Pagmamasid sa Daigdig
ANG PINAKAMAGALING NA GATAS
Ipinakikita ng isang pag-aaral kamakailan tungkol sa mga ina at sa kanilang bagong silang na mga sanggol na taga-Scotland na ang nutrisyunal na halaga ng gatas ng ina at ang proteksiyong ibinibigay nito ay hindi matutularan ng komersiyal na mga gatas. Ang pag-aaral na inilathala sa Le Figaro, isang pahayagang Pranses, ay nagpapakita na ang mga sanggol na pinasuso sa ina sa loob ng 13 linggo o higit pa ay mayroong mas kaunting impeksiyon sa unang taon ng kanilang buhay kaysa roon sa inawat bago ang 13 linggo o pinasuso ng gatas sa bote mula sa pagsilang. Ang gatas ng ina ay mabuti sa pag-anyo ng isang uri ng baktirya na humahadlang sa pagdami ng nakapipinsalang baktirya sa bituka ng sanggol. Ang masalimuot na kayarian ng gatas ng ina ay nagbabago rin sa araw-araw ayon sa edad at pangangailangan ng sanggol, ipinahihintulot pa ngang ang sumususong sanggol ay makibagay sa pagbabago ng panahon. Sabi ng Le Figaro: “Ito’y walang kaparis.”
MGA OBISPONG WALANG SILBI
Ipinahayag kamakailan ng Pambansang Komperensiya ng mga Obispong Katoliko sa Estados Unidos ang mga balak nito na gamitin ang paglilingkod ng isang internasyonal na public-relations na kompaniya. Ang tunguhin nito, ayon sa National Catholic Reporter, ay “ilako ang mensaheng moral na hindi masabi ng mga obispo mismo.” Ang usaping pinag-uusapan ay ang katayuan ng simbahan tungkol sa aborsiyon, na hindi pinaniniwalaan ng maraming Katoliko. Binabanggit ng National Catholic Reporter na “taglay ang 342 obispo, 53,000 pari, 20,000 parokya, 100,000 relihiyosang mga babae, mahigit na 230 mga kolehiyo at pamantasang Katoliko, 7,000 mga paaralang paroko at mahigit na 50 milyong karaniwang tao—hindi pa rin mahikayat ng mga obispo ng E.U. ang mga tao na ang aborsiyon ay dapat ipagbawal.”
“MALING MGA PAGPAPAHALAGA”
Sa gulang ng 22 anyos, si Boris Becker ay isa sa nangungunang manlalaro ng tenis sa daigdig; siya rin ang isa sa pinakamayaman—na may ari-ariang tinatayang $75 milyon (U.S.). Ang kaniyang yaman ay naitayo sa pagwawagi ng mga laro ng tenis. Gayunman, ang batang manlalarong Aleman ay naniniwalang siya ay labis-labis na binabayaran: “Ito’y isang biro kung iisipin mo—kung gaano kalaki ang nakukuha ko sa basta pagpalo sa bola ng tenis sa kabila ng net.” Ayon sa Parade Magazine, sinabi niya na sa lipunan ngayon “napakaraming pera anupa’t wala sanang dapat magutom o walang tirahan. Ang mga tao ay nagbibigay ng labis na atensiyon sa maling mga pagpapahalaga.”
PLATINONG NOBYA
Ang platino ay mas mahalaga kaysa ginto at bilang isang puhunang paninda, ito ay labis na pinakahahangad. Sang-ayon sa The Times ng London, sa isang promosyunal na pagtatanghal ng Platinum 1990, isang taunang pagsusuring muli sa industriya, isang damit pangkasal na yari sa platino ang ipinakita sa madla. Ang damit ay dinisenyo at ginawa sa Hapón sa halagang £300,000 ($500,000, U.S.). Pagkaninipis na foil ng platino, na sinapinan ng papel de Hapón, ay ginupit sa 0.33-milimetrong mga pilas para sa paghabi. Kabilang sa mahigpit na mga tagubilin buhat sa Hapón ay nagsasabi: “Mahigpit na ipinagbabawal ang pagplantsa sa damit.”
