Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Sina Inay at Itay ay Di-Nakapag-aral—Paano Ko Sila Maigagalang?
SI Thomas Edison ay kilala sa buong mundo bilang imbentor ng bombilyang de-koryente. Si Henry Ford ay tanyag rin sa buong daigdig dahil sa pagpapakilala niya ng mga pamamaraan ng mass-production sa mga pabrikante. Subalit alam mo bang kapuwa sina Henry Ford at Thomas Edison ay mayroon lamang kaunting pormal na edukasyon?
Sina apostol Pedro at Juan ay mga haligi ng sinaunang Kristiyanong kongregasyon. Kapuwa sila matatapang at mahuhusay na tagapagsalita ng katotohanan. Ngunit, sila’y sinasabing “mga taong walang-pinag-aralan at pangkaraniwan” kung tungkol sa sekular na pinag-aralan.—Gawa 4:13.
Oo, sa buong kasaysayan nagkaroon ng mga lalaki’t mga babaeng nakagawa ng dakilang mga bagay sa kabila ng kaunting pormal na edukasyon. At walang makatuwirang tao ang magkakait ng paggalang sa kanila dahil sa bagay na iyan. Maliwanag, mas mahalaga ang nagagawa at ang karangalan ng isang tao kaysa pormal na edukasyon.
Hindi ibig sabihin na ang pormal na edukasyon ay hindi mahalaga o na ang pagiging iliterado, hindi makabasa’t makasulat, ay hindi isang kapansanan. Sa maraming mga lupain, ang isang taong walang diploma sa paaralang sekondarya ay may malaking hirap sa paghahanap ng trabaho. Ang isang hindi makabasa ay hindi makapakinabang sa malawak na imbakan ng kaalamang nasa mga aklat at mga magasin. Ang isang taong hindi makasulat ay maaaring mapahiya kung hilingan na isulat ang kaniyang pangalan o punuan ang mga blangko ng isang porma.
Ano, kung gayon, kung di-nakapag-aral ang mga magulang ng isa? Sa Aprika at sa ibang bahagi ng umuunlad na daigdig, karaniwang ang mga kabataang nakapag-aral ay may mga magulang na hindi makabasa o makasulat. At maging sa mga industriyalisadong lupain, ang ilang mga kabataan ay may mga edukasyonal na bentahang hindi tinamasa ng kanilang mga magulang. Sa paanuman, kung totoo ito sa kaso mo, ano ang damdamin mo para sa iyong mga magulang? Ikinahihiya mo ba ang kanilang kawalan ng pinag-aralan? O, masama pa, minsan ba’y nadarama mong sila’y ignorante at hindi karapat-dapat na igalang?
Kung Bakit Angkop ang Paggalang
Kung ang ganiyang mga damdamin ay nararanasan mo sa pana-panahon, makatutulong kung magmumuni-muni ka sa bagay na kahilingan ng Diyos na igalang mo ang iyong mga magulang. Iniuutos ng Efeso 6:2, 3: “‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina’; na siyang unang utos na may pangako: ‘Upang mapabuti ka at mabuhay ka nang matagal sa lupa.’” Binibigyang-kahulugan ng isang diksyunaryo ang pagpapakita ng paggalang bilang ‘pakikitungo sa kanila ng may paggalang.’ Pansinin din, na ang iyong panghinaharap na pag-asa sa buhay ay nakasalalay sa pagpapakita mo ng paggalang sa iyong mga magulang. Ang kawalang-galang sa kanila ay katumbas ng kawalang-galang sa Diyos.
Sabihin pa, ikaw ay may utang sa iyong mga magulang dahil sa bigay na buhay sa iyo. Sa buong kaya nila pinaglaanan ka nila ng pagkain, pananamit, at tirahan—isang mahirap na gawain sa maraming umuunlad na mga lupain—at tiyak na gagawin nila ito hanggang sa mga taon pang darating. Walang katumbas na halaga ang panahon, maingat na pangangalaga, at maibiging patnubay ng iyong mga magulang. Dapat ba silang hamakin dahil hindi sila gaanong nakapag-aral? Nakapag-aral man o di-nakapag-aral, sila ay iyong mga magulang.
