Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 1/22 p. 22-24
  • Ano ang Nangyayari sa Aking Katawan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Nangyayari sa Aking Katawan?
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kimika ng Kasibulanggulang
  • Ang mga Pagbabagong Nararanasan ng mga Batang Babae
  • Ang Mga Pagbabagong Nararanasan ng mga Batang Lalaki
  • Ang Pinakamahalagang Paglaki
  • Paano Ko Haharapin ang Pagbibinata o Pagdadalaga?
    Tanong ng mga Kabataan
  • ‘Ano ang Nangyayari sa Akin?’
    Gumising!—2004
  • Ano’ng Nangyayari sa Aking Katawan?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Tulungan ang Anak sa Kaniyang Pagbibinata o Pagdadalaga
    Gumising!—2016
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 1/22 p. 22-24

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Ano ang Nangyayari sa Aking Katawan?

KAMANGHA-MANGHANG mga pagbabago ang nangyayari sa iyong katawan.

Gayunman, sa ngayon, ito ay waring hindi kamangha-mangha. Maaaring ika’y nalilito, napapahiya, o nangangamba pa nga sa nangyayari sa iyo. “Sadyang hindi pa lamang ako handa,” sabi ng isang batang babae. “Naisip ko, Oh, hindi, hindi ko pa nais na mangyari ito sa akin ngayon.” Ang sabi ng isang batang lalaki: “Hindi ko alam kung ako ay kakaiba o normal. Ako ay 13 pa lamang at ang mga pagbabago ay nangyayari na sa aking katawan . . . Kakaibang-kakaiba ang pakiramdam ko at minsan ay parang nag-iisa at totoong takot ako na mapagtawanan.”

Nauunawaan naman kung gayundin ang nadarama mo. Nararanasan mo kung ano ang inilalarawan ng isang tin-edyer na babae na ang panahon na ang kaniyang “katawan ay nagsimulang mabaliw.” Ngunit kung ano ang tila “baliw” sa kasalukuyan ay sa katunayan isang maayos na pamamaraan na nagbabago sa iyo mula sa pagiging bata tungo sa pagiging adulto. Ito ang tinatawag na kasibulanggulang. At sa kabila ng nakatatakot na tunog ng pangalang ito, ang kasibulanggulang ay hindi isang sakit, o na ikaw pa lamang ang nakaranas nito. Naranasan na rin ito ng iyong ina’t ama. Ang iyong mga kaeskuwela at ibang mga kaibigan na kasing-gulang mo ay maaaring nagdaan na rin dito. At huwag kang mabahala, maliligtasan mo ito.

Ngunit ano nga ba ang kakaibang pagbabagong ito na nangyayari sa iyong katawan?

Ang Kimika ng Kasibulanggulang

Binabanggit ng Bibliya na mga ilang panahon pagkatapos na siya ay naging 12 taóng gulang, “Si Jesus ay sumulong . . . sa pisikal na paglaki.” (Lucas 2:52) Oo, maging si Jesu-Kristo man ay dumaan sa pagbibinata. Sa kasibulanggulang, mararanasan mo ang panahon ng pisikal na paglaki at pagsulong. Gayunman, kung ano ang nagpapangyari ng pagsulong na ito, iyan ay totoong isang hiwaga, isang himala! Ipinaaalala sa atin nito ang talinhaga ni Jesus kung saan binanggit niya ang isang lalaking nagtanim ng isang butil. Sabi ni Jesus: “Sumisibol at lumalaki ang binhi nang hindi niya nalalaman kung paano.” (Marcos 4:27) Kahawig din nito, ang mga doktor ay makapagbibigay sa atin ng pahapyaw lamang na balangkas ng kung ano ang nangyayari tuwing kasibulanggulang.

Sa pagitan ng edad 9 at 16, ikaw ay nagsisimula sa kasibulanggulang. (Ang edad ay hindi pare-pareho sa bawat tao, at kadalasan ay mas maaga ng isa o dalawang taon ang mga babae.) Sinisimulan ng iyong utak ang nakagigitlang kawing-kawing na reaksiyon sa pamamagitan ng paggising sa isang maliit na glandula sa bandang itaas ng iyong bibig na tinatawag na pituitary gland. Ang pituitary ay tumutugon sa pamamagitan ng paggawa ng kimikal na mga mensahero na tinatawag na hormones. Ito’y lumalangoy sa iyong daluyan ng dugo at nagbibigay-hudyat sa iyong mga sangkap sa pag-aanak na gumawa ng iba pang mga hormone. Pangunahin nang ginagawa ng testikulo ng lalaki ang mga panlalaking hormone, gaya ng testosterone; ang mga obaryo ng babae, mga hormone na pambabae, gaya ng estrogen.