MGA GUSALING YUMAYANIG
Sang-ayon sa pahayagan sa Tokyo na Asahi Shimbun, maraming residente sa lungsod ng Kawasaki, Hapón, ang nababahala sa inaakala nilang sunud-sunod na mga pagyanig ng lindol. “May mga panahon na nadarama naming ang pagyanig ay maaaring umabot ng 5 sa seismikong sukatan,” sabi ng isang may-ari ng tindahan ng sushi. Ang tubig buhat sa tangke kung saan nakalagay ang mga isda para sa sushi ay sumasaboy sa mga parokyano. Inimbestiga ng Environmental Protection Bureau ng lungsod ng Kawasaki ang bagay na ito at nasumpungan ang pinakasentro—isang bagong bukás na bulwagan para sa mga konsiyertong rock. “Ang sanhi ng mga pagyanig,” ulat ng Asahi Shimbun, ay “ang sabay-sabay na pagtalon ng mga tagahanga ng rock sa saliw ng musika.” Ang gawang-taong “mga lindol” ay nadama sa kabilugan ng 250 metro ng bulwagang pangkonsiyerto.
AIDS SA TSINA
“Isang nakalulungkot na katotohanan na ang virus ng AIDS ay lumitaw na sa Tsina,” sabi ng magasing China Today. Oo, ang napakalawak na lupaing ito ay naparagdag sa mahabang listahan ng mga bansang apektado ng AIDS. Sinabi pa ng magasin na “sa Tsina, ang siyentipiko at medikal na mga pagsisikap upang sawatain ang AIDS ay naging kaalinsabay ng mga pagsisikap na palisin ang pangit na palatandaang panlipunan na maaaring humantong sa pagkakaroon ng sakit—pornograpya, prostitusyon, pag-abuso sa droga at iba pa.” Ang ibang mga biktima ay nahawa sa pamamagitan ng pagsasaksak ng mga produktong dugo. Kaya naman, sa pagsisikap na pabagalin ang paglaganap ng AIDS, sapol noong 1984 ang pamahalaang Intsik ay nagtakda sa pag-aangkat ng plasma ng dugo.
MGA ETIKA SA NEGOSYO SA HINAHARAP
Ipinakikita ng isang pag-aaral na isinagawa sa 1,100 estudyante sa ibayo ng Europa na ang daigdig ng negosyo sa hinaharap ay maaaring nasa ilalim ng pangangasiwa ng “isang bagong lahi ng mga binata at dalaga, progresibo, mahilig sa pakinabang at hindi laging ginagabayan ng matinong etika,” sang-ayon sa pahayagang Aleman na Wiesbadener Tagblatt. Sinabi pa ng pahayagan na may malinaw na hilig na isakripisyo ang mabuting etika sa negosyo sa paghahangad ng tagumpay. Mahigit na 70 porsiyento niyaong mga tinanong ay nagsabi na ang etika ay may kaunti o walang dako sa negosyo.
PUMAPATAY NA MGA MIKROBYO
“Salungat sa malaganap na impresyon, ang pulmunya ay hindi naglaho bilang isang mamamatay-tao pagkaraang ipakilala ang mga antibiotic. Nananatili itong pinakakaraniwang sanhi ng kamatayan dahil sa mga impeksiyon at ang ikaanim sa nangungunang pumapatay ng mga Amerikano,” ulat ng The New York Times. Bagaman lubhang nabawasan ng maraming modernong mga hakbang na pangkalusugan, gaya ng mga antibiotic at mga bakuna, ang pagkakaroon ng impeksiyon dahil sa baktirya, ang gayong mga hakbang “ay hindi laging maaasahan bilang huling-sandaling kaligtasan, lalo na kung ang mga mikrobyo ay kalat na sa katawan.” Sinabi pa ng Times na “sa tinatayang 500 nakahahawang sakit, walang mabisang paggamot ang umiiral para sa mga 200.”
