Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 12/22 p. 10-12
  • Sumasamba Ka ba sa Isang Buháy na Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sumasamba Ka ba sa Isang Buháy na Diyos?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sino ang Iyong Sasambahin?
  • Tapat sa Isang Taong-Diyos—Bakit?
    Gumising!—1989
  • Sino ang “Tanging Tunay na Diyos”?
    Gumising!—2005
  • Ang Diyos—Sino Siya?
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Papaano Nabuo ang Doktrina ng Trinidad?
    Dapat Ba Kayong Maniwala sa Trinidad?
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 12/22 p. 10-12

Sumasamba Ka ba sa Isang Buháy na Diyos?

BAGAMAT isinilang si Tadashi Ishiguro pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II​—pagkatapos ng makasaysayang pagtanggi ng emperador sa kaniyang pagkadiyos​—siya’y naniwala pa ring ang emperador ay isang diyos. “Hindi niya dapat itinakuwil ang kaniyang pagka-diyos,” sabi ni Tadashi.

Gayumpaman, ang kaniyang kapatid ay nangatuwiran tungkol sa bagay na ito: ‘Ang emperador, gaya rin ng ibang tao, ay tumatanda at nagkakasakit. Hindi niya maiiwasan ang hantungan ng lahat ng tao: kamatayan. Hindi niya maililigtas ang kaniyang sarili, at maging ang iba pang tao.’ Pagkatapos ng gayong pag-uusap, kung saan tinukoy ng kaniyang kapatid ang Bibliya, nagpasiya si Tadashi na gumawa ng isang pagsusuri sa kaniyang mga paniniwala.​—Eclesiastes 3:19; Roma 5:12.

Nang dakong huli, kaniyang nakita ang pagiging pantas ng kautusan ng Bibliya: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao.” Bakit huwag? Sapagkat, gaya ng sinasabi ng Bibliya, “na sa [kaniya] walang pagliligtas. Ang hininga niya ay pumapanaw, nanunumbalik siya sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding iyon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.” (Awit 146:3, 4) Totoo, ang paglalagak ng tiwala sa mga taong mortal bilang mga diyos ay hahantong lamang sa pagkabigo, marahil ay sa kapahamakan pa nga!

Pinaniniwalaan na ang kapuluang Hapones ay nalikha sa pamamagitan ng mga patak ng tubig na tumulo mula sa sibat ni Izanagi, ang ama ng diyosa ng araw na si Amaterasu Omikami. Subalit ang ganiyang paniniwala ay walang tunay na saligan. Ano, kung gayon, ang tungkol sa paniniwalang ang emperador na Hapones ay isang taong inapo ng diyosang ito at kung magkagayo’y banal? Hindi ba’t isa rin itong walang-saligang alamat? Sapagkat sila’y nagsisamba sa hindi nila tunay na kilala, libu-libong mga Hapones ang naghandog ng kanilang buhay para sa isa na hindi nakatulong sa kanila. Napakalungkot!

Bunga ng kaniyang pakikipag-usap sa kaniyang kapatid, naging maliwanag kay Tadashi na ang ating magandang lupa, maging ang buhay na naririto, ay gawa ng isang makapangyarihan at maibiging Maylikha. (Hebreo 3:4) Sang-ayon sa Bibliya, ang tunay na Diyos ay “mula sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda.” (Awit 90:2) Siya ay nabubuhay magpakailanman. Hindi siya natatakdaan sa isang haba ng buhay na 70 o 80 taon, ni umaasa man siya sa payo ng mga tagapayo.​—Awit 90:10; Roma 11:34.

Sa halip, sinasabi ng Bibliya tungkol sa Maylikha: “Kaniyang ginagawa ang ayon sa kanyang kalooban sa hukbo ng langit at sa mga nananahan sa lupa. At walang makahahadlang sa kaniyang kamay o makapagsasabi sa kaniya, ‘Ano ba ang ginagawa mo na?’” (Daniel 4:35) Anong laking pagkakaiba sa mga tao na maaaring itinuturing na mga diyos subalit hindi magawa maging ang kanilang sariling kalooban!

Sa pag-aaral ni Tadashi ng Bibliya, ang kaniyang pananampalataya sa Diyos na kumasi dito ay lumago. Ang Isang ito ay hindi isang diyos sa alamat lamang. Sa halip, siya ay isang tunay, di-nakikitang Persona. Sa Bibliya, na kinasihan ng Diyos na isulat ng mga tao, sinasabi niya sa atin na ang kaniyang pangalan ay Jehova. (Awit 83:18) Kaniya ring sinasabi sa atin kung ano ang kaniyang nagawa, kung ano ang nilalayon niyang gawin, at kung paano siya dapat sambahin. Subalit, paano ka makatitiyak na si Jehova ay isang buháy na Diyos upang ang iyong tiwala sa kaniya ay hindi mawalan ng kabuluhan?

Bueno, sa pagpapahayag ng kaniyang kahigitan sa lahat ng iba pa, sinabi ni Jehova: “Ako ang Isang Banal at wala nang ibang Diyos, ni sinumang gaya ko; ang Isa na nagpapahayag ng magiging wakas magbuhat sa pasimula, at mula noong unang panahon ng mga bagay na hindi pa nangyayari; ang Isang nagsasabi, ‘Ang aking sariling payo ay tatayo, at gagawin ko ang aking buong kaluguran.’”​—Isaias 46:9, 10.

