Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 5/22 p. 15-19
  • Point Lobos—Madulang Pagtatagpo ng Lupa at ng Tubig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Point Lobos—Madulang Pagtatagpo ng Lupa at ng Tubig
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Landas
  • Ang mga Sea Otter
  • Reserbasyon sa Ilalim ng Tubig
  • Ang Balahibo ng Sea Otter
    Gumising!—2017
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2017
  • Dagat
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Dagat Asin
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 5/22 p. 15-19

Point Lobos​—Madulang Pagtatagpo ng Lupa at ng Tubig

HINDI lamang madula. Kung minsan ang pagtatagpong ito ng lupa at ng tubig sa Point Lobos ay talagang marahas! Kapag taib (high tide) at malakas ang hangin mula sa dagat, naglalakihan ang alon at tuluy-tuloy itong sumasalpok sa mabatong dalampasigan. Kasabay ng malakas na dagundong, umaabot ito sa taas na 12-15 metro sa himpapawid. Kapag nangyayari ito, ang mga turista ay nagmamadali tungo sa Sea Lion Point upang mapanood ang pambihirang palabas. Lumalapit sila sa pinakagilid ng bangin, at napapanganga sa paghanga sa bawat hampas ng alon sa bangin. Palibhasa’y tuwang-tuwa sa pagtatanghal ng puwersa samantalang tune-toneladang tubig ang humahagis na paitaas, hindi nila inaalumana ang saboy ng tubig na tumatama sa kanila. Hangga’t hindi humuhupa ang alon, ang mga manonood ay atubiling lumisan.

Pero dapat silang umalis, sapagkat napakarami pang dapat makita sa Point Lobos. Di-mabilang ang mga atraksiyon nito, at isa ito sa mga dahilan kung bakit binili ito ng Estado ng California noong 1933 upang gawing reserbasyon ng estado. Ang isa pang dahilan, at pinakapangunahin, ay upang maingatan ang napakagandang Monterey cypress. Tumutubo ito nang likas doon lamang sa Point Lobos at sa katabing Monterey Peninsula. Sa gilid ng mga bangin na nakaharap sa Karagatang Pasipiko, kakaunti na lamang ang natitirang Monterey cypress.

Bago naging reserbasyon ng estado, ang Point Lobos ay nagkaroon ng makulay na kasaysayan. Sa loob ng maraming dantaon ang mga Indiyan ay namulot ng mga kabibe at nagkampo sa tangos nito. Noong katapusan ng mga 1700 at pasimula ng 1800, naging pastulan ito ng baka. Mula noong 1861 hanggang 1884 ang mga Portuges ay nagtayo rito ng istasyon sa panghuhuli ng balyena. Pagkatapos nito, ang mga mangingisdang Hapones ay nagtrabaho sa isang pabrika ng nagluwas ng daan-daang libong de-latang abalone tungo sa Silangan. Ang pagmamay-ari ng lupa ay papalit-palit​—at minsan, sabi sa amin, ay nangyari ito sa kalagitnaan ng isang laro ng baraha.

Ang mga Landas

Ang pasukan ng Point Lobos State Reserve ay nasa Pacific Coast Highway 1, labing-anim na kilometro sa timog ng Monterey, limang kilometro sa ibaba ng Carmel. Kakaunti ang kalsada sa loob ng reserbasyon. Humahantong ito sa tatlong pangunahing paradahan ng sasakyan, at mula roon ay may mga landas na naghihiwa-hiwalay papasok sa mga kakahuyan na pine tree at cypress. Ang isang landas na sampung kilometro ang haba ay bumabaybay sa dalampasigan ng reserbasyon, ngayo’y tinatalunton ang gilid ng matataas na bangin upang magbigay ng kamangha-manghang tanawin ng umaalimbukay na karagatan sa ibaba, at saka mayamaya nama’y bumubulusok sa pinakagilid ng tubig upang ihatid kayo sa maliliit na lawa na punung-puno ng mga nilikha​—mga sea anemone, urchin, mga alimango, starfish, kabibi, luntian at pulang lumot, at marami pang iba. Huminto sandali at lumuhod upang masilip ang maliliit at mabatong mga daigdig na ito. Subalit maging listo! Bigla na lamang kayong babasain ng mga alon na panakáw ang dating!

Samantalang tinatahak ang landas patungong Bird Island, tanawín sa ibaba ang tulad-jade na luntiang tubig ng China Cove, wari’y hiyas sa gitna ng matatarik na bangin. Sumasalpok ang mararahang alon sa maliit at mabuhanging dalampasigan sa isang dulo, at doon ang mga manlalangoy at nagtatampisaw ay nasisiyahan sa malamig na tubig at pagkatapos ay nagbibilad sa mainit na araw sa kulong na baybayin. May iba pang nagtatamasa ng kasiyahang ito​—mga harbor seal na nagpapaaraw sa batuhan.

