Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ano ang Masasabi Tungkol sa Pagmumodelo at sa Timpalak ng Kagandahan?
“NANG naglalakbay sa New York noong nakaraang taon,” naalaala ng 12-taong-gulang na si Amy, “isang lalaking namamahala ng otel ang nagsabi sa aking ina, ‘Dapat ay ipasok ninyo ang inyong anak na babae sa isang paaralan ng pagmumodelo. . . . Maganda siya.’ ”
Ilan sa may-hitsurang mga kabataan ang nagkaroon ng katulad na mga karanasan. Ang 15-anyos na si Racine ay nakatanggap ng isang tawag sa telepono mula sa lalaking sumubok na pukawin ang interes niya at ng kaniyang nakababatang kapatid na babae sa isang karera sa pagmumodelo. Isang dalagita mula sa Timog Aprika ang inanyayahang lumahok sa isang timpalak ng kagandahan. Ang mapagkakakitaang mga alok ay hindi lamang limitado sa mga kababaihan. Ang kabataang si Jonathan ay inalok ng trabaho bilang isang modelong lalaki.
Oo, sa buong mundo, ang mga kabataang lalaki’t babae at mga bata mula sa iba’t ibang edad ay kinakalap para sa mga karera ng pagmumodelo, timpalak ng kagandahan, at mga katulad nito. Sa Estados Unidos lamang, iniulat na daan-daang libong mga timpalak ng kagandahan ang idinaraos taun-taon. Ang mga nagwawagi ay tumatanggap ng libu-libong dolyar na salapi, mga gantimpala at mga libreng pag-aaral. Para sa ilan, ang pananalo sa isang timpalak sa kagandahan ay nagdulot ng mga karerang pagkakakitaan ng malaki sa tanghalan at sa pagmumodelo.
Sabi ng isang dalagita: “Sa buong buhay ko ay ginusto kong maging fashion model—magmodelo ng mga damit para sa lokal na mga magasin at mga fashion shows. Ang kabayaran ay umaabot ng mula $25 hanggang $100 bawat oras.” Subalit, iniuulat na ang ilang nangungunang mga modelo ay kumikita ng hanggang $2,500 bawat araw! Hindi kataka-taka, kung gayon, na ilang kabataang Kristiyano ay natutuksong pagkakitaan ang kanilang magagandang hitsura. Paano ka kaya tutugon kung iharap sa iyo ang gayong nakahihikayat na alok?
Ang Kagandahan ay May Kapakinabangan
Nasabi noon tungkol sa Judiong birhen na si Esther na siya ay “maganda at may marikit na anyo.” (Esther 2:7) Sa katunayan, maaari mong sabihing siya ay napasali sa isang tila baga’y timpalak ng kagandahan. Paano nga? Ang Persiyanong reynang si Vashti ay naalis sa tungkulin dahil sa hindi pagpapasakop. Upang makakuha ng karapatdapat na kapalit, pinagtipun-tipon ni Haring Ahasuero ang pinakamagagandang dalaga sa buong lupain. Sa loob ng mahigit na 12 buwan, isinaayos niya na lahat ng mga dalaga ay bigyan ng pantanging pagkain at regular na mga masahe ng mabangong langis at mira. Isa-isang sinuri ang mga babae. At nang dumating ang pagkakataon ni Esther, siya ang piniling maging bagong reyna!—Esther 1:12–2:17.
Subalit, bakit lumahok si Esther? Siya ba ay haling lamang sa paghahanap ng kaluwalhatian? Hindi, kundi si Esther ay sumunod lamang sa patnubay ni Jehova na kaniyang palagiang sinasangguni sa pamamagitan ng kaniyang maka-Diyos na pinsan at tagapag-alaga sa kaniya na si Mardocheo. (Esther 4:5-17) Isang balakyot na lalaking nagngangalang Haman ay may balak na lipulin ang bayan ng Diyos, ang bansang Israel. Ang ‘timpalak ng kagandahan’ ay nagpangyaring maniobrahin ni Jehova si Esther upang mapalagay sa isang tanyag na posisyon para mahadlangan ang gayong sabuwatan. Naging pagpapala kung gayon ang magandang hitsura ni Esther sa buong bayan ng Diyos!