Sa kabilang dako, ang mga hormones na ito ang naghuhudyat sa iba pang mga glandula at mga sangkap na baguhin ang iyong hitsura.

Ang mga Pagbabagong Nararanasan ng mga Batang Babae

Kung ikaw ay isang batang babae, ang unang bagay na maaari mong mapansin ay ang unti-unting paglaki ng iyong dibdib. Pinasisigla ng iyong hormones ang iyong mammary glands na lumaki. (Ang mga glandulang ito na gumagawa-ng-gatas ang nagbibigay sa mga ina ng kakayahang pakanin ang kanilang mga sanggol.) Pinasisigla rin ng iyong hormones ang paggawa ng taba, na nagbibigay ng anyo sa iyong dibdib. Magkakaroon din ng taba sa iyong balakang, hita at pigi. Ikaw ay tataba at maaaring maranasan mo ang biglang paglaki.

Bagaman pinananabikan ng karamihan sa mga babae ang mga pagbabagong pisikal na ito, hindi ito pinananabikan ng lahat ng mga babae. Halimbawa, ang balahibo sa iyong mga braso, binti, at kilikili ay maaaring lumago at tumingkad pa. At, sa ibang lupain, ang gayong balahibo sa katawan ay maaaring ituring na alangan sa babae o hindi uso. Bagaman hindi uso, ito ay mabuting palatandaan na ika’y nagdadalaga.

Isa pang di-kasiya-siyang pagbabago ay ang dagdag na gawain ng iyong mga glandula ng pawis​—ika’y pagpapawisan ng higit pa. Maaaring mapahiya ka dahil sa kasamang amoy. Ngunit kung dadalasan mo ang paligo at mananamit ka ng malinis, bihira ang problema ng malubhang anghit. Ang ilang kabataan ay gumagamit pa ng deodorant bilang karagdagang proteksiyon laban sa di-kanais-nais na amoy.

Ang isa pang napakapersonal na pagsulong ay nagsasangkot sa paglago ng balahibo sa paligid ng iyong sangkap ng sekso. Ito ang tinatawag na pubic hair. Kung ikaw ay hindi pa patiunang nasabihan tungkol dito, maaaring ika’y mabalisa. Ngunit ito ay sadyang normal na bagay at hindi dapat ikahiya.

Maaaring pukawin din ng kasibulanggulang ang tinatawag ng The New Teenage Body Book na “numero-unong kabalisahan [sa hitsura] sa gitna ng mga tin-edyer”​—mga problema sa balat. Ang pagbabago sa kimika ng iyong katawan ay kadalasang humahantong sa mas malangis na balat. Ang mga tagihawat at blackheads ay lumilitaw. (Ayon sa isang pagsusuri, ang acne ay suliranin ng halos 90 porsiyento ng mga kabataang sinurbey!) Mabuti na lang, ang problemang ito ay kadalasang masusupil ng mabuting pangangalaga sa balat.​—Tingnan ang artikulong “Can’t I Do Something About My Acne?” sa Pebrero 22, 1987 na labas ng Awake!

Ang Mga Pagbabagong Nararanasan ng mga Batang Lalaki

Kung ikaw ay isang batang lalaki, ang unang mga epekto ng pagbibinata ay di-gaanong halata na tulad ng sa babae. Habang ang iyong sistema ng pag-aanak ay nagsisimulang magtrabaho, ang iyong mga sangkap na panlalaki ay unti-unting lumalaki. Nagpapasimulang lumago ang balahibo sa paligid ng iyong sangkap na panlalaki. Muli, normal lamang ito.

Kasabay nito, maaaring maranasan mo ang biglang paglaki. Ang taba at kalamnan ay nadaragdag sa iyong katawan. Ikaw ay lumalaki, lamalakas at lumalapad ang iyong balikat. Ang iyong tulad-batang pangangatawan ay unti-unting nagiging mukhang mamà.