Ang landas ay nagpapatuloy hanggang sa Bird Island, na kung saan nagkakalipumpon ang daan-daang ibong-dagat. Kapag panahon ng pangingitlog, ang mga cormorant na abala sa paglipad na may dalang damong-dagat sa kanilang tuka, ay gumagawa ng dikit-dikit na mga pugad na waring mga condominium. Ang mga pelican ay paroo’t parito sa kanilang pangingisda, na sumisisid kapag nakita ang kanilang pananghalian na lumalangoy sa malapit. Ang mga seagull ay buong-layang sumasalimbay at nagpapainog sa himpapawid anupa’t kayo’y nananaghili sapagkat kayo ay hanggang dito na lamang sa lupa.

Ang Cypress Grove Trail, na lumiligid sa isa sa dalawang nalalabing likas na kakayuhan ng Monterey cypress dito sa lupa, ay paborito ng maraming panauhin. Mula sa mga bangin, ay makikita ang kagila-gilalas na tanawin ng dagat. Nababalutan ng pulang lumot ang mga bato at katawan ng puno na nakahantad sa mamasa-masang hangin ng dagat. Mula sa mga sanga ng pine at cypress ay nakabiting parang kurtina ang lumot. Sa kagubatan, makikita ang mga usa na itim ang buntot​—malimit ay mga inahin at batang usa na nanginginain sa damuhan. Mula sa dulo ng peninsulang ito, may makikitang 40-toneladang abuhing mga balyena na bumubuga ng tubig at kung minsan ay lumulukso sa tubig habang dumaraan sa Point Lobos tungo sa kanilang labing-anim na libong kilometrong balikang paglalakbay tungo sa Baja California kapag Disyembre at Enero upang magsiping at magsilang, hanggang sa kanilang pagbabalik sa Dagat ng Bering kapag Marso at Abril upang manginain.

Ang mga Sea Otter

Subalit ang pinakapopular na hayop ay hindi ang dambuhalang mga hayop na ito na naglalakbay sa laot. Ang tanong na malimit marinig ng mga tanod-gubat ay: “Nasaan ang mga sea otter?” Malimit na sila’y nasa gitna ng lumulutang na damong-dagat sa kubling mga yungib. Sila ay nilalarga-bista ng mga turista, saka pinapanood sila samantalang sinisisid ang matatanghalian. Kabilang sa kanilang kinakain ay mga kabibi, alimango, tahong, pusit, pugita, abalone, at mga sea urchin. Ang kanilang lamesa ay isang bato na ipinapatong nila sa dibdib, at dito’y inihahataw nila ang mga kabibi upang makuha ang laman. Kung hindi kumakain, ang mga ito ay natutulog, nababalutan ng damong-dagat upang huwag matangay ng agos. Maaaring naroon din ang isang inahin na ang inakay ay nakapatong sa kaniyang dibdib, samantalang nililinisan o pinakakain ito. Ang sanggol ay isinisilang sa tubig, nabubuhay sa tubig, ngunit kailangan pang matuto ng paglangoy. Subalit hindi sila nalulunod​—ang mga sanggol na sea otter ay likas na lumulutang sa tubig.

Pino at makapal ang kulay tsokolateng balahibo ng sea otter​—malimit ay abuhin o puti sa paligid ng ulo ng mga nasa hustong gulang na. Sa information station malapit sa Sea Lion Point, may isang balat ng sea otter. Salatin ninyo. Damhin ang tulad-sedang lambot nito. Dahil sa napakapinong balahibo kung kaya muntik nang malipol ang mga otter. Doble ang kapal sa balahibo ng seal, ang balahibo niya ay may 100,000 buhok bawat centimetro kuwadrado, 800 milyon lahat-lahat. Gayunman, ang otter ay hindi kumukuha ng init mula lamang sa kaniyang balahibo. Gumugugol ito ng mahabang panahon ng pag-aayos ng balahibo upang makapag-ipon ng hangin sa balahibo, at ito ang nagsisilbing insulasyon sa balat ng otter mula sa napakalamig na tubig. Kakaiba, maamo, at hindi nananakit​—hindi kataka-taka na ang sea otter ay paborito ng mga panauhin!

