Mga Baril—Mitsa ng Buhay
“AKALA nila,” sabi ng isang prominenteng opisyal ng pulis, “kapag iniumang nila ang baril ay makapagpapaputok na sila at kung hindi nila magawa ito, sila’y nag-aatubili, kung papaanong marami ring pulis ang nag-aatubili nang bahagyang segundo, at buhay nila ang nagiging kapalit.” Ganito pa ang obserbasyon ng isang tanyag na komisyonado sa pangmadlang kaligtasan sa E.U.: “Hindi natatalos ng marami na ang pagmamay-ari ng baril ay nangangahulugan din ng pagiging handa na humarap sa resulta ng pagpatay sa kapuwa. Kung hindi ka magpapaputok at ikaw ang mababaril ng isang kriminal, mas mapanganib pa ang may baril kaysa sa wala nito.”
Bilang panghuli, ay ito: “Konting imahinasyon lamang ang kailangan upang makumbinse tayo na lahat ng maaarteng baril na ito ay aakay sa mas marami, hindi sa mas kakaunting, problema,” sulat ng isang babaing reporter—miyembro ng pamilya na kinabibilangan ng isang pulis at isa rin mismong asintado. “Nakaharap na ba ng mga babaing bumibili ng ‘magagandang’ baril ang hitsura ng mga utak na sabug-sabog? Ang resulta ay hindi kaaya-aya. Nakakita na ba kayo ng isang taong wasak ang mukha?” O, tanong pa niya, “kaya ba ninyong asintahin ang puso?”
Gaano kabilis ninyo mabubunot ang nakatagong baril sakaling may biglang sumalakay sa inyo? Ganito ang sarili niyang karanasan: “Nang ako ay holdapin—ng isang baliw na addict na may kutsilyong pangkatay–nasa lalamunan ko na ang patalim bago ko man lamang makita o marinig ang sumalakay sa akin. Kung magbubunot pa ako ng baril, sino kaya sa aming dalawa ang unang makakapuntos?” At idinagdag pa niya: “Ni sa panaginip ay hindi ko hahangaring magdala ng baril para pananggalang sa sarili. Walang kaugnayan dito ang moralidad; ang nasasangkot ay ang pagiging praktikal.”
Isaalang-alang ang nakagigitlang mga katotohanan. Sa “napakadalang mangyaring barilan sa pagitan ng maybahay at magnanakaw, malamang na ang magnanakaw ang mas sanay humawak ng kaniyang baril at ang maybahay ang nadadala sa morge,” sabi ng magasing Time noong Pebrero 6, 1989. Anumang proteksiyon ang naibibigay ng baril laban sa krimen, mas nakakalamang pa rin ang ibang mapanirang salik. Halimbawa, nariyan ang pagpapatiwakal. Sa Estados Unidos lamang, sa loob ng 12 buwan, mahigit na 18,000 ang namatay bunga ng pagbaril sa sarili.
Imposibleng tantiyahin kung ilan dito ang udyok ng pagkabigla at naiwasan sana kung walang baril na agad madadampot sa pitaka o sa tukador. Gayunman, tiyak na dahil sa kanilang baril, ang mga biktima ay hindi nakagugol ng sapat na panahon upang mag-isip at nailigtas sana ang kanilang buhay. Sa bilang ng mga nagbabaril-sa-sarili sa E.U. ay idagdag natin ang ulat sa buong daigdig at ang kabuuan ay talagang nakagugulantang.
Noong Hulyo 17, 1989, iniulat ng magasing Time na sa unang linggo ng Mayo 1989, 464 katao ang namatay sa pagkakabaril sa Estados Unidos lamang. “Sa taon na ito mahigit na 30,000 pa ang mapaparagdag sa kanila,” sabi ng Time. Iniulat ng magasin na “mas maraming Amerikano ang namamatay sa tama ng baril bawat dalawang taon kaysa sa lahat ng namatay sa AIDS hanggang sa ngayon. Kahawig nito, ang mga baril ay kumikitil ng mas maraming Amerikano sa loob ng dalawang taon kaysa sa namatay sa buong Digmaan ng Viet Nam.”
Ang mga magulang na may-ari ng baril ay dapat managot sa kanilang mga anak na gumagamit nito sa pagpapatiwakal o pagpatay sa iba. “Sa isang paraan, ang pagtaas ng bilang ng mga batang nagpatiwakal noong 1988,” sulat ng isang pahayagan, “ay maiuugnay sa kaalwanan sa baril palibhasa parami nang paraming pamilya ang nag-iimbak ng sandata bilang pananggalang sa bahay, sabi ng pulisya. . . . Kung may baril kayo sa bahay, balang araw malamang na ito ay mapakialaman ng isang bata.” “Noong nakaraang taon [1988], mahigit na 3,000 bata ang nakabaril ng kapuwa bata,” ayon sa balita sa telebisyon sa E.U. noong Hunyo 1989.