Alalahanin, rin, na ang iyong mga magulang ang tumangkilik sa iyo sa anumang pormal na edukasyong natamo mo, kadalasa’y isang malaking pagsasakripisyo sa ganang kanila. Hindi ba pinupukaw kang pahalagahan iyan?
Ang Edukasyong Taglay ng mga Magulang
Ang totoo, ang iyong mga magulang ay marahil mas may pinag-aralan kaysa iyo. Ang pormal na pag-aaral ay naglalaan ng malawak na saligan na maaaring pagtibayin ng isang tao sa kaniyang buong buhay. Subalit hindi itinuturo niyan sa iyo ang lahat na dapat mong malaman sa buhay.
Ang isang pangkaraniwang kasabihan sa Ghana ay: “Ang isang adulto ay nakaranas maging bata, subalit ang isang bata ay hindi pa nakararanas maging isang adulto.” Ang iyong mga magulang ay may isang bagay na hindi mo makukuha sa isang aklat: karanasan sa pamumuhay. Nasubukan mo na bang maghanapbuhay, magbayad ng mga bayarin, mag-alaga ng maliliit na bata, o mamanihala sa isang sambahayan? Ang iyong mga magulang ay nakabuo na ng mga taon ng karanasan sa mga bagay na ito.
Ipinakikita pa nang higit ng Bibliya sa Hebreo 5:14 na ang pang-unawa ng isa “ay nasanay na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama,” hindi lamang sa pamamagitan ng pagbabasa at pag-aaral, kundi “sa pamamagitan ng kagagamit”! Ang iyong mga magulang kung gayon ay nasa kalagayan na bigyan ka ng moral na patnubay, na magturo sa iyo ng mga bagay na dapat pahalagahan. Lalung-lalo na kung ang iyong mga magulang ay may-takot sa Diyos.
Kapansin-pansin, sa karanasan, ang kalamangan sa iyo ng iyong mga magulang ay hindi nababawasan kahit ikaw ay may-gulang na upang manihala ng iyong sariling sambahayan! Sinasabi ng Kawikaan 23:22: “Dinggin mo ang iyong ama na nagpangyaring maisilang ka, at huwag mong hamakin ang iyong ina dahil lamang sa siya’y matanda na.” Ang payong ito’y pinatutungkol, hindi sa mga bata, kundi sa mga adultong may matatandang mga magulang. Oo, kahit ang isa’y isa nang adulto, pantas ang makinig sa mga magulang niya, iginagalang ang kanilang pagkapantas na nakamit sa pamamagitan ng karanasan. Ang mga magulang ay maaaring di-nakapag-aral, subalit hindi nangangahulugang ang kanilang payo ay walang halaga.
Di-Nakapag-aral Ngunit Matagumpay
Ang tunay-na-buhay na mga karanasan ng mga kabataang pinalaki ng mga magulang na di-nakapag-aral ay naglalarawan ng katotohanan na binanggit sa itaas. Si Kwabena, isang kabataang taga-Ghana, ay nagsabi tungkol sa kaniyang ina na di-nakapag-aral: “Siya’y isang mahigpit na disiplinaryan. Ako’y lalong nagmamahal sa kaniya, dahil sa pagpapahalaga sa mga ugaling itinuro niya sa akin para sa aking kabutihan. Ang aking mga ate ay matatagumpay na mga asawang babae, at malaking bahagi nito ay utang namin sa aking ina.”
Sa kabilang dako, si Reginald, ay pinalaki ng kaniyang lolo na hindi rin nakapag-aral. Naaalala ni Reginald: “Ang kaniyang mga tagubilin ay maygulang at tugma-tugma, na nakatulong sa akin na balikatin ang mga seryosong pananagutan nang maaga sa buhay.”