Kung gayon, ang kaniyang pagka-Diyos ay pinatutunayan ng kaniyang kakayahang ihula ang hinaharap at tiyakin na ang kaniyang sariling kalooban ay matupad. Siya ay may kakayahang ipagsanggalang at iligtas ang kaniyang mga lingkod, di-tulad ng mga tao na sinasamba bilang mga diyos subalit sila pa ang kailangang ipagsanggalang ng kanilang mga sakop. Kaya, sa katagalan, sumamba si Tadashi sa Diyos ng Bibliya, sumama sa kaniyang kapatid sa paglilingkod kay Jehovang Diyos bilang isa sa Kaniyang mga Saksi.

Sino ang Iyong Sasambahin?

Maraming mga diyos na sinasamba sa ngayon, lakip na ang mga tao na sinasabi ng mga tao na may taglay na banal na mga kapangyarihan. Sinasabi ng Bibliya: “May mga tinatawag na mga ‘diyos,’ maging sa langit o maging sa lupa.” (1 Corinto 8:5) Sa sinaunang Griyegong lunsod ng Atenas, bilang halimbawa, may isang dambanang itinayo kung saan nakasulat: “Sa isang Diyos na Di-Kilala.” (Gawa 17:23) Kaya ang mga taga-Atenas ay kabilang sa mga sumamba sa kanilang inaming hindi talaga nila kilala.

May posibilidad kung gayon na tayo ay maaaring kasangkot sa pagsamba sa hindi natin nakikilala. Milyun-milyong mga Hapones ang naging kasangkot sa gayong pagsamba, nalinlang ng mga huwad na ministro na nagpalaganap ng paniniwalang ang emperador ay may pagka-diyos. Maging ang emperador ay kasangkot sa panlilinlang. Kaya matuto sa aral: Ang bagay na ang ating mga magulang ay naniwala sa isang bagay o na ang mga ministro ay nagsasabing totoo ang isang bagay ay hindi sa ganang sarili nagpapaging gayon. Kailangan nating gumawa ng pagsisiyasat upang matiyak na atin ngang nakikilala ang ating sinasamba.

Ang sinaunang mga taga-Atenas, o ang mga Hapones na nabuhay bago maganap ang Digmaang Pandaigdig II, ay malayo sa pagiging tanging nagsisamba sa hindi nila kilala. Maging sa ngayon milyun-milyong mga tao sa Sangkakristiyanuhan ang sumasamba sa isang Trinidad. Kung ikaw ay isa sa gayong tao, tanungin ang iyong sarili: Talaga bang kilala ko ang Diyos na aking sinasamba? Ano ang kaniyang pangalan? Paano magkakaroon ng tatlong persona sa iisang Diyos? Ano ang pinagmulan ng aking paniniwala?

Ang mga sumasampalataya sa Trinidad ay marahil nag-iisip na itinuro ito ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga alagad at na ito ay isang turo ng Bibliya. Subalit ito ay hindi. Ang New Catholic Encyclopedia ay umaamin: “Ang pormulang ‘isang Diyos sa tatlong Persona’ ay hindi matibay ang saligan, tiyak na hindi ito bahagi ng Kristiyanong pamumuhay at ng pag-aangkin nito ng pananampalataya, bago ang dulo ng ika-4 na siglo [daan-daang taon makalipas nang si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay nasa lupa]. . . . Sa mga Paring Apostoliko, wala kahit ng gayong kalayong mentalidad o kaisipan.”

Sa kabilang dako, daan-daang taon bago si Jesu-Kristo ay nagtungo sa lupa bilang isang tao, ang turo ng trinidad ay malalim na nakaugat sa mga bayang salig sa alamat ang mga relihiyon. Bilang halimbawa, ang mga sinaunang Ehipsiyo ay sumamba sa trinidad ni Osiris, Isis (ang kaniyang asawang-babae), at Horus (ang kaniyang anak na lalaki). At ang mga Hindu, kahit hanggang sa mga araw na ito, ay sumasamba sa isang trinidad na binubuo ng tatlong-ulong Trimurti ni Brahma, Vishnu, at Siva.

Kaya sa halip na basta na lamang sumunod at sumamba ayon sa paraan ng mga nasa palibot mo, suriin upang matiyak na kilala mo nga ang iyong sinasamba. Ang mga taga-Atenas, na sumasamba sa hindi nila talagang kilala, ay sinabihan na ang Diyos “ay hindi malayo sa bawat isa sa atin,” at na maaari siyang masumpungan ng sinumang naghahanap sa kanya. Tayo’y makatitiyak, kung gayon, na kung tayo’y gagawa ng isang taimtim na pagsasaliksik sa tunay, buháy na Diyos, atin siyang masusumpungan.​—Gawa 17:27.

[Larawan sa pahina 10]

Ipinasiya ni Tadashi na gumawa ng pagsusuri sa kaniyang mga paniniwala

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share