Noong 1987 1 porsiyento lamang ng mga nag-aabuso sa droga sa Bangkok ang may AIDS; nang kalagitnaan ng 1989 mahigit na 40 porsiyento ang mayroon nito. Inaasahan ng Brazil ang 75,000 narikonising mga kaso ng AIDS sa tatlong taon, at ang 1.5 milyong iba pang mga nahawa. Sa 1,200 blood bank ng Brazil, 20 porsiyento lamang ang nakapag-screen ng kanilang mga suplay ng dugo noong 1988, at 14 porsiyento ng mga maysakit ng AIDS ang nakuha ang kanilang sakit mula sa nadungisang dugo. Sa Rio de Janeiro at Sao Paulo, mga 75 porsiyento ng mga hemophiliac ang nahawahan. Sa Cote d’Ivoire, hanggang 10 porsiyento ng mga babaeng buntis at 10 porsiyento ng mga nagbibigay ng dugo ang may AIDS.
Isang Amerikanong opisyal ng panggagamot sa isang 87-bansang pagpupulong sa AIDS ang nagsabi: “Ang epidemya ng HIV (ang virus ng AIDS) impeksiyon ay wala sa kontrol sa Estados Unidos at sa daigdig.” Ang mga U.S. Centers for Disease Control ay tumataya na sa 1998 isang milyong Amerikano ang magkakaroon ng full-blown disease, at mas marami pa ang magkakaroon ng virus. Ang mga pagtaya sa bilang ng mga nagtataglay na ng virus ay binago kamakailan upang itaas nang husto. Sa lunsod ng Nuweba York, ang AIDS ang sa ngayo’y ikatlong nangungunang sanhi ng kamatayan, nalampasan lamang ng sakit sa puso at kanser.
Ang mga blood bank ay inihabla sa pagbibigay ng mga dugong nadungisan ng AIDS para sa pagsasalin. Ang ilan ay inutusang magbigay ng mga bayad-pinsala. Sila ay maaaring mapaharap pa sa maraming mga asunto. Ganito ang hinanakit ng chief counsel para sa American Association of Blood Banks: “Ano ang inilalaan ng kinabukasan? Hindi ko alam. Ang pinakapangit na tanawin ay ang mga blood centers ay mawawala na sa pag-iral.”
Malapit na, tunay na magkakaroon ng wakas sa lahat ng mga blood bank dahil tayo’y nalalapit na sa panahong makakakita ng isang daigdig na walang AIDS, isang daigdig na walang mga pagamutan, sakit, o kamatayan. Si Juan, na naglarawan sa pagkaskas ng maputlang kabayo, ay nag-ulat rin ng pangako ng Diyos ng “isang bagong lupa,” isang lipunan ng tao na pinalaya sa parusa ng sakit. (Apocalipsis 21:3-4) Apurahang suriin ang pangakong iyan ngayon, sapagkat sa kasalukuyan ang maputlang kabayo ay kumakaskas.