Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Kailan Kaya Ako Payagan ng Aking mga Magulang na Magmeykap?
Gumising!: “Ilang taon ba dapat ang isang babae bago maaari siyang payagang magmeykap?
Juliea: Sa palagay ko’y 13 anyos.
Gumising!: Bakit?
Julie: Ewan ko.
Gumising!: Napakabata ba ng dose anyos?
Julie: Oo.
Gumising!: Subalit ang 13 ay medyo tamang gulang na?
Julie: Oo.
Sallie: Sa palagay ko kung ang isang babae’y marunong gumamit ng meykap at hindi siya mukhang tumutugtog sa bandang rock o ano man, dapat siyang payagang magmeykap.
John: Sa palagay ko dapat lang silang gumamit nito kung hindi sila maganda kung wala nito.
Gloria: Oo, pinagaganda ng meykap ang iyong natural na pagmumukha.
Larry: Ngunit bakit gugustuhin ng sinuman na ‘pagandahin ang kaniyang pagmumukha’ sa gulang na 13? Ang ibig kong sabihin, hindi pa nila kailangang gawin ito! Sa palagay ko ang mga babae ay dapat na mga 18 anyos bago sila gumamit ng meykap.
SA Estados Unidos, ang mga tin-edyer ay gumugugol ng mahigit limang libong milyong dolyar sa isang taon sa pampaganda at kosmetiks. Mauunawaan, kung gayon, maaaring ipalagay mo na may karapatan kang gumamit ng lipstick, blush, o eyeshadow kung nais mo. Gayunman, baka iba naman ang palagay ng iyong mga magulang.
“Tinanong ko ang aking ina kung puwede ba akong magmeykap nang ako’y 13,” gunita ng 17-anyos na si Nina. “Sabi niya, ‘Nina, hindi mo pa kailangan ito ngayon.’ ” Gayunding reaksiyon ang tinanggap ni Shelly sa kaniyang mga magulang. “Humingi ako ng pahintulot nang ako ay halos 13 anyos, at sinabi nila sa akin na hindi ako puwedeng magmeykap hanggang sa pagsapit ko ng 15. Sabi ko, ‘Bakit po hindi puwede?’ ”
Meykap—Kung Bakit Mahalaga sa mga Batang Babae
Gaya ng ipinakikita ng panimulang usapan, may iba’t ibang opinyon tungkol sa paksang ito kahit sa gitna ng mga tin-edyer. Hindi kataka-taka, kung gayon, na ikaw at ang iyong mga magulang ay hindi magkasundo! Gayunman, ang pagtutol ng iyong mga magulang ay maaaring magtinging di-makatuwiran at mahigpit. “Tingnan nga ninyo ang mga batang babae sa paaralan,” alaala ng isang dalagitang nagngangalang Monica, “silang lahat ay nakameykap.” Maaaring magtaka ka rin kung paanong ito ay OK sa iyong inay, subalit hindi OK sa iyo! Isa pa, ikaw ay tumatanda, at kung ano ang hitsura mo ay mas mahalaga sa iyo higit kailanman.
Ang pagdadalaga o pagbibinata ay nagpapangyari ng mga pagbabago sa iyong taas, timbang, at hugis. Gaya ng sabi ng aklat na The Secret of a Good Life With Your Teenager, “ang mga pagbabagong ito ay nag-iiwan [sa mga kabataan] na nag-aalala tungkol sa kanilang pagiging kaakit-akit higit kailanman . . . Nababahala rin silang igiit ang kanilang pagkababae o pagkalalaki. Nais nilang sila’y masumpungang babaing-babae o lalaking-lalaki.” Gaya ng pagkakasabi rito ng isang manunulat, nais mong “simulang hubugin ang isang istilo na magiging iyo . . . [na] nagpapakilala sa pagkatao mo na gustung-gusto mo at pinakakomportable ka.”—Changing Bodies, Changing Lives, ni Ruth Bell.
Para sa maraming batang babae, ang meykap ay isang paraan ng pagpapatunay ng indibiduwal na istilong iyon at pagiging dalaga o kaakit-akit. “Kapag ako’y nakameykap, mas may tiwala ako sa aking sarili,” sabi ng isang tin-edyer na babae. Si Nina, na sinipi kanina, ay nagsabi pa: “Maraming naggagandahang babae, at mas mabuti ang pakiramdam ko sa aking sarili kung ako’y nakameykap.”
