Pag-eeksperimento sa Hayop—Pagpapala o Sumpa?
KUNG ikaw ay kabilang sa angaw-angaw na tao na nabuhay sa pagpapasimula ng siglong ito, malamang na alam mo na ang haba ng iyong buhay ay higit pa sa inaasahan ng iyong mga magulang at ng doktor o komadrona na nagpaanak sa iyo. Kung ikaw ay isinilang sa Estados Unidos, Canada, o Europa, ang inaasahang haba ng iyong buhay noong taóng 1900 ay halos 47 taon. Sa ibang bansa ang potensiyal ng buhay ay mas mababa pa. Ngayon, sa maraming bansa ang inaasahang haba ng buhay ay mahigit na 70 taon.
Anuman ang iyong edad, ikaw ay nabubuhay sa isang balighong panahon. Nasaksihan ng iyong mga lolo’t lola o mga ninuno ang di-masupil na mga epekto ng maraming sakit na lumipol sa kanilang salinlahi. Ang bulutong, halimbawa, ay sumawi ng di-mabilang na libu-libong buhay sa bawat taon at angaw-angaw na iba pa ang nagkapilat habang-buhay. Ang trangkaso ay sumawi rin ng maraming buhay—isang epidemya lamang na nangahulugan ng kamatayan sa 20 milyon katao sa isang taon (1918-19). Kasunod ng Digmaang Pandaigdig I, ang epidemyang tipus ay pumuti ng tatlong milyong tao sa Russia. Ang mga epidemya ng tipus ay nangyari sa marami pang bansa noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II. Tinatayang 25 sa bawat 100 katao na nahawaan noong epidemya ng tipus ang namatay.
Binawasan ng nakatatakot na sakit na paralisis ng mga sanggol, nang maglaon ay kilala bilang poliomyelitis, ang populasyon ng daigdig ng mga 30,000 katao taun-taon at nilumpo ang libu-libo pang iba, lalo na ang mga bata. May mga batang-bata pa na hindi naligtasan ang kanilang unang pakikipaglaban sa tipus o dipterya, scarlet fever o tigdas, tuspirina o pulmonya. Ang listahan ay waring walang katapusan. Sa bawat 100,000 sanggol na ipinanganak noong 1915, humigit-kumulang 10,000 ang namatay bago pa sila tumuntong ng isang taon. Ang mga tumor sa utak ay hindi maopera. Ang kakayahang buksan ang baradong mga arteriya ay hindi alam. Ang mga doktor ay walang kapangyarihang iligtas ang mga biktima ng atake sa puso, at ang kanser ay nangangahulugan ng tiyak na kamatayan.
Sa kabila ng nakamamatay na salot na puminsala sa daigdig sapol noong pasimula ng siglo at bago pa ito, ang inaasahang haba ng buhay ng tao ngayon ay humaba ng halos 25 taon. Kaya, sa maraming bahagi ng daigdig, ang isang batang isinisilang ngayon ay may inaasahang haba ng buhay na halos 70 taon.
Ang Kabayaran Upang Iligtas ang Buhay
Mabuti naman, naligtasan ng karamihan ng mga kabataang nabubuhay ngayon ang marami sa nakamamatay na sakit na siyang dahilan ng maagang kamatayan ng marami sa kanilang mga ninuno. Subalit maaaring hindi sila masiyahan sa pagkaalam na marami sa mabalahibong mga kaibigan ng tao—ang mga aso, pusa, kuneho, unggoy, at iba pa—ay isinakripisyo alang-alang sa siyensiya ng medisina ‘upang ang mga tao ngayon ay mabuhay nang mas mahaba at mas malusog na buhay,’ gaya ng pagkakasabi rito ng mga siyentipiko.
Halos lahat ng sakit na naalis o nasawata sa siglong ito—ang polio, dipterya, beke, tigdas, rubella, bulutong, at iba pa—ay nadaig sa pamamagitan ng pag-eeksperimento sa hayop. Ang mga anestisya at analgesic, pagpapakain na pinadaraan sa ugat at mga medikasyon, paggagamot sa pamamagitan ng radyasyon at ng mga kemikal para sa kanser, lahat ay pawang una munang sinubok at napatunayang mabisa sa mga hayop. At ito ay ilan lamang.
“Talagang wala sanang mahalagang paggamot o pamamaraan sa pag-opera sa modernong medisina ang nagawa kung walang pag-eeksperimento sa hayop,” sabi ng kilalang neurologo, si Dr. Robert J. White. “Ang pag-eeksperimento sa mga aso at iba pang hayop ay umakay sa pagkatuklas ng insulin at sa pagpigil sa diabetes, sa pag-oopera sa puso, sa cardiac pacemaker at sa buong larangan ng pagta-transplant ng sangkap ng katawan. Ang polio . . . ay halos ganap na malipol sa Estados Unidos sa pamamagitan ng mga bakunang pangontra na sinubok at nagtagumpay sa mga unggoy. Sa pag-eeksperimento sa mga hayop, naitaas ng mga mananaliksik ang bilang ng paggaling ng mga batang pinahihirapan ng grabeng lymphocytic leukemia mula sa apat na porsiyento noong 1965 tungo sa 70 porsiyento ngayon,” sabi ng doktor ding iyon.
Ang papel ng pag-eeksperimento sa hayop ay pinatunayan ng dating kawani sa laboratoryo na si Harold Pierson, na nagtrabaho sa ilalim ni Dr. F. C. Robbins sa Western Reserve University, Cleveland, Ohio, E.U.A. Sinabi niya sa Gumising! na ang kanilang programang tumuklas ng isang bakunang naiinom para sa polio ay kinasangkutan ng paggamit ng mga bató ng unggoy. Ang himaymay mula sa isang bató ay maaaring gamitin sa libu-libong pagsubok. Sabi niya: “Ang mga unggoy ay iniingatan sa mabuting mga kalagayan at laging may anestisya kapag sila’y inooperahan. Tiyak na walang sinasadyang kalupitan. Gayunman, dahil sa kanilang mga operasyon, sila ay di-kusang mga biktima ng siyentipikong kalupitan.”