MGA KATOLIKO AT ANG BIBLIYA
Inamin ng isang pari sa parokya sa Sydney, Australia, sa publiko na ang mga Katoliko ay tradisyunal na may kaunting kaalaman tungkol sa Bibliya, sang-ayon sa Daily Mirror ng Sydney. Upang lunasan ang kakulangang ito ng kaalaman sa Bibliya, naipasiya ng Iglesya Katolika na mag-alok ng mga kurso sa Bibliya sa sampung sentro sa labas ng bayan sa buong lungsod ng Sydney. Ang binabalak na kurso ay sasaklaw ng apat na limang-linggong takdang panahon, at sila’y umaasang mga 2,000 ang magpapatala. Ang Daily Mirror ay nagkomento na ang Iglesya Katolika at ang Bibliya “ay hindi magkasuwato para sa maraming mananamba” kaya angkop na angkop na pinamagatan nito ang artikulo nito na: “Balik sa Pasimula para sa mga Tapat.”
ALKOHOLISMO AT GENETIKS
Sa isang siyentipikong pag-aaral kamakailan na iniulat sa The Journal of the American Medical Association, sinasabing naituro na ng mga siyentipiko ang isang gene na naglalagay sa mga tao sa panganib na maging mga alkoholiko. Gayunman, ang mga siyentipiko ay nagbabala na walang iisang gene ang umaakay sa alkoholismo. Ang pangulo ng pangkat na nagsasaliksik ay nagsabi: “Ang mabait na Panginoon ay hindi gumawa ng isang alkoholikong gene, subalit isa na wari bang nasasangkot sa mga paggawi na naghahanap-kasiyahan.” Bagkus, “ang ibang taong pinag-aralan nila na may ganitong gene ay hindi naging mga alkoholiko, samantalang yaong walang ganitong gene ay naging mga alkoholiko, sabi [ng mga mananaliksik]. Ang mga salik na panlipunan at pangkultura ay maaaring siyang nagpapahirap sa maraming alkoholiko na hindi naman madaling tablan nito sa genetikong paraan.”
KAIGTINGAN SA MGA BATA
Ang mga bata ay tinatablan din ng labis-labis na kaigtingan. Ang magasin sa Brazil na Superinteressante ay nag-uulat na sang-ayon sa World Health Organization, “isa sa bawat limang bata sa Kanluraning daigdig ay maigting.” Ang pinakakaraniwang sanhi na itinala para sa kaigtingan sa mga bata ay ang “paghihiwalay ng mga magulang at ang sobrang gawain sa paaralan.” Sinisipi ng magasin si Francisco De Fiore, isang propesor ng pediatrics sa University of São Paulo na nagpapaliwanag na “ang mga suliraning cardiovascular ay hindi nakikita sa mga bata yamang nakakayanan pa ng lumalaki-pang puso ang labis na kaigtingan. Gayunman, hindi ganito ang kalagayan sa sikmura at sa imyunolohikal na sistema. Kaya, ang kaigtingan sa mga bata ay karaniwang kasingkahulugan ng mahinang panunaw, madalas na sipon, at lahat ng klase ng alerdyi.”
MORAL NG KLERO
Sang-ayon sa The Toronto Star, ang archidiocesis ng Iglesya Romano Katoliko sa Ottawa, Canada ay hiniling ng hukuman kamakailan na magbayad ng $150,000 dahil sa hindi pagkilos sa isang demanda laban sa isa sa mga pari nito. Ang pari ay pinaratangan ng seksuwal na pag-abuso sa mga batang lalaki. Ang mga pamilya ng mga biktima “ay naudyukang humanap ng lunas sibil sapagkat, nang magtungo sa simbahan upang humingi ng tulong pagkatapos ng mga pagsalakay, sila’y itinaboy ng mga opisyal ng simbahan, pati na ng arsobispo,” sabi ng isang abugado. Sang-ayon sa Star, isang abugado ang nagsabi na nang matuklasan ng mga opisyal ng Iglesya Katolika ang tungkol sa mga demanda dahil sa pag-abuso sa mga bata, sa makasaysayang paraan ay itinago nila ang mga pari sa klero. Sabi niya: “Sa halip na isuplong sila sa pulisya o paalisin sila mula roon gaya ng iba pang institusyon, dahil sa katapatan sa kanilang sarili, basta nila lihim na inilipat ang mga ito.”