Mga magulang, alam ba ninyo kung nasaan ang inyong mga baril? Isang magulang ang nakakaalam nito, pero nalaman din ng kaniyang sampung-taong-gulang na anak na lalaki. “Kinargahan niya ang mataas-ang-kalibreng riple sa pangangaso ng kaniyang ama,” sulat ng New York Times noong Agosto 26, 1989, “at pinatay ang isang babae na naghambog na daig siya nito sa larong video.” Bukod sa sandwich at biskuwit, alam ba ninyo kung ano pa ang nasa baunán ng inyong anak kapag pumapasok siya sa eskuwela? Maniniwala ba kayo na maaaring naroon ang inyong baril? Ano kaya ang nasa isip ng mga magulang ng isang limang-taong-gulang na nasa kindergarten nang ipagbigay-alam sa kanila ng mga guro na ang kanilang anak ay nakuhanan ng isang kargadong .25-kalibreng pistola sa loob ng mataong kapiterya, samantalang daan-daang mag-aaral ang nagkakainan ng sandwich, gatas at biskuwit?
Noon namang 1989, isang anim-na-taong gulang na nasa unang baitang ang nahuli na ipinagyayabang ang isang kargadong rebolber. Noon ding buwan na yaon isang 12-anyos ang nadakip dahil sa pagdadala ng kargadong baril sa eskuwela. Lahat ng pangyayaring ito ay naganap sa iisang distrito ng mga paaralan. Sa Florida, isang estudyante ang nadisgrasya ng kargadong baril sa kamay ng isang bata. Siya ay di-sinasadyang nabaril sa likod ng isang 11-anyos na babae habang ipinakikita nito sa kaniyang mga kaibigan ang isang baril na dala nito sa paaralan.
“Ang ating munting mga anim-na-taong gulang ay umuuwi at halos lahat ay nakakaalam na may baril sa kanilang bahay,” sabi ng isang punong-guro ng paaralan. “Marami sa kanila ang nakakita ng resulta ng isang baril,” sabi ng isang guro ng mga nasa ikatlong baitang. “Marahil isang ama, isang tiyo o isang kapatid na lalaki ay wala na sa kanilang bahay dahil sa isang baril,” sabi niya. May mga paaralan pa nga na nakatuklas ng pangangailangan na maglagay ng mga metal detector upang masamsam ang mga baril na dala ng mga napakabatang estudyante, huwag nang sabihin pa ang mga mas nakatatanda! Hindi ba dapat managot ang mga magulang sa paggawi ng kanilang mga anak, lalo na yaong mga magulang na nag-iingat ng baril sa kanilang tahanan kung saan maaaring makita ng kanilang mga anak?
Baka nagtitiwala ang mga magulang na ang kanilang baril ay nakatago sa lugar na hindi makikita ng kanilang mga anak o ng iba pa. Subalit, nakalulungkot na maraming patay na bata ang patotoo sa pagkakamali ng kanilang mga magulang. Bukod dito, isaalang-alang ang sumusunod na katotohanan. “Buweno, mamili kayo sa dalawa,” sabi ng isang hepe ng pulis. “Kung talagang itatago ninyo ang inyong baril upang huwag maaksidente ang mga inosenteng tao sa bahay, ang inyong mga anak o bisita o sino pa man, mahihirapan nga [kayong] abutin ang baril na ito para sa kagipitan na siyang dahilan kung bakit [ninyo] ito binili.”
Tinatantiya ng mga pulis na sakaling magamit man ang baril sa bahay, “anim na beses ang kalamangan ng paggamit nito sa isang miyembro ng pamilya o kaibigan kaysa sa isang masamang-loob,” sabi ng magasing Time. “Maaaring akalain ng asawang-babae o ina na may naririnig siyang magnanakaw ngunit sa bandang huli ang nabaril pala niya ay ang kaniyang asawa o anak na ginabi ng uwi,” sabi ng isang komisyonado sa pangmadlang kaligtasan. ‘Paano, kung gayon, dapat ipagtanggol ng mga tao ang kanilang tahanan? tanong sa kaniya. “Marahil ang pinakamabuting paraan ng pagsasanggalang sa sarili ay ang isapanganib ang ari-arian sa halip na ang buhay. Karamihan ng magnanakaw at masasamang-loob ay naroon upang magnakaw, hindi para pumatay. Karamihan ng napapatay ng baril sa loob ng bahay ay kagagawan ng baril ng maybahay. Kahit ano pa ang sabihin, dapat sikapin ng mga maninirahan sa lungsod na dagdagan ang proteksiyon sa pamamagitan ng pagbuo sa mga ‘tanod’ laban sa krimen.” At, bilang panghuli, ang mga may-ari ng baril ay dapat magtanong sa sarili kung handa silang pumatay ng kapuwa-tao maingatan lamang ang laman ng kanilang pitaka o portamoneda o ilang ari-arian sa bahay.
Kung matalino kayo, hindi kayo lalaban sa nagtatangka sa inyong buhay dahil sa inyong mga ari-arian. Ang buhay ay mas mahalaga kaysa mga ito.