Si Kwasi ay isa pang kabataang taga-Ghana na ang ina ay hindi nagkaroon ng pormal na edukasyon. Ito ba’y naglagay sa kaniya sa isang mabigat na disbentaha sa kaniyang anak? Hindi. Nagunita ni Kwasi: “Lagi kong hinahangaan ang aking ina dahil sa kaniyang likas na talino. Siya ay isang mangangalakal, at noong mga unang taon ko sa paaralang sekondarya, kung ako’y dapat gumawa ng mga pagkukuwenta, kailangan kong gumamit ng lapis at papel. Siya’y nagkukuwenta sa isip lamang. Kadalasan siya ang nauunang makakuha ng tamang mga sagot!”
Tulungan ang Iyong mga Magulang!
Totoo, yamang ikaw ay nakapag-aral mayroon kang ilang mga kalamangan. Subalit hindi ito dahilan upang pakitunguhan ang iyong mga magulang na parang sila’y nakabababa. Bilang isang kabataan, si Jesus ay may isang kalamangan sa kaniyang mga magulang. Siya ay sakdal. Subalit, ipinakikita ng ulat ng Bibliya na “patuloy siyang nagpasakop sa kanila.”—Lucas 2:51.
Sa liwanag nito, naisip mo na ba kung paano mo magagamit ang iyong mga kakayahan sa ikabubuti ng iyong mga magulang? Bilang halimbawa, sila ay magpapahalaga sa pagbabasa mo sa kanila ng mga sulat nila, ng diyaryo, ng Bibliya, at ng salig-sa-Bibliyang mga babasahin. Maaari silang makinabang sa paggawa mo ng sulat o kung pupunuan mo ang mga blangko ng isang porma para sa kanila.
Alalahanin, kapag si Jehovang Diyos ay tumutulong sa kaniyang bayan, “nagbibigay siya nang sagana sa lahat at walang panunumbat.” (Santiago 1:5) Sa ibang salita, hindi niya tayo pinadarama ng pagiging mangmang dahil sa pangangailangan ng kaniyang tulong. Kaya makitungo sa iyong mga magulang sa isang mahinhin, mapagbigay na paraan, at mas malamang na tanggapin nila ang iyong tulong.
Dahilan sa ang mga kakayahang bumasa at sumulat ay napakahalaga sa Kristiyanong kongregasyon, maaari mong bigyan ang iyong mga magulang ng mahinhing paghikayat na makinabang sa isinasagawang iba’t ibang mga programa sa pagtuturo. Kapansin-pansin, sa maraming mga lupaing marami ang mga di-nakapag-aral, ang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova ay madalas na ginagamit bilang sentro ng pagkatuto. Marahil isang mabait na salitang paghikayat mula sa iyo ang tangi nilang kailangan upang maganyak na makinabang mula sa iniaalok na programa ng edukasyon doon.
Sa ilang mga lupain sa Aprika, ang mga anak ay naghihintay hanggang sa kamatayan ng kanilang mga magulang at nagbibigay sa kanila ng kanilang “huling paggalang” sa pamamagitan ng paglalaan ng isang mamahaling ataul para sa kanilang libing. Mas mabuti na ipakita sa iyong mga magulang ang taimtim na paggalang ngayon habang sila ay nabubuhay! Huwag ikahiya na sila ay pinagkaitan ng ilang mga pagkakataon noong sila’y bata pa. Taglay nila ang mga katangiang higit pa sa kakulangan nila ng sekular na edukasyon. Laging magpakita ng paggalang sa kanila, sa salita at sa gawa. Maging “handang sumunod,” maging kung hindi ka sumasang-ayon sa kanila. (Santiago 3:17) Pahalagahan ang init, pag-ibig, at pagiging pantas ng iyong mga magulang, mga katangiang may higit na halaga kaysa kakayahang bumasa at sumulat.
[Larawan sa pahina 15]
Ang mga magulang ay mga saganang pinagmumulan ng payo kahit na sila ay kulang sa kakayahang bumasa’t sumulat