Papaano naman sa ngayon? Ang hitsura ng isa ay tiyak na hindi ang pinakamahalagang bagay sa buhay.a Gayumpaman, kapag kalakip ang kahinhinan at kapakumbabaan, ang kaakit-akit na hitsura ay magiging isang puhunan. Subalit, ibig ba nitong sabihin na ang pagmumodelo o paglahok sa timpalak ng kagandahan ang siyang matalinong paraan upang gamitin ang puhunang ito? O mayroon bang mga salik na dapat isaalang-alang sa likod ng pang-akit ng katanyagan, kaluwalhatian, o kayamanan?
Sa Likod ng Kaningningan Nito
May taglay na kaningningan ang pagmumodelo. Ang mahusay na pananamit, mamahaling mga alahas, mainam na sahod, ang pagkakataong maglakbay at lumabas sa telebisyon—lahat ng ito ay nakahihikayat. Karagdagan pa, ang pagsasanay sa pagmumodelo ay nakatulong sa maraming kabataang babae at lalaki na lumakad na may bikas at magsalita ng may kompiyansa at katatagan. Ngunit sa likod ng halina, ningning at kislap ay may nakukubling tunay na mga panganib para sa isang Kristiyano.
Hindi naman sa bagay na ang pagmumodelo mismo ay masama. Ang ilang pagmumodelo ay may mabuting layunin: upang gawing higit na kaakit-akit ang isang produkto. Iyan ang isang dahilan kung bakit magagandang mga kamay ang ginagamit sa pagtatanghal ng pampakintab sa kuko sa mga magasin at mga paanunsiyo sa telebisyon. Gayundin, ang mga lalaki at babae na may magagandang-hubog ang katawan ang ginagamit sa mga pagtatanghal ng mga kasuotan. Kung ang gayong pananamit ay mahinhin, marahil hindi naman masama kung bayaran ang isang Kristiyano sa pagmumodelo nito.
Gayumpaman, may mga suliraning kaagapay ang pagmumodelo na hindi madaling iwasan. Halimbawa, paano ka kaya tutugon kung kailangan kang magsuot ng isang damit na hindi mahinhin o hindi angkop para sa mga Kristiyano? O kung ang isang ritratista ay gagamit ng tusong panggigipit upang ikaw ay tumindig sa isang nakapupukaw, mapanuksong paraan? Karagdagan pa, ang isa ay hindi nakatitiyak kung paano baga gagamitin ang mga larawang iyon. Bilang halimbawa, maaaring lumabas ang mga larawan sa isang tagpo na nagtataguyod ng kapistahan ng huwad na relihiyon o may mga bahid ng imoralidad.
Saka naroroon ang epekto ng karerang ito sa pagkatao ng isa, ang pagkakaroon ng mga negatibong pag-uugali. Ang patuluyang pagdiriin sa panlabas na hitsura ng isa sa halip na sa “lihim na pagkatao ng puso” ay nagpangyari sa ibang mga fashion model na maging labis na palalo. (1 Pedro 3:4) Ganoon din, ang pagtatrabaho na may mamahaling pananamit, alahas, at katulad nito ay maaaring magsilbing ugat ng mga materyalistikong kaisipan.—1 Timoteo 6:10.
Ang propesyon ng pagmumodelo ay bantog sa paglalantad sa isa sa mga indibiduwal, lalaki at babae, na nanghihingi ng seksuwal na mga pabor kapalit ng pag-unlad ng karera. Katulad ng puna ng isang dating fashion model: “Ang totoo ay dapat kang pumayag [sa sekso] upang may marating.” Sinasabi pa ng ilan na ang homoseksuwalidad ay palasak sa gitna ng mga modelong lalaki. Bagaman hindi ito laging totoo, maaaring higit na suliranin ito sa pagmumodelo kaysa ibang propesyon.