Reserbasyon sa Ilalim ng Tubig

Sa tulong ng mga landas ay malilibot ninyo ang 224 ektarya ng Point Lobos. Subalit hindi ito ang kabuuan ng Point Lobos State Reserve. Hindi man lamang ito umaabot sa kalahati. Tatlong daang ektarya ang nasa ilalim ng tubig. Taluntunin ang kalsada na humihiwalay tungo sa paradahan ng sasakyan sa Whalers Cove, at malamang na makakakita kayo ng mga maninisid na nakapangbasâ at kagamitang scuba na naghahandang sumisid sa kauna-unahang reserbasyon ng Estados Unidos na nasa ilalim ng tubig. Itinatag noong 1960, isa ito sa pinakamayamang pinagpupugaran sa ilalim ng tubig sa California at ito ay lubos na pinoprotektahan ng mga batas ng estado. Sayang, ang kamangha-manghang mga tanawin ng daigdig sa ilalim ng tubig ay hindi nauukol sa inyo​—maliban na kung kayo ay sertipikado na magsuot ng pangsisid at kagamitang scuba upang magalugad ang kalaliman nito.

Ipinahihiwatig ng isang pulyeto na ipinamamahagi sa pasukan ng reserbasyon kung gaano kalaki ang nawawala sa inyo: “Sa malamlam na liwanag ng 30-metro-ang-taas na mga kagubatan ng damong-dagat, isang makulay at buháy na daigdig ang nalikha ng mga hayop na walang gulugod at mga halamang walang ugat. Ang mga lingcod, cabezone at isdang-bato ay paroo’t parito. Ang puso’y napapalukso kapag sa di-inaasaha’y biglang bumubulaga ang isang seal, otter, o balyena.” Isang nilikha na tiyak na makakapitlag-puso ay ang pinakamalaking starfish sa buong mundo, ang bat star [Pycnopodia], na ang lapad ay umaabot ng 1.2 metro! Kung papaanong sa mga landas na tinatahak sa malupang mga bahagi ng Point Lobos ay may mga palatandaang pumapatnubay, gumagamit ang mga maninisid ng waterproof na aklat na may 38 larawang may-kulay na nagpapakilala sa iba’t ibang nilikha sa tubig.

Ang Point Lobos ay lugar para sa tahimik na pagbubulay. Dahil sa mahigit na 300 uri ng halaman at 250 uri ng ibon at hayop, hindi kayo mauubusan ng mapagdidiskitahan: mahahabang hibla ng kulay-kapeng kelp [damong dagat] na nakabalantok sa ibabaw ng dagat sa Bluefish Cove. Mga bulaklak na lila na nagpapabango sa maalat na simoy ng hangin. Ang samyo ng mga dahon ng artemisa [sage] na nilamukos sa pagitan ng mga daliri ay humahalimuyak. Huwag ninyong gagawin ito sa makikintab na dahon ng poison oak na nakahilera sa mga landas. Bakit may poison oak pa rito? Ito ang tirahan na angkop sa maliliit na ibon at hayop. Ang Lobos ay tahanan nila, hindi sa atin.

Ang malungkot na awit ng puting-ulo na maya, ay marahang inuulit habang dumadapo ito sa pinakamataas na sanga ng puno. Ang matinis na huni ng maitim na oystercatcher habang nagmamadali sa ibabaw ng mga bato sa dalampasigan, ang matingkad na pulang tuka ay nagniningning sa sinag ng araw. Doon naman sa mabatong mga pulo, ang pagkakaingay ng mga sea lion ay nakatatawag-pansin. At sa tuwina’y nariyan ang sea otter na nagpupukpok ng mga kabibi sa batong nakapatong sa dibdib nito. Muling lasapin ang mahinang dagundong ng alon o ang pagngangalit nito sa mga batuhan kapag biglang sinumpong.

Dako ito ng pagbubulay. Huminga nang malalim at langhapin ang simoy ng dagat. Tumahak nang marahan sa mga landas. Huwag magmadali habang nilalasap ang kapaligiran. Mag-imbak ng alaala. Damhin ang espiritu nito.

Baka ituring ninyo na labis ang papuri ng pintor ng mga tanawing-dagat na si Francis McComas nang ilarawan niya ang Point Lobos bilang “pinakamadulang pagtatagpo ng lupa at ng tubig sa buong daigdig.” Ngunit pagkaraan lamang ng ilang araw ng paglalakad sa mga landas nito, paglanghap sa maalat na simoy nito, at pakikinig sa mga tunog nito, panonood sa mga tanawin nito, at paglasap sa katahimikan ng busilak na kagandahan nito, hindi na ninyo masasabing labis-labis ang ginawa niyang papuri.

Hindi maikakaila, ang Point Lobos ay gamot sa taong aburido, pampaginhawa sa isipan, isang parangal sa pagiging-artistiko ng Maylikha nito, ang Diyos na Jehova.

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Kaliwa sa Itaas: Ang Taluktok

Kanan sa Itaas: Sea Otter ng Katimugan

Kaliwa sa Gitna: Tulad-jade na luntiang tubig ng China Cove

Kanan sa Gitna: Isdang medya-luna sa kagubatan ng kelp

Kanan sa Ibaba: Batuhan na inukit ng hangin at tubig

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share