Ang Pulang Manghahalina na may Masayang Awit
Ikaw ba’y ginising na ng isang pulang manghahalina na may masayang awit? Kung ikaw ay nakatira sa Hilagang Amerika, marahil iyan ang iyong maligayang paggising mula sa pagkakatulog dahil sa isa sa pinakapopular na ibong mang-aawit—ang cardinal—ay gumagawa ng pugad sa bahaging iyon ng daigdig. Itinataya ng lalaking cardinal ang kaniyang teritoryo sa pamamagitan ng isang malinaw na sipol. At talaga rin namang siya’y isang matiyaga at matagumpay na mang-aawit! “Isang lalaking cardinal ay nairekord na may 28 awit na binubuo ng iba’t ibang kombinasyon ng mga pantig,” sabi ng The International Wildlife Encyclopedia.
Ang magandang ibon na ito ay halos dalawampung centimetro ang haba, na napalalamutian ng matingkad na pulang mga balahibo na may pagkakakilanlang itim na “babero” sa palibot ng kaniyang tuka. Gayunman, ang babae ay nagagayakan ng balahibong kulay kayumanggi. Siya ay kabilang sa isa sa iilang uri na ang mga babae ay nakakaawit.
Saan ka man nakatira, sa susunod na pagkakataong makarinig ka ng masayang awit ng isang ibong mang-aawit, pasalamatan mo ang iyong makalangit na Maylikha dahil sa kaniyang kahanga-hangang karunungan at kakayahan. Ang mga ibong mang-aawit ay isa sa kaniyang mga kaloob na kulay at galak.—Awit 148:7-10.