Ang pagmemeykap ay isa ring uri ng ritwal ng pagdadalaga. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang tin-edyer: “Ayaw mong ikaw ay ituring na parang bata.” Inaasahan ng iba na sila ay higit na igagalang kung mas dalaga silang tingnan—o makaakit pa nga sa mas may edad na mga lalaki. Sa iba naman, ang pagmemeykap ay isang paraan upang makasama sa mga kaedad. Sabi ni Diane: “Mientras mas matanda kang tingnan, mas matatag ang palagay ng ibang kabataan sa iyo.”
Subalit maraming kabataan ang nagnanais magmeykap dahil sa praktikal na mga kadahilanan: upang pantayin ang kulay ng balat, upang itago ang pangit na kutis o isang peklat, upang itampok ang kaakit-akit na bukás ng mukha, o upang huwag mahalata ang hindi gaanong kaakit-akit na bukás ng mukha. Gayumpaman, ang paghingi ng pahintulot na magmeykap ay maaari pa ring pagmulan ng pagtatalo ng pamilya. Bakit kadalasang negatibo ang reaksiyon ng mga magulang?
Kung Bakit Hindi Sila Pumapayag
Totoo na ang mga magulang kung minsan ay nahihirapang tanggapin ang katotohanan na ang kanilang mga anak ay nagsisilaki na. Kaya ang iba ay wari bang mahigpit. Gayumpaman, nais lamang ng karamihan sa mga magulang ang pinakamabuti para sa kanilang mga anak. Iyan ang dahilan kung bakit ang Bibliya ay nagpapayo: “Dinggin ninyo, Oh mga anak ko, ang disiplina ng ama at makinig kayo, upang matuto ng kaunawaan.” (Kawikaan 4:1) Ang iyong mga magulang ay maaaring hindi dalubhasa sa pagsasabi ng kanilang mga damdamin. (“Ayaw akong pagamitin ng mascara ng aking mga magulang,” gunita ng isang tin-edyer na babae, “pero hindi naman nila sinabi sa akin ang dahilan.”) Malamang na may mabuting dahilan sila na maging asiwa tungkol sa bagay na iyon.
Maaaring ipalagay mo na ang pagmemeykap ay isang uri ng karapatan, isang bagay na kusang ibibigay sa iyo pagtuntong mo sa “madyik na edad,” gaya ng 13. Subalit gaya ng binabanggit ng kolumnistang si Elizabeth Winship: “Walang tuntunin tungkol sa eksaktong gulang na puwedeng magmeykap. Depende ito sa mga tradisyon ng pamilya at ng pamayanan.” Baka inaakala ng iyong mga magulang na ang pagmemeykap mo sa edad mo ay hindi sang-ayunan sa pamayanan o ng kapuwa mga Kristiyano. Ang iyong mga magulang ay lalo nang nababahala tungkol dito kung sila ay mga Saksi ni Jehova, yamang ayaw nilang ang pag-aayos mo ay makasira sa iyong ministeryong Kristiyano.—2 Corinto 6:3.
Maaaring inaakala rin ng iyong mga magulang na ang pagmemeykap ay basta hindi kailangan o hindi angkop sa panahong ito ng iyong buhay. Tutal, ang kabataan ay may kaniyang kagandahan, isang kaluwalhatiang napakadaling lumipas. (Awit 90:10; Kawikaan 20:29) Maaaring ikatuwiran nila, ‘Bakit naman siya gagawa ng isang bagay na magkukubli o babago sa kaniyang batang hitsura?’
Maaaring alam din ng iyong mga magulang mula sa personal na karanasan kung paano nakalilinlang “ang masasamang pita ng kabataan.” (2 Timoteo 2:22) Baka ikatakot pa nga nila na maulit mo ang ilang pagkakamali na nagawa nila noong sila ay bata pa, at nais nilang pangalagaan ka. Ganito ang nagugunita ng isang tin-edyer na babae: “Si inay ay nagsimulang magmeykap nang siya ay napakabata pa. Naging napakagaslaw niya at nagsusuot siya ng mga miniskirt at ang kapal niyang magmeykap. Ayaw niya akong maging ganoon.”