Operasyon sa Puso at Alzheimer’s Disease
Bilang tuwirang resulta ng pag-eeksperimento sa hayop, nagkaroon ng bagong mga kasanayan sa pag-oopera upang buksan ang mga arteryang barado ng mga deposito ng kolesterol, sa gayo’y hinahadlangan ang maraming atake sa puso—ang nangungunang sanhi ng kamatayan sa Kanluraning daigdig. Sa pag-eeksperimento muna sa mga hayop, nalalaman ng mga doktor kung paano matagumpay na aalisin ang malalaking tumor sa utak ng tao at ikabit-muli ang naputol na bisig—braso, paa, kamay, at mga daliri. Si Dr. Michael DeBakey, na nagsagawa ng unang matagumpay na coronary artery bypass, ay nagsabi: “Sa aking mismong larangan ng klinikal na pagsisiyasat, totoong lahat ng pag-unlad sa pag-oopera sa puso ay batay sa pag-eeksperimento sa hayop.”
Tungkol naman sa Alzheimer’s disease, si Dr. Zaven Khachaturian ng U.S. National Institute of Aging ay nagsabi: “Walong taon ang nakalipas, wala kaming kaalam-alam. Nagkaroon ng di kapani-paniwalang pagsulong sa pananaliksik tungkol sa Alzheimer dahil sa aming pamumuhunan noon pang 1930s sa mahalagang pananaliksik may kaugnayan sa pagkilos ng utak.” Ang karamihan ng gawain ay kinasasangkutan ng mga hayop, at napansin ng doktor na tangan nila ang susi sa patuloy na pagsulong.
AIDS at Parkinson’s Disease
Ang pinakamahalagang pananaliksik ngayon, at isa na nagpapangyari sa mga siyentipiko at mga imyunologo na mag-obertaim, ay para sa isang bakuna na lalaban sa nakatatakot na sakit na AIDS, na tinataya ng ilang eksperto na sa taóng 1991 ay papatay ng halos 200,000 tao sa Estados Unidos lamang. Noong 1985 ang mga siyentipiko sa New England Regional Primate Center ay nagtagumpay sa pagbubukod sa STLV-3 virus (SAIDS, anyo ng AIDS sa mga unggoy) sa mga unggoy na macaque at sa pagpapakilala nito sa iba. Ganito ang sabi ni Dr. Norman Letvin, imyunologo sa New England Regional Primate Center: “Ngayong naibukod na ang mga virus, mayroon kaming modelong hayop na gagawan ng mga bakuna para sa mga unggoy at sa mga tao. Posibleng matuto nang higit pa mula sa kaunting hayop sa isang kontroladong pag-aaral kaysa matututuhan mo sa pagmamasid sa daan-daang taong pasyenteng may AIDS.”
Ang mga doktor sa Yerkes Regional Primate Research Center ng Emory University sa Atlanta ang unang nagpakita, sa pamamagitan ng kanilang mga pag-aaral sa mga unggoy na rhesus, na maaaring gawin ang paglalagay sa utak ng himaymay na gumagawa-ng-dopamine bilang isang gamot sa Parkinson’s disease. Mula noong 1985 isinasagawa ng mga neuroseruhano ang mga operasyon sa mga tao sa Emory University Hospital. Inaakala ng mga doktor na ito ay hahantong sa isang pagsulong sa paghanap ng lunas para sa sakit.
Ang tao ay bumaling sa mga hayop sa kaniyang paghanap sa mga kasagutan sa nakalilitong mga katanungan sa kung paano pasusulungin at ipagpapatuloy, kahit na pansamantala, ang kaniya mismong di-sakdal na buhay. Gayunman, ang paggamit ng hayop sa pananaliksik sa medisina ay nagbabangon ng mahalagang usapin sa asal at sa etika na hindi madaling lutasin.
[Kahon sa pahina 5]
Pag-eeksperimento sa Hayop—Isang Sinaunang Gawain
ANG malaganap na paggamit sa mga hayop ng mga doktor at mga siyentipiko upang maunawaan ang pisyolohiya ng tao ay hindi natatangi sa ika-20 siglong ito. Ang mga hayop ay ginamit na sa pananaliksik sa medisina sa di-kukulanging 2,000 taon. Noong ikatlong siglo B.C.E., sa Alexandria, Ehipto, ipinakikita ng mga rekord na ang pilosopo at siyentipikong si Erasistratus ay gumamit ng mga hayop upang pag-aralan ang mga gawain ng katawan at nasumpungan niyang ang mga ito ay kapit sa mga tao. Noong ikaapat na siglo, ang kilalang siyentipikong Griego na si Aristotle ay nagtipon sa pamamagitan ng kaniyang pag-aaral ng mga hayop ng mahalagang impormasyon tungkol sa kayarian at gawain ng katawan ng tao. Pagkalipas ng limang siglo ginamit ng Griegong manggagamot na si Galen ang mga bakulaw at baboy upang patunayan ang kaniyang teoriya na ang mga ugat ay nagdadala ng dugo sa halip ng hangin.
“Sa akin mismong larangan ng klinikal na pagsisiyasat, totoong ang lahat ng pagsulong sa pag-oopera sa puso ay batay sa pag-eeksperimento sa hayop . . . Talagang walang maihahalili sa paggamit ng hayop sa pag-eeksperimento para sa mga pagsulong.”—Dr. Michael DeBakey