Pagmamasid sa Daigdig
RELASYON NG KLERO SA MGA MIYEMBRO NG PAROKYA
Nasumpungan ng apat-na-taóng pag-aaral sa gitna ng mga klero na 1 sa bawat 10 ministro ng parokya ay umaamin na “nagkaroon ng relasyon sa isang miyembro ng kaniyang kongregasyon,” ulat ng Ecumenical Press Service (ang tagapaghatid balita ng World Council of Churches). Sang-ayon kay Propesor Karen Lebacqz, isang mananaliksik sa pag-aaral, ipinaliwanag ng mga klero na “ang masyadong malapit na mga kalagayan sa pagpapayo ay umakay sa seksuwal na mga kaugnayan.” Kaya, siya’y nagpapayo na ang mga klero ay magpayo sa araw, sa isang tanggapan. Sa gayong paraan, sabi ni Propesor Lebacqz, ‘mababawasan ang ilang tukso na masangkot sa seksuwal na gawain.’ Isa pa, isunusog pa niya na ‘ang mga sesyon sa pagpapayo na nagsasangkot sa mahigit na isang miyembro ng pamilya ay maaari ring makatulong.’
ANG AIDS AY KUMAKALAT PASILANGAN
Sa pagbubukas ng mga hangganan sa pagitan ng Silangan at Kanlurang Europa, ang mga kalagayan para sa paglaganap ng AIDS sa Silangang Europa ay handa na, babala ng direktor ng programa para sa AIDS ng World Health Organization. “Hindi mo maaasahang igagalang ng sakit ang pambansang mga hangganan, at ang pagparoo’t parito ng mga tao ay magpapalabo sa mga hangganan,” sabi niya. Tinataya niya na 500,000 mga Europeong taga-Kanluran ang ngayo’y nagdadala ng virus ng AIDS, at na sa pagitan ng 10,000 at 30,000 Europeong taga-Silangan ang maaaring nahawaan na ng nakamamatay na virus. Kabilang dito ang daan-daang mga batang taga-Romania na nahawa sa pamamagitan ng di-malinis na mga hiringgilya at sa pagsasalin ng nahawaang dugo. Sang-ayon sa International Herald Tribune ng Paris, sinasabi ngayon ng mga doktor na mahigit na 95 porsiyento niyaong mga tumanggap ng pagsasalin ng dugo na nahawaan ng AIDS ay mahahawaan ng virus ng AIDS.
MATATALINONG SANGGOL
Ang mga siyentipiko ay nagiging mas sanay sa pagtiyak sa mga kakayahan ng bagong silang, na “humahantong sa pagkilala sa bagong-silang na sanggol bilang isang ‘may kakayahang sanggol,’ ” ulat ng The Times, isang pahayagan sa London. “Salungat sa paniniwala, ang mga sanggol ay ipinanganganak na may mataas na antas ng talino.” Agad na kinikilala ng mga bagong silang ang kanilang nakikita. Isa sa mga mananaliksik, si Dr. Alan Slater, ng Exeter University, ay nagsasabi: “Maaaring matutuhan ng mga sanggol ang tungkol sa daigdig mula sa kanilang pagsilang. Nakikilala ng bagong silang na sanggol ang ina nito at ang iba pa sa pamamagitan ng paningin, tunog at amoy. Ipinakikita rin ng katibayan ang maraming natutuhan sa loob ng bahay-bata.” Binabanggit ng The Times na maraming internasyonal na mga imbestigasyon ay nagpapakita na ang mga sanggol “ay hindi lamang basta isang bungkos ng mga repleksong naghihintay na pakanin” at na sa napakaagang gulang, ang mga sanggol ay maaaring magsagawa ng isang atas sa pamamagitan ng pagpaplano sa halip na sa pamamagitan ng pagsubok.
