Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 1/22 p. 16-17
  • Sa Paningin ng Isang Bata

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sa Paningin ng Isang Bata
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hindi Sila Maliliit na Adulto
  • Pasiglahin at Patnubayan Imbis na Tahasang Utusan
  • Sanayin ang Iyong Anak Mula sa Pagkasanggol
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Paano Mapoprotektahan ang Inyong mga Anak?
    Gumising!—2007
  • Sanayin ang Inyong Anak na Pagyamanin ang Maka-Diyos na Debosyon
    Gumising!—1986
  • Tulungan ang Iyong Anak na Makayanan ang Pamimighati
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 1/22 p. 16-17

Sa Paningin ng Isang Bata

KARAMIHAN sa mga magulang ay magkakasundo sa isang punto: ang matagumpay na pagpapalaki ng isang bata ay isa sa pinakamabigat na hamon na kanilang nakaharap. Di-mabilang na mga pananalita ang isinulat kung paano ito gagawin nang matagumpay. Gayumpaman, may isang paraan na madali para sa mga magulang, mga nuno, tiyahin, tiyuhin, o basta mga kaibigan lamang. Pagdating sa pag-intindi at pagsasanay sa mga bata, nasubukan mo na bang tumingin sa mga mata ng isang bata? Ano nga ba talaga ang nasa kanilang musmos na mga kaisipan?

Tandaan, ang mga bata ay maliliit na mga nilalang. Ang pagkakaroon ng ganitong pangmalas tungkol sa kanila ang tutulong sa atin upang maunawaan kung paano nila tayo minamalas. Sila’y isinisilang na maliliit sa isang daigdig ng mga taong nakahihigit sa laki, autoridad, at lakas. Sa isang batang hahakbang-hakbang, ang mga adulto ay maaaring sumagisag sa proteksiyon, kaaliwan, at tulong o maaaring isa ring nakatatakot na banta.

Hindi Sila Maliliit na Adulto

Isa pang mahalagang kabatiran ay ang maging maingat na huwag silang ituring na maliliit na adulto. Ang pagkabata ay dapat na isa sa pinakamasasayang panahon ng buhay. Hindi kailangang madaliin sila doon o pangyarihing hindi man lamang nila matikman iyon. Hayaang masiyahan sila rito. Bilang isang magulang, samantalahing ituro sa kanila ang mga simulaing asal na kinakailangan upang, sa kapanahunan, sila’y maging matatag na mga adulto.

Kapag nakikitungo sa mga sanggol, mahalaga rin na malasin ang mga bagay-bagay ayon sa paningin ng isang bata. Halimbawa, ang pag-iyak ay hindi dapat na maging isang paanyaya na mamalo ang bigong mga magulang. Ang pag-iyak o pagngunguyngoy ay isang likas na paraan upang ipahayag ng isang bagong silang na sanggol ang kaniyang mga pangangailangan. Pagkatapos lumabas ang bata sa pangangalaga ng sinapupunan ng kaniyang ina, naibubulalas nito ang kaniyang pag-iisip sa pamamagitan ng masiglang pag-iyak!

Pasiglahin at Patnubayan Imbis na Tahasang Utusan

Mabuting hikayatin ang pagsisikap ng mga bata na ipahayag ang kanilang mga sarili. Ang kanilang mga punto-de-vista ay maaaring magsiwalat ng mga problema, at ang isang problemang nauunawaang malinaw ay mas madaling lutasin. Ngunit ang paraan ng ating pagtugon sa kanilang mga sinasabi ay kasinghalaga ng paghimok sa kanila na ipahayag ang kanilang sarili. Si Wendy Schuman, ang pangalawang patnugot ng magasing Parents, ay nagpapayo kung paano natin dapat kausapin ang mga bata: “Ang pagsasalita nang may empatiya . . . ang pinakasentrong batayan ng karamihan sa ginawa kamakailan tungkol sa pakikipagtalastasan ng magulang-anak. Subalit ang empatiya lamang ay hindi sapat kung hindi ito lalakipan ng pangungusap na may empatiya. At ito’y hindi likas na namumutawi sa labi ng karamihan sa mga magulang.”