Mga Timpalak ng Kagandahan
Karamihan sa mga nabanggit na ay masasabi rin kung tungkol sa mga timpalak ng kagandahan. Gayumpaman, bilang karagdagan, mayroon ding panggigipit ng matinding paligsahan. Ito ay nagtutulak sa ibang mga kalahok hanggang sa puntong sadyaing isabotahe ang kapuwa mga kalahok. Ayon sa isang ulat, “ang ilang mga kalahok ay talagang desperadong manalo anupa’t kanilang dudungisan ng lipstick ang swimsuit ng kalaban o kaya’y ‘di-sinasadyang’ mamantsahan ng Coke ang panggabing damit ng mga ito.”
Gayundin, inaasahan ng mga tagapagtangkilik ng mga timpalak ng kagandahan ang walang-pasubaling pagsunod sa mga babaeng kalahok bilang kanilang mga kinatawan sa pagbebenta at relasyong-publiko. Karaniwan na, ito’y humihiling ng pakikisalamuhang sosyal hanggang madaling araw. Pinagsabihan ang isang dalaga: “Darling, ikaw ay hindi napapagod. Tandaan mo iyan. Ikaw ang unang darating sa pagtitipon at ikaw rin ang pinakahuling aalis.” Maiwasan man ang mas malubha, tiyak na malalantad ang isang kabataang Kristiyano sa hindi kaaya-ayang pakikisama at maaari pa itong humantong sa pagkakaroon ng romantikong kaugnayan sa isang di-kapananampalataya.—2 Corinto 6:14.
Sa katapus-tapusan, naroroon ang bagay na ipinagwawalang-bahala ng mga timpalak ng kagandahan ang simulain ng Bibliya sa Roma 1:25, na humahatol sa mga ‘nagsisisamba at nangaglilingkod sa nilalang kaysa Isa na lumalang.’ (Ihambing ang Gawa 12:21-23.) Sa saligang ito lamang, makabubuting tanggihan ng isang Kristiyanong kabataan ang paglahok sa timpalak ng kagandahan kahit na yaon ay ginagawa lamang sa paaralan.
Tunay na Kagandahan
Kinailangang timbangin ng mga kabataang nabanggit kanina ang mga bagay na ito sa paggawa ng kanilang mga pagpapasiya. Bagaman ang pagtatrabaho bilang modelo ay hindi naman mali sa ganang sarili, ipinasiya nina Amy at Racine na huwag nang pasukin iyon. Tinanggihan din naman ni Jonathan ang trabaho bilang lalaking modelo at sa kasalukuyan siya’y naglilingkod sa pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, na itinataguyod ang karera ng buong panahong ministeryo. Subalit isang kaakit-akit na dalaga ang sumali at nagwagi sa dalawang timpalak sa kagandahan. Sa ngayon, siya’y hindi na dumadalo sa Kristiyanong mga pagpupulong. Totoo nga ang kasabihang: “Yaong kapansin-pansin at maganda ay hindi laging mabuti; subalit yaong mabuti ay laging maganda.”
Muli tayong pinaalalahan tungkol kay Esther. Dahil sa kaniyang pisikal na kagandahan, siya ay napabilang sa hanay ng mga pinagpipilian ng hari upang maging asawa. Subalit ang kaniyang kahinhinan, pagpapasakop, pagtalima, at di-kasakiman, ang siyang gumawa sa kaniyang tunay na maganda. (Esther 2:13, 15-17) Kaniyang ikinapit ang mga salita ni Pedro: “Huwag sa labas ang inyong paggayak na gaya ng pagpapahiyas ng buhok at pagsusuot ng mga hiyas na ginto o pagbibihis ng maringal na damit, kundi ang lihim na pagkatao ng puso na may damit na walang kasiraan ng espiritung maamo at payapa, na may malaking halaga sa paningin ng Diyos.” (1 Pedro 3:3, 4) Sa paglipas ng panahon, ang paglilinang ng ganitong mga katangiang Kristiyano ay makapupong higit ang idudulot na pakinabang kaysa panandaliang kabutihang dulot ng panlabas na kagandahan.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Gaano Kahalaga ang Hitsura?” na lumabas sa Hunyo 8, 1986 na labas ng Gumising!
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang mga katangiang Kristiyano ay makapupong higit ang pakinabang kaysa panandaliang kabutihang dulot ng panlabas na kagandahan