POLUSYON SA GANGES
Sa mga Hindu, ang 2,400-kilometrong-haba ng Ganges ang pinakasagradong ilog sa India. Sa bawat taon libu-libong mga bangkay ang sinusunog sa kahabaan ng pampang sa mga pansigang kahoy, at ang mga abo ay ritwal na inihahagis sa ilog. Subalit dahil sa kakulangan ng kahoy at pera, sampu-sampung libong bahagyang nasunog na mga bangkay ang ngayo’y itinatapon sa tubig. Ang mga bangkay na ito, pati na ang di-mabilang na mga patay na hayop, ay nagdadala ng malubhang panganib sa kalusugan. Isang reporter sa Delhi para sa The Times ng London ang sumulat: “Ang namamagang mga bangkay, na inuupuan ng mga buwitre, ay lumulutang-lutang habang ang mga Hindung peregrino ay nagwiwisik at naglalaro sa marumi at sagradong tubig.” Sa pagsisikap na malunasan ang krisis, ang pamahalaang Uttar Pradesh ay nangangalaga at nagpaparami ng mga pagong na kumakain ng karne na katutubo sa ilog. “Ang batang [mga pagong] ay nagsisimulang kumain ng maliliit na bulok na bangkay at isda. Unti-unting kakanin nila ang mga bangkay,” sabi ng hepe ng mga warden ng wildlife. Subalit, aniya, hindi nila isasapanganib ang mga manlalangoy.
MGA BARKADA SA PAMANTASAN
Mga barkada ng mga kabataang nasasandatahan ng mga baril, kutsilyo, palakol, at mga asido pa nga upang ihagis sa kanilang mga biktima—ito’y maaaring magtinging isang masamang panaginip mula sa isang magulong lugar sa lungsod, subalit hindi gayon. Sang-ayon sa magasing Newswatch sa Nigeria, maraming miyembro ng mga barkadang ito ay mga estudyante sa kolehiyo at mula sa mayayamang pamilya at “sinasalakay ang sistema ng pamantasan sa Nigeria.” Binabanggit ng magasin na ang mga barkadang ito ay nauugnay sa mga fraternity ng kolehiyo at na ang ilan ay nagsasagawa ng pambihira at tulad-kultong mga ritwal. Ang mga opisyal ng pamantasan ay nagpaparatang na ang mga estudyanteng miyembro ng barkada ay nag-aakala na sila’y nakahihigit sa batas dahil sa kanilang katayuan sa lipunan.
NAGLALAHONG MGA LATIAN
Ang Canada ay may halos sangkapat ng mga latian ng daigdig. Gayunman, “sa kabila ng lumalaking kabatiran na ang mga latian ng Canada ay isang mahalagang bahagi ng kapaligiran,” ang mga ito’y mabilis na naglalaho, ayon sa report sa The Globe and Mail ng Toronto. Ang mga patakarang pang-agrikultura at ekonomiya ay humikayat sa mga magsasaka na tambakan ang mga latian upang dumami ang produksiyon. Gayunman, ang mga latian ay higit pa sa basta tirahan ng mga maiilap na hayop at pananim. Ang mga ito’y nagsisilbing mga panala sa polusyon ng tubig at panangga laban sa pagguho ng lupa, at ito’y maaari pa ngang may positibong epekto sa panahon. Ang mga latian ay sinasabing nakatutulong upang magkaroon ng mas maraming ulan.
ANG SALOT NG COCAINE
Yaong mga nag-aakalang ang bilang ng lingguhang gumagamit ng cocaine sa Estados Unidos ay lubha nang mataas sa isang opisyal na tantiya na 860,000 ay nagulat noong Mayo 1990. Sinasabi ng isang report ng Senado ng E.U. na ang aktuwal na bilang ay malapit sa 2.2 milyon. Nangangahulugan iyan ng halos 1 sa 100 Amerikano ang kabilang sa ‘sugapa sa matapang na cocaine,’ isang marka na ikinakapit ng report ng mga mananaliksik sa mga gumagamit ng cocaine minsan sa isang linggo. Ang Estado ng New York, ayon sa report, ang nangunguna sa listahan na may 1 sa bawat 40 katao na madalas gumamit ng cocaine. Kasama sa bilang na ito yaong mga gumagamit ng matapang na cocaine na tinatawag na “crack.”