Isa pang kawili-wiling pagbabago ay ang pagtubo ng balahibo sa iyong binti, dibdib, mukha, at kilikili. Ito man ay pinasisigla ng hormone na testosterone. Sinisipi ng aklat na Changing Bodies, Changing Lives, ni Ruth Bell, ang isang kabataan na nagsabi: “Noong ako’y katorse anyos mga dalawang linggo akong nagpalibut-libot na may dumi sa itaas ng aking labi. Sinubukan kong maghilamos para matanggal iyon pero hindi ito natanggal. Pagkatapos ay talagang pinagmasdan ko iyon at nakita kong ito pala ay bigote.”

Sa isang banda, wala namang kinalaman ang dami ng iyong buhok sa katawan sa iyong pagkalalaki; ito ay isa lamang bahagi ng pagmamana. Sa ibang pananalita, kung ang iyong ama ay mayroong makapal na balahibo sa dibdib, mas malamang na ikaw rin ay magkaroon nito. Totoo rin ito sa pagkakaroon ng balbas. Gayumpaman, kadalasang sa dakong huli ng iyong pagkatin-edyer o maagang 20’s, bago mo kakailanganing mag-ahit nang palagian.

Tiyak na darating ang mga pagkakataong ika’y mapapahiya. Nasumpungan din ng mga batang lalaki na pinabibilis ng mga glandula ng pawis ang mga gawain nito. Baka kailanganing mong bigyang-pansin ang personal na kalinisan upang maiwasan ang di-kanais-nais na amoy. Maaaring maranasan mo rin ang pagkakaroon ng acne dahil sa mas malangis na balat.

Sa kalagitnaan ng iyong pagkatin-edyer, ang iyong lalagukan ay láláki; ang iyong vocal cords ay kakapal at hahaba. Bunga nito, ang iyong boses ay lálakí. Ang ilang kabataang lalaki ay makakaranas ng nakapagtatakang mabilis na pagbabago mula sa soprano tungo sa baritono. Subalit para sa iba, ang boses ay unti-unting nagbabago sa loob ng matagal na mga linggo o mga buwan. Ang malaki, malalim na tono ay nagagambala ng nakahihiyang pagpiyok. Ngunit, relaks lang. Ang iyong boses ay bubuti rin naman sa paglipas ng panahon. Pansamantala, maaari mong pagtawanan ang iyong sarili, nakababawas ito ng pagkapahiya.

Ang Pinakamahalagang Paglaki

Ang paglaki ay kamangha-mangha at nakatutuwa! Ito rin ay maaaring nakahihiya at nakatatakot. Isang bagay ang tiyak: Hindi mo puwedeng pabilisin o iantala ang paglaki. Kaya sa halip na harapin ang mga pagbabago ng kasibulanggulang na may galit at takot, mamangha ka na lamang, tanggaping magiliw ang mga ito​—taglay ang ugaling mapagpatawa. Tantuin na ang pagbibinata o pagdadalaga ay hindi ang wakas na bunga kundi isa lamang pagbabago. Kapag ang unos ng kasibulanggulang ay tapos na, ikaw ay magiging ganap na binata o dalaga!

Gayumpaman, huwag kalimutan, na sa pinakamahalagang paglaki ay kasangkot, hindi ang iyong taas, hubog o hitsura ng mukha, kundi ang iyong paglaki bilang tao​—sa isip, emosyon, at sa espirituwal. Sabi ni apostol Pablo: “Nang ako’y isang bata, nagsasalita akong gaya ng bata, nag-iisip akong gaya ng bata, nangangatuwiran akong gaya ng bata; ngunit ngayon na maganap na ang aking pagkatao, iniwan ko na ang mga ugali ng isang bata.” (1 Corinto 13:11) Hindi sapat ang magmukhang adulto. Kinakailangan na unti-unti kang matutong kumilos, magsalita, at mag-isip gaya ng isang adulto. Huwag kang labis na mabahala sa nangyayari sa iyong katawan anupa’t nakakalimutan mo nang pangalagaan ang “panloob na katauhan.”​—2 Corinto 4:​16, The Jerusalem Bible.

Gayumpaman, ang ilang aspekto ng kasibulanggulang ay maaaring maging lubhang nakababalisa. Kung paano pakikitunguhan ito ang siyang magiging paksa ng mga artikulo sa hinaharap.

[Larawan sa pahina 23]

Ang biglang paglaki ang lubhang nagpapaikli ng mga manggas

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share