Hindi naman sa ikaw ay magiging babaing halaghag dahil lamang sa ikaw ay naglalagay ng lipstick. Gayunman, maaaring tama lamang na ikatakot nila na ang pagmemeykap ay maglantad sa iyo sa mga panggigipit na hindi ka pa handa. Isang ama ng dalawang tin-edyer na babae ang sinipi ng manunulat na si Ruth Bell na nagsabi: “Nakatutuwang makita ang mga bata na nagdadalaga. . . . Subalit kapag tinitingnan ko sila at nakikita ko ang aking mumunting mga anak na babae, kapag sinasabi ko sa aking sarili, ‘Mga anak ko iyon at sila’y nagdadalaga na at haharapin nila ang daigdig sa labas nang wala ako upang pangalagaan sila,’ diyan ako nagiging emosyonal. . . . Ang daigdig na ito ay masama at maaari silang masaktan.”
Isang bagay ang magtinging adulto. Subalit ibang bagay naman ang kumilos na adulto at pakitunguhan ang mga panggigipit sa mga adulto. Talaga bang handa ka nang pakitunguhan ang pansin na iuukol sa iyo ng mas nakatatandang tin-edyer na mga lalaki—o kahit na ng mas matatandang lalaki—na maaaring mapukaw kung ikaw ay mas matandang tingnan kaysa iyong edad dahil sa iyong meykap?—Ihambing ang Genesis 34:1, 2.
Paggawa ng Pinakamabuti sa Kalagayan
Ipagpalagay nang naisaalang-alang na ang lahat ng bagay, maaaring akalain mo pa rin na handa ka nang magmeykap, at marahil ay handa ka na. Ano ang dapat mong gawin? Isang tin-edyer na babae ang nagsabi: “Basta sinimulan kong magmeykap. Naglagay ako ng kaunting eyeshadow, at sa palagay ni Inay ito ay maganda.” Gayunman, ang pagmemeykap nang walang pahintulot ay isang delikadong bagay! Ang Kawikaan 13:10 ay nagbababala: “Sa kapangahasan, ang dumarating ay pagtatalo lamang.” Gaya ng sabi ng isang batang babae: “Alam kong magagalit ang aking mga magulang kung bigla na lamang akong lalabas na nakameykap.” Kaya, ano ang magagawa mo? Ang talatang iyon ng Bibliya ay nagpapatuloy: “Ngunit ang karunungan ay nasa nagsasangguniang sama-sama.”
Oo, piliin ang “tamang panahon” upang ipakipag-usap ang mga bagay sa iyong mga magulang. (Kawikaan 25:11) Mahinahong ipaliwanag ang iyong mga palagay tungkol sa bagay na ito. Ipaliwanag mo kung bakit mahalaga ito sa iyo, at sabihin mo kung ano talaga ang nasa isip mo. Tiyakin mo sa kanila na ayaw mong magtinging sumusunod ka sa uso o napag-iiwanan ng uso sa iyong hitsura at na pinahahalagahan mo ang kanilang mga opinyon at pasiya. Marahil ay magbabago rin ang kanilang isip o sa paano man ay magkasundo kayo.
Sa kabilang dako naman, maaaring tama sila na maghinuha na talagang hindi ka pa handang magmeykap. Ngunit hindi ito ang katapusan ng mundo. Gawin mo ang pinakamabuting magagawa mo sa iyong hitsura sa ilalim ng gayong kalagayan. Halimbawa, ang wastong pangangalaga sa balat ay makababawas ng mga problema sa kutis. “Kung hindi maganda ang iyong kutis,” payo ng kasangguni sa kagandahan na si Jane Parks-McKay, “ilayo mo ang pansin dito sa pamamagitan ng . . . pagsusuot ng damit na gagawa sa iyong magtinging kahali-halina—anumang bagay na maglalayo ng pansin sa negatibong bagay.” Ang magandang tindig, naka-manicure na mga kuko, malinis, makintab na buhok—lahat ng ito ay makatutulong upang ikaw ay magtinging maganda may meykap man o wala!
Gayunman, kumusta naman kung ikaw ay pinapayagan ng iyong mga magulang na magmeykap? Tatalakayin ng isang artikulo sa hinaharap ang wastong paggamit nito.
[Talababa]
a Ang ilan sa mga pangalan ay binago.
[Larawan sa pahina 23]
“Siya’y gumagamit ng meykap. Kailan ako puwedeng gumamit ng meykap?”