NAHUHUMALING SA PLASTIK
“Ang mga taga-Canada ay nahuhumaling sa plastik,” sabi ng The Toronto Star, isang pahayagan sa Canada. Tinukoy ng Star ang hindi nagbabagong pagdami ng mga transaksiyon ng credit card sa Canada bilang isang “pagkahumaling sa utang.” “Halos kalahati ng lahat ng mga taga-Canada ay hindi binabayaran ang kanilang utang sa credit card nang nasa panahon upang maiwasan ang malalaking patubo,” na mula 20 hanggang 29 na porsiyento. Ang mga patubong iyon ay nagkakahalaga sa mga taga-Canada ng halos isang libong milyong dolyar sa isang taon. “Nagkakaroon ng problema kapag ang mga tao ay hindi makatotohanan tungkol sa kung ano ang kaya nila. . . . Ang ibang tao ay nababaon sa utang sapagkat sila’y bili nang bili upang maging mabuti ang kanilang pakiramdam,” sabi ng Star. Karaniwang inirerekomenda ng direktor na nagpapayo sa mga nangungutang sa Toronto na ang gayong mga bili nang bili ay “humingi ng tulong ng isang sikologo.”
MGA TRANSEKSUWAL SA ALEMANYA
“Mayroong sa pagitan ng 30,000 at 50,000 transeksuwal sa Pederal na Republika ng Alemanya, subalit ang tunay na bilang ay hindi pa alam at maaaring mas mataas pa,” ulat ng pahayagang Aleman na Bremer Nachrichten kamakailan. Ang mga transeksuwal, yaong mga lalaki na nais maging babae o mga babae na nais maging lalaki, ay kadalasang pinipili ang operasyon upang makamit nila ang kanilang tunguhin. Ang paghihintay para sa gayong operasyon sa isang ospital na Aleman ay mahigit na isang taon. Binanggit din ng Bremer Nachrichten na “malaking” bilang ng mga transeksuwal na ito ay mga babaing nais maging lalaki. Bagaman nakakaharap ng mga babae ang mas nakikita (at di-malulutas) na mga hadlang sa operasyon, nakakaharap din ng mga lalaki ang mga problema. Ang kanilang mga balbas ay karaniwang patuloy na tumutubo sa kabila ng operasyon at mga paggamot sa hormone, na nangangailangan ng mga taon ng masakit na mga paraan ng pag-alis ng buhok.
KARAPATAN NG MGA GUMAGALA
Ang sinaunang mga daanan ng tao na umaakit sa mga tao na gumala sa paliku-likong bukirin, batong pader, at mga parang sa lalawigan ng Inglatera ang tuunan ng lumalaking labanan sa pagitan ng mga naglalakad at ng mga may-ari ng lupa. Itinuturing na isang karaniwang pribilehiyo sa loob ng mga dantaon, ang pagdaan sa pribadong mga lupa sa mga daanan ng tao ay naging isang ipinaglabang karapatan sa Inglatera noon pang 1930’s nang harangan ng mga magsasaka ang mga daanan ng tao na bumabagtas sa kanilang lupa. Ang mga gumagala ay nagpangkat at sama-samang nagprotesta, at pormal na mga batas ay ipinasa upang pangalagaan ang kanilang karapatang gumala. Subalit ang labanan ay nagpapatuloy. Ngayon, tinataya ng gobyerno na dalawang-katlo ng 174,000 kilometrong daanan ng tao sa Inglatera ay hinarangan ng mga alambreng may tinik at mga pananim. Ang Ramblers’ Association ay nag-empleo ng ‘mga kalihim sa daanan ng tao’ upang ibunyag ang gayong mga paglabag. Ang mga magsasaka, sa kanilang bahagi, ay nagrereklamo na ang mga gumagala ay nanghihimasok sa kanilang pribadong buhay, ginugulo ang mga hayupan, at sinisira ang mga pananim.