Isang Computer na Nakakakita sa Loob Mo
Ng kabalitaan ng Gumising! sa New Zealand
TUMITINGIN sa isang pahabang bintana, nakita ko ang isang kakatuwang tanawin. Nakaputing mga attendant ang nakatayo sa palibot ng isang lalaking nakahiga sa isang mesa. Ang lalaki ay ipinapasok na una ang ulo sa animo’y isang malaking pantasa ng lapis! Ito ba’y isang masamang panaginip? Isang tagpo sa isang science-fiction na pelikula? Ano ba ang nangyayari?
Ang tanawin ay nagaganap dito sa aming lokal na ospital sa Dunedin, sa South Island ng New Zealand. Ang pagkalaki-laking pantasa ng lapis ay sa katunayan isang uri ng masalimuot na makina ng X ray na tinatawag na CAT scanner. Hindi, hindi nito ini-scan ang mga pusa—sa paano man ay hindi. Ang unang tatlong titik ay kumakatawan sa Computerized Axial Tomography. Ang “tomography” ay galing sa salitang Griego na nangangahulugang ‘isulat ang isang piraso,’ at iyan ang ginagawa ng isang CAT scanner. Kinukunan nito ng mga X ray ang isang “piraso” mo, parang salami, at “isinusulat ito,” o itinatala, anuman ang nakikita nito.
Marahil inaakala mo na ang magarang mga makina ng X ray ay kawili-wili lamang sa mga doktor at mga siyentipiko, subalit ang mga tao rito ay lubhang interesadong magkaroon ng isang CAT scanner anupa’t isa ang binili sa pamamagitan ng pondo ng publiko. Dalawang magkalapit na mga lalawigan ng Otago at Southland ay nangilak ng $2 milyon, N.Z., ($1,200,00, U.S.) para rito, kumakatawan sa abuloy na mahigit na $6 (N.Z.) mula sa bawat lalaki, babae, at bata sa lugar na iyon. Ang aming lokal na unibersidad at ang paaralan nito sa medisina ay malaki ang nagawa upang pukawin ang interes ng madla sa makina, subalit ang mga CAT ay dumarami ngayon sa buong daigdig. Maaaring may isa nito sa malapit sa inyo.
Paano Ito Umaandar?
Ikaw ba’y nakapagpa-X-ray na? Kung gayon, marahil ay natatandaan mo pa ang pagtayo o paghiga sa isang malaki’t lapad na pohas at hindi ka kumikilos. Samantalang ginagawa mo iyon, ang di-nakikitang mga X ray ay nagdaraan sa iyong katawan at ini-expose ang isang potograpikong pohas sa likuran mo. Kung saan nakaharang ang mga buto mo, ang karamihan ng mga X ray ay hinaharang. Ang ibang mga himaymay at mga sangkap ng katawan, depende sa kanilang kapal, ay binabawasan ang dumaraang mga X ray ng iba’t ibang dami. Ang resulta ay isang malabong larawan ng kung ano ang nasa loob mo, ipinakikita ang mga buto sa kulay na puti at ang iba’t ibang himaymay at mga sangkap sa halos walong klaseng kulay abo.
Ang tradisyunal na mga X ray ay magaling sana kung ang lahat ng iyong mga buto at mga sangkap ng katawan ay nakakalat na parang displey sa istante sa isang tindahan, subalit, mangyari pa, hindi ito gayon. Ang iba ay nakakubli sa likod ng iba. Paano makukunan ng larawan ang mga ito? Hindi ito maililipat-lipat na gaya ng mga batang mag-aaral na nagpapakuha ng larawan ng buong klase. Kaya ang litratista ay dapat lumipat—ang mga X ray ay dapat kunin mula sa iba’t ibang anggulo.
Sa isang CAT scanner, ipinahihintulot ng disenyong pantasa-ng-lapis na makunan ng mga X ray ang buong katawan. Kasindami ng 700 iba’t ibang kuha sa mahigit na 250 klase ng kulay abo ay kinukuha sa isang “piraso” mo. Lahat ng larawang ito ay naglalaan ng higit na detalyadong pagtingin sa kung ano ang nasa loob mo kaysa posibleng gawin noon.
Ano ang Kaugnayan ng Computer?
