Mga Sanggol, Dugo, at AIDS
KAMAKAILAN dala ng The New York Times ang kalunus-lunos na ulat na ito sa unang pahina: “Ang Romania ay pinagbabantaan ng isang pambihirang epidemya ng AIDS sa mga bata, lalo na sa siksikang mga ampunan at mga klinika, na ikinakalat ng matandang gawain na pagsasalin ng dugo sa bagong silang na mga sanggol.”—Pebrero 8, 1990.
Maliwanag na nakagawian na ng ilang doktor sa Romania na magsaksak ng kaunting dugo sa pusod ng bagong silang na mga sanggol sa pag-asang itong “kaunting pagsasalin” ay gaganyak sa paglaki ng bata. Ang gawaing ito ay napatunayang isang kakila-kilabot na paraan ng pagkalat ng AIDS; ang isang pint ng nahawaang dugo ay nagdadala ng sapat na dosis para sa maraming sanggol.
Ang World Health Organization, na nagpadala ng isang emergency team ng mga doktor sa Romania, ay tumatantiyang 700 mga batang taga-Romania ang nasumpungang may virus ng AIDS, at 50 pa ang pinahihirapan ng grabeng AIDS. Ang hepe ng organisasyon tungkol sa programa ng AIDS ay nagsabi sa Times na ang dami ng impeksiyon ng AIDS sa mga batang ito ang pinakamataas sa buong daigdig.
Sa ilalim ng ibinagsak na rehimeng Ceausescu kamakailan, ang Romania ay walang opisyal na ulat ng banta ng AIDS. Anumang balita tungkol sa pagkalat ng sakit ay mahigpit na kontrolado bilang lihim ng estado. Ang mga nagkakaloob ng dugo ay hindi pa nga sinusuri kung may AIDS. Ngayon iyan ay nagbago. Subalit isa at kalahating taon bago ang rebolusyon, maraming doktor na taga-Romania ang hindi kailanman nag-isip tungkol sa AIDS nang makita nilang parami nang paraming bata ang mayroong di-maalis-alis na impeksiyon. Gaya ng sabi ng isa sa kanila: “Kung ikaw ay sinabihan na walang gayong virus sa Romania, bakit mo pag-aaralan ito?”