Sa ibang pananalita, kung ang anak ay walang-galang o nakagawa ng isang bagay ng nakasisindak, na nangangailangan ng pagtutuwid, pagsikapan nating mabuti na huwag ipakita ng ating saloobin at tono ng boses ang ating pagkayamot o pagkabigo. Mangyari pa, mas madali itong sabihin kaysa gawin. Ngunit tandaan, ang nakasasakit at humahamak na mga tugon, gaya ng, “Estupido” o, “Wala ka na bang magawang tama?” ay hindi kailanman mapabubuti ang dati nang mahirap na sitwasyon.

Nasumpungan ng maraming magulang na ang pagpapakita ng empatiya sa pagbibigay ng komendasyon, lalo na bago magpayo, ay nagbubunga ng positibo. Muli, narito ang pagkakataon na malasin ang mga bagay-bagay sa paningin ng isang bata. Batid ng karamihan ng mga bata kung ang ibinigay na komendasyon ay may lihim na motibo o kung ito’y hindi mula sa puso. Kung gayon, kapag nagbibigay ng komendasyon sa ating mga anak, dapat nating tiyakin na ang papuri ay tunay at karapat-dapat.

Idiniin ng kilalang sikologo ng bata na si Dr. Haim G. Ginott, sa kaniyang aklat na Between Parent and Child, na dapat papurihan ng mga magulang ang mabubuting nagawa kaysa sa personalidad. Halimbawa, kapag nayari ng inyong anak ang isang istante ng aklat at may pagmamalaking ipinakita ito sa inyo, ang iyong komentong, ‘Di lamang maganda kundi praktikal din ang istanteng iyan ng aklat,’ ay nakadaragdag sa kaniyang kompiyansa. Bakit? Sapagkat pinupuri mo ang kaniyang nagawa. Kaya, ang iyong papuri ay makatotohanan sa iyong anak. Subalit, ang pagsasabing, ‘Mahusay kang karpintero,’ ay maaaring hindi makatotohanan, sapagkat ang iyong pagdiriin ay sa kaniya bilang isang persona.

Sabi ni Dr. Ginott: “Karamihan ng mga tao ay naniniwala na pinatitibay ng papuri ang kompiyansa ng isang bata at nakadarama siya ng katiwasayan. Ang totoo, ang papuri ay maaaring magbunga ng tensiyon at masamang asal . . . Kapag sinasabi ng mga magulang sa anak, ‘Napakabait mong bata,’ maaaring hindi niya ito matanggap sapagkat ang kaniyang paglalarawan sa kaniyang sarili ay kakaiba . . . Ang papuri ay nararapat na iukol, hindi sa mga katangian ng pagkatao ng bata, kundi sa kaniyang mga pagsisikap at mga nagawa . . . May dalawang bahagi ang papuri: ang ating mga salita at ang mga hinuha ng bata. Dapat ay malinaw na ipahayag ng ating pananalita na pinahahalagahan natin ang pagsisikap, gawa, kahanga-hangang natapos, tulong, konsiderasyon ng bata.”

Ang mainam na mungkahing ito ng komendasyon ay naaayon sa kinasihang payo na maging mapagbigay, na matatagpuan sa Kawikaan 3:​27: “Huwag mong ikait ang mabuti sa kinauukulan, pagka ito’y nasa iyong kapangyarihan na gawin.”​—New International Version.

Ang totoo ay na walang shortcut sa sinasabing 20-taóng programa ng pagpapalaki ng anak na lalaki o babae gaano man kahusay o kapantas ang payo na ating mabasa. Ito ay nangangailangan ng pagtitiyaga, pag-ibig, pag-unawa at konsiderasyon. Ngunit ang pinakamalaking tulong upang magtagumpay ay ang matutong masdan at unawain ang ikinikilos ng inyong anak “sa paningin ng isang bata.”

“Ang pantas na anak ay nagpapasaya sa ama,” ang sulat ng pantas na Haring Solomon. (Kawikaan 10:1) Harinawang ang mas mabuting pag-unawa sa paraan ng pag-iisip at pananaw ng inyong anak ay makatulong sa inyo sa pagkakamit ng ganito ring kasiya-siyang karanasan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share