Bagaman kahanga-hangang makunan ng napakaraming larawan ng X ray, ibang bagay naman na pag-ugnay-ugnayin ang lahat ng mga kuhang ito. Maguguniguni mo ba ang isang abalang seruhano na umuuwi ng bahay pagkatapos ng isang nakapapagod na araw na may dalang 700 X ray ng iyong tiyan, na asahang pag-aralan ang mga ito sa magdamag at maging handang isagawa ang isang operasyon sa iyo kinabukasan? ‘Hindi puwede,’ baka sabihin mo. ‘Ano ang gagawin niya rito?’
Ang masalimuot na pamamaraang ito ay maihahambing sa pagpapasikat ng liwanag ng plaslait sa isang baso na may lamang malamig na inumin na may kudra-kudradong yelo. Ang liwanag ay tatagos sa baso at yelo at gagawa ng isang padron sa isang iskrin sa likuran ng baso. Ngayon, ipagpalagay nang ikutin mo ang plaslait at ang iskrin sa paligid ng baso samantalang minamasdan mo ang nagbabagong padron ng liwanag at anino. Sa palagay mo kaya ay mailalarawan mo ang eksaktong hugis ng bawat kudradong yelo?
Maaaring iyan ay isang imposibleng atas para sa iyo, ngunit hindi imposible para sa isang computer. Ang impormasyong ibinibigay sa pamamagitan ng mga X ray ay kinukuha ng elektronikong mga sensor sa halip ng potograpikong mga pohas. Sa pamamagitan ng maingat na paghahambing ng mga X ray na mula sa iyo at ng pumasok na mga X ray, mailalarawan ng computer kung ano ang nasa loob mo nang magdaan ang mga X ray. Higit pa kaysa pagkilala sa mga hugis, ang computer ay napakalakas anupa’t maipakikita pa nga nito ang mga pagkakaiba sa pagitan ng normal at namuong dugo o sa pagitan ng himaymay ng utak at likido. Sa katunayan, makukuha nito kahit na ang pinakamaliit na pagkakaiba sa kapal ng himaymay na hindi pinapansin ng ordinaryong mga X ray.
Paano Ka Nakikinabang Dito?
Ang ekstrang detalye na ibinibigay ng isang CAT scan ang siyang gumagawa ritong napakapopular sa mga doktor. Maaaring matuklasan ng isang CAT scan ang isang maliit at malambot na himaymay ng tumor na maaaring hindi makita sa isang ordinaryong X ray—at sa paggawa nito ay mailigtas ang isang buhay. Ang CAT scan ay popular din sa mga pasyente na pipiliin pang “mahiwa” sa elektronikong paraan kaysa maoperahan. Maaari nilang alisin ang maraming panganib ng tinatawag na exploratory surgery, pati na ang lahat ng di kanais-nais na bagay at mga komplikasyon nito. Samakatuwid, maaaring hilingin niyaong mga umiiwas sa operasyon mula sa kanilang mga doktor kung magagawa ba ito ng isang CAT scan kaysa maopera.
Kahit na kung hindi maiiwasan ang operasyon, ang CAT scan ay maaaring makatulong. Binanggit ng tagapamanihala at propesor ng Department of Radiology sa paaralang pangmedisina ng isang unibersidad na magagawa ng CAT scanner na maging tuwiran ang operasyon sa pagbibigay sa mga seruhano ng detalyadong impormasyon sa kung ano ang masusumpungan nila sa loob mo. “Pinadadali ito ng scanner para sa kanila,” sabi niya, na malaking bentaha kapuwa sa doktor at sa pasyente.
Gayumpaman, ang mga CAT scanner ay may kaniyang mga limitasyon. Bagaman maaaring matuklasan ng mga CAT scan ang maraming problema, kadalasan ay sa maaga’t maaari pang gamuting yugto, hindi ito nakagagamot. Bagaman maaari nitong palitan ang maraming di-komportable, at kung minsa’y mapanganib, na pagsisiyasat na pamamaraan, ang mga ito ay hindi laging kahalili para sa operasyon. Hindi ka dapat magtungo sa iyong doktor at humiling ng isang CAT scan tuwing masakit ang ulo mo. Tandaan na ang lahat ng X ray ay nagdadala ng bahagya subalit masusukat na panganib sa kalusugan at hindi dapat kunin nang walang mabuting medikal na dahilan. Sa kabilang dako, kung inirerekomenda ng iyong doktor ang isang CAT scan, magalak ka na ang kahanga-hangang teknolohiyang ito ay magagamit upang maglingkod sa iyo.
[Larawan sa pahina 26]
Pagpasok sa CAT scanner
[Credit Line]
Camerique/H. Armstrong Roberts